Unit 29: Day 1
Santiago 2–3
Pambungad
Hinikayat ni Apostol Santiago ang mga Banal na tulungan ang mga api at itinuro na ang mga na tunay na disipulo ni Jesucristo ay hindi dapat mas nagtatangi sa mayayaman kaysa sa mga dukha. Itinuro rin niya ang pagkakaugnay ng pananampalataya at gawa, at itinuro niya sa mga Banal ang kahalagahan ng pagkontrol ng kanilang pananalita. Pagkatapos ay ikinumpara niya ang karunungan ng mundo sa karunungang nagmumula sa Diyos.
Santiago 2:1–13
Itinuro ni Santiago sa mga disipulo ni Cristo na huwag magpakita ng pagtatangi o paboritismo sa mayayaman
Isipin ang pagkakataon na nakakita ka ng isang tao na pinakitunguhan nang mas maganda kaysa sa iba dahil sa siya ay popular, nasa uso ang damit, mula sa mayayaman o maimpluwensyang pamilya, o iba pang mababaw na mga dahilan.
-
Sa iyong scripture study journal, sumulat nang maikli tungkol sa naranasan mo at ilarawan kung ano ang nadama mo rito. Sagutin din ang sumusunod na tanong: Bakit nagpapakita kung minsan ng paboritismo ang mga tao?
Basahin ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Santiago 2:1 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan) na inaalam ang isinulat ni Santiago tungkol sa “nagtatangi … sa mga tao.” Ang ibig sabihin ng “nagtatangi … sa mga tao” ay nagpapakita ng paboritismo sa isang tao o grupo ng mga tao habang ang iba ay tinatrato nang masama dahil sa kanilang mga kalagayan o katangian.
Basahin ang Santiago 2:2–4, na inaalam ang halimbawang ibinigay ni Santiago sa sitwasyon na hindi dapat magpakita ng paboritismo ang mga Banal sa isang tao nang higit kaysa sa iba.
Umisip ng mga sitwasyon sa ating panahon na nagpapakita na pinakikitunguhan nang di-maganda ng mga tao ang iba dahil sa kanilang mga kalagayan o katangian.
Ayon sa Santiago 2:5–7, pinagsabihan ni Santiago ang mga Banal na humahamak sa mga dukha. Ipinaalala niya sa kanila na pinili ng Diyos ang mga dukha na sagana sa pananampalataya at na ang mayayaman na nang-aapi sa mga dukha ay lumalapastangan sa Panginoon.
Basahin ang Santiago 2:8, na inaalam ang ipinaalala ni Santiago na gawin ng mga Banal para mawala sa kanila ang paboritismo.
Sa palagay mo, bakit tinawag ang utos na ito na “kautusang hari” (Santiago 2:8)?
Itinuro ni Pangulong Marion G. Romney ng Unang Panguluhan ang turo na ito mula kay Santiago at iniakma ito sa mga handog-ayuno:
“Dapat nating mahalin ang ating kapwa tulad ng pagmamahal natin sa ating sarili. Itinuring ng Tagapagligtas ang batas na ito na pumapangalawa lamang sa pag-ibig sa Diyos [tingnan sa Mateo 22:37, 39]. …
“Sa pagbabayad ng mga handog-ayuno, kailangan natin itong gawin na isinasaisip ang kautusang hari o maharlikang batas. …
“Ang pag-aalaga sa mga dukha at mga may kapansanan at mga nangangailangan ng tulong natin ay isang pangunahing layunin at lubos na kailangan sa pagtupad sa maharlikang batas ng pagmamahal sa ating kapwa na tulad ng pagmamahal sa ating sarili” (“The Royal Law of Love,” Ensign, Mayo 1978, 95).
Tapusin ang sumusunod na alituntunin batay sa itinuro ni Santiago sa mga talatang ito: Ang matatapat na disipulo ni Jesucristo ay .
-
Isulat ang alituntuning ito sa iyong scripture study journal. Pagkatapos ay sagutin ang mga sumusunod na tanong:
-
Paano naging halimbawa ang Tagapagligtas ng pagmamahal sa kapwa anuman ang kanilang kalagayan?
-
Sinong kakilala mo ang nagsisikap na mahalin ang lahat ng tao anuman ang kanilang kalagayan? Ano ang ginagawa ng taong ito para maipakita na mahal niya ang lahat ng tao anuman ang kanilang kalagayan?
-
Isipin kung paano mo pinapakitunguhan ang ibang tao. Hanapin ang mga pagkakataon na matularan ang halimbawa ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagmamahal sa mga tao anuman ang kanilang kalagayan.
Isipin na kunwari, matapos mong marinig ang turo ni Santiago tungkol sa pagmamahal sa lahat ng tao, narinig mong sinabi ng isang tao na wala namang masama kung paborito natin ang ilang tao at pakitunguhan nang di-maganda ang iba. Sinabi pa ng taong ito na kung tutuusin ay may mas masama pa tayong nagagawa kaysa rito.
Basahin ang Santiago 2:9–10, na inaalam kung bakit seryosong bagay ang hindi pagmamahal sa lahat ng tao anuman ang kanilang kalagayan.
Maraming kautusan, at ang pagsuway sa isa sa mga kautusang ito ay nangangahulugan na nalabag natin ang batas ng Diyos, naging marumi, at hindi makapananahanang kasama ng Diyos. Parang maituturing tayo na “makasalanan sa lahat” (Santiago 2:10) dahil iisa lang ang kahihinatnan nito: pagkawalay sa Diyos (tingnan sa 1 Nephi 10:21).
Mula sa mga talatang ito, natutuhan natin ang sumusunod na doktrina: Kung nakagawa tayo ng kahit isang kasalanan, nagkakasala tayo sa harapan ng Diyos.
Kahit naging marumi tayo dahil sa pagsuway, may pag-asa pa rin tayo. Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan kung paano tayo magiging malinis na muli:
“Ang biyaya ng Diyos ang ating dakila at walang-hanggang pag-asa.
“Sa pamamagitan ng sakripisyo ni Jesucristo, ang plano ng awa ang tumutugon sa mga hinihingi ng katarungan [tingnan sa Alma 42:15] ‘at nagbibigay ng daan sa mga tao upang sila ay magkaroon ng pananampalataya tungo sa pagsisisi’ [Alma 34:15].
“Ang ating mga kasalanan, bagama’t mapula, ay maaaring maging simputi ng niebe [tingnan sa Isaias 1:18] Dahil ang ating pinakamamahal na Tagapagligtas ay ‘ibinigay ang kaniyang sarili na pangtubos sa lahat’ [I Kay Timoteo 2:6], naglaan siya ng pasukan sa atin tungo sa Kanyang walang-hanggang kaharian [tingnan sa II Ni Pedro 1:11].
“Bukas ang pintuan!” (“Kaloob na Biyaya,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 108).
Ano ang kailangan nating gawin para malinis sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo nang sa gayon ay makapasok tayo sa kaharian ng Panginoon?
Ang pagdaig sa ating mga kahinaan at pagiging malinis at dalisay sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay naisasagawa kapag pinagsisikapang maging mas mabuti bawat araw. Ang maging katulad ng Tagapagligtas ang dapat nating mithiin sa buong buhay natin.
Ang Santiago 2:11 ay naglalaman ng halimbawa ng itinuro ni Santiago sa talata 10, na nagbibigay-diin na ang paglabag sa anumang utos ng Diyos ay ginagawa tayong makasalanan. Hinikayat niya sa Santiago 2:12–13 ang mga sumasampalataya na maging maawain sa pakikitungo sa tao dahil kung pakikitunguhan nila nang walang awa ang iba, sila rin ay hahatulan nang walang awa.
Santiago 2:14–26
Itinuro ni Santiago ang bahagi ng pananampalataya at gawa sa ating kaligtasan
Ginagamit ng mga tao ang salitang pananampalataya sa iba’t ibang paraan. Maaaring ilarawan ito ng ilan bilang paniniwala sa isang bagay, samantalang ang iba ay ginagamit ito para ilarawan ang isang paggawa o pagkilos. Natutuhan natin sa Santiago 2:14–26 kung paano itinama ni Santiago ang maling ideya tungkol sa pananampalataya.
Basahin ang Santiago 2:14, na inaalam ang itinanong ni Santiago sa mga tao tungkol sa pananampalataya.
Ginamit ni Apostol Santiago sa kontekstong ito ang mga salitang mga gawa na naiiba sa paggamit dito ni Apostol Pablo. Nang gamitin ni Pablo ang mga salitang mga gawa, ang tinutukoy niya ay ang mga gawa ng batas ni Moises. Nang gamitin ni Santiago ang mga salitang mga gawa, ang tinutukoy niya ay ang mga gawa ng katapatan o mga gawa ng kabutihan.
Basahin ang Santiago 2:17–18, na inaalam ang itinuro ni Pablo tungkol sa pananampalataya. (Ang Santiago 2:17–18 ay isang scripture mastery passage. Maaari mo itong markahan sa paraang mas madali mo itong mahahanap.)
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng mga katagang “ang pananampalataya na walang mga gawa, ay patay” (talata 17)?
Natutuhan natin mula sa mga talatang ito na ang tunay na pananampalataya kay Jesucristo ay maipapakita sa ating mabubuting gawa.
Pag-isipan ang mga ginawa mo sa nakalipas na linggo. Naipakita ba ng mga ginawa mong iyon na tunay kang sumasampalataya kay Jesucristo? Madali bang makikita ng iba kung tapat ang pananampalataya mo kay Jesucristo?
Scripture Mastery—Santiago 2:17–18
-
Basahin ang Santiago 2:17 nang ilang beses, at pagkatapos ay sikaping bigkasin ito na saulado na. Gawin din iyon sa Santiago 2:18. Para malaman kung saulado mo na ang mga talatang ito, isulat ang mga ito sa iyong scripture study journal nang walang kinokopyahan.
Santiago 3
Itinuro ni Santiago sa mga Banal na mahalagang kontrolin ang kanilang pananalita
Isipin kunwari na pinipisil mo palabas ang lahat ng toothpaste sa tube. Ngayon isipin mo naman na pilit mong ibinabalik ang toothpaste sa tube.
Paano maikukumpara ang toothpaste na ito sa mga salitang sinasambit natin?
May nasabi ka na ba na pinagsisihan mo kalaunan? Sa pag-aaral mo ng Santiago 3:1–12, alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo na piliin ang mga salitang sinasabi mo.
Basahin ang Santiago 3:2–4 at ang unang pangungusap ng Santiago 3:5, na inaalam kung paano inilarawan ni Santiago ang mga taong hindi nakakatisod o nakakasakit ng damdamin ng iba ang mga sinasabi.
Pansinin sa talata 2 kung paano itinuro ni Santiago na ang “hindi natitisod sa salita,” o sa ating sinasabi, ay nagpapakita ng matinding disipilina sa sarili. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng mga katagang “tayong lahat ay nangangatitisod” sa talata 2 ay lahat tayo ay nagkakamali, at ang salitang dila sa talata 5 ay tumutukoy sa mga salitang sinasabi natin.
Ang preno ( Santiago 3:3) ay isang kapirasong metal na inilagay sa bibig ng kabayo. Ang preno ay nakakonekta sa renda, para makontrol ng nangangabayo ang takbo ng kabayo. Ang ugit (Santiago 3:4) ay tumutukoy sa timon ng barko, na tumutulong sa isang tao na paandarin o iliko ang barko.
Ayon kay Santiago, ano ang pagkakatulad ng preno ng kabayo at ng ugit ng barko?
Paano nakatutulong sa atin ang pagkumpara ni Santiago sa mga bagay na ito sa dila, o sa mga sinasabi natin, na maunawaan ang epekto ng ating mga salita?
Ang isang katotohanan na malalaman natin mula sa mga talatang ito ay na ang matutuhang kontrolin ang ating pananalita ay may malaking epekto sa buhay natin.
Paanong ang isang bagay na tila simple lamang gaya ng matutuhang kontrolin ang ating pananalita ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa ating buhay?
Basahin ang huling pangungusap ng Santiago 3:5 at ang Santiago 3:6, na inaalam kung saan pa ikinumpara ni Santiago ang ating pananalita.
Isipin kung paano maaaring “[mapag]ningas” (Santiago 3:6) ang ating buhay, o malagay ito sa panganib ng ating di-magandang pananalita. Paano nakakaapekto nang maganda sa buhay natin ang kahit bahagyang pagbabago sa ating pananalita? Paano nakakaapekto sa buhay ng iba ang gayong mga pagbabago?
Tulad ng nakatala sa Santiago 3:8, nagbabala si Santiago na ang di napapaamo na dila, o walang kontrol na pananalita, ay parang nakamamatay na lason. Sa panahong ito ng digital communication at social media, dapat nating malaman na ang makamandag o masasakit na salita ay mabilis na lalaganap, magwawasak ng buhay, at maaaring maging permanente nang maalala sa digital world.
Basahin ang Santiago 3:7–12, na inaalam kung saan pa ikinumpara ni Santiago ang ating pananalita.
Natutuhan natin mula sa Santiago 3:9–10 na sinisikap ng mga disipulo ni Jesucristo na gamitin ang kanilang wika sa mabubuting layunin, hindi para magpalaganap ng kasamaan.
Matapos banggitin ang Santiago 3:2–10, nagsalita si Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa dapat at hindi dapat paggamitan ng ating mga salita:
“Malinaw na hindi naman sinasabi ni Santiago na laging masama ang sinasabi natin, na hindi lahat ng sinasabi natin ay puno ng ‘lasong nakamamatay.’ Ngunit malinaw niyang ipinapahiwatig na may mga sinasabi tayo na nakakasakit, at nakalalason pa kung minsan—at nakababahala ang bagay na iyan para sa isang Banal sa mga Huling Araw! Ang tinig na taimtim na nagpapatotoo, umuusal ng mga dalangin, at umaawit ng mga himno ng Sion ay maaaring ang tinig ding iyon na nambubulyaw at namimintas, nanghihiya at nanlalait, nananakit at dahil dito ay sumisira sa espiritu mismo ng isang tao at ng iba. …
“Mga kapatid, sa matagal at walang-hanggang mithiin nating maging higit na katulad ng ating Tagapagligtas, nawa’y sikapin nating maging ‘sakdal’ na kalalakihan at kababaihan [tingnan sa Santiago 3:2] kahit man lang sa paraang ito ngayon—sa pamamagitan ng hindi paggamit ng masakit na salita, o sa mas positibong paraan, sa pagsasalita gamit ang bagong wika, ang wika ng mga anghel. Ang mga salita, tulad ng ating mga gawa, ay dapat puno ng pananampalataya at pag-ibig sa kapwa, ang tatlong alituntunin ng Kristiyanismo na lubhang kailangan sa daigdig ngayon. Sa gayong mga salita, na binibigkas sa ilalim ng impluwensya ng Espiritu, mapapahid ang mga luha, mapagagaling ang mga puso, mapasisigla ang buhay, maibabalik ang pag-asa, mapananatili ang tiwala” (“Ang Wika ng mga Anghel,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 16, 18).
Isipin ang ilang mga bagay na magagawa natin para maging mas “sakdal” (Santiago 3:2) tayo sa pagpili ng ating mga sasabihin.
“Ang pakikipag-usap ninyo ay dapat magpakita ng inyong pagkatao bilang anak na lalaki o anak na babae ng Diyos. Ang malinis at matalinong pananalita ay patunay ng maaliwalas at mabuting isipan. Ang mabuting pananalita na nagbibigay-inspirasyon, humihikayat, at pumupuri sa iba, ay nag-aanyaya sa Espiritu na mapasainyo” (Para sa Lakas ng mga Kabataan [booklet, 2011], 20).
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Kailan mo nadama na nabigyan ka ng inspirasyon o napalakas ang loob mo dahil sa sinabi ng ibang tao?
-
Paano ka napagpala nang sikapin mong bigyan ng inspirasyon o palakasin ang loob ng iba dahil sa mga sinabi mo?
-
Sa hiwalay na kapirasong papel, isulat ang mithiing gagawin mo para mas makontrol ang pananalita mo at gamitin ang iyong mga salita para sa mabubuting layunin. Tiyaking gagawin mo ang isinulat mo.
Tulad ng nakatala sa Santiago 3:13–18, ikinumpara ni Santiago ang karunungan ng mundo sa karunungang buhat “sa itaas” (talata 17), o karunungang buhat sa Diyos. Ang karunungan ng mundo ay humahantong sa “paninibugho” (talata 16) at “pagkakampi-kampi” (talata 14), o pagtatalu-talo at “kaguluhan” (talata 16), samantalang ang karunungang mula sa Diyos ay “malinis” at “puspos ng kaawaan” (talata 17).
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Santiago 2–3 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: