Pagsasanay ng Kasanayan 5
Sikaping Isaulo ang mga Banal na Kasulatan
“Malaking tulong ang nagagawa ng pagsasaulo ng mga banal na kasulatan” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2023], 31). Ang pagsasaulo ng mga talata mula sa mga banal na kasulatan ay magpapalalim sa ating pagkaunawa sa ebanghelyo ng Tagapagligtas at magpapahusay ng ating kakayahan na ituro ito sa iba.
Lider ng talakayan: Sikaping gawing maikli ang mga bahaging “Ipaliwanag” at “Ipakita” upang magkaroon ng maraming oras ang mga mag-aaral para magsanay.
Ipaliwanag
Lider ng talakayan: Tulungan ang mga miyembro ng klase na mahanap ang kahon na may pamagat na “Ang Ginagampanan ng Pagsasaulo” sa kabanata 3 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo (pahina 31). Pagkatapos ay ibahagi ang mga sumusunod na tagubilin:
Basahin ang ikatatlong talata sa “Ang Ginagampanan ng Pagsasaulo” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 30). Alamin kung paano ka at ang iba ay mapagpapala ng pagsasaulo ng mga talata mula sa mga banal na kasulatan.
-
Paano makakatulong sa iyo bilang missionary ang pagsasaulo?
-
Paano ka nakinabang sa pagsasaulo ng isang talata mula sa mga banal na kasulatan?
Lider ng talakayan: Ipaliwanag na maraming pamamaraan ang makakatulong sa atin na makapagsaulo ng mga talata mula sa mga banal na kasulatan. Maaari mong ibahagi ang ilan sa sumusunod bilang halimbawa. Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga karagdagang ideya.
-
Paulit-ulit na basahin ang mga salita. Pagkatapos ay itago ang mga salita at ulitin ang mga ito nang hindi tumitingin.
-
Hatiin ang mga talata mula sa mga banal na kasulatan sa ilang mas maiikling parirala. Paisa-isang isaulo ang mga parirala at habang nadaragdagan ang mga nasasaulo mong parirala, rebyuhin ang mga naisaulo mo na.
-
Isulat ang mga salita nang higit sa isang beses habang binabasa ang talata mula sa mga banal na kasulatan. Pagkatapos ay isulat ang talata mula sa mga banal na kasulatan nang hindi ito tinitingnan.
-
Isulat ang mga unang titik ng bawat salita sa talata mula sa mga banal na kasulatan at pagkatapos ay gamitin ang mga titik na iyon bilang gabay habang binibigkas mo ito.
-
Gumuhit ng mga simpleng larawan para matulungan kang maisaulo ang talata mula sa mga banal na kasulatan.
Ipakita
Lider ng talakayan: Ipaliwanag na ang isang mahalagang talata sa banal na kasulatan na dapat isaulo ng mga missionary ay ang tala tungkol sa Unang Pangitain ni Joseph Smith na nakatala sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–17.
Nasa ibaba ang isang paraan na magagamit mo ang pangalawang ideya mula sa listahan sa nakaraang bahagi para matulungan ang mga mag-aaral na isaulo ang salaysay ni Joseph Smith. Tulungan ang mga mag-aaral na isaulo nang paisa-isa ang sumusunod na mga parirala sa pamamagitan ng pag-uulit ng mga ito nang malakas bilang isang klase.
“Ako ay nakakita ng isang haligi ng liwanag na tamang-tama sa tapat ng aking ulo, higit pa sa liwanag ng araw, na dahan-dahang bumaba hanggang sa ito ay pumalibot sa akin. …
“Nang tumuon sa akin ang liwanag, nakakita ako ng dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa itaas ko.
“Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–17).
Magsanay
Lider ng talakayan: Sabihin sa mga mag-aaral na magpraktis sa pagbigkas ng bahaging ito ng salaysay ni Joseph Smith sa Unang Pangitain kasama ang isang kapartner. Maaari nilang gamitin ang parehong pamamaraan na inyong ginawa bilang isang klase o maaari silang pumili ng ibang paraan.
Ipamuhay
Lider ng talakayan: Ibahagi ang sumusunod na mga tagubilin para matulungan ang mga mag-aaral na magamit sa kanilang buhay ang kasanayan sa pagsasaulo ng mga talata mula sa mga banal na kasulatan:
Tukuyin kung paano mo patuloy na gagamitin ang kasanayan sa pagsasaulo ng mga talata mula sa mga banal na kasulatan. Narito ang ilang ideya:
-
Ipagpatuloy ang iyong pagsasaulo ng Unang Pangitain ni Joseph Smith. Magpraktis na bigkasin ito sa isang mahal sa buhay.
-
Pumili ng isa o higit pang mga talata mula sa mga banal na kasulatan na gusto mong isaulo at sikaping isaulo ang mga ito.