Mahahalagang Termino sa Lumang Tipan
Paalala: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa mga endnote ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay ineendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.
Ang pagkakaroon ng pangunahing kaalaman sa mga sumusunod na termino ay makatutulong sa iyong pag-aaral ng Lumang Tipan.
-
Pagpapahid ng Langis.Ang pagpapahid ng langis ay paglalagay ng langis sa isang tao o bagay. Sa panahon ng Lumang Tipan, ginagawa ang mga pagpapahid ng langis para sa sagrado, panggamot, at pangkaraniwang mga layunin. Ang pagpapahid ng langis ay isinasagawa upang ilaan ang isang tao o bagay sa Diyos. Halimbawa, ang mga hari, saserdote, at propeta ay pinapahiran ng langis upang maitalaga sila sa paglilingkod sa Diyos.
The Prophet Samuel Anoints David to be King of Israel in Bethlehem [Pinapahiran ni Samuel ng Langis si David para Maging Hari ng Israel sa Bethlehem], ni Balage Balogh
-
Pagtutuli.Ang paghihiwa at pagtatanggal ng foreskin ng ari ng lalaki. Ang sinaunang kaugaliang ito ay ginagawa ng maraming tao sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Ang pagtutuli ay isinagawa ng mga Israelita bilang seremonya na ipinabatid ng Diyos kay Abraham. Ito ay tanda ng tipan sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang mga tao. Ang mga lalaki ay dapat tuliin sa edad na walong araw.
-
Tipan.“Ang tipan ay isang sagradong kasunduan sa pagitan ng Diyos at ng isang tao o grupo ng mga tao. Nagtatakda ang Diyos ng mga partikular na kundisyon, at nangangako Siyang pagpapalain tayo kapag sinunod natin ang mga kundisyong iyon. Kapag pinili nating hindi tuparin ang mga tipan, hindi natin matatanggap ang mga pagpapala.” Sa pamamagitan ng mga tipan, nagkakaroon tayo ng espesyal at walang-hanggang ugnayan sa Diyos kung saan pinagpapala at binabago Niya tayo. Ang mga tipan sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang mga tao ay may mahalagang bahaging ginagampanan sa Lumang Tipan. Ang tipang Abraham ay may partikular na kahalagahan dahil ang mga pagpapalang ipinangako kay Abraham ay matatanggap ng lahat ng anak ng Diyos na gumagawa at tumutupad ng mga tipan sa Kanya.
-
Pagsamba sa Diyus-diyusan.Ang pagsamba sa mga diyus-diyusan o labis na pagkagiliw o debosyon sa anumang bagay maliban sa Diyos. Madalas na binabalewala ng mga sinaunang Israelita ang utos ng Diyos na hindi sumamba sa diyus-diyusan. Karaniwang bahagi ng pagsamba sa diyus-diyusan ang pagsamba sa isa sa mga diyus-diyusan ng mga bansang nakapalibot sa kanila o paggawa ng mga imaheng kumakatawan kay Jehova.
-
Israel.Ang pangalang ibinigay ng Diyos sa apo ni Abraham na si Jacob, na maaaring mangahulugang “hayaang manaig ang Diyos” o “siya na nananaig kasama ng Diyos.” Ang pangalang Israel ay maaari ding tumukoy sa mga inapo ni Jacob o sa sinumang tunay na naniniwala kay Jesucristo. Noong unang panahon, ikinalat ng Diyos ang mga anak ni Israel dahil sa kanilang kasamaan at paghihimagsik. Nangako Siya na sa mga huling araw ay titipunin Niya ang Israel. Ang mga tao ng Diyos ay natitipon kapag tinatanggap nila ang ebanghelyo ni Jesucristo.
-
Jehova.Ang Hebreong pangalan para sa Diyos ng Israel ay YHWH, isang salita na karaniwang isinasalin sa Ingles bilang Jehova. Ito ang premortal na pangalan ni Jesucristo, ang Diyos ng Lumang Tipan. Maaaring ang ibig sabihin ng Jehova ay “Siya nga,” o, sa pagtukoy sa sarili, “Ako Nga.” Sa gayon, ang pangalang ito ay nagpapahayag sa walang hanggang katangian ni Jesucristo. Noong 500 BC, nagsimulang umiwas ang mga Israelita sa pagbanggit nang malakas sa banal na pangalan bilang paggalang. Dahil dito, nawala na ang orihinal na pagbigkas ng pangalan. Ang mga kapalit na titulo, tulad ng “Adonai” (“aking Panginoon”), ay kalaunang ginamit sa tuwing lumalabas ang YHWH sa Lumang Tipan.
-
Mesiyas.“Isang uri ng salitang Aramaic at Hebreo na nangangahulugang ‘ang pinahiran ng langis.’” Ang salitang Hebreo na ito ay makikita nang mahigit 30 beses sa Lumang Tipan, kahit na bihira itong isalin sa Ingles bilang “Mesiyas.” Ito ay ginagamit upang tumukoy sa mga hari, saserdote, at propeta na pinahiran ng langis. Ang katagang Mesiyas ay nagkaroon ng iba’t ibang kahulugan sa paglipas ng panahon. Ang katagang Mesiyas ay nangangahulugang ang Propeta, Saserdote, at Hari na pinahiran ng langis na mula sa lahi ni David at darating upang iligtas ang Kanyang mga tao. Ipinangako kay David na sa pamamagitan ng kanyang binhi ay ibabangon ng Diyos ang Hari, o Mesiyas na ito, na siyang daraig sa lahat ng makamundong kapangyarihan. Ang salitang Griyego na katumbas ng Mesiyas ay Christos, na pinagmulan ng titulong Cristo.
-
Pagtubos, Manunubos.Ang pagtubos ay isang karaniwang gawain sa buhay noong unang panahon. Ang pagtubos ay ang pagbabayad ng utang, ang muling pagbili ng ibinenta, o ang pagbili ng kalayaan ng isang tao. Ang mga naturang manunubos ay madalas na may kaugnayan sa taong tinutubos nila. Sa mas malawak na pananaw, ang pagpapalaya sa mga Israelita sa pagkakabihag sa Egipto ay nagpalalim ng kahalagahan sa relihiyon ng pagtubos para sa mga tao ng Diyos. Ipinangako mismo ng Panginoon na tutubusin Niya ang Kanyang mga tao mula sa pagkaalipin sa Egipto. Si Jesucristo ang Manunubos dahil pinapalaya tayo ng Kanyang sakripisyo mula sa kasalanan at kamatayan.
-
Kaligtasan, Tagapagligtas.Ang salitang Hebreo na yāšaʿ sa Lumang Tipan ay maaaring isalin bilang “saklolohan,” “kaligtasan,” “pagsagip,” “iligtas,” o “tulungan.” Karaniwan itong tumutukoy sa Diyos o sa isang taong isinusugo Niya upang maghatid ng pisikal na kaligtasan. Ang kahalagahan ng katagang iyan ay maaaring makita sa mga pangalan ng kilalang indibiduwal tulad nina Eliseo (“ang Diyos ay kaligtasan”), Hoseas (“kaligtasan”), Josue (“si Jehova ang kaligtasan”), at Isaias (“si Jehova ang kaligtasan”).
Sacrifice of a Lamb [Sakripisyo ng Isang Kordero], ni Robert T. Barrett
-
Hain.Matapos paalisin sina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden, iniutos sa kanila ng Panginoon na mag-alay ng mga hain. Kasama sa batas na ito ang pag-aalay ng mga panganay ng kanilang mga kawan, na sumisimbolo sa sakripisyo ni Jesucristo. Iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga tao na ipamuhay ang batas ng paghahain sa buong Lumang Tipan. Nagpatuloy ang kaugaliang ito hanggang sa kamatayan ni Jesucristo, na siyang dakila at huling hain.