Mga Calling sa Mission
Pagsasanay ng Kasanayan 2: Gamitin ang mga Banal na Kasulatan sa Iyong Pagtuturo


Pagsasanay ng Kasanayan 2

Gamitin ang mga Banal na Kasulatan sa Iyong Pagtuturo

mga elder na nagtuturo

Ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng mga salita ng Diyos at maaari itong magkaroon ng malakas na epekto sa mga nagbabasa nito. Ang paggamit ng mga banal na kasulatan sa ating pagtuturo ay isang epektibong paraan para matulungan ang iba na lumapit kay Jesucristo.

Lider ng talakayan: Sikaping gawing maikli ang mga bahaging “Ipaliwanag” at “Ipakita” upang magkaroon ng maraming oras ang mga mag-aaral para magsanay.

Ipaliwanag

Lider ng talakayan: Para maipakilala ang paksa para sa pagsasanay na ito ng kasanayan, sabihin sa mga mag-aaral ng magpunta sa kabanata 10 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo (2023) at hanapin ang heading na “Gamitin ang mga Banal na Kasulatan” sa pahina 209. Pagkatapos ay ibahagi ang mga sumusunod na tagubilin:

Basahin ang unang talata at ang listahan na may bullet points sa “Gamitin ang mga Banal na Kasulatan” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 209). Hanapin ang mga dahilan kung bakit mahalagang gamitin ang mga banal na kasulatan kapag itinuturo natin ang ebanghelyo ni Jesucristo.

  • Ano ang nalaman mo?

Lider ng talakayan: Ipaliwanag na ang sumusunod na mga hakbang ay makatutulong sa atin na epektibong magamit ang mga banal na kasulatan sa ating pagtuturo. Ipakita ang mga hakbang na ito upang maaari silang sumangguni sa mga ito sa kabuuan ng aktibidad sa pagsasanay.

  • Ipakilala ang banal na kasulatan (kabilang ang kwento sa likod nito at ang konteksto).

  • Basahin ang mga talata (ipaliwanag ang kahulugan nito at bigyang-kahulugan ang mahihirap na salita).

  • Ipamuhay ang mga banal na kasulatan.

Lider ng talakayan: Ang bawat isa sa tatlong hakbang ay nakalista bilang heading sa kabanata 10 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo (pahina 210). Sama-sama ninyong pag-aralan ang mga bahaging ito ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo para matulungan ang mga mag-aaral na maunawaan kung paano nila epektibong magagamit ang mga banal na kasulatan sa kanilang pagtuturo. Pagtuunan kung paanong ang pagsunod sa mga alituntuning ito ay makatutulong sa mga taong tinuturuan nila na mas mapalapit sa Tagapagligtas.

Ipakita

Lider ng talakayan: Sabihin sa klase na tingnan ang kahon na may pamagat na “Personal na Pag-aaral o Pag-aaral ng Magkompanyon” sa pahina 212 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Pumili ng isa sa mga talata mula sa banal na kasulatan mula sa aktibidad at gamitin ito para maipakita ang mga hakbang na inaaral mo.

Magsanay

Lider ng talakayan: Ibahagi ang sumusunod na mga tagubilin. Bigyan ng oras ng mga miyembro ng klase na personal na maghanda at magpraktis kasama ang isang kapartner.

Kumpletuhin ang aktibidad na “Personal na Pag-aaral o Pag-aaral ng Magkompanyon” na matatagpuan sa dulo ng bahagi na “Gamitin ang mga Banal na Kasulatan” ng kabanata 10 (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 212).

Lider ng talakayan: Kapag natapos na ang mga mag-aaral, sabihin sa kanila na magpraktis na ipakilala sa isang kapartner ang talata mula sa banal na kasulatan na pinili nila. Pagkatapos magpraktis ng mga miyembro ng klase, maaari mo silang bigyan ng bagong kapartner at sabihan silang magpraktis muli.

Ipamuhay

Lider ng talakayan: Magbigay ng paanyaya na tulad ng sumusunod upang matulungan ang mga mag-aaral na magamit ang kasanayang ito:

Sa susunod na linggo, maghanap ng isang pagkakataon na magawa ang mga hakbang na natutuhan mo kung paano mabisang magagamit ang mga banal na kasulatan. Maaari mong gawin ito sa pag-aaral ng iyong pamilya ng mga banal na kasulatan, sa home evening, kasama ng isang kaibigan, sa simbahan, o bilang bahagi ng iyong pagsisikap na magminister sa ibang tao.