Library
Unit 6, Day 3: Mateo 25


Unit 6: Day 3

Mateo 25

Pambungad

Nang turuan ni Jesucristo nang sarilinan ang Kanyang mga disipulo sa Bundok ng mga Olibo tungkol sa Kanyang Ikalawang Pagparito, itinuro Niya ang talinghaga ng sampung dalaga at ng mga talento. Ipinaliwanag din Niya na Kanyang ihihiwalay ang mabubuti mula sa masasama sa Kanyang pagbabalik.

Mateo 25:1–13

Itinuro ni Jesucristo ang talinghaga ng sampung dalaga

Isipin kung ano kaya ang mararamdaman mo kung ikaw ang binata sa sumusunod na kuwento ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, na narinig ang patotoo ng returned missionary na ito sa isang testimony meeting.

Larawan
Elder Jeffrey R. Holland

“Ikinuwento niya ang pag-uwi niya mula sa isang deyt matapos siyang maorden bilang elder sa edad na 18. May nangyari sa deyt na ito na hindi niya maipagmalaki. Hindi na niya binanggit ang anumang detalye, ni hindi niya iyon dapat sabihin sa publiko. Hanggang ngayo’y hindi ko alam ang detalye ng nangyari, pero sapat ang halaga niyon sa kanya para maapektuhan ang kanyang espiritu at pagpapahalaga sa sarili.

“Habang nakaupo sandali sa kanyang kotse sa garahe ng sarili niyang bahay, na pinag-iisipan ang mga bagay at talagang nalulungkot sa nangyari, patakbong dumiretso ang kanyang inang di-miyembro mula sa bahay papunta sa kotse niya. Sa isang iglap sinabi ng ina na ang nakababatang kapatid ng lalaking ito ay nahulog sa bahay nila, humampas nang malakas ang ulo at tila nangingisay o nagkukumbulsiyon. Agad tumawag ng ambulansya ang amang di-miyembro, ngunit medyo matatagalan pa bago dumating ang tulong.

“‘Halika at gumawa ka ng paraan,’ lumuluhang sinabi ng ina. ‘Wala ba kayong ginagawa sa Simbahan ninyo sa mga pagkakataong tulad nito? Nasa iyo ang priesthood nila. Halika at gumawa ka ng paraan.’ …

“… Sa gabing ito na kailangan ng isang taong mahal na mahal niya ang kanyang pananampalataya at lakas, hindi makakibo ang binatang ito. Dahil sa pinaglalabanan niyang damdamin at sa kompromisong nagawa niya—anuman iyon—hindi siya makaharap sa Panginoon para hingin ang basbas na kailangan” (“Ang Tiwala sa Pagkamarapat,” Liahona, Abr. 2014, 58–59).

Ano ang maiisip mo kung ikaw ang binatang ito na nasa ganitong sitwasyon? Bakit napakahalaga na maging laging handa?

Ang Mateo 25 ay karugtong ng pagtuturo ng Tagapagligtas sa Bundok ng mga Olibo, at kabilang dito ang tatlong talinghaga tungkol sa paghahanda na nagtuturo sa atin kung paano maging handa sa pagharap sa Panginoon kapag muli Siyang pumarito.

Habang nasa Bundok ng mga Olibo, itinuro ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo ang tungkol sa Kanyang Ikalawang Pagparito (tingnan sa Mateo 24). Sa pamamagitan ng talinghaga ng sampung dalaga, itinuro ni Jesus na kailangan tayong maghanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito.

Larawan
mga mangmang at matatalinong dalaga na may dalang mga ilawan

Basahin ang Mateo 25:1–4, na inaalam ang mga pangunahing bahagi ng talinghaga. Maaari mong markahan ang nalaman mo.

Ayon sa kaugalian ng mga Judio, ang lalaking ikakasal, kasama ang kanyang matatalik na kaibigan, ay pumupunta sa gabi sa bahay ng kanyang pakakasalan. Pagkatapos ganapin doon ang seremonya ng kasal, pupunta ang mga bisita sa kasal sa bahay ng lalaking ikakasal para sa piging o handaan. Ang mga bisita sa kasal na sumama sa prusisyon ay dapat may dala na kani-kanyang ilawan o sulo bilang palatandaan na kasama sila sa mga bisita sa kasal at upang makadagdag sa liwanag at ganda ng okasyon (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 78).

Basahin ang kabuuan ng talinghaga sa Mateo 25:5–13, na inaalam ang ginawa ng limang matatalinong dalaga at ng limang mangmang na dalaga.

Sa halip na basahin ang Mateo 25:5–13, maaari mong panoorin ang isang bahagi ng video na “They That Are Wise” (time code 0:00–5:46), na naglalarawan ng talinghaga ng sampung dalaga. Ang video na ito ay makukuha sa LDS.org. Habang pinapanood ang video, alamin ang ginawa ng limang matatalinong dalaga at ng limang mangmang na dalaga.

Isipin ang sumusunod na mga bahagi ng talinghaga, at isulat kung ano sa palagay mo ang sinasagisag ng bawat isa:

Ang lalaking ikakasal

Ang matatalinong dalaga

Ang mga mangmang na dalaga

Mga ilawan

Langis

Ang mga katagang “samantalang nagtatagal nga ang kasintahang lalake” (Mateo 25:5) at “pagkalahating gabi ay may sumigaw” (Mateo 25:6) ay tumutukoy sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Isiping mabuti kung ano ang matututuhan mo tungkol sa Ikalawang Pagparito mula sa mga talatang ito. Maaari mong isulat ang Jesucristo sa margin sa tabi ng mga talata 5–6.

Larawan
Elder Dallin H. Oaks

Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks, ng Korum ng Labindalawang Apostol kung sino ang kinakatawan ng sampung dalaga: “Ang sampung dalaga ay hayagang simbolo ng mga miyembro ng Simbahan ni Cristo, dahil lahat ay inanyayahan sa kasalan at alam ng lahat kung ano ang kailangan upang makapasok pagdating ng kasintahang lalaki. Ngunit kalahati lang ang handa nang dumating ito” (“Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 8).

Maaari mong isulat ang Mga miyembro ng Simbahan sa margin sa tabi ng Mateo 25:1–2.

Rebyuhin ang Mateo 25:8–9, at pag-isipan kung bakit hindi ibinigay ng matatalinong dalaga ang kanilang langis sa mga mangmang na dalaga. Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball kung ano ang sinasagisag ng langis at bakit hindi ito maaaring ipahiram:

Larawan
Pangulong Spencer W. Kimball

“Hindi ito pagdadamot o kawalan ng malasakit. Ang uri ng langis na kailangan upang paliwanagin ang daan at pawiin ang dilim ay hindi maipapahiram. Paano maipapamahagi ng isang tao ang pagsunod sa alituntunin ng ikapu; ang payapang isipan dulot ng matwid na pamumuhay; ang pagtatamo ng kaalaman? Paano maipapamahagi ng isang tao ang pananampalataya o patotoo? Paano maipapamahagi ng isang tao ang mga pag-uugali o kalinisang-puri, o ang karanasan sa misyon? Paano maipapamahagi ng isang tao ang kanyang mga pribilehiyo sa templo? Kailangang kamtin ng bawat isa ang gayong uri ng langis para sa kanyang sarili. …

“Sa talinghaga, ang langis ay mabibili sa tindahan. Sa ating buhay ang langis ng kahandaan ay unti-unting naiipon sa bawat patak sa mabuting pamumuhay. … Ang bawat gawain ng katapatan at pagsunod ay isang patak na dumaragdag sa ating imbakan” (Faith Precedes the Miracle [1972], 255–56).

  1. Isipin kung ano ang sinasagisag ng langis sa talinghaga. Sa iyong scripture study journal, gumawa ng listahan ng mga gawa ng katapatan at pagsunod na kukumpleto sa sumusunod na pahayag: Ayon kay Pangulong Spencer W. Kimball, ang ilan sa mga bagay na maaaring isagisag ng langis sa talinghaga ay …

Ang sumusunod ay isang katotohanang matututuhan natin mula sa talinghaga at sa mga komento ni Pangulong Kimball: Hindi tayo makakahiram ng espirituwal na paghahanda sa iba. Ang espirituwal na kahandaan ay kinabibilangan ng patotoo, pagbabalik-loob, pananampalataya, at iba pang mga kaloob na personal na dumarating sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder David A. Bednar

“Gusto kong gamitin ngayon ang isa sa maraming posibleng pakahulugan ng talinghaga ng sampung dalaga para bigyang-diin ang kaugnayan ng patotoo at pagbabalik-loob. Sampung dalaga, limang matalino at limang mangmang, ang kinuha ang kanilang ilawan at humayo para salubungin ang kasintahang lalake. Mangyaring isipin ninyo ang mga ilawang ginamit ng mga dalaga bilang ilawan ng patotoo. Dinala ng mga mangmang ang kanilang mga ilawan ngunit hindi sila nangagdala ng langis. Ipagpalagay ang langis bilang langis ng pagbabalik-loob. …

“Ang matatalino bang dalaga ay sakim at ayaw magbigay, o tama lang na ipinapahiwatig nila na ang langis ng pagbabalik-loob ay hindi maaaring hiramin? Ang espirituwal na kalakasan ba na bunga ng pagkamasunurin sa tuwina sa mga kautusan ay maaaring ibigay sa ibang tao? Ang kaalaman ba na nakamtan sa masigasig na pag-aaral at pagninilay ng mga banal na kasulatan ay maaaring ibigay sa isang taong nangangailangan? Ang kapayapaan bang hatid ng ebanghelyo sa matapat na Banal sa mga Huling Araw ay maaaring ilipat sa isang taong dumaranas ng hirap o malaking hamon? Ang malinaw na sagot sa bawat isa sa mga tanong na ito ay hindi.

“Gaya ng wastong pagbibigay-diin ng matatalinong dalaga, kailangang ‘magsibili tayo para sa ating sarili.’ Ang inspiradong kababaihang ito ay hindi naglalarawan ng transaksyon sa negosyo; sa halip, binibigyang-diin nila ang ating indibiduwal na responsibilidad na panatilihing nag-aalab ang ating ilawan ng patotoo at magkaroon ng sapat na suplay ng langis ng pagbabalik-loob. Ang mahalagang langis na ito ay nakukuha sa paisa-isang patak—‘taludtod sa taludtod [at] tuntunin sa tuntunin’ (2 Nephi 28:30), nang buong tiyaga at sigasig. Walang shortcut dito; walang huling-sandaling paghahanda ang maaaring magawa.

“‘Dahil dito, maging matapat, nananalangin tuwina, taglay ang inyong mga ilawan na tinabasan at nagniningas, at may langis na dala kayo, upang kayo ay maging handa sa pagparito ng Kasintahang lalaki’ (D at T 33:17)” (“Nagbalik-loob sa Panginoon,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 109).

Ang sumusunod ay isa pang katotohanan na maaari nating matutuhan mula sa talinghagang ito: Naghahanda tayo para sa Ikalawang Pagparito sa pamamagitan ng pagpapalakas sa ating patotoo at pagbabalik-loob sa pamamagitan ng araw-araw na paggawa ng mabuti.

Larawan
ilawang de-langis
  1. Magdrowing ng malaking ilawan sa iyong scripture study journal. Isinasaisip na ang langis sa talinghaga ay sumasagisag sa paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, ilista sa loob ng ilawan ang mga paraan na makapagdaragdag ka ng “langis” sa iyong “ilawan.” Kung maaari, ibahagi ang iyong mga ideya sa kapamilya o kaibigan, at itanong sa kanila kung ano ang imumungkahi nilang idagdag sa mga inilista mo.

Para maunawaan ang ibang paraan na makapag-iimbak ka ng langis nang papatak-patak sa pamamagitan ng mabuting pamumuhay, maaari mong panoorin ang nalalabing bahagi ng video na “They That Are Wise” (time code 5:46–8:44). Habang pinanonood mo ang video, magdagdag sa mga inilistang mong ideya sa iyong scripture study journal.

Pinagtibay ng Panginoon sa makabagong paghahayag na “sa araw na iyon, kung kailan ako ay paparito sa aking kaluwalhatian, ay matutupad ang talinghaga na aking sinabi hinggil sa sampung birhen” (D at T 45:56).

Basahin ang Mateo 25:10–12, na inaalam ang sinabi ng lalaking ikakasal sa mga mangmang na dalaga. Maaaring makatulong na malaman na nilinaw sa Joseph Smith Translation na sinabi ng lalaking ikakasal na, “Hindi ninyo ako nangakikilala” (Joseph Smith Translation, Matthew 25:11).

Ano ang sinasabi sa atin ng pahayag na “Hindi ninyo ako nangakikilala” tungkol sa limang mangmang na dalaga? Ano ang pagkakaiba ng kilala ninyo ang Panginoon sa may alam lang kayo tungkol sa Kanya? (Tingnan sa Juan 17:3.)

Natutuhan natin mula sa mga talatang ito na para maging handa sa pagdating ng Panginoon at maging karapat-dapat na manatili sa Kanyang kinaroroonan, dapat natin Siyang makilala.

  1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Sa anong mga paraan mo higit na nakilala ang Tagapagligtas?

    2. Paano makakaapekto sa espirituwal na paghahanda mo para sa Kanyang Ikalawang Pagparito ang pagkakilala mo sa Tagapagligtas?

Sa pagpapatuloy ng kuwento mula sa simula ng aralin—tungkol sa binatang mayhawak ng priesthood na hindi handa sa sandali ng pangangailangan—ipinaliwanag ni Elder Holland na humangos ang binata sa bahay ng isang nakatatandang lalaki sa kanyang ward. Kaagad binigyan ng basbas ng nakatatandang lalaki ang kapatid ng binata na nagpaayos ng lagay nito hanggang sa dumating ang paramedics. Patuloy pa ni Elder Holland:

Larawan
Elder Jeffrey R. Holland

“Pagkatapos ay ganito ang sinabi ng nabanggit kong returned missionary: ‘Walang sinuman na hindi nakaranas ng naranasan ko noong gabing iyon ang makakaalam sa kahihiyang nadama ko at lungkot na tiniis ko dahil sa dama kong hindi ako karapat-dapat na gamitin ang priesthood na hawak ko. Mas masakit ang alaalang ito para sa akin dahil sarili kong kapatid ang nangailangan sa akin at pinakamamahal kong mga magulang na di-miyembro ang takot na takot at may karapatang umasa sa akin nang higit pa rito. Ngunit habang nakatayo ako sa harapan ninyo ngayon, ito ang maipapangako ko,’ sabi niya. ‘Hindi ako perpekto, ngunit mula noong gabing iyon wala na akong ginawang anuman na hahadlang sa akin para humarap sa Panginoon nang may tiwala at humingi ng tulong sa Kanya kapag kailangan. Ang pagkamarapat ng sarili ay isang pakikipaglaban sa mundong ito na ating ginagalawan,’ sabi niya, ‘ngunit isang pakikipaglaban ito na pananalunan ko. Nadama ko na isinumpa na akong minsan sa buhay ko, at ayaw kong madama itong muli kailanman kung may magagawa ako ukol dito. At, siyempre,’ pagtatapos niya, ‘magagawa ko ang lahat ukol dito’” (“Ang Tiwala sa Pagkamarapat,” 59).

Isipin ang kailangan mong gawin upang maging espirituwal na handa sa pagdating ng Panginoon. Maaari mong bilugan ang isa o dalawa sa mga inilista mo sa iyong idinrowing na ilawan at gumawa ka ng goal o mithiin na kumilos sa paraang madaragdagan ang iyong espirituwal na kahandaan.

Mateo 25:14–46

Itinuro ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo ang talinghaga ng mga talento at ng mga tupa at mga kambing

Kung pumasok sa silid ang iyong mga magulang at binigyan ka ng malaking halaga ng pera, ano ang gagawin mo rito?

Nang ipagpatuloy ng Tagapagligtas ang pagtuturo Niya sa mga disipulo tungkol sa Kanyang Ikalawang Pagparito, ikinuwento niya ang talinghaga ng mga talento. Sa talinghagang ito, isang lalaking paalis na para maglakbay ang nagbigay ng pera sa tatlo sa kanyang mga alipin: limang talento sa unang alipin, dalawang talento sa pangalawa, at isang talento sa pangatlo. (Ang talento ay halaga ng pera.)

Larawan
mga barya noong unang panahon

Basahin ang Mateo 25:16–18, na inaalam ang ginawa ng mga alipin sa pera nila.

Nalaman natin sa Mateo 25:19–23 na pagbalik ng panginoon, ipinaulat niya sa kanyang mga alipin ang nagawa nila sa kanilang mga pera. Ang mga alipin na may limang talento at dalawang talento ay ginamit ang mga ito para madoble ang pera ng kanilang panginoon. Ngunit ang aliping may isang talento ay itinago ito at dahil dito ay walang anumang naibigay na dagdag sa kanyang panginoon.

Basahin ang Mateo 25:24–25, na inaalam kung bakit itinago ng alipin ang talento.

Sa talinghagang ito, ang mga talento ay maihahalintulad sa mga kaloob at mga kakayahang ibinigay sa atin ng Panginoon. Mahahadlangan tayo ng takot sa paggamit sa mga kaloob at mga kakayahang ibinigay sa atin ng Panginoon.

Ano sa palagay mo ang mangyayari kung hindi natin pauunlarin ang ating mga kaloob at mga kakayahan dahil sa takot?

Basahin ang Mateo 25:26–30 para malaman kung ano ang nangyari sa walang pakinabang na alipin.

Ang isang katotohanang matututuhan natin mula sa talinghagang ito ay na kung hindi natin pauunlarin at gagamitin ang mga espirituwal na kaloob para sa kabutihan, mawawala ang mga ito sa atin.

Umisip ng ilang paraan na magagamit mo ang iyong mga kaloob at mga kakayahan para maisulong pa ang gawain ng Panginoon. Ang isang talentong magagamit mo ay ang iyong patotoo (tingnan sa D at T 60:2–3). Pag-isipan na planuhing magamit at mapaunlad nang tapat ang iyong mga kaloob at mga kakayahan.

Larawan
kambing na nanginginain kasama ng mga tupa

Nalaman natin sa Mateo 25:31–46 na sa Kanyang Ikalawang Pagparito ay ihihiwalay ni Jesus ang mabubuti sa masasama tulad ng paghiwalay ng pastol sa mga tupa mula sa mga kambing. Paano natutukoy ng Panginoon ang kaibahan ng mga nagmamahal sa Kanya (mga tupa) at ang mga hindi nagmamahal sa Kanya (mga kambing)?

Basahin ang Mateo 25:40, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas kung paano natin maipapakita ang ating pagmamahal sa Kanya.

Natutuhan natin mula sa talatang ito na kapag minahal at pinaglingkuran natin ang iba, ipinapakita nating mahal natin ang Panginoon.

Upang mas maunawaan kung paano natin maipapakita ang ating pagmamahal sa Panginoon sa pamamagitan ng pagmamahal at paglilingkod sa iba, panoorin ang video na “The Coat,” na ipinapakita ang isang pangyayari mula sa kabataan ni Pangulong Heber J. Grant. Habang nanonood ka, alamin kung sino ang kani-kanyang pinaglilingkuran ng batang lalaki at ng kanyang ina?

Pag-isipan kung paano mo pinakitunguhan ang iba sa nakalipas na 24 oras. Isipin kung pipiliin mo ba na iba ang gawin kung malalagay ka sa gayunding sitwasyon. Sa susunod na 24 na oras, humanap ng mga pagkakataong sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu at paglingkuran ang iba.

  1. Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Mateo 25 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: