Mga Calling sa Mission
Apendiks 1: Gabay sa Paglikha ng Karagdagang Mga Aktibidad sa Pag-aaral


Apendiks 1

Gabay sa Paglikha ng Karagdagang Mga Aktibidad sa Pag-aaral

Habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante, maaaring makatukoy ka ng isang bahagi mula sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo na sa palagay mo ay mahalaga ngunit hindi tinalakay sa mga materyal na ito ng kurso. Ang gabay na ito ay makatutulong sa iyo na lumikha ng isang customized na karanasan sa pag-aaral para sa iyong klase.

Mga Pangunahing Bahagi ng Mga Aktibidad sa Pag-aaral

May tatlong mahahalagang bahagi ang bawat aktibidad sa pag-aaral sa kursong ito: (1) mag-aral, (2) magsanay, at (3) magtakda ng mithiin. Ang sumusunod na mga patnubay ay makatutulong sa iyo na isama ang mahahalagang bahaging ito sa mga karagdagang aktibidad sa pag-aaral na ginawa mo para sa iyong klase.

Mag-aral

Tukuyin kung ano ang pag-aaralan ng mga mag-aaral

  • Aling mga talata mula sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo ang ipapabasa mo sa mga mag-aaral?

    • Laging tandaan ang limitasyon sa oras. Sa pangkalahatan, mas magandang pagtuunan ang isang maliit na bahagi at laliman ang pagtalakay rito kaysa magturo ng maraming materyal. Siguraduhing maglaan ng maraming oras para sa pagsasanay at pagsasabuhay.

  • Mayroon bang mga scripture passage o pahayag mula sa mga lider ng Simbahan na magagamit upang suportahan o mapahusay ang pinag-aaralan ng mga mag-aaral mula sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo?

Tukuyin ang paraan ng pag-aaral ng mga mag-aaral

  • Paano mo matutulungan ang mga mag-aaral na maunawaan kung bakit makabuluhan ang bahaging ito ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo? Mayroon bang halimbawa, sitwasyon, tanong, kuwento, larawan, personal na karanasan, o maikling video na makakatulong para maihanda sila sa pagkatuto?

  • Ano ang mga itatanong mo? (Itala ang ilang tanong na makatutulong sa mga mag-aaral na siyasatin ang kanilang naiisip at nadarama.)

Ang mga miyembro ba ng klase ay gagawa nang mag-isa, kasama ang isang kapartner, o sa maliit na grupo?

Magsanay

  • Ano ang magagawa ng mga miyembro ng klase para mapraktis ang natutuhan nila? Halimbawa, maaari mong:

    • Bigyan ng oras ang mga mag-aaral na ipaliwanag o ituro ang kanilang pinag-aaralan gamit ang kanilang sariling mga salita.

    • Ilahad ang isang sitwasyon at sabihin sa mga miyembro ng klase na gamitin ang natutuhan nila para matulungan ang taong nasa sitwasyon.

Magtakda ng mithiin

Tapusin ang aktibidad sa pag-aaral sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga miyembro ng klase na magtakda ng mithiing may kaugnayan sa natutuhan nila. Maaari kang magbigay ng ilang halimbawa ng mga mithiin na maaari nilang itakda. Pagkatapos ay bigyan ng oras ang mga mag-aaral na itala ang kanilang mga mithiin.