Library
Unit 8, Day 1: Marcos 4–5


Unit 8: Day 1

Marcos 4–5

Pambungad

Nagturo si Jesus gamit ang mga talinghaga sa baybayin ng Dagat ng Galilea. Habang nasa dagat, pinatigil ng Tagapagligtas ang bagyo, at namangha ang Kanyang mga disipulo sa kapangyarihan Niya sa mga elemento. Ipinakita ni Jesus na higit Siyang makapangyarihan sa mga demonyo sa pagpapaalis sa kanila mula sa isang lalaki. Habang nagmiministeryo sa Capernaum, pinagaling Niya ang isang babaeng inaagasan ng dugo at ibinangon ang anak na babae ni Jairo mula sa kamatayan.

Marcos 4

Nagturo si Jesus tungkol sa kaharian ng Diyos gamit ang mga talinghaga at pinatigil ang bagyo

Larawan
Pinatitigil ang Bagyo

Isipin ang pinakamalakas na bagyo na naranasan mo. Pag-isipang mabuti kung paano mo ilalarawan sa isang taong wala roon nang bumagyo ang iyong naranasan dito.

Paano natutulad sa isang bagyo ang ilang problema at paghihirap sa buhay?

  1. Kopyahin ang sumusunod na chart sa iyong scripture study journal. Pagkatapos, sa espasyo sa ibaba ng bawat kategorya, magsulat ng mga halimbawa ng mga problema sa pisikal, espirituwal, mental, at sosyal na maaaring maranasan ng mga kabataan?

Pisikal

Espirituwal

Mental

Sosyal

Sa pag-aaral mo ng Marcos 4–5, alamin ang mga alituntuning makatutulong sa iyo kapag may dumating na mga problema sa iyong buhay.

Nabasa natin sa Marcos 4:1–34 na habang nasa dalampasigan ng Dagat ng Galilea, si Jesucristo ay nagturo ng ilang talinghaga sa maraming tao. (Hindi tatalakayin sa lesson na ito ang mga talatang ito dahil napag-aralan mo na ang mga talinghagang ito sa Mateo 13.)

Basahin ang Marcos 4:35–38, na inaalam ang naging problema habang naglalayag patawid sa Dagat ng Galilea ang Tagapagligtas at Kanyang mga disipulo.

Larawan
Dagat ng Galilea

Ang Dagat ng Galilea ay nasa 700 talampakan mula sa kapatagan ng dagat at napaliligiran ng mga bundok sa tatlong dako nito. Kung minsan, pabugsong bumababa ang hangin mula sa mga dalisdis ng bundok at kaagad lumilikha ng malalakas na bagyo na may kasamang malalaking alon sa maliit na dagat na ito. Ilan sa mga disipulo ay mahuhusay na mangingisda, ngunit dahil sa bagyo, na sumasalpok sa sasakyang-dagat, “sila ay nangatakot, at nanganganib” (Joseph Smith Translation, Luke 8:23 ).

Kung ikaw ay nasa sasakyang-dagat kasama si Jesus at ang mga disipulo sa sitwasyong ito, ano ang maiisip at madarama mo nang lumapit ka sa Tagapagligtas at nakita Siyang natutulog?

Basahin ang Marcos 4:39–40, na inaalam ang ginawa ng Tagapagligtas nang humingi ng tulong ang mga disipulo. Maaari mong markahan ang mga katagang “Pumayapa, tumigil ka” at “humusay na totoo ang panahon” (Marcos 4:39) sa iyong mga banal na kasulatan. Maaari mo ring isulat ang sumusunod na alituntunin sa iyong mga banal na kasulatan o scripture study journal: Kung hihingi tayo ng tulong sa Tagapagligtas sa oras ng kagipitan o takot, bibigyan Niya tayo ng kapayapaan.

Isipin sandali ang ibig sabihin ng hingin ang tulong ng Tagapagligtas sa oras ng kagipitan o takot. Pag-isipan ang ilang paraan na magagawa natin ito.

Basahin ang Marcos 4:41, na inaalam kung ano ang itinanong ng mga disipulo tungkol kay Jesus. Maaari mong markahan ang tanong sa iyong mga banal na kasulatan.

Kung naroon ka para sagutin ang tanong ng mga disipulo, ano kaya ang sasabihin mo sa kanila tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang kapangyarihan?

Paano nakakaapekto sa iyong pananampalataya ang alalahaning si Jesucristo ay may kapangyarihang patigilin ang mga bagyo at magbigay ng kapayapaan sa panahon ng kagipitan?

  1. Basahin ang mga salita o pakinggan ang himnong “Guro, Bagyo’y Nagngangalit” (Mga Himno, blg. 60), at pag-isipang mabuti ang mensahe. Mag-isip ng isang pagkakataon na humingi ka o ang isang taong kakilala mo ng tulong sa Panginoon nang dumating ang unos o problema sa buhay. Sa papaanong paraan tumulong ang Tagapagligtas para mapatigil ang unos o magbigay ng kapayapaan? Sa iyong scripture study journal, magsulat ng mga bagay na magagawa mo para hingin ang tulong ng Tagapagligtas sa panahon na may mga problema ka sa buhay.

Marcos 5:1–20

Pinagaling ni Jesus ang isang lalaki sa pamamagitan ng pagpapaalis ng mga demonyo mula sa kanya

Nakatala sa Marcos 5:1–18 na pinagaling ni Jesus ang isang lalaking nasapian ng maraming “karumaldumal,” o masasamang espiritu. Matapos paalisin ang karumal-dumal na mga espiritu mula sa lalaki, pumasok sila sa isang kawan ng mga baboy, na nagkakagulong nagsitakbo sa bangin at nahulog sa dagat. Pagkatapos siyang mapagaling, gusto ng lalaki na sumama kay Jesus.

Basahin ang Marcos 5:19–20, na inaalam ang ipinagagawa ni Jesus sa lalaking ito.

Ang isang alituntuning matututuhan natin mula sa talang ito ay kapag nadama natin ang kapangyarihan ng Tagapagligtas sa ating buhay, mapapatotohanan natin sa iba ang Kanyang mga pagpapala at pagkahabag. Gayunman, kung napakasagrado ng isang karanasan, hindi mo dapat ibahagi ito maliban kung nahikayat ka ng Espiritu Santo na ibahagi ito.

Isiping mabuti kung paano o kanino mo maaaring ibahagi ang iyong patotoo sa mga pagpapala at pagkahabag ng Tagapagligtas sa iyong buhay.

Marcos 5:21–43

Pinagaling ni Jesus ang isang babaeng inaagasan ng dugo at ibinangon ang anak na babae ni Jairo mula sa kamatayan

Ikinuwento ni Elder Shayne M. Bowen ng Pitumpu ang isang malungkot na karanasan tungkol sa kanyang pamilya:

Larawan
Elder Shayne M. Bowen

“Noong ika-4 ng Pebrero 1990, isinilang ang pangatlo naming anak na lalaki at pang-anim na anak. Pinangalanan namin siyang Tyson. …

“Noong si Tyson ay walong buwang gulang, nakalulon siya ng chalk na nakita niya sa carpet. Bumara ang chalk sa lalamunan ni Tyson, at hindi siya makahinga. Ipinanhik si Tyson ng kanyang kuya, na natatarantang sumigaw ng, ‘Hindi humihinga si baby. Hindi humihinga si baby.’ Binigyan namin siya ng CPR at tinawagan ang 911.

“Dumating ang mga paramedic at isinugod si Tyson sa ospital. Sa waiting room patuloy kaming nagdasal nang taimtim, nagsusumamo ng himala sa Diyos. Matapos ang tila napakatagal na paghihintay, pumasok ang doktor sa silid at sinabi, ‘Ikinalulungkot ko. Wala na kaming magagawa pa. Maiwan ko muna kayo.’ Pagkatapos ay umalis na siya” (“Sapagka’t Ako’y Nabubuhay, ay Mangabubuhay Rin Naman Kayo,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 16).

Kung si Tyson ay iyong kapatid, ano ang maiisip o madarama mo sa sandaling iyon?

Paano sinusubukan ng ganitong karanasan ang pananampalataya ng isang tao?

Basahin ang Marcos 5:21–24, at alamin kung paano hinarap ng pinunong Judio na nagngangalang Jairo ang ganito ring problema na maaaring sumubok sa kanyang pananampalataya.

Basahin ang Marcos 5:25–26, na inaalam kung sino sa napakaraming tao ang sumunod kay Jesus papunta sa tahanan ni Jairo.

Bagama’t hindi tinukoy sa Bagong Tipan ang dahilan kung bakit “inaagasan” (Marcos 5:25) ng dugo o dinudugo ang babae, alam natin na talagang pinahirapan siya nito. Dagdag pa rito, ang isang taong inaagasan ng dugo ay itinuturing na karumal-dumal sa ilalim ng batas ni Moises (tingnan sa Levitico 15:19–33). Malamang na pinaalis at inihiwalay ang babaeng ito sa loob ng 12 taong pagkakasakit niya. Ang paghihirap na naranasan niya sa kanyang sitwasyon ay nakita sa katotohanang “nagugol na niya ang lahat niyang tinatangkilik” (Marcos 5:26) sa pagpapagamot sa mga doktor.

Basahin ang Marcos 5:27–34, at alamin ang ginawa ng babaeng ito para matanggap ang tulong ng Tagapagligtas. Ang ibig sabihin ng “lumapit siya sa karamihan, sa likuran niya” (Marcos 5:27) ay nagpilit siyang makadaan sa maraming tao para mahipo ang damit ni Jesus. Ang ibig sabihin ng salitang bisa sa talata 30 ay “kapangyarihan” o “lakas.”

Mula sa tala tungkol sa karanasan ng babaeng ito, matututuhan natin na kung ipapakita natin ang ating pananampalataya kay Jesucristo sa ating mga pagsisikap na lumapit sa Kanya, tayo ay mapapagaling Niya.

Mahalagang alalahanin na ang paggaling natin sa anumang karamdaman sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo ay hindi lamang nakabatay sa ating mga pagsisikap na lumapit sa Kanya kundi batay rin ito sa panahon at kalooban ng Diyos, tulad ng babaeng humipo sa damit ni Jesus.

Isipin na samantalang nakatigil si Jesucristo para tulungan ang babaeng inaagasan ng dugo, malamang na balisang naghihintay si Jairo na sumama sa kanya ang Tagapagligtas at tulungan ang kanyang anak na babae.

Basahin ang Marcos 5:35, na inaalam ang mensaheng inihatid kay Jairo habang tinutulungan ni Jesus ang babae.

Kung ikaw si Jairo, ano ang maiisip o gagawin mo sa sandaling iyon?

Basahin ang Marcos 5:36, na inaalam kung ano ang sinabi ng Tagapagligtas upang mapalakas ang pananampalataya ni Jairo. Maaari mong markahan ang nalaman mo.

Matututuhan natin mula sa kuwentong ito na ang pananampalataya kay Jesucristo ay humihingi sa atin ng patuloy na pananalig sa Kanya kahit sa panahon ng kawalang-katiyakan.

Pag-isipang mabuti ang mga sumusunod na tanong: Sa paanong mga paraan natin maipamumuhay ang alituntuning ito? Sa palagay mo, bakit sinusubukan kung minsan ng Diyos ang ating pananampalataya?

Basahin ang Marcos 5:37–43, na inaalam ang nangyari sa anak na babae ni Jairo. Pansinin na ang mga taong “tinatawanan [si Jesus] na nililibak” (Marcos 5:40) ay “ang mga tumutugtog ng mga plauta, at ang mga taong nangagkakagulo” (tingnan sa Mateo 9:23–24), hindi sina Pedro, Santiago, Juan, o ang mga magulang ng bata.

Larawan
Binasbasan ni Jesus ang Anak na Babae ni Jairo

Ibinangon ni Jesus ang anak na babae ni Jairo mula sa kamatayan.

Kung minsan ay pinapayapa ng Tagapagligtas ang mga unos sa ating buhay sa pag-alis sa hirap o takot na dinaranas natin. Kung minsan naman, maaaring hindi Niya alisin ang ating pagsubok, tulad ng ikinuwento ni Elder Bowen tungkol sa pagkamatay ng kanyang anak. Gayunpaman, kapag patuloy tayong nanampalataya kay Jesucristo, kahit sa panahon ng kawalang-katiyakan, bibigyan Niya tayo ng kapayapaan sa sandali ng ating mga paghihirap.

Basahin ang sumusunod na patotoo na ibinahagi ni Elder Bowen, at pag-isipang mabuti kung paano natin mapananatili ang ating pananampalataya anuman ang maging resulta ng mga pagsubok sa atin:

“Nang mapuno na ako ng paninisi, galit, at awa sa sarili, ipinagdasal ko na mabago ang aking saloobin. Sa napakapersonal na sagradong mga karanasan, binigyan ako ng Panginoon ng bagong damdamin, at kahit naroon pa rin ang lungkot at sakit, nabago ang buong pananaw ko. Ipinaalam sa akin na walang inagaw sa akin at sa halip ay may dakilang pagpapalang naghihintay sa akin kung ako ay magiging matapat. …

“Pinatototohanan ko na … ‘sa pag-asa natin sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, matutulungan Niya tayo na tiisin ang ating mga pagsubok, karamdaman, at sakit. Mapupuspos tayo ng galak, kapayapaan, at kaaliwan. Lahat ng di makatarungan sa buhay ay naiwawasto sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo’ [Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero (2004), 57]” (“Sapagka’t Ako’y Nabubuhay, ay Mangabubuhay Rin Naman Kayo” 17).

  1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Kailan ka o ang isang taong kakilala mo nagpatuloy na nanampalataya kay Jesucristo o sa panahon ng pagsubok at kawalang-katiyakan?

    2. Anong mga pagpapala ang dumating dahil sa pananatiling tapat? (Maaari kang bumalik sa chart na kinopya mo sa iyong scripture study journal sa simula ng lesson na ito at sumulat ng ilang pangungusap na nagpapaliwanag kung paano ka natulungan ng Tagapagligtas sa mga pagsubok na nauugnay sa bawat kategorya—pisikal, espirituwal, mental, at sosyal.)

  2. Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Marcos 4–5 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: