Pagtuturo at Pagkatuto
Pakikinig nang may Pagmamahal


“Pakikinig nang may Pagmamahal,” Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan (2024)

Pakikinig nang may Pagmamahal

Ipaliwanag

Maaari mong ibahagi na ang pakikinig nang may pagmamahal ay kakayahang makinig sa iba na hindi lamang ginagamit ang iyong mga tainga kundi maging ang iyong mga mata at puso. Ang sadyang pagsisikap na pakinggan kung ano ang sinasabi ng ibang tao at inoobserbahan kung paano sila nakikipag-ugnayan ay makatutulong para madama ng indibiduwal na sila ay minamahal at pinahahalagahan. Ang pakikinig nang may pagmamahal ay nag-aanyaya sa Espiritu na biyayaan tayo ng kaloob na makahiwatig. Mauunawaan at madarama natin ang mga pangangailangan ng iba.

Itinuro ni Sister Reyna I. Aburto:

Sister Reyna I. Aburto

Ang pakikinig nang may pagmamahal ay isa sa mga pinakadakilang kaloob na maibibigay natin, at makatutulong tayo na pasanin o pawiin ang mabibigat na ulap na nagpapahirap sa ating mga mahal sa buhay at mga kaibigan nang sa gayon, sa pamamagitan ng ating pagmamahal, muli nilang madama ang Espiritu Santo at ang liwanag na nagmumula kay Jesucristo. (Reyna I. Aburto, “Sa Dilim at Liwanag, Aking Panginoon, Manatili!,” Liahona, Nob. 2019, 58)

Para mapahusay ang iyong mga kasanayan sa pakikinig, maaari mong:

  • Alisin ang mga nakakagambala (tulad ng mga electronic device).

  • Tingnan ang tao kapag sila ay nagsasalita at magtuon sa kanilang mga salita at galaw.

  • Bigyang-pansin ang sinasabi ng ibang tao sa halip na magplano ng susunod na sasabihin mo.

  • Magbigay ng mga follow-up na tanong para hindi mamali ng pagkaunawa.

  • Ipakita na talagang interesado ka sa pamamagitan ng pag-ulit ng sinabi ng tao para malaman nila na nauunawaan sila.

  • Huwag humusga at mamintas.

Ipakita

Maaari mong idispley ang listahan ng mga kasanayan sa pakikinig sa itaas at sabihin sa mga estudyante na tingnan ito habang ipinapakita mo kung paano makinig nang may pagmamahal.

Maglagay ng dalawang upuan sa harap ng klase at anyayahan ang isang boluntaryo na umupo sa tapat mo. Maipapakita mo kung paano maging aktibong tagapakinig habang sinasabi sa iyo ng nagboluntaryong estudyante ang isang bagay na makabuluhan sa isang lesson kamakailan o sa kanyang personal na pag-aaral ng ebanghelyo.

Magpraktis

Sabihin sa mga estudyante na magpartner-partner o maggrupu-grupo at magpraktis ng kanilang mga kasanayan sa aktibong pakikinig sa pamamagitan ng paghahalinhinan sa pagbabahagi at pakikinig. Maaari nilang praktisin ang kasanayang ito sa pamamagitan ng pagtalakay sa isang lesson kamakailan o sa kanilang personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan. O maaari nilang piliing talakayin ang isa sa mga sumusunod na scripture passage at ang kalakip na tanong nito.

Mga karagdagang passage para sa pagpapraktis:

  • Isaias 12:2. Kailan mo nadaig o ng isang kakilala mo ang takot at nagtiwala sa Panginoon sa isang mahirap na sitwasyon?

  • Juan 16:33. Ano ang nakatutulong sa iyo kapag nababalisa ka tungkol sa kalagayan ng mundo?

  • 1 Nephi 8:33. Paano mo hinaharap o haharapin ang pangungutya sa iyong mga paniniwala?

  • Doktrina at mga Tipan 121:1. Ano ang sasabihin mo para matulungan ang isang kaibigan o kapamilya na nakadaramang hindi sila pinakikinggan ng Diyos?

Sabihin sa mga estudyante na talakayin kung ano ang nagawa nang mabuti at kung ano ang mahirap kapag pinapraktis ang kasanayang ito. Maaaring ilarawan ng mga nagbahagi kung ano ang nadama nila habang sinisikap ng iba na makinig nang may pagmamahal.

Mag-anyaya at Mag-Follow Up

Anyayahan ang mga estudyante na gawin ang kasanayang ito sa kanilang pakikipag-ugnayan sa buong linggo. Maaari din nilang pagtuunan ng pansin kung ano ang ginagawa ng iba para makinig nang may pagmamahal. Sa susunod na klase, sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano nila napagbuti ang kanilang pakikinig nang may pagmamahal.