Lesson 6
Magsanay sa Pagtuturo
Mga Tulong para sa Pagtuturo ng mga Lesson mula sa Kabanata 3 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo
Ang pagbibigay ng paulit-ulit na pagkakataon na magturo ang mga miyembro ng klase ay makapagpapalakas ng kanilang tiwala sa sarili at kakayahang ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo. Maaari din nitong mapalakas ang kanilang patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang doktrina.
Paano gamitin ang lesson na ito
Lider ng talakayan: Ang lesson na ito ay nagbibigay ng mga ideya na tutulong sa mga mag-aaral na pag-aralan at ituro ang mga katotohanan mula sa kabanata 3 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Sa pagtukoy mo kung paano at kailan gagamitin ang mga ideya sa lesson na ito, pag-isipan ang mga sumusunod:
-
Dalas: Makikinabang ang mga miyembro ng klase sa paulit-ulit na pagkakataon na magturo sa buong kurso.
-
Mga halimbawa: Bago anyayahan ang mga miyembro ng klase na magturo, ipakita sa kanila ang mga halimbawa ng ipinagagawa sa kanila. Halimbawa, maaari mong (1) ipakita kung paano ituro ang isang katotohanan, o (2) gamitin ang maikling mga sample lesson mula sa “Magturo Kapag Nakahanap Kayo” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 201–202).
-
Kapaligiran: Tiyaking may tuturuan ang bawat isa. Tiyakin na nakaharap sila sa kanilang kapartner o grupo at maririnig ng lahat ang isa’t isa. Hikayatin ang mga mag-aaral na igalang ang kanilang mga kaklase na nagtuturo sa kanila.
-
Pag-uulit: Sikaping bigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral na ituro ang parehong katotohanan nang maraming beses sa isang sesyon ng klase. Makatutulong ito sa kanila na mag-adjust at humusay. Maaari mo silang atasan na turuan ang iba’t ibang tao sa bawat pagkakataon.
-
Pag-aangkop: Habang tumatagal, matutulungan mo ang mga mag-aaral na magtuon sa mas mahuhusay na kasanayan sa pagtuturo, tulad ng pagtuturo kasama ang isang kompanyon, pagbibigay ng epektibong paanyaya, o mahuhusay na tanong. Para sa mga ideya tungkol sa mga karagdagang kasanayan na maaari mong isama, tingnan ang mga pagsasanay ng kasanayan sa dulo ng manwal na ito.
Mga ideya para matulungan ang mga miyembro ng klase na magsanay sa pagtuturo
Lider ng talakayan: Ang mga sumusunod na gabay sa pagtuturo ay naglalayong tulungan ang mga mag-aaral na gawin ang mga panimulang hakbang sa pagiging epektibong guro.
Maikling buod
Lider ng talakayan: Ito ang pinakamabilis at pinakasimpleng pagpipilian. Maaaring maghanda at magturo ang mga mag-aaral ng maikling buod ng isang paksa ng ebanghelyo sa loob lamang ng ilang minuto. Maaari nila itong gawin paminsan-minsan sa simula ng klase, bago mo simulan ang iyong naka-iskedyul na lesson.
Para matulungan ang mga miyembro ng klase na maghanda ng maikling buod, ipakita ang mga sumusunod na tagubilin:
-
Hanapin ang bahaging may pamagat na “Pinagbatayang Doktrina” sa lesson 1, 2, o 3 mula sa kabanata 3 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo (mga pahina 39–52, 59–70, 75–88).
-
Pumili ng isa sa mga paksa sa bahaging ito na gusto mong pag-aralan. Maglaan ng ilang minuto upang pag-aralan at maunawaan ang paksang ito.
-
Magbahagi ng isa hanggang dalawang minutong buod ng iyong paksa sa kapartner o maliit na grupo.
Simpleng outline ng lesson
Lider ng talakayan: Ang opsiyong ito ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga mag-aaral na magdagdag ng mga karagdagang bahagi sa kanilang pagtuturo. Kabilang sa mga bahaging ito ang pagbabahagi ng isang nauugnay na banal na kasulatan, pagbibigay ng mga paanyaya, at pagbabahagi ng kanilang patotoo.
-
Hanapin ang bahaging may pamagat na “Pinagbatayang Doktrina” sa lesson 1, 2, o 3 mula sa kabanata 3 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo (mga pahina 39–52, 59–70, 75–88).
-
Pumili ng isa sa mga paksa sa bahaging ito na gusto mong pag-aralan. Dagdagan ang iyong pag-unawa sa paksang ito sa pamamagitan ng (1) pagbabasa ng subsection at pagbibigay-diin sa nakita mong pinakamahalaga at (2) pag-aaral ng ilan sa mga banal na kasulatan sa kahon na “Pag-aaral ng Banal na Kasulatan.”
-
Gumawa ng isang simpleng balangkas na naglalaman ng:
-
Maikling buod ng iyong natutuhan.
-
Isang nauugnay na banal na kasulatan na ibabahagi.
-
Isang paanyaya na maaari mong ipaabot.
-
Ang iyong patotoo.
-
Gamitin ang iyong outline para turuan ang kapartner tungkol sa paksang pinag-aralan mo.
-
Magturo ng dalawa o mahigit pang katotohanan
Lider ng talakayan: Ang opsiyong ito ay nagbibigay-daan sa mga mag-aaral na magturo ng dalawa o mahigit pang katotohanan sa maikling lesson. Para matulungan silang makumpleto ang opsiyong ito, ipamahagi ang handout na may pamagat na “Gabay para sa Paghahanda at Pagtuturo ng Maikling Lesson.”
Gabay para sa Paghahanda at Pagtuturo ng Maikling Lesson
Alin sa mga sumusunod na lesson mula sa kabanata 3 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo ang ituturo mo? (Pumili ng isa.)
-
____ Lesson 1: Ang Mensahe ng Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo ni Jesucristo
-
____ Lesson 2: Ang Plano ng Kaligtasan ng Ama sa Langit
-
____ Lesson 3: Ang Ebanghelyo ni Jesucristo
Pumunta sa bahaging “Pinagbatayang Doktrina” ng lesson na iyong pinili. Tingnan ang mga heading na nakasulat sa bold letter. Pumili ng kahit dalawa sa mga paksang ito na gusto mong sanayin sa pagtuturo. Alin sa mga heading ang pinili mo?
Para matulungan kang maghanda, isipin ang isang taong kilala mo na maaaring pagpalain ng mga katotohanang nais mong ituro. Isulat ang isang tanong, alalahanin, o kailangan ng taong ito na matutugunan ng iyong lesson.
Ayusin at ibuod ang iyong ituturo. Maghanda ng lesson na maituturo mo sa loob ng lima hanggang pitong minuto. Isiping gawin ang sumusunod: (1) Tumukoy ng kahit isang banal na kasulatan na ibabahagi mo. (2) Magsulat ng kahit isang tanong na itatanong mo. (3) Mag-isip ng isang karanasan o halimbawa na maibabahagi mo. (4) Isipin kung kailan ka maaaring magpatotoo. (5) Isulat ang paanyaya na maaari mong ipaabot.
Ihanda ang iyong outline gamit ang espasyo sa ibaba at sa likod ng pahinang ito. Kapag nagtuturo ka, huwag isiping talakayin ang lahat ng nasa lesson. Magturo mula sa iyong puso, gamitin ang sarili mong mga salita.
Magnilay
Lider ng talakayan: Matapos magsanay sa pagtuturo ang mga miyembro ng klase, isiping talakayin ang kanilang karanasan. Maaari kang magtanong ng tulad ng sumusunod:
-
Ano ang mga natutuhan ninyo mula sa proseso ng paghahanda at pagtuturo?
-
Ano ang pinakamahalaga sa inyo sa napag-aralan at naituro ninyo? Bakit?
-
Paano ninyo nais na humusay bilang isang guro?
Magtakda ng mithiin
Lider ng talakayan: Bigyan ng oras ang mga miyembro ng klase na pagnilayan ang natutuhan nila ngayon at magtakda ng mga mithiin. Maaari mong ipakita ang mga sumusunod para matulungan sila:
Magtakda ng mithiin na nauugnay sa iyong napag-aralan. Gumamit ng mga ideyang tulad ng sumusunod, o mag-isip ng sarili mo.
-
Ituro ang mga katotohanang inihanda at itinuro mo ngayon sa isang tao sa labas ng klase.
-
Pumili ng isa o mahigit pang lesson sa kabanata 3 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo para pag-aralan pa.
Ang aking mithiin
-
Ako ay … (ang gagawin mo).
-
Isasakatuparan ko ang aking mithiin sa pamamagitan ng … (isang simpleng plano).
Lider ng talakayan: Kung ang mga mag-aaral ay may grupo na pagbabahaginan ng kanilang mga mithiin, bigyan sila ng oras na ibahagi kung paano nila susuportahan o paaalalahanan ang isa’t isa bago ang susunod na klase.
Sa Susunod
Lider ng talakayan: Kung handa ka nang pag-aralan ang lesson 7 sa susunod, isiping anyayahan ang mga mag-aaral na pag-aralan ang “Ang Paanyayang Mabinyagan at Makumpirma” mula sa kabanata 3 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo (pahina 33–34) bilang paghahanda. Maaari ka ring magpadala sa kanila ng isang paalala.