Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 2: Sino Ako?


Kabanata 2

Sino Ako?

Paano nakatutulong sa pagtanggap natin ng buhay na walang hanggan ang kaalaman kung sino tayo?

Pambungad

“Isang araw ay lumapit ang isang batang guro sa Panlinggong Paaralan upang itanong ang isang tanong mula sa kanyang klase noong nagdaang Linggo,” sabi ni Pangulong Harold B. Lee sa kongregasyon ng mga Banal. “Ipinaliwanag niya na pinaguusapan nila ang tungkol sa buhay bago ang buhay na ito, ang buhay dito sa lupa, at ang kabilang buhay, at nagtanong ang isang batang estudyante ng Panlinggong Paaralan, “Ang buhay bago ang buhay na ito ay nagwakas nang isilang tayo sa mundo; ang buhay na ito’y nagwawakas kapag dumanas tayo ng mortal na kamatayan; ano naman ang magiging katapusan ng kabilang buhay? Kalilimutan na lamang ba iyon?” Sumagot ang batang guro ng Panlinggong Paaralan, ‘Wala akong maisasagot diyan.’

“Dahil dito napansin kong may kaluwagan ang gamit nating mga salita kapag binabanggit natin ang ‘buhay bago ang buhay na ito, ang buhay dito sa lupa, at ang kabilang buhay,’ kaya tila pusa tayo na siyam ang buhay, samantalang ang katotohanan, iisa lang naman ang ating buhay. Ang buhay na ito na pinag-uusapan natin ay hindi nagsimula sa mortal na pagsilang. Ang buhay na ito’y hindi nagwawakas sa mortal na kamatayan. May bagay na hindi nalilikha o nagagawa. Tinawag ito ng mga Banal na Kasulatan na ‘katalinuhan,’ na sa partikular na kalagayan sa buhay bago ang buhay na ito ay binuo at naging isang ‘espiritu.’ Nang marating ng espiritung iyon ang partikular na laki binigyan iyon ng pagkakataon ng matalinong Ama na makapunta sa isa pang kalagayan para sa pag-unlad nito. Ito ay nadagdagan, at matapos mamuhay sa mundo at makamtan ang layunin nito sa mor talidad, may isa pang pagbabagong naganap. Pumupunta tayo, hindi naman talagang sa isa pang buhay, kundi sa isa pang kalagayan ng buhay ding ito. May bagay na hindi nilikha o ginawa, at isang bagay na di-namamatay, at ang bagay na iyon ay mabubuhay magpakailanman.”1

Tinatalakay ng kabanatang ito ang ating walang hanggang kasarinlan at kung paano nakaaapekto sa ating buhay ang ating kaalaman sa kasarinlang ito.

Mga Turo ni Harold B. Lee

Paano tayo napagpapala ng kaalaman na tayo ay mga espiritung anak ng Ama sa Langit?

Sino tayo?… Isinulat ni Apostol Pablo: “Bukod dito, tayo’y nangagkaroon ng mga ama ng ating laman upang tayo’y parusahan, at sila’y ating iginagalang: hindi baga lalong tayo’y pasasakop sa Ama ng mga espiritu, at tayo’y mabubuhay?” [Hebreo 12:9] na nagmumungkahi na lahat ng nabubuhay sa lupa na may mga ama sa laman ay mayroon ding ama sa kanilang mga espiritu. … Kina Moises at Aaron…sinabi ng Panginoon, “Humiwalay kayo sa gitna ng kapisanang ito, upang aking lipulin sila sa isang sangdali.” Nagalit Siya sa masasamang tao, ngunit nagpatirapa sina Moises at Aaron at nagsabing, “Oh Dios, na Dios ng mga diwa ng lahat ng laman, sa pagkakasala ba ng isang tao ay magagalit ka sa buong kapisanan?” [Mga Bilang 16:21–22.] Napansin ba ninyo kung ano ang tawag nila sa Kanya? Ang Diyos ng mga diwa ng lahat ng laman. …

Ang isa sa mga pinakamatandang banal na kasulatan natin ay natanggap natin sa mahimalang paraan—tinatawag natin itong Mahalagang Perlas. Ang isa sa mga dakilang aklat ng mahalagang banal na kasulatang iyan ay kilala bilang aklat ni Abraham. Sa aklat na iyan…natin ito matatagpuan:

“Ngayon ipinakita ng Panginoon sa akin, si Abraham, ang mga katalinuhang binuo bago pa ang mundo; at sa lahat ng ito ay marami ang marangal at dakila;

“At nakita ng Diyos ang mga kaluluwang ito na sila ay mabubuti, at siya ay tumayo sa gitna nila, at kanyang sinabi: Ang mga ito ang gagawin kong mga tagapamahala; sapagkat siya ay nakatayo sa mga espiritung yaon, at kanyang nakita na sila ay mabubuti; at kanyang sinabi sa akin: Abraham, isa ka sa kanila; ikaw ay pinili bago ka pa man isinilang.

“At may isang nakatayo sa kanila na tulad ng Diyos, at kanyang sinabi sa mga yaong kasama niya: Bababa tayo, sapagkat may puwang doon, at tayo ay magdadala ng mga sangkap na ito, at tayo ay lilikha ng mundo kung saan sila makapaninirahan;

“At susubukin natin sila upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos;

“At sila na mga nakapanatili sa kanilang unang kalagayan ay madaragdagan; at sila na mga hindi nakapanatili sa kanilang unang kalagayan ay hindi magtatamo ng kaluwalhatian sa yaon ding kaharian na kasama ng mga yaong nakapanatili sa kanilang unang kalagayan; at sila na mga nakapanatili sa kanilang ikalawang kalagayan ay magtatamo ng kaluwalhatiang idaragdag sa kanilang mga ulo magpakailanman at walang katapusan.” [Abraham 3:22–26.]

May ilang mahahalagang katotohanan na matatagpuan sa banal na kasulatang iyan. Una sa lahat, kaunti lamang ang alam natin, alaala lamang ng kung ano ang espiritu. Ang espiritu, narinig ba ninyong sinabi ni Abraham, ay binuong katalinuhan. Ito ang unang panimula sa ating pang-unawa ng kung ano ang espiritu. Ito ay isang binuong katalinuhan na namuhay bilang espiritu bago pa nilalang ang daigdig na ito. Ngayon ano naman ang hitsura ng espiritu? Anong uri ng ideya ang mayroon kayo tungkol sa espiritung iyon? Mangyari pa, nagbigay ang Panginoon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, ng inspiradong sagot, na ang bahagi ay mababasa nang ganito: “Na siyang espirituwal sa anyo ng yaong temporal; at yaong temporal sa anyo ng yaong espirituwal.” Ngayon makinig, “ang espiritu ng tao sa anyo ng kanyang katauhan, at gayun din ang espiritu ng hayop, at ng lahat ng iba pang kinapal na nilalang ng Diyos.” [D at T 77:2.]

Ngayon naman, nakikita ninyo ako dito bilang pisikal na taong husto na sa kaisipan. May bahagi ang aking pagkatao na hindi nakikita ng inyong pisikal na mga mata—ang espirituwal na bahagi ng aking pagkatao na nakakakita sa pamamagitan ng aking mga mata at nagbibigay sa akin ng lakas upang gumalaw, at nagbibigay sa akin ng dunong at katalinuhan. …

Iyan ngayon ang unang katotohanan na ating natutuhan—na mayroong binuong katalinuhan na tinawag na…espiritu. Dito ang Panginoon [Jehova], na dakila at bantog na espiritu na tulad ng Diyos [ang Ama], ay nagpunta sa mga binuong katalinuhan na tinatawag na mga espiritu, at sinabi Niya sa kanila, Lilikha tayo ng mundo kung saan kayo makapananahanan bilang mga espiritu, at kayong mamumuhay nang karapat-dapat dito sa daigdig ng mga espiritu ay maaaring manaog sa lupa at madaragdagan. Kaya ang mga espiritu na napanatili ang kanilang pananampalataya, na masasabi kong naging karapat-dapat, ay pinayagang manaog sa lupa at idinagdag sa kanilang espirituwal na katawan ang katawang pisikal dito sa lupa. … Ang katunayan na narito tayo sa mundo na may katawang pisikal ay ebidensiya na kabilang tayo sa mga nakapagpanatili ng ating unang kalagayan; naipasa natin ang pagsusulit at pinayagan tayong pumarito. Kung hindi tayo nakapasa hindi tayo mapupunta rito; maaaring naroon tayo sa ibaba kasama si Satanas na nagsisikap na tuksuhin ang mga taong nagkaroon ng katawan. …

Bakit kailangan tayong maging matapat upang makumpleto ang ating misyon sa lupa na inordena noon pa?

Sa pagkakaroon ng kaalaman ng ating kasarinlan sa buhay bago ang buhay na ito, kung sino tayo—mga anak ng isang Diyos bago pa nalikha ang mundo, na siyang Ama ng espiritu ng lahat ng tao na nabubuhay sa laman dito sa mundo—handa na tayong magpatuloy sa susunod na sagot sa katanungan. Sa binasa ko sa inyo mula sa aklat ni Abraham sa ika-23 talata ay narinig ninyong sinasabihan si Abraham na inordenan o hinirang siya bago pa siya isinilang. Iniisip ko kung naisip ninyo iyon. Gayundin ang sinabi kay Moises. …

“At nananawagan sa pangalan ng Diyos, namasdan niyang [ni Moises] muli ang kanyang kaluwalhatian, sapagkat ito ay napasakanya; at siya ay nakarinig ng isang tinig, sinasabing: Pinagpala ka, Moises, sapagkat ako, ang Pinakamakapangyarihan, ay pinili ka, at ikaw ay palalakasin kaysa sa maraming tubig; sapagkat kanilang susundin ang iyong utos na tila baga ikaw ang Diyos.” [Moises 1:25.] Iyon ang kanyang magiging misyon upang maging dakila at makapangyarihang pinuno. Gayundin kay Jeremias, sinabi ng Panginoon, “Bago kita inanyuan sa tiyan ay nakilala kita, at bago ka lumabas sa bahay-bata ay pinapaging banal kita; inihalal kitang propeta sa mga bansa.” [Jeremias 1:5.] Si Joseph Smith, sa pagliliwanag dito, ay nagsabi sa atin: “Bawat tao na tinawag upang mangasiwa sa mga naninirahan sa mundo ay inordena sa layuning iyon sa Dakilang Kapulungan sa langit bago pa nilikha ang mundong ito.” Pagkatapos ay sinabi niya, “Sa palagay ko’y inordena ako sa katungkulang ito sa Dakilang Kapulungang iyon.” [History of the Church, 6:364.]

Narito ang isang pagbabanta. Sa kabila ng pagtawag na iyon, inilagay ito ng Panginoon sa isipan ng Propetang Joseph Smith at isinulat niya ito…, “Masdan, marami ang tinawag, subalit iilan ang napili.” Sa madaling salita,… dahil maaari tayong pumili dito, marami ang inordena noon pa sa dakilang gawain na hindi gaanong nakapaghanda ng kanilang sarili sa gagawin nila dito. Ngayon sabi niya, “At bakit sila hindi napili?” Sa gayon ay nagbigay siya ng dalawang dahilan kung bakit nabibigo ang mga tao sa kanilang pagkahirang. Una, “sapagkat ang kanilang mga puso ay labis na nakatuon sa mga bagay ng daigdig na ito,” at pangalawa, sila ay “naghahangad ng mga parangal ng tao, kaya hindi nila natutuhan ang isang aral na ito—Na ang mga karapatan ng pagkasaserdote ay may di mapaghihiwalay na kaugnayan sa mga kapangyarihan ng langit.” [D at T 121:34–36.]2

Huwag ninyong ipagkamali na ang gayong pagtawag at gayong pag-oordena noon pa ang magsasabi kung ano ang kailangan ninyong gawin. Isang propeta sa kanluraning kontinenteng ito ang malinaw na nagsalita tungkol sa paksang ito: “Tinawag at inihanda mula pa sa pagkakatatag ng daigdig alinsunod sa kaalaman ng Diyos sa mula’t mula pa, dahil sa kanilang labis na pananampalataya at mabubuting gawa; sa simula pa ay hinayaang mamili sa mabuti o masama.” (Alma 13:3.)… Maaaring tumawag at pumili ang Diyos ng mga tao sa daigdig ng mga espiritu o sa kanilang unang kalagayan upang gawin ang partikular na gawain, ngunit ang pagtanggap nila dito sa katungku lang iyon at pagganap na mabuti sa pamamagitan ng matapat na paglilingkod at mabubuting gawa habang nasa mortalidad ay kanilang karapatan at pribilehiyo upang magamit ang kanilang kalayaan sa pagpili ng mabuti o masama.3

Paano nakaiimpluwensiya sa ating paggamit ng kalayaan sa pagpili ang pagkakaalam kung sino tayo?

Ano pa ang sinabi tungkol sa kung sino tayo? Malaya tayong pumili at iniisip ng ilang tao na malaya ding gawin ang nais natin, ngunit tila hindi iyan tumpak. Totoong may kalayaan tayong pumili, ngunit hayaan ninyong basahin ko sa inyo ang tungkol diyan. Markahan nga ninyo ang 2 Nephi, ika-2 kabanata, mga talata 15–16. Sinasabi ko sa inyo na sa palagay ko ay malaking pakikipagsapalaran ang ginawa ng ating Ama sa pagpapadala sa atin dito na taglay ang pribilehiyong makapili. Ngayon upang makapili tayo at sa gayo’y tanggapin ang ating mga walang hanggang gantimpala, may isang bagay na nangyari sa atin. Pansinin ninyo—narito ang isang ama na ipinaliliwanag ito sa kanyang anak na lalaki: “At upang maisagawa ang kanyang mga walang hanggang layunin sa kahihinatnan ng tao, matapos na kanyang malikha ang ating mga unang magulang, at ang mga hayop sa parang at ang mga ibon sa himpapawid, at sa lalong maliwanag, lahat ng bagay na nilikha, at talagang kinakailangan na may isang pagsalungat; maging ang ipinagbabawal na bungang-kahoy na kasalungat ng punungkahoy ng buhay; ang isa ay matamis at ang isa ay mapait.” [2 Nephi 2:15.]

Iyan ang madalas na nangyayari, na ang mga bagay na ipinagbabawal ay ang mga bagay na lubos na kanais-nais, at minsan, tulad ng sinasabi natin, ang mga bagay na tama para sa atin ay tila mapapait na gamot na kailangang inumin upang tayo’y gumaling. Ngayon, upang bigyan ang tao ng pagkakataong pumili, “Anupa’t ipinagkaloob ng Panginoong Diyos sa tao na siya ay kumilos para sa kanyang sarili. Samakatwid, ang tao ay hindi makakikilos para sa kanyang sarili maliban kung siya ay nahikayat ng isa o ng iba.” [2 Nephi 2:16.] Kung gayon upang malayang makapag-isip bilang indibiduwal, hindi lamang ang mabuti ang ating kailangan kundi kailangan din natin ang masama upang makapamili tayo sa dalawa. Isipin ninyo iyan sandali. Kung ang lahat ng bagay sa mundo ay mabuti at walang masama, may mapipili pa ba kayo maliban sa mabuti? Kung lahat ng bagay sa daigdig ay masama, kung walang anumang mabuting mapipili, may mapipili pa ba kayo maliban sa masama? Kung iisipin ninyo kahit sandali lang, ang tanging paraan upang magkaroon ng kala yaang pumili ang mga indibiduwal na nabubuhay dito sa mundo ay ang magkaroon ng mabuti at masama at bigyan ng pagkakataon ang bawat isa sa atin na makapili para sa ating sarili. … Alam ninyo, may kahalong pakikipagsapalaran sa kalayaang pumili. Handang ipakipagsapalaran iyan ng Panginoon upang makalakad tayo nang may pananampalataya, at, bilang malayang kinatawan, mapili ang tama.4

Ano ang ating walang hanggang potensiyal bilang mga anak ng Diyos?

Ang layunin ng buhay ay ang isakatuparan ang kawalangkamatayan at buhay na walang hanggan. Kung gayon, ang ibig sabihin ng kawalang-kamatayan ay pagkakaroon sa huli ng katawan na hindi na daranas pa ng sakit ng mortalidad, hindi na daranas pa ng isa pang mortal na kamatayan, at hindi na masisira, na ang mga bagay nang una ay naparam na. Ang pagkakaroon ng buhay na walang hanggan ay ang karapatang mabuhay sa piling ng Walang Hanggang Nilalang, maging ng Diyos, ang ating Amang Walang Hanggan, at ng Kanyang Anak, si Jesucristo. Ito ang dalawang layunin kung bakit inilagay tayong lahat sa lupa.5

Narito tayo ngayon na naghahanda para sa kawalangkamatayan, “isang walang katapusang panahon na siyang tunay na buhay ng tao.” Tayong lahat ay mga dakilang kaluluwa, dahil nagmula tayo sa magiting na angkan. May karapatan tayong maging mga hari at pinuno dahil sa papel na ginampanan natin sa daigdig ng mga espiritu bago tayo naparito. Pinili tayong mabuhay sa panahong ito, at nakatadhana tayo sa kawalang-kamatayan tulad ng lahat ng kabataan ng simbahang ito. Dapat din nating “matuklasan na napakaikli ng lahat ng bagay na di magtatagal sa kawalanghanggan at napakaliit ng lahat ng bagay na may hang-ganan” para ibaba ang ating sarili sa mga bagay na iyon.6

Hayaan ninyong magbasa ako ngayon mula sa ika-132 na bahagi ng Doktrina at mga Tipan. … “At muli, katotohanang sinasabi ko sa iyo, kung ang isang lalaki ay nagpakasal sa isang babae sa pamamagitan ng aking salita, na siyang aking batas, at sa pamamagitan ng bago at walang hanggang tipan, at ito ay ibinuklod sa kanila ng Banal na Espiritu ng pangako,” at lalaktawan ko ang ilang salita upang ibigay sa inyo ang kahulugan, “magagawa sa kanila sa lahat ng bagay anuman ang ipataw sa kanila ng aking tagapaglingkod, sa panahon, at sa lahat ng kawalang-hanggan; at magkakaroon ng buong bisa kapag sila ay wala na sa daigdig; at sila ay makararaan sa mga anghel, at sa mga diyos, na inilagay roon, tungo sa kanilang kadakilaan at kaluwalhatian.” Ngayon pakinggan ninyo ito: at magkakaroon ng “pagpapatuloy ng mga binhi magpakailanman at walang katapusan.” [D at T 132:19.]

Sinabi ni Propetang Joseph Smith na ang kahulugan nito ay iyong mga ikinasal sa bago at walang hanggang tipan at naging tapat sa kanilang mga tipan, na matapos silang mabuhay na maguli ay muli silang mabubuhay na magkasama bilang mag-asawa at magkakaroon ng tinatawag niya dito na pagpapatuloy ng mga binhi. Ano ngayon ang ibig sabihin niyan? Hayaan ninyong basahin ko sa inyo ang mula sa isa pang banal na kasulatan: …

“Sa selestiyal na kaluwalhatian ay may tatlong kalangitan o antas;

“At upang matamo ang pinakamataas, ang isang tao ay kailangang pumasok sa orden na ito ng pagkasaserdote [ibig sabihin ang bago at walang hanggang tipan ng kasal];

“At kung hindi niya gagawin, hindi niya ito matatamo.

“Maaari siyang pumasok sa iba, subalit iyon na ang katapusan ng kanyang kaharian; hindi siya magkakaroon ng pag-unlad.” [D at T 131:1–4.]

Pag-unlad ng ano? Pag-unlad ng inapo. Sa madaling salita, sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang banal na utos, tayo rito na mga tao ay binigyan ng kapangyarihang makipagtulungan sa Diyos sa paglikha ng kaluluwa ng tao dito, at pagkatapos sa kabilang buhay ay magkaroon ng walang hanggang pag-unlad sa ugnayan ng pamilya matapos magawa ng mundo ang gawain nito.

…Tungkol naman sa mga nabuhay na mag-uling nilalang na tumupad sa tipan ng banal na kasal at naibuklod ng Banal na Espiritu ng Pangako: “Pagkatapos sila ay magiging mga diyos, sapagkat sila ay walang katapusan; samakatwid sila ay magiging mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan, sapagkat sila ay magpapatuloy; sa gayon sila ay mangingibabaw sa lahat, sapagkat lahat ng bagay ay saklaw nila. Sa gayon sila ay na giging mga diyos, sapagkat taglay nila ang lahat ng kapangyarihan, at ang mga anghel ay saklaw nila.” [D at T 132:20.]…

…Nawa’y mamuhay tayo nang sa gayon ang lahat ng kasama natin ay hindi tayo ang makita kundi ang banal na nagmula sa Diyos, at sa pananaw ng kung ano tayo at ano maaari nating maabot, ay matanggap natin ang kalakasan upang makaakyat nang mas mataas at pataas, tungo sa dakilang layuning iyon ng buhay na walang hanggan, ang aba kong dalangin sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.7

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Ano ang nagpatatag sa inyong patotoo na ang Diyos ang inyong Ama?

  • Bakit kung minsan ay nabibigong gampanan ng mga tao ang gawain nila dito sa lupa na inordena sa kanila noon pa?

  • Ano ang pagpili? Bakit kailangan ang pagsalungat sa paggamit ng ating kalayaan sa pagpili?

  • Paano naiimpluwensiyahan ang ating pag-uugali sa arawaraw ng ating kaalaman tungkol sa ating walang hanggang potensiyal?

  • Ano ang nagbigay sa inyo ng lakas habang hinahangad ninyong “makaakyat nang mas mataas at pataas, tungo sa dakilang layuning iyon ng buhay na walang hanggan”?

Mga Tala

  1. Talumpati sa libing ni Edwin Marcellus Clark, ika-5 ng Abr. 1955, Harold Bingham Lee Addresses (1939–73), Historical Department Archives, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 11.

  2. “Who Am I?” talumpati sa Grant Stake Senior Aaronic School, ika-18 ng Peb. 1957, Historical Department Archives, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 4–7.

  3. Decisions for Successful Living (1973), 168–69.

  4. “Who Am I?” 9–10.

  5. The Teachings of Harold B. Lee, inedit ni Clyde J. Williams (1996), 30.

  6. The Teachings of Harold B. Lee, 73.

  7. “Who Am I?” 11–12, 14.

Si Jesucristo kasama ang maraming bata sa buong mundo. Tayong lahat ay mga espiritung anak ng Ama sa Langit. Kung tatanggapin natin ang buong pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, makapamumuhay tayong muli sa piling ng ating Ama at ng ating Tagapagligtas.