Unit 6: Day 4
Mateo 26:1–30
Pambungad
Dalawang araw bago ang Paskua, nakipagsabwatan si Judas sa mga pinunong Judio na gustong patayin si Jesus. Noong gabi ng Paskua, pinasimulan ni Jesus ang sakramento.
Mateo 26:1–16
Nakipagsabwatan si Judas sa mga pinunong Judio na gustong patayin si Jesus
Nakapanood ka na ba ng pelikula o nakabasa ng kuwento tungkol sa isang taong ipinagkanulo? Bakit ipinagkanulo ang taong iyon? Ano ang mararamdaman mo kapag ipinagkanulo ka ng kaibigan mong malapit sa iyo? Sa pagbabasa mo ng mga huling sandali ng buhay ni Jesucristo, alalahanin na Siya ay ipinagkanulo ng isang malapit na kaibigan.
Para sa mga sinaunang Israelita, ang linggo ng Paskua ay isa sa mga pinakamahalagang linggo ng taon. “Ang Piging ng Paskua ay pinasimulan [sa panahon ni Moises] upang tulungang maalaala ng mga anak ni Israel ang paglampas sa kanilang tahanan ng anghel ng kamatayan at pagligtas sa kanila mula sa mga taga-Egipto [tingnan sa Exodo 12:21–28; 13:14–15].” Bilang bahagi ng Paskua, ang mga Israelita ay nag-aalay ng kordero at iwiniwilig ang dugo nito sa haligi ng kanilang mga pinto. “Ang dugo ng mga walang bahid-dungis na kordero, na ginamit na palatandaan upang iligtas ang Israel noong una, ay sumasagisag kay Jesucristo, na Kordero ng Diyos, na ang paghain ay nakatubos sa sangkatauhan” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Paskua,” scriptures.lds.org).
Basahin ang Mateo 26:1–2, na inaalam kung ano ang sinabi ni Jesucristo na magaganap pagkatapos ng Paskua.
Pagkatapos, basahin ang Mateo 26:3–5, na inaalam kung sino ang nagpaplanong patayin si Jesus sa pagkakataong ito.
Bakit ipinasya ng mga eskriba at mga punong saserdote na hintayin munang matapos ang Paskua bago patayin si Jesus?
Nabasa natin sa Mateo 26:6–13 na noong si Jesus ay nasa Betania, isang babae ang lumapit sa Kanya at pinahiran Siya ng mamahaling unguento o ointment bilang paghahanda sa Kanyang nalalapit na kamatayan at libing. Ang ilan sa Kanyang mga disipulo, pati na si Judas, isa sa Labindalawang Apostol at ang tagaingat-yaman ng grupo, ay nagsabing ipinagbili na lamang sana ang unguento para tulungan ang mga maralita. Gayunman, hindi totoong nag-aalala si Judas para sa mga maralita kundi siya ay isang magnanakaw na gustong mapasakanya ang pera (tingnan sa Juan 12:4–6).
Basahin ang Mateo 26:14–16, na inaalam kung ano ang ginawa ni Judas matapos siyang pagsabihan ng Tagapagligtas dahil sa pagrereklamo.
Alamin kung gaano kalaki ang tinanggap ni Judas sa pagkakanulo kay Jesus. “Ayon sa batas ni Moises ang tatlumpung siklong pilak ay ibinabayad sa may-ari ng sinumang nakapatay sa alipin nito (tingnan sa Exodo 21:32). … Makikita sa halaga ng pagkakanulo ang mababang pagtingin ni Judas at ng mga punong saserdote sa Tagapagligtas” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 81). Ito rin ay katuparan ng propesiya sa Lumang Tipan na ipagkakanulo ang Tagapagligtas (tingnan sa Zacarias 11:12).
Mateo 26:17–25
Si Jesus at ang Kanyang mga disipulo ay kumain ng hapunan ng Paskua
Isipin kung kailan ka huling nanalamin? Ano ang ilang naitutulong sa atin ng salamin?
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan, at alamin at markahan kung bakit mahalaga na makita nating mabuti ang ating sarili, tulad ng nakikita sa atin ng Diyos:
“Walang sinuman sa atin ang gustong umamin kapag tayo ay nalilihis mula sa tamang landas. Kadalasan tinatangka nating iwasang suriin ang kaibuturan ng ating kaluluwa at harapin ang ating mga kahinaan, limitasyon, at takot. Dahil dito, kapag sinusuri natin ang ating buhay, ginagawa natin ito nang may pagkiling, mga dahilan, at mga kuwento sa ating sarili upang pangatwiranan ang di-marapat na mga pag-iisip at pagkilos.
“Ngunit ang makitang mabuti ang ating sarili ay napakahalaga sa ating espirituwal na pag-unlad at kapakanan. Kung ang ating mga kahinaan at pagkukulang ay patuloy nating ikakaila, hindi ito mapapagaling at magagawang kalakasan ng nakatutubos na kapangyarihan ng Tagapagligtas. …
“Kaya paano natin mapapaningning ang dalisay na liwanag ng katotohanan ng Diyos sa ating kaluluwa at makikita ang ating sarili kung paano Niya tayo nakikita?
“Nais kong sabihin sa inyo na ang mga banal na kasulatan at ang mga mensaheng ibinibigay sa pangkalahatang kumperensya ay napakalinaw na salamin para makita nating mabuti ang ating sarili” (“Ako Baga, Panginoon?” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 58).
Pag-isipan kung paano nakakatulad ng salamin ang mga banal na kasulatan at ang mga mensaheng ibinibigay sa pangkalahatang kumperensya para matulungan tayong makita ang mga paraan na magpapabuti ng ating buhay.
Sa pag-aaral mo ng Mateo 26:17–25, alamin ang alituntunin na tutulong sa iyo na makita ang iyong mga kahinaan upang mapagsikapan mong madaig ang mga ito.
Nabasa natin sa Mateo 26:17–19 na sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na kumuha ng silid sa Jerusalem para sa paghahandaan ng hapunan ng Paskua.
Basahin ang Mateo 26:20–21, na inaalam ang sinabi ni Jesus sa Kanyang mga Apostol habang kinakain nila ang pagkain ng Paskua.
Kung isa ka sa mga naroon, ano kaya ang maiisip mo matapos itong sabihin ni Jesus?
Basahin ang Mateo 26:22, na inaalam ang itinanong ng mga Apostol kay Jesus.
Ano ang itinuturo sa iyo ng tanong na “Ako baga, Panginoon?” tungkol sa matatapat na labing-isang Apostol?
Ang isang alituntunin na matututuhan natin sa talang ito ay na nang marinig ng mga disipulo ni Jesucristo ang sinabi ng Panginoon, sinuri nila ang kanilang buhay upang malaman kung sila ba ang pinatutungkulan niyon.
Sinabi ni Pangulong Uchtdorf ang sumusunod tungkol sa talang ito:
“Hindi pinag-alinlanganan ng mga disipulo ang sinabi [ni Jesus]. Ni hindi nila inilibot ang kanilang tingin, itinuro ang iba, at itinanong, ‘Siya ba?’ …
“Iniisip ko ang gagawin ng bawat isa sa atin kung itanong iyan sa atin ng Tagapagligtas. Titingin kaya tayo sa mga nasa paligid natin at sasabihin sa puso natin, ‘Baka si Brother Johnson ang tinutukoy niya. Noon pa ako duda sa kanya,’ o ‘Mabuti’t narito si Brother Brown. Kailangan niya talagang marinig ang mensaheng ito’? O susuriin kaya natin ang ating sarili, tulad ng mga disipulo noong araw, at itatanong ang matalim na tanong na: ‘Ako baga?’” (“Ako Baga, Panginoon?” 56).
Naranasan mo na bang matuksong balewalain ang mga salita ng Panginoon at ipalagay na iyon ay para sa iba? Basahin ang sumusunod na pahayag, na inaalam ang hinihikayat ni Pangulong Uchtdorf na gawin natin kapag narinig natin ang mga salita ng Panginoon:
“Sa mga simpleng salitang, ‘Ako baga, Panginoon?’ nagsisimula ang karunungan at ang daan tungo sa sariling pagbabalik-loob at patuloy na pagbabago. …
“Huwag nating panaigin ang ating kapalaluan, alisin ang kayabangan, at mapagpakumbabang itanong, ‘Ako baga, Panginoon?’
“At kung ang sagot ng Panginoon ay ‘Oo, anak ko, may mga bagay kang dapat baguhin, mga bagay na matulungan kitang daigin,’ dalangin kong nawa’y tanggapin natin ang sagot na ito, mapagkumbaba nating aminin ang ating mga kasalanan at pagkukulang, at baguhin natin ang ating pag-uugali sa pamamagitan ng pagiging mas mabubuti” (“Ako Baga, Panginoon?” 56, 58).
-
Sa iyong scripture study journal, isulat ang isang pagkakataon na pinagpala ka dahil ipinamuhay mo ang mga salita ng Panginoon sa iyong buhay. Pagkatapos ay sumulat ng isang partikular na mithiin tungkol sa gagawin mo upang mas masuri ang sarili mong buhay sa tuwing maririnig o mababasa mo ang mga salita ng Panginoon.
Basahin ang Mateo 26:23–25, na inaalam ang isinagot ng Tagapagligtas sa tanong ng mga Apostol. Matapos tukuyin ni Jesus na si Judas ang taong magkakanulo sa Kanya, umalis si Judas (tingnan sa Juan 13:30).
Mateo 26:26–30
Pinasimulan ni Jesucristo ang sakramento sa panahon ng Paskua
Matapos kumain ang Tagapagligtas ng hapunan sa Paskua kasama ang Kanyang mga Apostol, pinasimulan Niya ang ordenansa ng sakramento.
Pag-isipan ang mga isasagot mo sa mga sumusunod na tanong: Noong huli kang tumanggap ng sakramento, ano ang ginagawa mo? Ano ang iniisip mo? Ano ang nadama mo?
Basahin ang Mateo 26:26–29, na inaalam kung ano ang ginawa ng Panginoon sa tinapay at sa laman ng tasa.
Nalaman natin sa mga talatang ito na ang mga sagisag ng sakramento ay kumakatawan sa katawan at dugo ni Jesucristo, na inialay Niya para sa atin.
Ang Pagsasalin ni Joseph Smith ay nagbibigay ng karagdagang kaalaman sa Mateo 26:26–28. Basahin ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 26:22, 24–25 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.)
Tingnan ang mga inspiradong pagbabagong ginawa. Paano tayo nito natutulungang maunawaan ang isang mahalagang layunin ng sakramento?
Nalaman natin sa pamamagitan ng mga inspiradong pagbabagong ito na pinasimulan ni Jesucristo ang sakramento upang maaala natin Siya at ang Kanyang Pagbabayad-sala para sa ating mga kasalanan.
Kung maaari, panoorin ang video na “Always Remember Him” (5:28) upang mas maunawaan ang layunin at kahalagahan ng sakramento. Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol sa video na ito na ang layunin ng sakramento ay ang alalahanin si Jesucristo at ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Ang video na ito ay makukuha sa LDS.org.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Ano ang nadarama at nararanasan mo kapag sinisikap mong alalahanin ang Tagapagligtas at ang Kanyang Pagbabayad-sala habang tumatanggap ng sakramento?
-
Ano ang ilang bagay na nakakagambala sa atin kapag ibinibigay ang sakramento?
-
Ano ang maitutulong ng pag-iwas sa mga paggambalang ito sa oras ng sacrament service para magkaroon tayo ng mas espirituwal na karanasan?
-
Ano ang ilang bagay na magagawa mo para matulungan kang magtuon sa Tagapagligtas at sa kahalagahan ng ordenansang ito sa oras ng sacrament service at maaalala Siya sa buong linggo?
-
Ayon sa Mateo 26:27–28, ano ang natatangap natin habang nakikibahagi sa sakramento dahil sa pagtigis ng dugo ni Cristo?
Ang pagkain ng tinapay at pag-inom ng tubig sa oras ng sakramento ay hindi sapat para maging karapat-dapat na tayong makatanggap ng kapatawaran sa ating mga kasalanan. Kailangang manampalataya tayo kay Jesucristo, at tanggapin ang sakramento nang may tunay na layunin sa pamamagitan ng pag-alaala sa Kanya sa tuwina at pagsisikap na sundin ang Kanyang mga utos. Sa pamamagitan ng pagtanggap ng sakramento nang karapat-dapat, pinaninibago natin ang mga tipan natin sa binyag.
Maaari mong isulat ang sumusunod na alituntunin sa margin ng iyong mga banal na kasulatan: Kapag tayo ay nagsisi at tumanggap ng sakramento nang may tunay na layunin, maaari tayong tumanggap ng kapatawaran sa ating mga kasalanan.
-
Sa iyong scripture study journal, isulat kung paano mo ipamumuhay ang mga katotohanang natukoy mo sa lesson na ito sa Mateo 26:26–30.
Basahing muli ang Mateo 26:29, na inaalam kung kailan muli tatanggap ng sakramento ang Tagapagligtas ayon sa Kanya.
“Tulad ng nakatala sa Mateo 26:29, sinabi ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na hindi Siya iinom ng bunga ng puno ng ubas hanggang sa inumin Niya itong muli na kasama nila sa kaharian ng Kanyang Ama. Samakatwid, ang sakramento ay hindi lamang sumasagisag sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas kundi umaasam din sa Kanyang pagbabalik sa mundo sa kaluwalhatian (tingnan sa I Mga Taga Corinto 11:26).
“Sa mga huling araw, inihayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith ang mga detalye ng mangyayaring kaganapan kung kailan Siya ay iinom na muli ng bunga ng puno ng ubas sa lupa. Tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan 27, inihayag ng Panginoon na Siya ay muling tatanggap ng sakaramento sa mundo kasama ang Kanyang mga tagasunod, kabilang ang maraming sinaunang propeta, tulad nina Moroni, Elias, Juan Bautista, Elijah, Abraham, Isaac, Jacob, si Jose na ipinagbili sa Egipto, sina Pedro, Santiago, at Juan, ‘at pati si Miguel, o Adan, ang ama ng lahat’ (tingnan sa D at T 27:4–14). Kabilang sa mga tagasunod ng Panginoon ang ‘lahat na ibinigay sa akin ng Ama mula sa sanlibutan’ (D at T 27:14). Ang ibig sabihin nito ay kung mananatili tayong tunay at tapat sa ating mga tipan at magtitiis hanggang sa wakas, magiging kabilang tayo sa mga tatanggap ng mga sagisag ng sakramento kasama ng Tagapagligtas sa darating na panahong iyon” (New Testament Student Manual, 83–84).
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Mateo 26:1–30 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: