Library
Unit 19, Day 1: Mga Gawa 13–14


Unit 19: Day 1

Mga Gawa 13–14

Pambungad

Sinimulan ni Pablo (na dating tinatawag na Saulo) ang kanyang unang pangmisyonerong paglalakbay kasama si Bernabe. Sila ay nangaral ng ebanghelyo at nagtatag ng mga sangay o branch kahit patuloy ang pang-uusig sa Simbahan. Nang hindi tanggapin ng mga Judio ang salita ng Diyos, nagtuon sina Pablo at Bernabe sa pangangaral sa mga Gentil.

Mga Gawa 13:1–13

Sinimulan nina Pablo at Bernabe ang isang pangmisyonerong paglalakbay at pinagsabihan ang isang bulaang propeta

Inilalarawan ng sumusunod na scale ang dami ng oposisyon na maaaring makaharap ng isang tao habang sinisikap niyang ipamuhay ang ebanghelyo. Sumasagisag ang isang dulo ng scale sa walang oposisyon, at sumasagisag naman ang kabilang dulo nito sa palaging may oposisyon.

Larawan
opposition continuum

Ilagay ang pangalang Moises sa lugar sa scale na sa palagay mo ay nagpapakita ng lebel ng oposisyon na naranasan ni Moises. Gawin din ang gayon para kay Joseph Smith at para kay Nephi. Batay sa oposisyon na natanggap mo habang sinisikap mong ipamuhay ang ebanghelyo, saan sa scale mo isusulat ang iyong pangalan?

Daranas ang lahat ng disipulo ni Jesucristo ng oposisyon sa iba’t ibang panahon at magkakaibang tindi sa kanyang buhay. Sa iyong pag-aaral ng Mga Gawa 13–14, alamin ang mga alituntuning makatutulong sa iyo kapag may dumating na mga oposisyon sa iyong pagsisikap na mamuhay nang matwid.

Nalaman natin sa Mga Gawa 13:1–2 na habang nagtitipon sa Antioquia ang ilang propeta at guro, nakatanggap sila ng tagubilin mula sa Espiritu Santo na dapat tawaging mangaral ng ebanghelyo nang magkasama sina Saulo at Bernabe.

Bago ang tawag na ito na magmisyon, iniukol ni Pablo ang kanyang panahon sa pag-aaral ng ebanghelyo ni Jesucristo mula noong magbalik-loob siya (tingnan sa Mga Taga Galacia 1:17–18) at pagkatapos ay nagturo at nangaral ng ebanghelyo sa Damasco, Jerusalem, Tarso, Siria, Cilicia, at Antioquia (tingnan sa Bible Dictionary sa LDS English version ng Biblia, “Paul”). Si Bernabe ay isang Judio mula sa Chipre na nagbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo (tingnan sa Mga Gawa 4:36).

Nalaman natin sa Mga Gawa 13:3–6 na matapos ma-set apart o maitalaga sina Saulo at Bernabe para sa kanilang misyon, naglakbay sila mula sa Antioquia papunta sa pulo ng Chipre at nangaral sa isang sinagoga sa bayan ng Salamina. Mula roon ay naglakbay sila sa kabilang panig ng pulo papunta sa bayan ng Pafos.

Larawan
mapa, unang pangmisyonerong paglalakbay ni Pablo

Unang pangmisyonerong paglalakbay ni Pablo (tingnan sa Mga Gawa 13–14).

Basahin ang Mga Gawa 13:6–8, na inaalam kung ano ang nangyari nang dumating sina Saulo at Bernabe sa Pafos.

Basahin ang Mga Gawa 13:9–12, na inaalam ang nangyari kay Elimas (tinatawag na Bar-Jesus sa Mga Gawa 13:6), ang manggagaway at bulaang propeta. Maaari mong markahan kung paano nakaimpluwensya sa isang Romanong proconsul, si Sergio Paulo, ang pagkakita sa kapangyarihan ng Diyos sa talata 12.

Ang isang alituntunin na matututuhan natin sa Mga Gawa 13:9–12 ay na tunay na mas malakas ang kapangyarihan ng Diyos kaysa sa kapangyarihan ng diyablo. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng mga talatang ito.

  1. Sagutin ang mga sumusunod sa iyong scripture study journal.

    1. Ipaliwanag kung paano makatutulong sa iyo ang pagkaunawang tunay na mas malakas ang kapangyarihan ng Diyos kaysa sa kapangyarihan ng diyablo kapag dumaranas ka ng oposisyon sa iyong buhay.

    2. Magsulat ng dalawa o tatlong sitwasyon na kung saan matutulungan ka ng pag-alaala sa alituntuning ito.

Dapat mong malaman na ipinapakita sa Mga Gawa 13:9 na si Saulo ay tinawag na Pablo sa mga banal na kasulatan (tingnan sa Mga Gawa 13:13).

Mga Gawa 13:14–43

Muling inilahad ni Pablo ang kasaysayan ng mga Israelita at pinatotohanan na naparito si Jesucristo bilang katuparan ng mga pangako ng Diyos

Larawan
pambura na nakakabit sa lapis

Mag-isip ng isang pagkakamali na nagawa mo noon na kung mababalikan mo lang sana ay hindi mo gagawin. Dumaranas tayo minsan ng oposisyon dahil pinili natin mismo ang masama. Sa iyong pag-aaral ng Mga Gawa 13:14–43, alamin ang mga alituntuning makatutulong sa iyo kapag may dumating na ganitong oposisyon sa buhay mo.

Nakatala sa Mga Gawa 13:14–37 na nilisan nina Pablo at Bernabe ang Chipre at naglayag patungong Pamfilia na nasa timog baybayin ng Turkey sa panahong ito. Dahil sa hindi tinukoy na dahilan, isa sa kompanyon nila, si Juan Marcos, ay nagpasiyang iwan sila at umuwi. Sa araw ng Sabbath, tumayo si Pablo sa harapan ng mga kalalakihan sa sinagoga sa bayan ng Antioquia sa Pisidia at itinuro ang kasaysayan ng mga Israelita, pati ang pagkabihag sa Egipto, pagtamo ng lupang pangako, pagtawag ng Diyos kay Haring David, at ang pagsilang ng Tagagapagligtas mula sa angkan ni David. Pagkatapos ay itinuro ni Pablo ang tungkol sa buhay at misyon ni Jesucristo.

Basahin ang Mga Gawa 13:32–33, na inaalam ang itinuro ni Pablo tungkol kay Jesucristo. Maaari mong markahan sa iyong mga banal na kasulatan ang itinuro niya tungkol sa Tagapagligtas.

Basahin ang Mga Gawa 13:38–39, na inaalam kung anong mga pagpapala ang sinabi ni Pablo na matatanggap natin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Nalaman natin mula sa Mga Gawa 13:38–39 ang sumusunod na alituntunin: Mapapatawad tayo sa ating mga kasalanan at aariing ganap o mabibigyang-katwiran sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Ang ibig sabihin ng mga salitang inaaring ganap o aariing ganap, na ginamit sa talata 39, ay “mapatawad mula sa kaparusahan sa kasalanan at maipahayag na walang sala” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagbibigay-katwiran, Pangatwiranan,” scriptures.lds.org). Kapag inaring ganap o binigyang-katwiran ang isang tao sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang kanyang kaugnayan sa Diyos ay muling naitatama.

Larawan
Elder D. Todd Christofferson

Sa pagbabasa mo ng itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol kung ano ang ibig sabihin ng inaring ganap o binigyang-katwiran sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, markahan ang mga pagpapala na sinabi niyang darating sa pamamagitan ng pagsisisi: “Nagdusa si Jesus at inialay ang Kanyang buhay upang magbayad-sala. [Mabubura] ng kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala ang mga epekto ng kasalanan sa atin. Kapag nagsisi tayo, ang biyaya ng Kanyang pagbabayad-sala ang nagbibigay-katwiran at lumilinis sa atin (tingnan sa 3 Nephi 27:16–20). Parang hindi tayo nagkasala, parang hindi tayo nagpatukso” (“Upang Sila ay Maging Isa sa Atin,” Ensign o Liahona, Nob. 2002, 71).

  1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Ano ang kailangan nating gawin upang mapatawad sa ating mga kasalanan at mabigyang-katwiran sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo?

    2. Sino ang ilang tao mula sa mga banal na kasulatan na napatawad sa kanilang mga kasalanan at nabigyang-katwiran sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo?

Kung may magagamit kang himnaryo ng Simbahan, awitin o basahin ang unang dalawang talata ng “Ako ay Namangha” (Mga Himno, blg. 115). Kapag inawit o binasa mo ito, alamin kung paano ipinahayag ng sumulat ng himno ang kanyang pasasalamat para sa Pagbabayad-sala at pagpapatawad ng Tagapagligtas.

  1. Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Ano ang nadama mo para kay Jesucristo nang isipin mo kung paano ginawang posible ng Kanyang Pagbabayad-sala na mapatawad ka sa iyong mga kasalanan?

Sundin ang anumang pahiwatig na matatanggap mo mula sa Espiritu Santo na makatutulong sa iyo na mapatawad ka at mabigyang-katwiran sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Ipinaliwanag na kasunod ng pangangaral ni Pablo sa Mga Gawa 13:40–43, maraming Gentil ang humiling kay Pablo na magturo siyang muli sa susunod na Sabbath.

Mga Gawa 13:44–52

Buong tapang na nangaral sina Pablo at Bernabe sa kabila ng tumitinding pang-uusig

Sa sumunod na araw ng Sabbath, halos lahat sa buong bayan ay dumating upang pakinggan sina Pablo at Bernabe na itinuturo ang salita ng Diyos.

Basahin ang Mga Gawa 13:44–52, na pinaghahambing ang inasal at ikinilos ng mga Judio at ang inasal at ikinilos ng mga Gentil habang nakikinig sila kina Pablo at Bernabe. Ang “mga babaing masisipag sa kabanalan” na binanggit sa talata 50 ay yaong mga pinapahalagahan at iginagalang sa kanilang komunidad.

Dapat mong malaman na nilinaw sa Joseph Smith Translation ang Mga Gawa 13:48 na “kasing dami ng naniwala ay itinalaga sa buhay na walang hanggan” (Joseph Smith Translation, Acts 13:48 ). Maaaring ipinapahiwatig ng salitang itinalaga sa talatang ito na sila ay nagbalik-loob at ginawa ang mga hakbang na kinakailangan upang magtamo ng buhay na walang hanggan. Kabilang sa mga hakbang na iyon ay ang binyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, pagsunod, at pagtitiis nang may pananampalataya hanggang wakas.

Mga Gawa 14

Gumawa ng mga himala sina Pablo at Bernabe habang ipinangangaral nila ang ebanghelyo sa kabila ng patuloy na pang-uusig

Larawan
dalagang nakatungo

Sa iyong palagay, bakit hinahayaan ng Panginoon na makaranas ng matitinding pagsubok ang mabubuting tao?

Sa iyong pag-aaral ng Mga Gawa 14, alamin ang mga alituntuning makatutulong sa iyo na maunawaan kung paano sasagutin ang tanong na ito.

Inilarawan sa Mga Gawa 14:1–21 ang ilan sa mga paghihirap na tiniis nina Pablo at Bernabe habang patuloy silang nangangaral. Basahin ang mga sumusunod na talata, na inaalam kung anong mga paghihirap ang naranasan ng mga missionary, at maaari mong markahan ang mga ito sa iyong mga banal na kasulatan:

  1. Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Ano ang maiisip mo kung kasama ka nina Pablo at Bernabe sa pagdanas ng mga pagsubok na ito?

Basahin ang Mga Gawa 14:22, na inaalam ang itinuro ni Pablo tungkol sa paghihirap.

Nalaman natin mula sa talatang ito ang sumusunod na alituntunin: Kapag matapat nating natiis ang mga paghihirap, magiging handa tayong makapasok sa kahariang selestiyal.

Isipin ang mga pagpapalang dumating sa iyo o sa mga taong kilala mo nang matapat mong natiis o nila ang mga paghihirap. Sa iyong palagay, sa paanong paraan tayo maihahanda ng pagtitiis nang tapat sa mga pagsubok para sa kaharian ng langit?

Kung may access ka sa Internet, panoorin ang Mormon Messages video na “The Refiner’s Fire” (5:02), na makukuha sa LDS.org. Sa iyong panonood, alamin ang mga uri ng pagpapala na matatanggap sa matapat na pagtitiis ng mga paghihirap.

Pumili ng isang alituntunin na natutuhan mo sa iyong pag-aaral ng Mga Gawa 13–14 na tutulong sa iyo nang lubos sa iyong mga pagsubok. Isulat sa isang maliiit na note card o papel ang alituntuning napili mo. Ipaskil ito sa lugar na makikita mo ito nang madalas (sa salamin, locker sa iyong paaralan, at sa iba pang lugar na madalas mong tingnan) para mabigyan ka ng lakas at tapang kapag dumaranas ka ng paghihirap.

  1. Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Mga Gawa 13–14 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: