“Genesis 1:1–25: Ang Paglikha,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Genesis 1:1–25: Ang Paglikha,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Genesis 1–2; Moises 2–3; Abraham 4–5: Lesson 7
Genesis 1:1–25
Ang Paglikha
Ang karingalan at kagandahan ng ating mundo ay nagpapatotoo sa mga maluwalhating Tagapaglikha na mababago ang isang bagay na “ walang anyo at walang laman,” (tingnan sa Genesis 1:2) at magagawa itong mga kamangha-mangha sa mundong ito. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na makadama ng pagmamahal at pasasalamat para sa Ama sa Langit at kay Jesucristo habang pinag-aaralan nila ang Paglikha sa mundo.
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang kagandahan ng mundo at lahat ng nilikha ng Diyos. Sabihin sa kanila na magdala ng larawan ng isang bagay sa mundong ito na ikinasisiya nila o maging handang magsalita tungkol dito.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Tandaan: Bagama’t ang mga salaysay tungkol sa Paglikha sa mundo ay matatagpuan din sa Moises 2 at Abraham 4, ang lesson na ito ay magtutuon sa salaysay na nakasulat sa Genesis 1.
Mga dakilang tagalikha at nilikha
Para simulan ang klase, maaari kang magpakita ng mga larawan ng magandang gusali na kilalang destinasyon sa inyong lugar. Maaari mong itanong ang mga sumusunod:
-
Ano sa palagay ninyo ang dahilan kung bakit gustong bisitahin ng mga tao ang gusaling katulad nito?
-
Sa inyong palagay, ano ang nadarama ng mga gumawa ng magagandang gusali kapag nasisiyahan ang mga tao sa kanilang ginawa?
Pagkatapos ay maaari kang magpakita ng larawan ng isang magandang tanawin na malapit sa inyong lugar. Sabihin sa mga estudyante na gawin ang mga sumusunod upang makatulong na maihanda sila sa lesson ngayon.
Isipin kung ano ang nadarama o naiisip ninyo kapag nakikita ninyo ang kagandahan at karingalan ng mundo. Isipin kung gaano kadalas kayong nag-uukol ng oras para hangaan o pasalamatan ang mga kamangha-manghang bagay na ito sa mundo. Sa inyong pag-aaral ngayon, mapanalanging anyayahan ang Espiritu Santo na tulungan kayong madama ang pagmamahal at pasasalamat sa Ama sa Langit at kay Jesucristo para sa paglikha sa mundong ito.
Ang Paglikha
Bago sabihin ang sumusunod na aktibidad sa pag-aaral, maaari mong sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa paglikha sa mundo. Pagkatapos ay patingnan sa mga estudyante ang sumusunod na pangungusap mula sa “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol.” Sabihin sa mga estudyante na isulat ang katotohanang ito sa kanilang study journal o itala sa kanilang mga banal na kasulatan. Maaari mo rin itong isulat sa pisara.
Sa “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” natutuhan natin na:
Sa ilalim ng pamamahala ng Kanyang Ama, [si Jesucristo] ang manlilikha ng daigdig. (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” ChurchofJesusChrist.org)
Naglalaman ang Genesis 1 ng ilan sa mga detalye tungkol sa paglikha ni Jesucristo sa mundo. Basahin ang salaysay tungkol sa unang anim na araw ng paglikha mula sa Genesis 1, at alamin ang natutuhan natin tungkol sa Tagapaglikha at paglikha.
Sa pag-aaral ng mga estudyante ng mga sumusunod na talata, maaari mong sabihin sa kanila na tukuyin at markahan ang bawat “araw” ng Paglikha sa kanilang mga banal na kasulatan. Ang isang paraan para gawin ito ay kopyahin ang sumusunod na chart sa pisara at bigyan ng oras ang mga estudyante na kumpletuhin ito. Maaari mong ilagay ang mga estudyante sa mas maliliit na grupo at magtalaga sa bawat grupo ng isang set ng mga talata na pag-aaralan mula sa chart.
Maaaring makatulong na ipaliwanag na ang salitang “araw” ay tumutukoy sa panahon ng paglikha, at hindi sa partikular na tagal ng oras (tingnan sa Abraham 4, kung saan ang mga panahon ng paglikha ay may label na “pagkakataon”). Tandaan: Ang paglikha ng lalaki at babae ay tatalakayin nang mas malaliman sa mga lesson na “Genesis 1:26–27” at “Genesis 1:28–2:25.”
Tiyakin na hindi masyadong magtagal sa bahaging ito ng lesson para magkaroon ng sapat na oras ang mga estudyante na pagtuunan ang bahaging may pamagat na “Ang tungkulin ng Tagapagligtas bilang Tagapaglikha.”
|
Araw 1: Genesis 1:1–5 |
Inihiwalay ang liwanag sa kadiliman |
|---|---|
|
Araw 2: Genesis 1:6–8 | |
|
Araw 3: Genesis 1:9–13 | |
|
Araw 4: Genesis 1:14–19 | |
|
Araw 5: Genesis 1:20–23 | |
|
Araw 7: Genesis 1:24–27 |
-
Ano ang naisip o nadama ninyo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo habang pinag-aaralan ninyo ang mga talatang ito?
Maaaring may mga tanong ang mga estudyante tungkol sa ilan sa mga detalye ng Paglikha. Tulungan silang maunawaan na ang mga salaysay tungkol sa Paglikha ay hindi isinulat para magbigay ng literal at siyentipikong paliwanag tungkol sa mga partikular na proseso, panahon, o pangyayari na may kinalaman dito. Maaaring makatulong na basahin ang Doktrina at mga Tipan 101:32–34 at tiyakin sa mga estudyante na ihahayag ng Tagapagligtas ang lahat ng bagay sa Kanyang panahon.
Ang tungkulin ng Tagapagligtas bilang Tagapaglikha
Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong paigtingin ang kanilang pasasalamat kay Jesucristo bilang Tagapaglikha. Ang isang paraan para gawin ito ay magdrowing sa pisara ng isang larawan ng mundo at ipakita ang mga sumusunod na scripture reference para mapag-aralan ng mga estudyante. Maaari mong sabihin sa kanila na pag-aralan ang ilan o lahat ng mga talata at pumunta sa pisara para magsulat ng mga makabuluhang pariralang natagpuan nila sa palibot ng larawan ng mundo.
Habang pinag-aaralan ng mga estudyante ang mga talatang ito, sabihin sa kanila na pagtuunan ng pansin kung paano mapapatotohanan sa kanila ng Espiritu ang tungkulin ng Tagapagligtas bilang Tagapaglikha.
Pumili ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na talata para pag-aralan, at alamin ang mga turo na magpapabuti sa inyong pag-unawa at pasasalamat kay Jesucristo bilang Tagapaglikha.
Doktrina at mga Tipan 59:18–20
Doktrina at mga Tipan 76:22–24
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga ideya. Ang isang paraan para magawa mo ito ay ipakita ang mga sumusunod na tanong na tatalakayin ng mga estudyante.
-
Ano ang ilang makabuluhang salita o parirala mula sa mga talata na pinag-aralan ninyo? Bakit?
-
Ano ang itinuro o ipinadama sa inyo ng mga talatang ito tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan kung paano nakaapekto sa kanilang buhay ang tungkulin ng Tagapagligtas bilang Tagapaglikha. Bilang bahagi ng oras na ito ng pagninilay, maaari mong ipanood ang “Nabuhay Tayo sa Piling ng Diyos” (4:00), na makikita sa ChurchofJesusChrist.org.
Maaari mo ring gamitin ang kuwento mula kay Pangulong Boyd K. Packer sa “Karagdagang Resources.”
Magpasalamat sa Tagapagligtas
Ang bahaging ito ng lesson ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na ipahayag ang kanilang pagmamahal at pasasalamat kay Jesucristo dahil sa Kanyang tungkulin bilang Tagapaglikha. Para matulungan silang gawin ito, maaari mong gamitin ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na aktibidad. Maaari mong ipakita ang mga pinili mong opsiyon at sabihin sa mga estudyante na pumili ng isang aktibidad na gagawin.
-
Sumulat ng isang tula o journal entry na nagpapahayag ng pasasalamat kay Jesucristo at sa Kanyang mga nilikha.
-
Magdrowing ng isang larawan na kumakatawan sa nadarama mo sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga nilikha.
-
Pumili ng isang himno na tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga nilikha. Pag-aralan ang mga titik sa musika. Maaari mong hanapin ang “Jesucristo—Maylikha” sa bahaging Paksa ng himnaryo. Maaari kang magsulat ng karagdagang talata sa himno na nagpapahayag sa nadarama mo tungkol sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa Paglikha.
Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang natutuhan at nadama nila mula sa aktibidad.
Maghanap ng mga pagkakataon na gamitin ang sagradong musika para maanyayahan ang impluwensya ng Espiritu. Maipadarama ng musikang nagbibigay-inspirasyon ang pagpipitagan at makatutulong ito sa mga estudyante na madama ang kapangyarihan ng mga katotohanang natututuhan nila. Kung pumili ang mga estudyante ng mga makabuluhang himno upang ipahayag ang kanilang pagmamahal at pasasalamat kay Jesucristo, maaaring sama-samang kantahin ng klase ang isa o mahigit pa sa mga ito, at maaaring ibahagi ng mga estudyante ang karagdagang talata na isinulat nila.
(Para sa karagdagang training ng titser tungkol sa paggamit ng musikang nagbibigay-inspirasyon, tingnan ang “Lumikha ng mga kapaligiran at oportunidad upang maturuan ng Espiritu Santo ang mga mag-aaral” sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro.)
Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na basahin ang tula o journal entry na isinulat nila. Maaari mong idispley ang mga likhang-sining na ginawa ng mga estudyante at sabihin sa kanila na ibahagi kung ano ang ipinapakita ng mga ito at bakit. Maaari mong tapusin ang klase sa pamamagitan ng pagbabahagi ng iyong nadarama tungkol sa tungkulin ng Tagapagligtas sa Paglikha.