Library
Unit 16, Day 4: Juan 20–21


Unit 16: Day 4

Juan 20–21

Pambungad

Sa araw ng Linggo matapos ang Pagpapako sa Krus, natuklasan ni Maria Magdalena na walang laman ang libingang pinaghimlayan sa katawan ni Jesus, at kaagad umalis at sinabi ito kina Pedro at Juan, na tumakbo patungo sa libingan. Nagpakita kay Maria ang nabuhay na muling Cristo at kalaunan ay sa Kanyang mga disipulo. Sa dalampasigan ng Dagat ng Galilea, inanyayahan ni Jesus si Pedro na ipakita ang kanyang pagmamahal sa Kanya sa pamamagitan ng pagpapakain sa mga tupa Niya.

Juan 20:1–10

Natuklasan ni Maria Magdalena na walang laman ang libingan ni Jesus at sinabi ito kina Pedro at Juan, na tumakbo patungo sa libingan

Larawan
Libing ni Jesus

Isipin kung ano ang mararamdaman mo kung naroon ka noong inihimlay ang katawan ni Jesus sa libingan. Biyernes ito, at kailangang matapos ang Kanyang libing bago magsimula ang Sabbath ng mga Judio sa pagsapit ng takipsilim at nagpapatuloy hanggang takipsilim ng Sabado. Habang binabasa mo ang sumusunod na pahayag ni Elder Joseph B. Wirthlin ng Korum ng Labindalawang Apostol, isipin ang nadama ng mga disipulo ni Jesus:

Larawan
Elder Joseph B. Wirthlin

“Iniisip ko kung gaano kadilim ang Biyernes na iyon nang iangat sa Krus si Cristo.

“Noong kahindik-hindik na Biyernes na iyon nilindol at nagdilim ang mundo. Hinaplit ng bagyo ang daigdig.

“Ang masasamang taong iyon na pumatay sa Kanya ay nagalak. Ngayong wala na si Jesus, tiyak na magkakawatak-watak ang mga sumunod sa Kanya. Sa araw na iyon nagtagumpay sila.

“Noong araw na iyon ang tabing ng templo ay nahapak sa dalawa.

“Kapwa namighati at nalumbay si Maria Magdalena at si Maria na ina ni Jesus. Ang dakilang lalaking kanilang minahal at sinamba ay walang buhay na nakabayubay sa krus.

“Noong Biyernes na iyon nawalan ng pag-asa ang mga Apostol. Si Jesus na kanilang Tagapagligtas—ang lalaking lumakad sa tubig at nagbangon sa mga patay—Siya mismo ay nasa kamay ng masasamang tao. Wala silang magawa habang nadaraig Siya ng Kanyang mga kaaway.

“Noong Biyernes na iyon ang Tagapagligtas ng sangkatauhan ay hinamak at sinaktan, inabuso at kinamuhian.

“Iyon ay araw ng Biyernes na puno ng masakit at nakapanlulupaypay na kalungkutang bumagabag sa kaluluwa ng mga yaong nagmahal at sumamba sa Anak ng Diyos.

Palagay ko sa lahat ng araw sa simula pa lang ng kasaysayan, ang Biyernes na iyon ang pinakamadilim” (“Sasapit ang Linggo,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 29–30).

  1. Kunwari ay isa kang news reporter noong panahon ng kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesus at inatasan kang magsulat ng isang serye ng mga artikulo sa mga pangyayaring ito. Sa iyong scripture study journal, magsulat ng isang news report na parang nainterbyu mo ang mga disipulo ni Jesus matapos ang Kanyang kamatayan at libing. Maaari mong banggitin ang mga saloobin o damdamin na sinabi nilang nadama nila nang makita nilang isinasara ang libingan ni Jesus.

Sa kabila ng trahedyang dulot ng kamatayan at libing ng Tagapagligtas, sinabi ni Elder Wirthlin na, “Ngunit hindi nagtagal ang malungkot na araw na iyon” (“Sasapit ang Linggo,” 30).

Sa pag-aaral mo ng Juan 20, alamin kung bakit “hindi nagtagal ang malungkot na araw na iyon.”

Basahin ang Juan 20:1–2, na inaalam ang natuklasan ni Maria Magdalena nang dumating siya sa libingan ni Jesus nang umaga ng Linggo.

Ano ang ginawa ni Maria nang malaman niya na naalis ang bato sa pasukan ng libingan? Ano ang inakala niyang nangyari?

Basahin ang Juan 20:3–10, na inaalam ang ginawa nina Pedro at Juan, na tinukoy bilang ang “isang alagad” (talata 2) at “ang isang alagad” (talata 3), matapos marinig ang balita ni Maria.

Ano ang reaksyon ni Juan nang nakita niya ang libingang walang laman? Ano ang pinaniwalaan niya?

Bago nakita ni Juan ang libingang walang laman, hindi pa niya lubos na naunawaan ang mga pahayag ng Tagapagligtas na babangon Siya mula sa kamatayan sa pangatlong araw. Nang makita ni Juan ang libingang walang laman, nakaunawa at naniwala na siya (tingnan sa Juan 20:8–9).

Juan 20:11–31

Nagpakita kay Maria Magdalena ang nabuhay na muling Tagapagligtas at kalaunan ay sa Kanyang mga disipulo

Basahin ang Juan 20:11–15, na inaalam kung sino ang kumausap kay Maria pagkatapos lisanin nina Pedro at Juan ang libingan.

Basahin ang Juan 20:16–18, na inaalam ang iniutos ni Jesus kay Maria.

Larawan
Elder Bruce R. McConkie

Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ibig sabihin ng mga katagang “huwag mo akong hipuin” sa Juan 20:17: “Binangit sa King James Version na sinabi ni Jesus na ‘Huwag mo akong hipuin.’ Sinabi naman sa Joseph Smith Translation na ‘Huwag mo akong hawakan.’ Mababasa sa iba’t ibang pagsasalin ng talata mula sa Griyego ang ‘Huwag kang kumapit sa akin’ o ‘Huwag mo akong hawakan.’ Ang ilang kahulugan ay nagsasabing ‘Huwag ka nang kumapit sa akin ’ o ‘Huwag mo na akong hawakan.’ Ang iba ay nagsasabing itigil na ang paghawak o pagkapit sa kanya, na nagpapahiwatig na nakahawak na sa kanya si Maria. May matibay na dahilan para isiping ganito ang sinabi ng Nabuhay na Muling Panginoon kay Maria: ‘Hindi mo na akong maaaring hawakan, dahil ako ay aakyat na sa aking Ama’” (The Mortal Messiah, From Bethlehem to Calvary, 4 na tomo [1979–81], 4:264).

Larawan
Si Cristo at si Maria

Nagpakita ang nabuhay na muling si Jesus kay Maria Magdalena.

Ayon sa Juan 20:17, ano pa ang iniutos ni Jesus kay Maria?

  1. Patuloy na isiping kunwari ay isa kang news reporter noong nangyari ang mga ito. Sa iyong scripture study journal, magsulat ng isang news report na tila nainterbyu mo si Maria Magdalena. Maaari mong isulat ang tungkol sa kanyang patotoo sa nabuhay na muling Panginoon at ang sagot niya sa mga sumusunod na tanong: Ano ang naisip mo nang natuklasan mong walang laman ang libingan? Ano ang sumunod na ginawa mo? Kailan mo nalaman na buhay pa si Jesucristo? Sa report mo, isulat kung naniwala ka sa isinalaysay ni Maria at bakit.

Alalahanin na hindi makapaniwala ang ilang disipulo sa patotoo ni Maria (tingnan sa Marcos 16:11). Basahin ang Juan 20:19–20, na inaalam ang nangyari nang gabing iyon.

Natutuhan natin mula sa talang ito na nadaig ni Jesucristo ang kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli.

Ayon sa Juan 20:20, ano ang nadama ng mga disipulo nang makita nila ang nabuhay na muling Panginoon?

Ipinaliwanag ni Elder Joseph B. Wirthlin kung bakit “hindi nagtagal ang malungkot na araw [Biyernes] na iyon”:

Larawan
Elder Joseph B. Wirthlin

“Hindi nanatili ang kawalang-pag-asa dahil pagsapit ng Linggo, winasak ng Panginoon ang tanikala ng kamatayan. Bumangon Siya mula sa libingan at nagpakita sa kaluwalhatian ng tagumpay bilang Tagapagligtas ng sangkatauhan. …

“Bawat isa sa atin ay magkakaroon ng sariling mga Biyernes—mga araw na parang durog ang mismong sansinukob at ang mga piraso ng ating mundo ay nagkalat sa ating paligid. Daranasin nating lahat ang mga panahong iyon na parang hindi na tayo muling mabubuo. Lahat tayo’y magkakaroon ng mga Biyernes.

“Ngunit pinatototohanan ko sa inyo sa ngalan Niyang lumupig sa kamatayan—sasapit ang Linggo. Sa dilim ng ating kalungkutan, sasapit ang Linggo.

“Gaano man tayo kadesperado, gaano man ang ating pagdurusa, sasapit ang Linggo. Sa buhay mang ito o sa kabilang buhay, sasapit ang Linggo (“Sasapit ang Linggo,” 30).

  1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Paano makatutulong sa atin ang kaalaman na nabuhay muli si Jesucristo kapag nagdadalamhati tayo sa pagpanaw ng isang mahal sa buhay?

    2. Paano tayo matutulungan ng pangako ng Pagkabuhay na Mag-uli kapag dumaranas tayo ng iba pang paghihirap ng buhay?

Nakatala sa Juan 20:21–23 na matapos maipakita ni Jesus sa Kanyang mga disipulo ang mga sugat sa Kanyang mga kamay at tagiliran, iniutos Niyang gawin nila ang Kanyang gawain. Sinabi Niya sa kanila na, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo” (Juan 20:22), na maaaring ang ibig sabihin ay ipinagkaloob Niya sa kanila ang pagpapalang matanggap ang kaloob na Espiritu Santo, ngunit hindi pa nila lubos na matatamasa ang mga pagpapalang iyon hanggang kalaunan. Itinuro rin niya na tungkulin nilang tulungan ang iba na tumanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan.

Basahin ang Juan 20:24–25, na inaalam ang pangalan ng Apostol na wala sa sagradong okasyong iyon.

Pansinin sa talata 25 ang sinabi ni Tomas na kailangan niya upang maniwala. Sa palagay ninyo, bakit mahirap para kay Tomas na maniwala na nabuhay na muli si Jesus?

Ang konsepto ng pagkabuhay na mag-uli ay mahirap unawain para sa karamihan o sa lahat ng mga disipulo noong panahon ni Jesus. Tulad ng iba pang mga disipulo, hindi pa maunawaan ni Tomas kung ano ang pagkabuhay na mag-uli, at nais niya ng isang pisikal na katibayan.

Basahin ang Juan 20:26–29, na inaalam ang naranasan ni Tomas matapos ang walong araw.

Pansinin na sinabi ni Jesus kay Tomas na “huwag kang di mapanampalatayahin, kundi mapanampalatayahin” (Juan 20:27). Nalaman natin mula sa karanasan ni Tomas na pagpapalain tayo kapag pinili nating maniwala kay Jesucristo kahit hindi natin Siya nakikita.

Itinuro ni Elder Gerrit W. Gong ng Pitumpu:

Larawan
Elder Gerrit W. Gong

“Nasasaatin kung maniniwala tayo. …

“Kapag pinili nating maniwala, mauunawaan at makikita natin ang mga bagay sa ibang paraan. Kapag nakauunawa at namumuhay tayo sa gayong paraan, magiging masaya at maligaya tayo na tanging ang ebanghelyo lamang ang makapagbibigay” (“Choose Goodness and Joy,” New Era, Ago. 2011, 44).

  1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Bakit pinili mong maniwala kay Jesucristo kahit na hindi mo pa Siya nakikita ng iyong mga mata?

    2. Ano ang magagawa natin para maipakita na pinili nating maniwala kay Jesucristo?

    3. Paano ka pinagpapala dahil pinili mong maniwala kay Jesucristo?

Basahin ang Juan 20:30–31, na inaalam kung bakit itinala ni Juan ang mga pangyayaring ito.

Mula sa mga talatang ito, natutuhan natin ang mga sumusunod na katotohanan: Nagpapatotoo ang mga Apostol at propeta kay Jesucristo upang maniwala tayo na Siya ang Anak ng Diyos. Sa pagpiling maniwala sa patotoo ng mga apostol at mga propeta kay Jesucristo at pagkatapos ay maging tapat sa gayong patotoo, makatatanggap tayo ng buhay na walang hanggan.

  1. Magsulat sa iyong scripture study journal ng sagot sa sumusunod na tanong na hindi bababa sa dalawang talata: Sa lahat ng mga nakasulat sa mga Ebanghelyo ayon kina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan, anong kuwento, pangyayari, o turo mula sa ministeryo ng Tagapagligtas ang nakatulong sa iyong maniwala na si Jesucristo ang Anak ng Diyos? Bakit? Maghandang ibahagi ang isinulat mo sa inyong klase.

Juan 21:1–17

Nagpakita ang nabuhay na muling Panginoon sa ilan sa mga disipulo Niya sa Dagat ng Tiberias

Nakatala sa Juan 21:1–17 na nagpakita muli ang nabuhay na muling Panginoon sa ilan sa Kanyang mga disipulo habang nangingisda sila. Nang nakita nila si Jesus, nagmadali silang bumalik sa dalampasigan, at kumain ng isda at tinapay na kasama Niya. Habang kumakain sila, sinabi ni Jesus kay Pedro na para maipakita ang pagmamahal niya sa Kanya ay iwanan ang pangingisda at maglingkod sa mga tao ng Panginoon.

Juan 21:18–25

Ipinropesiya ni Jesus ang magiging kamatayan ni Pedro at ang pagbabagong-kalagayan ni Juan

Nabasa natin sa Juan 21:18–19 na ipinropesiya ni Jesus na sa pagtanda ni Pedro ay “iuunat [niya ang kanyang] mga kamay” (Juan 21:18) at dadalhin sa hindi niya nais puntahan. Pinaniniwalaang namatay si Pedro sa pamamagitan ng pagpapako sa krus. Gayunman, sinabing hiniling ni Pedro na ipako siya sa krus nang pabaligtad dahil itinuring niya ang kanyang sarili na hindi karapat-dapat mamatay nang tulad ng Tagapagligtas (tingnan sa Joseph Fielding Smith, Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 3:151–52).

Pagkatapos marinig ang propesiyang ito, itinanong ni Pedro kung ano ang mangyayari kay Apostol Juan, na kilala rin bilang si Juan ang Pinakamamahal (tingnan sa Juan 21:20–21). Basahin ang Juan 21:22–23, na inaalam kung paano sinagot ng Tagapagligtas si Pedro.

Ang salitang manatili sa talata 22 ay nangangahulugang manatiling buhay sa mundo. Sa gayon, mananatili si Juan sa mundo bilang isang taong nagbagong-kalagayan hanggang sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Ang mga taong nagbagong-kalagayan ay “mga tao na nagbago upang hindi nila maranasan ang sakit o kamatayan hanggang sa kanilang pagkabuhay na mag-uli sa kawalang-kamatayan” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Taong Nagbagong-Kalagayan, Mga,” scriptures.lds.org).

Ayon sa Juan 21:22, ano ang nais ni Jesus na pagtuunan ni Pedro sa halip na mag-alala sa mangyayari kay Juan?

Basahin ang Juan 21:24–25, na inaalam ang nais ipabatid ni Juan sa lahat sa pagtatapos niya ng kanyang tala.

  1. Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Juan 20–21 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: