Library
Unit 19, Day 3: Mga Gawa 16–17


Unit 19: Day 3

Mga Gawa 16–17

Pambungad

Pinatnubayan ng Espiritu Santo si Pablo at ang kanyang mga kasama sa pangangaral ng ebanghelyo sa Macedonia (hilagang Grecia). Pagkatapos paalisin ni Pablo ang masamang espiritu sa isang aliping babae, binugbog at ibinilanggo siya at si Silas. Nang gabing iyon, mahimalang nakalaya sila mula sa bilangguan, pagkatapos niyon ay bininyagan nila ang tagapamahala ng bilangguan at ang lahat ng kasama nito sa bahay. Itinuro rin nina Pablo at Silas ang ebanghelyo sa Tesalonica at Berea. Ang pang-uusig mula sa mga hindi naniniwala sa mga lungsod na ito ay nagtulak kay Pablo na tumakas papunta sa Atenas, kung saan itinuro niya sa mga tao sa Areopago [Burol ni Marte o Mars’ Hill], ang tungkol sa likas na katangian ng Diyos.

Mga Gawa 16:1–15

Ipinangaral ni Pablo at ng kanyang mga kasama ang ebanghelyo sa Macedonia

Ang isang pahiwatig ay tumutukoy sa damdamin o impresyong natatanggap natin mula sa Espiritu Santo na sasabihin o gagawin natin.

Larawan
Pangulong Thomas S. Monson

Ikinuwento ni Pangulong Thomas S. Monson ang isang karanasan nang sundin niya ang isang pahiwatig na umalis at magbigay ng basbas ng priesthood sa isang kaibigan sa ospital. Humantong ito sa pagliligtas ng buhay ng kanyang kaibigan. Sinabi ni Pangulong Monson na natutuhan niya ang sumusunod na aral nang araw na iyon: “Huwag na huwag kailanman na ipagpaliban ang pagsunod sa pahiwatig ng Espiritu” (“The Spirit Giveth Life,” Ensign, Hunyo 1997, 5).

  1. Sa iyong scripture study journal, isulat ang Huwag na huwag kailanman na ipagpaliban ang pagsunod sa pahiwatig ng Espiritu. Sa ibaba ng pahayag na iyan, magsulat ng mabubuting ibubunga ng patuloy na pagsunod sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo.

Sa iyong pag-aaral ng Mga Gawa 16, alamin ang mga alituntuning makatutulong sa iyo na mas maunawaan pa ang kahalagahan ng pagsunod sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo.

Nabasa natin sa Mga Gawa 16:1–5 na naglakbay sina Pablo, Silas, at Timoteo sa ilang sangay o branch ng Simbahan upang ibalita ang pasiyang ginawa ng mga lider ng Simbahan sa Jerusalem na makaaapekto sa buong Simbahan at magpapalakas sa pananampalataya ng mga miyembro ng Simbahan.

Basahin ang Mga Gawa 16:6–10, na inaalam kung paano nalaman ni Pablo at ng kanyang mga kasama, na ang isa rito ay malamang na si Lucas, kung saan sila pupunta habang naglalakbay. Maaari mong tingnan sa Mga Mapa sa Biblia, blg. 6, “Ang Paglalakbay ni Apostol Pablo Bilang Misyonero,” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan ang mga lugar kung saan naglakbay si Pablo.

Pansinin sa Mga Gawa 16:10 na agad sinunod ni Pablo at ng kanyang mga kasama ang Espiritu at “pagdaka’y” kumilos ayon sa pangitaing natanggap ni Pablo.

Mababasa natin sa Mga Gawa 16:11–13 na naglakbay sina Pablo at Silas mula sa Troas hanggang sa makarating sila sa Filipos, isang bayan sa Macedonia. Sa araw ng Sabbath, nilisan nila ang bayan upang manalangin malapit sa pampang ng ilog at nakipag-usap sa mga kababaihang nagtipon doon.

Larawan
Si Lidia, na may hawak na tela at ang banga ng tina [dye pot]

“Lidia, mangangalakal ng kayong kulay-ube” (Mga Gawa 16:14)

Basahin ang Mga Gawa 16:14–15, na inaalam kung paano tumugon ang isang babaeng nagngangalang Lidia sa mga turo ni Pablo. Tinutukoy ng mga katagang “mangangalakal ng kayong kulay-ube” sa talata 14 ang katotohanang nagbebenta si Lidia ng kayong kulay-ube, na napakamahal at maaaring nagpahiwatig na isa siyang babaeng mayaman at maimpluwensya. Ang ibig sabihin ng salitang unawain ay nagtuon siya ng pansin o nakinig.

Anong mga kataga sa Mga Gawa 16:14 ang nagpapahiwatig na handa si Lidia na tanggapin ang ebanghelyo?

Natutuhan natin mula sa karanasan ni Pablo na kapag sinunod natin ang paghahayag na ibinigay sa atin ng Diyos, tayo ay gagabayan sa mga taong handang tumanggap ng ebanghelyo.

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, at markahan ang sinabi niya na dapat nating gawin para magabayan sa mga taong handang tumanggap ng ebanghelyo:

Larawan
Elder Dallin H. Oaks

“Dapat tayong manalangin na tulungan at patnubayan ng Panginoon nang sa gayon ay maging kasangkapan tayo sa Kanyang mga kamay para sa taong handa na ngayon—sa taong nais Niyang tulungan natin sa araw na ito. Kung gayon, dapat tayong alistong makinig at sumunod sa mga pahiwatig ng Kanyang Espiritu tungkol sa susunod na hakbang na dapat nating gawin.

“Darating ang mga pahiwatig na iyon. Alam natin mula sa maraming personal na patotoo na sa Kanyang sariling paraan at sa Kanyang sariling panahon, ihahanda ng Panginoon ang mga tao na tanggapin ang Kanyang ebanghelyo. Ang mga taong iyon ay naghahanap, at sasagutin ng Panginoon ang kanilang mga panalangin sa pamamagitan ng pagsagot sa mga panalangin natin kapag hinangad nating matukoy sila. Bibigyan Niya ng inspirasyon at gagabayan ang mga taong tapat na humihingi ng patnubay kung paano, saan, kailan, at kung kanino ibabahagi ang ebanghelyo” (“Sharing the Gospel,” Ensign, Nob. 2001, 8).

  1. Mag-isip ng isang pangyayari na ikaw o ang isang taong kilala mo ay sumunod sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo at natagpuan ang isang tao na handang tumanggap ng ebanghelyo o sinunod ng isang tao ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo na hanapin ka nang handa ka nang tumanggap ng ebanghelyo. Isulat ang karanasan mo sa iyong scripture study journal.

Sikaping sundin ang payo ni Elder Oaks na manalangin na tulungan ng Panginoon at pagkatapos ay sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu na ibahagi ang ebanghelyo sa mga taong nasa paligid mo.

Mga Gawa 16:16–40

Sina Pablo at Silas ay ibinilanggo at pagkatapos ay pinalaya

Basahin ang Mga Gawa 16:16–18, na inaalam ang ginawa ni Pablo nang makaharap niya ang isang “dalaga” (Mga Gawa 16:16), o aliping babae, na sinapian ng karumal-dumal na espiritu. Ang panghuhula (Mga Gawa 16:16) ay “anumang mapamahiing paraan na sumusubok sa pagtuklas sa mangyayari sa hinaharap. Ang ganitong gawain ay makikita sa lahat ng bansa at sa lahat ng panahon; madalas na kinukondena ang mga ito sa banal na kasulatan” (Bible Dictionary, “Divination”).

Basahin ang Mga Gawa 16:19–21, na inaalam kung ano ang reaksyon ng mga panginoon ng aliping babae sa ginawa ni Pablo.

Ayon sa Mga Gawa 16:19, bakit sila nagalit?

Nalaman natin sa Mga Gawa 16:22–24 na iniutos ng maraming tao at ng mga lokal na pinuno na bugbugin at ibilanggo sina Pablo at Silas.

  1. Kopyahin ang sumusunod na chart sa iyong scripture study journal. Basahin ang mga scripture passage na nakasulat sa chart at magdrowing ng simpleng larawan sa iyong sariling chart na naglalarawan sa bawat talata.

    Mga Gawa 16:25


    Mga Gawa 16:26


    Mga Gawa 16:27–28


    Mga Gawa 16:29–30


    Mga Gawa 16:31–32


    Mga Gawa 16:33–34


Pansinin sa Mga Gawa 16:31 kung paano sinagot nina Pablo at Silas ang tanong ng bantay ng bilangguan, “Ano ang kinakailangan kong gawin upang maligtas?” (Mga Gawa 16:30). Ano ang ginawa ng bantay ng bilangguan upang ipakita ang kanyang pananampalataya kay Jesucristo?

Mula sa mga itinuro ni Pablo sa bantay ng bilangguan, nalaman natin na kinakailangang manampalataya kay Jesucristo upang maligtas, at ipinapakita natin ang paniniwalang iyan sa Kanya sa pamamagitan ng pagpapabinyag.

Ang ibig sabihin ng kaligtasan ay “maligtas mula sa [pisikal] at espirituwal na kamatayan” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kaligtasan,” scriptures.lds.org). Paanong nagpapakita ng ating pananampalataya kay Jesucristo ang pagpapabinyag?

Bukod pa sa pagpapabinyag, ano ang iba pang mga paraan na maipapakita natin ang ating pananampalataya kay Jesucristo?

Nalaman natin sa Mga Gawa 16:35–40 na nagpasabi ang mga hukom sa bantay ng bilangguan na palayain sina Pablo at Silas. Tumangging lumabas si Pablo dahil alam niya ang kanyang karapatan bilang mamamayang Romano at alam niya na hindi makatarungan ang pagtrato sa kanila. Hindi makatwirang hampasin ang isang mamamayan ng Roma nang hindi muna ito nililitis. Nang malaman ng mga hukom na mga Romano sina Pablo at Silas, natakot sila. Ang mga hukom ay dumating sa bilangguan, pinalaya sina Pablo at Silas, at sinabihan silang lisanin ang bayan.

Mga Gawa 17:1–15

Tinangkang pigilan ng ilang Judio sa Tesalonica si Pablo sa pangangaral ng ebanghelyo

Isipin kung paano mo papayuhan ang mga indibiduwal sa mga sumusunod na sitwasyon:

  • Isang binatilyo na miyembro ng Simbahan ang nakikinig sa isang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol na nagsasalita tungkol sa kahalagahan ng kasal at pamilya sa plano ng Ama sa Langit. Ilan sa mga kaibigan ng binatilyo ay nagpahayag ng pagtutol sa mga turo ng Apostol. Gustong malaman ng binatilyo para sa kanyang sarili kung totoo ang itinuro ng Apostol.

  • Nag-alinlangan ang isang dalagita sa kahalagahan ng pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath. Karamihan sa kanyang mga kaibigan ay magkakasama tuwing Linggo para mamili, kumain sa labas, o manood ng sine. Ipinaliwanag ng kanyang ina ang mga pagpapalang darating mula sa paggalang sa Panginoon sa araw ng Linggo, pero nahihirapan pa rin ang dalagita na maniwala na mahalagang panatilihing banal ang araw ng Sabbath.

Alamin ang mga alituntunin sa pag-aaral mo ng Mga Gawa 17 na makatutulong sa iyo na malaman para sa iyong sarili na totoo ang mga mensaheng natatanggap natin mula sa mga tagapaglingkod ng Panginoon.

Nalaman natin sa Mga Gawa 17:1 na naglakbay sina Pablo at Silas papunta sa Tesalonica, kung saan nagturo sila sa sinagoga ng mga Judio.

Basahin ang Mga Gawa 17:2–3, na inaalam ang ginamit ni Pablo para ituro sa mga Judio na si Jesus ang Cristo, ang Mesiyas.

Ang ibig sabihin ng salitang pinatunayan sa talata 3 ay ipinahayag o sinabi. Gumamit si Pablo ng mga talata sa banal na kasulatan upang suportahan ang kanyang patotoo na si Jesus ang Cristo.

Basahin ang Mga Gawa 17:4–5, na inaalam ang reaksyon ng mga tao sa Tesalonica sa mga turo ni Pablo.

Nalaman natin sa Mga Gawa 17:6–9 na pinaghahanap sina Pablo at Silas ng mga di-naniniwala, at nang hindi nila sila matagpuan, isinama ng masasamang tao ang ilang nananampalataya at nagpunta sa mga pinuno sa Tesalonica at sinabing isang banta sa awtoridad ni Cesar ang mga turo ni Pablo.

Basahin ang Mga Gawa 17:10–12, na inaalam kung saan pumunta sina Pablo at Silas sa kanilang pagtakas at kung paano tinanggap ng mga Judio roon ang mga turo ni Pablo.

Maaari mong markahan sa Mga Gawa 17:11 kung ano ang ginawa ng mga tao na nagdulot na maniwala sila sa mga turo ni Pablo. Pagkatapos ay kumpletuhin ang sumusunod na equation gamit ang mga salitang minarkahan mo:

__________________________ + _____________________________ = Paniniwala

Upang mas maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng “tinanggap nila ang salita [nang] buong pagsisikap [at kahandaan ng isipan]” (Mga Gawa 17:11), isipin kung ano ang hitsura ng taong handang sumalo ng bola. Ngayon ay isipin kung ano ang hitsura ng taong hindi handang sumalo ng bola. Ano ang hitsura ng taong handang tumanggap ng mga salita ng mga tagapaglingkod ng Diyos? Ano ang hitsura ng taong hindi handang tumanggap ng mga salita ng mga tagapaglingkod ng Diyos?

Ang isang taong tumatanggap ng salita nang handa ang isipan ay isang taong mapagkumbaba, matiisin, at handang sundin ang kalooban ng Panginoon kapag natutuhan niya ang mga ito (tingnan sa Mosias 3:19).

Nalaman natin mula sa Mga Gawa 17:10–12 na kung tatanggapin natin ang mga salita ng mga tagapaglingkod ng Diyos nang buong kahandaan ng isipan at sasaliksikin ang mga banal na kasulatan araw-araw, mapapalakas ang ating paniniwala sa kanilang mga salita.

  1. Pag-aralang muli ang mga sitwasyong inilarawan sa simula ng bahaging ito, at pagkatapos ay sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Paano makatutulong ang alituntuning ito sa mga tao sa mga sitwasyong ito?

    2. Sa paanong paraan makatutulong ang kahandaan nating matuto sa ating kakayahang maniwala sa katotohanan?

    3. Paano makaiimpluwensya ang araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa ating kakayahang paniwalaan ang katotohanan?

Isipin ang mga pagkakataon na nasaksihan mo ang katotohanan ng alituntuning ito. Maaari mong ibahagi ang iyong mga karanasan sa isang kaibigan o kapamilya.

Nalaman natin sa Mga Gawa 17:13–15 na nang mabalitaan ng mga Judio sa Tesalonica na nangangaral si Pablo sa Berea, nagpunta sila sa Berea upang udyukang magalit ang mga tao rito. Kailangang tumakas muli ni Pablo, kaya naglakbay siya papunta sa Atenas.

Mga Gawa 17:16–34

Nangaral si Pablo sa Areopago

Larawan
Si Pablo na nagtuturo

Nagturo si Pablo sa Burol ni Marte.

Nalaman natin sa Mga Gawa 17:16–34 nalaman na napansin ni Pablo sa Atenas ang isang altar na may nakasulat na “Sa isang Dios na hindi kilala” (Mga Gawa 17:23). Pagkatapos ay itinuro ni Pablo sa mga taga Atenas ang tungkol sa katangian ng totoong Diyos—Ama sa Langit—ang Diyos na hindi nila kilala.

  1. Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Mga Gawa 16–17 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: