Library
Unit 4, Day 3: Mateo 15


Unit 4: Day 3

Mateo 15

Pambungad

Habang Siya ay nasa Galilea, ipinaliwanag ni Jesus sa mga eskriba at mga Fariseo kung bakit hindi sinunod ng Kanyang mga disipulo ang tradisyon na pagpapadalisay ng sarili sa pamamagitan ng paghuhugas ng kanilang mga kamay bago sila kumain. Kasunod niyon ay naglakbay siya sa baybayin ng Mediterania, kung saan pinagaling Niya ang anak na babae ng isang babaeng Gentil. Pagkatapos ay bumalik na si Jesus sa Galilea, kung saan nagpagaling Siya ng marami at mahimalang pinakain ang mahigit 4,000 katao.

Mateo 15:1–20

Itinanong ng mga Fariseo kung bakit hindi naghuhugas ng mga kamay ang mga disipulo ni Jesus bago kumain

Basahin ang mga sumusunod na sitwasyon, na inaalam kung ano ang karaniwan sa mga ito.

  • Isang dalagita ang hinihikayat ng kanyang mga kaibigan na magsuot ng mahalay na damit para sa isang sayawan sa paaralan. Alam ng dalagita na hindi akma ang damit na iyon sa mga pamantayan ng Panginoon sa pagiging disente, kahit tanggap na sa kultura nila ang ganoong pananamit.

  • Isang binatilyo ang kabilang sa pamilya ng mga Banal sa mga Huling Araw na mahilig sa isports. Kapag may ipinapalabas na isports sa telebisyon, karaniwang isinasantabi ng pamilya ang pagdarasal nang magkakasama, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, family home evening, at mga miting sa Simbahan tuwing Linggo para mapanood ang mga ito.

  • Isang magkasintahan ang naghahanda na magpakasal. Nakatira sila sa isang lugar kung saan tanggap ng maraming tao ang pakikipagtalik bago ang kasal. Sinabihan ng ilang tao ang magkasintahang ito na makaluma at kakatwa dahil hinihintay muna nilang makasal sila bago magtalik.

Maaaring napansin mo na inilalahad ng bawat sitwasyong ito ang pagkakasalungat ng pagsunod sa mga utos ng Diyos at pagkilos ayon sa tradisyon o kaugalian. Kabilang sa mga tradisyon o kaugalian ang mga paniniwala at pag-uugali ng isang kultura, komunidad, pamilya, o grupo ng mga kaibigan.

  1. Sa iyong scripture study journal, sumulat ng isa o mahigit pang mga tradisyon o kaugalian na makahahadlang sa iyo sa pagsunod sa mga utos ng Diyos. Sa pag-aaral mo ng Mateo 15, alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo sakali mang kailanganin mong magpasiya kung susunod ka sa utos ng Diyos o makikiayon sa mga tradisyon at kaugalian.

Basahin ang Mateo 15:1–2, na inaalam ang tradisyon na itinanong ng mga eskriba at mga Fariseo kay Jesus. Anong tradisyon ang hindi sinusunod ng mga disipulo ni Jesus?

Larawan
paghuhugas ng kamay

Ang paghuhugas ng kamay na binanggit ng mga eskriba at mga Fariseo ay tungkol sa seremonya ng paghuhugas para sa ritwal ng pagpapadalisay at walang kinalaman sa paghuhugas para sa kalinisan.

Basahin ang Mateo 15:3, na inaalam kung ano ang isinagot ni Jesus sa itinanong nila. Maaari mong markahan sa iyong mga banal na kasulatan ang sinabi ng Tagapagligtas na ginagawa ng mga eskriba at mga Fariseo sa pagsunod sa kanilang mga tradisyon.

Tulad ng nakatala sa Mateo 15:4–6, nagbigay ng halimbawa si Jesus kung paano nilalabag ng mga eskriba at mga Fariseo ang utos ng Diyos dahil sa pagsunod nila sa kanilang mga tradisyon. Iniiwasan nila ang pagganap sa obligasyon na kalingain ang kanilang tumatandang mga magulang sa pagsasabing ang kanilang pera ay nakalaan bilang hain sa Diyos, o Corban (tingnan sa Marcos 7:10–12). Sa paggawa nito, nilabag nila ang utos na igalang ang ama at ina.

Basahin ang Mateo 15:7–9, na inaalam ang pang-iimpluwensya ng mga eskriba at mga Fariseo sa mga tao na gamitin ang kanilang tradisyon bilang dahilan sa pagsuway nila sa mga utos ng Diyos.

Mula sa mga talatang ito, natutuhan natin ang sumusunod na alituntunin: Kung nais nating lumapit sa Diyos, dapat nating unahin ang Kanyang mga utos kaysa anumang tradisyon at kaugalian na mayroon tayo.

Basahing muli ang mga sitwasyon mula sa simula ng lesson na ito. Sa bawat sitwasyon, pag-isipan ang sumusunod na dalawang tanong:

  • Ano ang maaaring gawin ng isang tao o mga tao sa sitwasyong ito para masunod ang mga utos ng Diyos?

  • Paano makatutulong sa isang tao o sa mga tao ang paggawa nito para mapalapit sila sa Diyos?

  1. Pag-isipan ang mga tradisyon at mga kaugalian na isinulat mo sa assignment 1 sa lesson na ito. Sa iyong scripture study journal, isulat ang pagkakataon na pinili mong sundin ang mga utos ng Diyos sa halip na gawin ang tradisyon o kaugalian na tanggap ng karamihan. Pagkatapos ay sagutin ang mga sumusunod na tanong:

    1. Ano ang kailangan mong gawin para masunod ang mga utos ng Diyos sa halip na ang ibang mga tradisyon o kaugalian para mas mapalapit ka sa Kanya?

    2. Paano ka natulungan nito na mas mapalapit sa Ama sa Langit?

Alalahanin na naniniwala ang mga eskriba at mga Fariseo na ang kumain nang hindi naghugas ng kamay ay magpapahawa sa isang tao, o gagawing espirituwal na marumi ang taong iyon. Basahin ang Mateo 15:10–11, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas na talagang nagpapahawa o nagpaparumi sa atin. Maaari mong markahan ang nalaman mo.

Sinabi ng Tagapagligtas na, “Ang lumalabas sa bibig … ang nakakahawa sa tao” (Mateo 15:11). Matapos sabihin sa Kanyang mga disipulo na huwag pansinin o pabayaan na lang ang mga Fariseo, na nagdamdam sa Kanyang mga sinabi (tingnan sa Mateo 15:12–16), ipinaliwanag pa Niya ang tungkol sa talagang nagpaparumi sa atin.

Basahin ang Mateo 15:17–20, na inaalam ang sinabi ng Tagapagligtas tungkol sa nagpaparumi sa atin.

Sa mga banal na kasulatan, ang puso ay karaniwang sumasagisag sa ating mga iniisip at hinahangad. Ano ang sinabi ng Tagapagligtas na talagang nakakarumi sa atin?

Kumpletuhin ang sumusunod na alituntunin batay sa mga turo ng Tagapagligtas sa Mateo 15:19–20: Kung pinili nating mag-isip ng masama at maghangad nang di-maganda, tayo ay .

  1. Sa iyong scripture study journal, magsulat ng isa o dalawang paraan na tayo ay nahahawaan, o nagiging marumi sa aspetong espirituwal, kung pinili nating mag-isip o maghangad ng masasamang bagay?

Mateo 15:21–28

Pinagaling ng Tagapagligtas ang anak na babae ng isang babaeng Gentil

Sa sumusunod na espasyo, isulat ang isa o mahigit pang mabubuting bagay na gusto mo:

Sa patuloy na pag-aaral mo ng Mateo 15, alamin ang mga alituntuning makatutulong sa iyo na maunawaan kung ano ang kailangan mong gawin para matanggap ang iyong mabubuting hangarin.

Kung mayroon sa iyong mga banal na kasulatan, tingnan sa Gabay sa mga Banal sa Kasulatan ang Mga Mapa sa Biblia blg. 11, “Ang Banal na Lupain Noong Panahon ng Bagong Tipan.” Hanapin ang mga lungsod ng Tiro at Sidon sa mapa. Habang naglalakbay si Jesus mula Galilea hanggang sa mga baybayin ng Tiro at Sidon, nakasalubong Niya ang isang babaeng Cananea. Tulad ng maraming iba pang tao sa rehiyong iyon, ang babaeng ito ay Gentil—ibig sabihin ay hindi siya Judio. Noong panahong iyon, ang misyon ng Tagapagligtas ay ipangaral lamang ang Kanyang ebanghelyo sa mga Judio at hindi pa sa mga Gentil (tingnan sa Mateo 10:5–6).

Basahin ang Mateo 15:21–27, na inaalam ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong:

  • Anong mabuting bagay ang nais ng babaeng Cananea?

  • Ano ang ginawa at sinabi ng babaeng ito na nagpakita ng kanyang pananampalataya kay Jesucristo?

Mapapansin na nasubukan ang pananampalataya ng babaeng ito sa analohiya ng Tagapagligtas na paghahambing sa mga Gentil sa mga alagang aso. Paano higit na nagpakita ng kanyang panampalataya kay Jesucristo ang tugon ng babae sa analohiyang ito?

Basahin ang Mateo 15:28, na inaalam ang sinabi ng Tagapagligtas sa babaeng ito.

Bakit Niya ginawa iyon?

Mula sa talang ito, natutuhan natin na kapag nanampalataya tayo kay Jesucristo, makatatanggap tayo ng mga pagpapala ayon sa ating mabubuting hangarin.

Pag-isipan ang sumusunod na tanong: Bukod sa patuloy at tapat na paghiling sa Ama sa Langit na pagpalain tayo ayon sa ating mabubuting hangarin, ano pa ang magagawa natin para magpakita ng pananampalataya kay Jesucristo?

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Dallin H. Oaks

“Kapag may pananampalataya tayo sa Panginoong Jesucristo, dapat tayong magtiwala sa kanya. Dapat tayong magtiwala sa kanya na sapat para malugod nating tanggapin ang kanyang kagustuhan, nalalamang alam niya kung ano ang pinakamabuti para sa atin. …

“… Ang pananampalataya, gaano man ito kalakas, ay hindi magbubunga nang salungat sa kagustuhan niya na siyang pinagmulan ng kapangyarihan nito. Ang pagsampalataya sa Panginoong Jesucristo ay laging sakop ng patakaran ng langit, sa kabutihan at kalooban at karunungan at takdang panahon ng Panginoon. Iyan ang dahilan kung bakit hindi tayo magkakaroon ng tunay na pananampalataya sa Panginoon nang hindi lubos na nananalig sa kagustuhan ng Panginoon at sa itinakdang panahon ng Panginoon” (“Faith in the Lord Jesus Christ,” Ensign, Mayo 1994, 99–100).

Paano nakatutulong sa atin ang paliwanag ni Elder Oaks sa ibig sabihin ng pagsampalataya kay Jesucristo kapag hindi tayo kaagad nabibiyayaan ng Panginoon ayon sa mabubuting hangarin natin?

  1. Rebyuhin ang mabubuting hangaring isinulat mo kanina. Sa iyong scripture study journal, ipaliwanag kung ano ang magagawa mo para manampalataya kay Jesucristo habang sinisikap mong matamo ang mga hangaring iyon. Isulat din ang karanasan mo nang matanggap mo ang isa sa iyong mabubuting hangarin (ayon sa kalooban at takdang panahon ng Panginoon) dahil nanampalataya ka kay Jesucristo, o isulat ang karanasan ng kakilala mo. (Tandaan na iwasang sumulat ng mga karanasang napakasagrado o personal sa iyong scripture study journal.)

Mateo 15:29–39

Pinakain ni Jesus ang mahigit 4,000 tagasunod gamit ang pitong tinapay at ilang isda

Tulad nang nakatala sa Mateo 15:29–39, si Jesus ay bumalik sa Galilea. Habang Siya ay naroon, maraming tao ang nagsilapit sa Kanya. Nakatala sa mga banal na kasulatan na may “apat na libong lalake, bukod ang mga babae at mga bata” (Mateo 15:38), pati na mga taong may iba’t ibang karamdaman at kapansanan. Pinagaling sila ng Tagapagligtas, at nang tatlong araw na Niyang kasama ang mga tao, gumawa Siya ng isa pang himala at pinakain silang lahat gamit lamang ang pitong tinapay at ilang maliliit na isda.

  1. Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Mateo 15 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: