Library
Unit 12, Day 4: Juan 1


Unit 12: Day 4

Juan 1

Pambungad

Itinala ni Apostol Juan, na kilala rin bilang si Juan ang Pinakamamahal, ang mahahalagang doktrinang may kinalaman sa tungkulin ni Jesucristo sa buhay bago ang buhay sa mundo. Nagpatotoo rin si Juan Bautista kay Jesucristo at bininyagan Siya. Inanyayahan ni Jesucristo ang mga tao na mag-aral sa Kanya.

Juan 1:1–18; Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:1–19

Pinatotohanan ni Juan na si Jesucristo ang Anak ng Diyos

Sisimulan mo sa lesson na ito ang iyong pag-aaral ng aklat ni Juan. Itinala ni Apostol Juan ang nais niyang ipaalam sa iba tungkol kay Jesucristo. Si Juan ay saksi sa maraming tala na isinulat niya. Karamihan sa mga nakatala sa Ebanghelyo Ayon kay Juan ay hindi matatagpuan sa mga Ebanghelyo Ayon kina Mateo, Marcos, at Lucas, na isinulat upang tulungan ang mga Judio at mga Gentil na maniwala na si Jesus ang Mesiyas at ang Tagapagligtas ng sangkatauhan. Nagsulat si Juan para sa mga nakauunawa na sa mga banal na kasulatan at naniniwala na si Jesus ang Cristo, ang ipinangakong Mesiyas.

  1. Kunwari ay nakikipag-usap ka sa isang taong kaunti lamang ang nalalaman tungkol kay Jesucristo at tinanong ka kung ano ang alam mo tungkol sa Kanya. Sa iyong scripture study journal, magtala ng tatlong bagay na ituturo mo sa kanya tungkol kay Jesucristo.

Larawan
Jesucristo

Sa pag-aaral mo ng Juan 1, alamin ang mga katotohanan tungkol sa Tagapagligtas na magpapalakas sa iyong pananampalataya at patotoo kay Jesucristo.

Basahin ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:1–2 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan), na inaalam ang mga katotohanang itinuro ni Juan tungkol kay Jesucristo. (Sa pag-aaral mo ng lesson na ito, babasahin mo ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:1–34. Ang mga salitang naka-italics ay mga idinagdag o binago ni Propetang Joseph Smith.)

(Isang katotohanan na dapat matukoy ay si Jesucristo ay sumasa Diyos sa simula. Idagdag ang katotohanang ito sa tala na isinulat mo sa iyong scripture study journal.

Ang mga katagang “sa simula” ay tumutukoy sa buhay bago ang buhay sa mundo. Kapag sinasabi ng mga banal na kasulatan na si Jesucristo ay sumasa Diyos “sa simula,” itinuturo nito sa atin na si Jesus ang Panganay ng Ama sa espiritu (tingnan sa D at T 93:21), Siya ay “katulad ng Diyos” at kabilang sa mga espiritung nagtipon “bago pa ang mundo” (tingnan sa Abraham 3:22–24), at Siya ang pinili ng Ama mula pa sa simula (tingnan sa Moises 4:2).

Basahin ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:3, na inaalam ang isang karagdagang katotohanan na itinuro ni Juan tungkol kay Jesucristo. Maaari mong markahan ang nalaman mo.

Nalaman natin mula sa talatang ito na lahat ng bagay ay nilikha ni Jesucristo. Idagdag ito sa tala ng mga katotohanan tungkol kay Jesucristo na isinulat mo sa iyong scripture study journal.

Nilikha ni Jesucristo ang langit at lupa at “mga daigdig na di mabilang” sa ilalim ng pamamahala ng Ama (Moises 1:33).

Larawan
Elder Bruce R. McConkie

Gayunman, isinulat ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol na inilaan ng Ama sa Langit ang “dalawang paglikha” para sa Kanyang Sarili: “Una, siya ang Ama ng lahat ng espiritu, kabilang si Cristo. … Pangalawa, siya ang Lumikha ng pisikal [na katawan nina Adan at Eva]” (A New Witness for the Articles of Faith [1985], 63; tingnan din sa Moises 2:27).

Lalo pang nilinaw ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” na “lahat ng tao—lalaki at babae—ay nilalang sa larawan ng Diyos. Bawat isa ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit, at, bilang gayon, bawat isa ay may katangian at tadhana na tulad ng sa Diyos” (Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129).

Basahin ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:4–5, na inaalam kung paano inilarawan ni Juan si Jesus at ang Kanyang ebanghelyo.

Ano sa palagay mo ang ibig sabihin na si Jesucristo at ang Kanyang ebanghelyo ay mga ilaw na “lumiwanag sa sanlibutan; at hindi ito naunawaan ng sanlibutan”?

Pagkatapos ay nagturo si Apostol Juan tungkol kay Juan Bautista. Basahin ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:6–10, na inaalam ang isang karagdagang katotohanan na pinatotohanan ni Juan Bautista.

Idagdag ang katotohanang ito sa tala sa iyong scripture study journal. Si Jesucristo ang Ilaw ng Sanlibutan. Isiping mabuti kung paano naging ilaw ng sanlibutan si Jesucristo. Tingnan ang Doktrina at mga Tipan 88:5–13 para sa dagdag na kaalaman.

Isa sa mga nilalaman ng Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:11–18 ang patotoo ni Juan Bautista na lahat ng mga naniniwala kay Jesucristo ay tatanggap ng kawalang-kamatayan o imortalidad at buhay na walang hanggan. Pansinin na tinukoy ni Juan si Jesucristo bilang ang “Salita” sa mga talata 14 at 16. Isa itong titulo ni Jesucristo na matatagpuan sa maraming talata sa mga banal na kasulatan (tingnan din sa Juan 1:1; I Ni Juan 1:1; Apocalipsis 19:13; D at T 93:8; Moises 1:32).

Dahil ginagamit natin ang mga salita upang iparating o ipahayag ang isang bagay sa iba, sa paanong paraan naangkop kay Jesucristo ang titulong “Salita”?

Isiping mabuti ang ilan sa sumusunod na mga dahilan kung bakit angkop ang titulong ito: Siya ang tagapagpahayag ng Ama sa mundo; Siya ang nagpapahayag ng mga salita ng Ama; Siya ang sugo ng kaligtasan (tingnan sa D at T 93:8); Siya ang sakdal o perpektong halimbawa ng pagsunod sa salita ng Diyos; Siya ang nagbibigay ng mga salita ng buhay na walang hanggan; at ang Kanyang salita ay nagbibigay ng buhay.

Ihambing ang Juan 1:18 sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:19. Kung wala ang Pagsasalin ni Joseph Smith, maaaring maging mali ang pagkaunawa ng ilang mambabasa sa Juan 1:18 na walang taong nakakita kailanman sa Diyos Ama. Paano nililinaw ng Pagsasalin ni Joseph Smith ng Juan 1:19 ang Juan 1:18 na karaniwang makikita sa Bagong Tipan?

  1. Isiping muli ang aktibidad sa simula ng lesson na ito kung saan sinabi sa iyong magkunwaring nagtuturo sa isang tao na kaunti lamang ang nalalaman tungkol kay Jesucristo. Sa iyong scripture study journal, isulat kung bakit mo naisip na mahalaga para sa isang tao ang malaman ang mga karagdagang doktrina tungkol kay Jesucristo na natukoy mo mula sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:1–19?

Juan 1:19–34; Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:20–34

Si Juan Bautista ay nagpatotoo tungkol kay Jesucristo at bininyagan Siya

Sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:20–28 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan), nagsugo ang mga Judio ng mga saserdote kay Juan Bautista upang magtanong kung siya ang Mesiyas. Ipinaliwanag ni Juan na ang kanyang tungkulin ay patotohanan ang Mesiyas, na magbibinyag sa pamamagitan ng apoy at ng Espiritu Santo. Kinabukasan, nakita ni Juan Bautista si Jesus, na bininyagan niya nang nakaraang araw.

Basahin ang mga salita ni Juan Bautista sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:29–33, na inaalam ang nais ipabatid ni Juan Bautista sa iba tungkol kay Jesucristo.

Tingnan ang mga katotohanang inilista mo sa iyong scripture study journal tungkol kay Jesucristo. Anong iba pang katotohanan o paglalarawan tungkol kay Jesucristo ang maidaragdag mo mula sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:29–33? (Itala ang iyong mga nalaman sa ilalim ng iba pang katotohanang itinala mo sa iyong scripture study journal.)

Pansinin na tinukoy ni Juan si Jesus bilang “ang Kordero ng Diyos”? Tulad ng dugo ng mga kordero ng Paskua na nagligtas sa Israel mula sa kamatayan at nagbigay ng kalayaan mula sa pang-aalipin ng Egipto, ang titulong “Kordero ng Diyos” ay nagpapahiwatig na ibubuhos ni Jesus ang Kanyang dugo upang iligtas ang Kanyang mga tao at palayain sila mula sa kasalanan.

Juan 1:35–51

Inaanyayahan ni Jesus ang Kanyang mga tagasunod na mag-aral pa tungkol sa Kanya

Isipin kunwari na may isang tinedyer na dumalo ng pulong sa pag-aayuno at pagpapatotoo at narinig ang ilan niyang kaibigan na nagpapatotoo na alam nila na si Jesucristo ang kanilang Tagapagligtas. Nagtataka ang tinedyer na ito kung paano “nalaman” ng mga kaibigan niya ang mga bagay na iyon. Pag-isipang mabuti kung paano mo sasagutin ang tanong na iyon.

Habang pinag-aaralan mo ang Juan 1:35–51, pansinin ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa magagawa mo upang matanggap o mapalakas ang iyong sariling patotoo kay Jesucristo bilang iyong Tagapagligtas.

Basahin ang Juan 1:35–37, na inaalam ang sinabi ni Juan Bautista sa dalawa sa kanyang mga disipulo isang araw matapos mabinyagan si Jesus.

Pagkatapos, basahin ang Juan 1:38–39, na inaalam ang sinabi ni Jesus sa dalawang disipulo at kung paano sila tumugon.

Ano ang sinabi ni Jesus sa dalawang disipulo?

Basahin ang Juan 1:40–42. Habang nagbabasa ka, markahan kung ano ang nalaman ng isa sa mga lalaki matapos niyang tanggapin ang paanyaya ng Tagapagligtas na “magsiparito kayo, at inyong makikita.”

Sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:42, nalaman natin na sinabi ni Jesus na si Pedro ay tatawaging “Cefas, na, ang kahulugan, isang tagakita, o isang bato” (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan), na ipinahihiwatig na magiging isang propeta, tagakita, at tagapaghayag si Pedro.

Basahin ang Juan 1:43–46, na inaalam ang paanyaya ng Tagapagligtas na gawin ng isa pang lalaki, na si Felipe.

Markahan ang mga salita sa talata 45 na nagpapahiwatig na nakatanggap si Felipe ng patotoo tungkol kay Jesucristo pagkatapos niyang tanggapin ang paanyaya ng Tagapagligtas na sumunod sa Kanya. Ano ang sinabi ni Felipe kay Natanael?

Basahin ang Juan 1:47–51, na inaalam ang nangyari noong tinanggap ni Natanael ang paanyaya na mag-aral tungkol kay Jesus.

Batay sa mga nalaman mo sa mga talang ito, kumpletuhin ang sumusunod na alituntunin: Kapag tinatanggap natin ang paanyaya na mag-aral at sumunod kay Jesucristo, magkakaroon tayo ng .

Larawan
Elder Jeffrey R. Holland

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, na inaalam kung bakit mahalaga para sa atin na tanggapin ang paanyayang mag-aral at sumunod sa Panginoon: “Tila ang pangunahing layunin ng ating paglalakbay sa buhay na ito at ang mga kasagutan sa mga pinakamahalagang katanungan sa buhay natin ay mauuwi sa dalawang napakaikling bahaging ito sa simula ng ministeryo ng Tagapagligtas sa mundo. Ang isang bahagi ay ang tanong sa bawat isa sa atin sa mundong ito: ‘Ano ang inyong hinahanap? Ano ang gusto ninyo?’ Ang pangalawa ay ang Kanyang itinugon sa ating sagot, anuman ang sagot na iyan. Kahit sino pa tayo at kahit ano pa ang sagot natin, ang Kanyang tugon ay gayon pa rin palagi: ‘Magsiparito kayo,’ ang sabi Niya nang buong giliw. ‘Pumarito, sumunod sa akin.’ Saan man kayo patungo, pumarito muna kayo at tingnan kung ano ang ginagawa ko, tingnan kung saan at paano ko ginugugol ang aking oras. Mag-aral sa akin, maglakad kasama ko, kausapin ako, maniwala. Pakinggan akong manalangin. At mahahanap ninyo sa paggawa nito ang mga sagot sa inyong mga panalangin. Ang Diyos ay magbibigay ng kapahingahan sa inyong mga kaluluwa. Pumarito ka, sumunod ka sa akin” (“He Hath Filled the Hungry with Good Things,” Ensign, Nob. 1997, 65).

Batay sa huling bahagi ng pahayag ni Elder Holland, anong dalawang bagay ang matatanggap natin kapag tinanggap natin ang paanyaya ng Tagapagligtas na “magsiparito kayo, at inyong makikita”?

  1. Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Sa paanong paraan nadagdagan ang iyong patotoo kay Jesucristo nang mag-aral at sumunod ka sa Kanya?

Isiping mabuti ang iyong sariling mga pagsisikap na mag-aral kay Jesucristo at sumunod sa Kanya. Isipin ang magagawa mo upang mas lubos na matanggap ang paanyaya na sumunod sa Kanya upang madagdagan ang iyong pananampalataya at patotoo.

  1. Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Juan 1 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: