Apendiks 2
Gabay sa Paglikha ng Karagdagang Mga Pagsasanay ng Kasanayan
Habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante, maaaring makatukoy ka ng isang kasanayan na sa palagay mo ay mahalaga ngunit hindi tinalakay sa mga materyal na ito ng kurso. Ang gabay na ito ay nagbibigay ng isang template na maaari mong gamitin upang lumikha ng karagdagang mga pagsasanay ng kasanayan para sa iyong klase.
Mga Pangunahing Bahagi ng mga Pagsasanay ng Kasanayan
May apat na bahagi ang outline ng bawat pagsasanay ng kasanayan: (1) ipaliwanag, (2) ipakita, (3) magsanay, at (4) ipamuhay. Ang sumusunod na mga tuntunin ay makatutulong sa iyo na isama ang mga pangunahing bahaging ito sa karagdagang pagsasanay ng kasanayan na nilikha mo para sa iyong klase.
Ipaliwanag
Ipakilala ang kasanayan sa iyong klase. Upang magawa ito, maaari mong:
-
Ipabasa sa mga mag-aaral ang tungkol sa kasanayan na inilarawan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo o sa Pag-adjust sa Buhay-Missionary.
-
Ibuod ang kasanayan gamit ang iyong sariling mga salita.
Mag-ingat na huwag maglaan ng masyadong maraming oras para sa bahaging ito ng pagsasanay ng kasanayan. Masisiguro nito na ang mga mag-aaral ay may sapat na oras upang makapagpraktis.
Ipakita
Pagkatapos ipaliwanag ang kasanayan, ipakita sa mga mag-aaral kung paano gamitin ang kasanayan. Upang magawa ito, maaari mong:
-
Ipakita kung paano gamitin ang kasanayan sa harap ng klase.
-
Sabihan nang maaga ang isang mag-aaral na siya ang magpapakita ng kasanayan sa harap ng klase upang makapaghanda siya.
-
Gumamit ng video na nagpapakita ng halimbawa ng isang tao na ipinapakita ang kasanayan.
Magsanay
Bigyan ng oras ang mga mag-aaral na mapraktis ang kasanayan. Maaari nila itong gawin kasama ang isang kapartner o sa maliliit na grupo. Kung maaari, anyayahan silang magpraktis nang mahigit sa isang beses. Maaari mo silang anyayahan na magpraktis kasama ang ibang kapartner o grupo sa bawat pagkakataon.
Ipamuhay
Sabihin sa mga mag-aaral na gumawa ng plano kung paano nila gagamitin ang kasanayang ito sa labas ng klase. Isiping mag-follow up sa mga susunod na lesson.