Mga Hanbuk at Calling
26. Mga Temple Recommend


“26. Mga Temple Recommend,” Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (2025).

“26. Mga Temple Recommend,” Pangkalahatang Hanbuk.

bishop na iniinterbyu ang isang lalaki

26.

Mga Temple Recommend

26.0

Pambungad

Ang pagpasok sa bahay ng Panginoon ay isang sagradong pribilehiyo. Hinihikayat ng mga lider ng ward at stake ang lahat ng miyembro na maging karapat-dapat sa at magkaroon ng current temple recommend kahit na hindi sila nakatira malapit sa templo.

Ginagawa ng mga lider ng Simbahan ang lahat para masiguro na lahat ng papasok sa bahay ng Panginoon ay karapat-dapat na gawin ito (tingnan sa Mga Awit 24:3–5). Ang awtorisadong mga priesthood leader ay nagsasagawa ng mga interbyu para sa temple recommend at nagbibigay ng mga temple recommend sa mga miyembrong makapagbibigay ng angkop at tapat na sagot sa mga tanong sa interbyu (tingnan sa 26.3). Nangako ang Panginoon na kung malinis ang mga taong papasok sa Kanyang bahay, Siya ay paroroon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 97:15–16).

Ang mga miyembro na edad 8 pataas ay dapat mayroong aktibong temple recommend para makapasok sa templo. Sila ay dapat nabinyagan at nakumpirma na para maging kwalipikadong tumanggap ng recommend.

Ang mga batang wala pang 8 taong gulang na ibubuklod sa kanilang mga magulang o panonoorin ang pagbubuklod ng kanilang mga kapatid sa kanilang mga magulang ay hindi na kailangan ng temple recommend (tingnan sa 27.4.1 at 27.4.5). Gayunman, tinitiyak ng kanilang mga magulang na tama ang kanilang impormasyon sa pamamagitan ng Ordinance Preparation sa LCR (tingnan sa 27.1.2).

Ang kabanatang ito ay nagbibigay ng mga tagubilin sa mga lider na nagbibigay ng temple recommend. Ang isang bishop ay sumasangguni sa kanyang stake president kung may mga tanong siya tungkol mga temple recommend na hindi nasagot sa kabanatang ito. Maaaring kontakin ng stake president ang Office of the First Presidency kung may mga tanong siya.

26.1

Uri ng mga Temple Recommend

Tinutulutan ng isang current temple recommend ang isang miyembro na makapasok sa lahat ng templo. Tinitiyak ng mga priesthood leader na natatanggap ng mga miyembro ang tamang recommend para sa kanilang sitwasyon sa kasalukuyan. Mayroong tatlong uri ng recommend:

  1. Mga temple recommend para sa mga proxy na binyag at kumpirmasyon. Ang mga recommend na ito ay para sa mga miyembrong hindi pa nakatanggap ng endowment na magsasagawa ng mga proxy na binyag at kumpirmasyon. Ibinibigay ang mga ito sa miyembro sa pamamagitan ng Leader and Clerk Resources (LCR). Maaaring piliin ng miyembro na tumanggap ng naka-print o mobile recommend.

    Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang 26.3.1.

  2. Temple recommend para sa mga miyembrong nakatanggap na ng endowment. Ang mga recommend na ito ay para sa mga miyembro na nakatanggap na ng endowment. Pinahihintulutan nito ang isang miyembro na nakatanggap na ng endowment na makibahagi sa lahat ng mga ordenansa sa templo para sa mga patay. Ibinibigay ang mga ito sa isang miyembro sa pamamagitan ng LCR. Maaaring piliin ng miyembro na tumanggap ng naka-print o mobile recommend.

    Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang 26.3.2.

  3. Mga temple recommend para sa mga ordenansa para sa mga buhay. Ang mga recommend na ito ay para sa mga miyembrong tatanggap ng sarili nilang endowment o ibubuklod sa asawa, mga magulang, o mga anak. Ibinibigay ang mga ito sa digital format sa pamamagitan ng Ordinance Preparation sa LCR. Ginagamit ng mga priesthood leader ang Ordinance Preparation para isumite ang nakumpletong recommend sa templo kung saan isasagawa ang ordenansa.

    Para makapasok sa templo, ang mga miyembro na magiging 12 taong gulang pataas sa katapusan ng taon kung kailan isasagawa ang ordenansa ay dapat mayroong isa sa dalawang uri ng recommend bukod pa sa recommend para sa mga ordenansa para sa mga buhay. Kung kinakailangan, maaaring ibigay ng mga priesthood leader ang isa sa mga recommend na iyon at ang recommend para sa mga ordenansa para sa mga buhay sa parehong interbyu. Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang 26.3.3.

    Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga ordenansa para sa mga buhay, tingnan ang kabanata 27.

26.2

Pag-iingat sa mga Temple Recommend

26.2.1

Pag-iingat ng mga Priesthood Leader sa mga Temple Recommend

Ang mga priesthood leader na awtorisadong hawakan ang mga aklat ng temple recommend ay dapat maingat na pangalagaan ang mga ito. Walang ibang tao ang dapat na magkaroon ng access sa mga ito. Kapag nagbigay ng mga update ang Simbahan sa mga aklat ng temple recommend, dapat wasakin ng mga lider ang mga lumang aklat.

Tinitiyak din ng mga priesthood leader na ang mga di-awtorisadong indibiduwal ay walang access sa impormasyon tungkol sa temple recommend sa LCR.

26.2.2

Nawala o Ninakaw na mga Recommend

Sinasabihan ng mga bishop ang mga miyembro na abisuhan siya sa lalong madaling panahon kapag ang kanilang recommend ay nawala o ninakaw. Kung karapat-dapat pa rin ang miyembro, ang bishop o ang isang itinalagang counselor o clerk ay magla-log in sa LCR para i-print muli ang recommend. Ang bagong recommend ay mawawalan ng bisa sa kaparehong petsa na nakasaad sa orihinal na recommend.

Kung minsan ang isang miyembro na ang recommend ay nawala o ninakaw ay hindi na namumuhay ayon sa mga pamantayan ng pagiging karapat-dapat. Sa mga sitwasyong ito, agad na kakanselahin ng bishop ang recommend (tingnan sa 26.2.3).

26.2.3

Mga May Hawak na Recommend na Hindi Namumuhay Ayon sa mga Pamantayan ng Pagkamarapat

Kung natukoy ng bishop na ang isang miyembrong may aktibong temple recommend ay hindi ipinamumuhay ang mga pamantayan ng pagkamarapat (tingnan sa 26.3), gagamitin niya ang LCR para kanselahin ang recommend. Kung hindi magagamit ang LCR, kokontakin ng bishop ang opisina ng templo para kanselahin ang recommend. Kung ang miyembro ay may naka-print na recommend, hihingin ito ng bishop mula sa miyembro.

26.3

Mga Pangkalahatang Tuntunin sa Pagbibigay ng mga Temple Recommend

Ang mga awtorisadong priesthood leader ay nagsasagawa ng mga interbyu bago matanggap ng isang miyembro ang kanyang temple recommend. Ang mga tagubilin ay nasa LCR. Dapat lamang magbigay ng recommend ang mga lider kung maayos na nasagot ng miyembro ang mga tanong para sa temple recommend.

Ang mga interbyu para sa temple recommend ay nagbibigay ng pakakataon sa mga miyembro na maipakita na sila ay may patotoo at nagsisikap na sundin ang mga kautusan ng Diyos at ang Kanyang mga propeta. Pinagtitibay rin ng mga priesthood leader, sa pamamagitan ng interbyu, na karapat-dapat ang miyembro.

Tingnan ang 26.4 para sa impormasyon tungkol sa pagsasagawa ng mga interbyu para sa temple recommend.

26.3.1

Pagbibigay ng mga Temple Recommend na para sa mga Proxy na Binyag at Kumpirmasyon

Ang mga temple recommend para sa mga proxy na binyag at kumpirmasyon ay nagbibigay sa mga miyembro ng awtorisasyon na makibahagi sa mga binyag at kumpirmasyon para sa mga patay. Ibinibigay ang mga ito sa mga miyembrong hindi pa nakatanggap ng endowment na nabinyagan at nakumpirma na.

Ang mga miyembrong nakatanggap na ng endowment ay hindi binibigyan ng recommend para sa mga proxy na binyag at kumpirmasyon.

Maaaring matanggap ng mga miyembro ang mga recommend na ito simula sa Enero ng taon na sila ay magiging 12 taong gulang. Ang isang lalaking miyembro ng Simbahan ay dapat maordenan sa isang katungkulan sa priesthood bago siya makatatanggap ng temple recommend.

Sa isang ward, ang bishop o isang inatasang counselor ang nag-iinterbyu sa mga miyembrong hindi pa nakatanggap ng endowment para sa temple recommend para sa mga proxy na binyag at kumpirmasyon. Sa isang branch, ang branch president lamang ang nagsasagawa ng mga interbyu para sa temple recommend. (Para sa mga eksepsiyon, tingnan ang 23.6.1.)

Sinusunod ng lider na nagsasagawa ng interbyu ang mga tuntunin sa 26.4. Ang mga interbyu para sa temple recommend ay hindi dapat madaliin. Dapat pribado ang mga ito. Gayunman, ang taong iniinterbyu ay maaaring anyayahan ang isang magulang o isa pang adult para samahan siya.

Ibibigay ng lider ang recommend sa pamamagitan ng LCR kung ang miyembro ay karapat-dapat. Ang mga recommend na ito ay nangangailangan lamang ng lagda ng miyembro at lagda ng isang miyembro ng bishopric o ng branch president.

Ang mga recommend para sa mga proxy na binyag at kumpirmasyon ay ina-activate sa LCR ng isang miyembro ng bishopric o ng branch president.

Para sa impormasyon tungkol sa pagbibigay ng mga recommend sa mga miyembrong naghahandang tumanggap ng kanilang endowment o mabuklod sa asawa, mga magulang, o mga anak, tingnan ang 26.3.3.

26.3.2

Pagbibigay ng mga Temple Recommend sa mga Miyembrong Nakatanggap na ng Endowment

Ang mga temple recommend para sa mga miyembrong nakatanggap na ng endowment ay nagbibigay sa mga miyembro ng awtorisasyon na makibahagi sa lahat ng ordenansa sa templo para sa mga patay. Ibinibigay ang mga ito sa mga miyembro na dati nang nakatanggap ng endowment. (Para sa mga miyembrong tatanggap ng sarili nilang endowment, tingnan ang 26.3.3.)

Sa isang ward, ang bishop o isang naatasang counselor ang magsasagawa ng mga interbyu para sa temple recommend at nagbibigay ng mga recommend. Sa isang branch, ang branch president lamang ang nagsasagawa ng mga interbyu para sa temple recommend at nagbibigay ng mga temple recommend.

Sinusunod ng lider na nagsasagawa ng interbyu ang mga tuntunin sa 26.4. Ang mga interbyu para sa temple recommend ay hindi dapat madaliin. Dapat pribado ang mga ito. Gayunman, ang taong iniinterbyu ay maaaring anyayahan ang isang asawa, magulang, o isa pang adult para samahan siya.

Ibibigay ng lider ang recommend sa pamamagitan ng LCR kung ang miyembro ay karapat-dapat.

Matapos interbyuhin ng isang miyembro ng bishopric o ng branch president, isang miyembro ng stake presidency ang nag-iinterbyu sa mga miyembrong nakatira sa stake. Nilalagdaan niya ang mga recommend ng mga taong karapat-dapat. Isang miyembro ng mission presidency ang magsasagawa ng pangalawang interbyu para sa mga miyembrong nakatira sa isang district. Nilalagdaan din niya ang mga recommend ng mga taong karapat-dapat. Ang isang district president ay hindi nagsasagawa ng interbyu para sa temple recommend maliban kung awtorisado ng Unang Panguluhan.

Sa mga stake, isang miyembro ng stake presidency o isang stake clerk ang nag-aactivate ng temple recommend sa LCR. Sa mga district, isang miyembro ng mission presidency o isang mission clerk ang nag-aactivate ng recommend.

Para sa impormasyon tungkol sa pagbibigay ng mga temple recommend sa mga miyembrong naghahandang tumanggap ng endowment o mabuklod sa asawa, mga magulang, o mga anak, tingnan ang 26.3.3.

26.3.3

Pagbibigay ng mga Temple Recommend para sa mga Ordenansa para sa mga Buhay

Ang mga temple recommend para sa mga ordenansa para sa mga buhay ay ibinibigay kapag ang mga miyembro ay naghahandang:

  • Tanggapin ang kanilang sariling endowment (tingnan sa 27.2).

  • Mabuklod sa isang asawa (tingnan sa 27.3).

  • Mabuklod sa kanilang mga magulang (tingnan sa 27.4).

  • Mabuklod sa kanila ang kanilang mga anak (tingnan sa 27.4).

Para makapasok sa templo, ang mga miyembro na magiging 12 taong gulang pataas sa katapusan ng taon kung kailan isasagawa ang ordenansa ay dapat mayroong recommend para sa mga proxy na binyag at kumpirmasyon o recommend para sa mga miyembrong nakatanggap na ng endowment. Kung kinakailangan, maaaring ibigay ng mga priesthood leader ang isa sa mga recommend na iyon at ang recommend para sa mga ordenansa para sa mga buhay sa parehong interbyu.

Personal na iniinterbyu ng bishop o branch president at ng stake president ang mga miyembrong naghahandang tumanggap ng mga ordenansa sa templo.

Sa napakahalagang mga pagkakataon na wala ang bishop o stake president, maaari niyang iawtorisa ang isa sa kanyang mga counselor na isagawa ang mga interbyu na ito. Sa isang branch, ang branch president lamang ang maaaring magsagawa ng mga interbyu na ito.

Sa malalaking young single adult ward at stake, maaaring bigyan ng awtorisasyon ng mga bishop at stake president ang mga counselor na may malawak na karanasan para isagawa ang mga interbyu na ito.

Sa isang district, ang mission president o isang inatasang counselor ang nagsasagawa ng mga interbyu na ito. Hindi isinasagawa ng mga district president ang mga interbyu na ito maliban na lamang kung binigyan sila ng awtorisasyon ng Unang Panguluhan na magbigay ng mga temple recommend.

Sinusunod ng lider na nagsasagawa ng interbyu ang mga tuntunin sa 26.4. Ang mga interbyu para sa temple recommend ay hindi dapat madaliin. Dapat pribado ang mga ito. Gayunman, ang taong iniinterbyu ay maaaring anyayahan ang isang asawa, magulang, o isa pang adult para samahan siya.

Bago magbigay ng recommend para sa mga ordenansa para sa mga buhay, nirerebyu muna ng bishop o branch president ang membership record ng miyembro para matiyak na wala itong tala tungkol sa mga restriksiyon sa pagkamiyembro sa Simbahan. Tinitingnan din niya ang impormasyon ng miyembro gamit ang Ordinance Preparation sa LCR. Lalagdaan niya sa computer ang recommend para sa mga ordenansa para sa mga buhay kung ang miyembro ay karapat-dapat at handa nang tanggapin ang mga ordenansa sa templo. Pagkatapos ay isusumite niya ito sa stake o mission president gamit ang Ordinance Preparation sa LCR.

Pagkatapos ay iinterbyuhin ng stake president o ng isang miyembro ng mission presidency ang miyembro. Lalagdaan niya sa computer ang recommend kung ang miyembro ay karapat-dapat at handa nang tanggapin ang mga ordenansa sa templo. Pagkatapos ay isusumite niya ito sa templo gamit ang Ordinance Preparation sa LCR. Kung kinakailangan, lalagdaan din niya ang recommend ng miyembro para sa mga miyembrong nakatanggap na ng endowment (tingnan sa 26.3.2).

Para sa impormasyon tungkol sa mga miyembrong naghahandang tumanggap ng mga ordenansa sa templo, tingnan ang 27.1.1 at 27.1.2.

Para sa impormasyon tungkol sa mga miyembrong naghahandang tumanggap ng endowment, tingnan ang 27.2.

Para sa impormasyon tungkol sa mga miyembrong naghahandang mabuklod sa asawa, tingnan ang 27.3.

Para sa impormasyon tungkol sa mga miyembrong naghahandang mabuklod sa mga magulang, tingnan ang 27.4.

Tingnan ang 27.4.5 at 38.4.2 para sa mga karagdagang patakaran sa panonood ng mga pagbubuklod at pagbubuklod sa mga magulang.

26.3.4

icon, mga tuntunin sa pag-aangkop
Pagbibigay ng mga Temple Recommend para sa mga Miyembro na nasa Malalayong Lugar

Ang ilang miyembro ay nakatira sa mga lugar na mangangailangan ng napakalaking gastos sa paglalakbay o napakahirap na paglalakbay para makipagkita sa isang miyembro ng stake o mission presidency. Sa mga sitwasyong ito, maaaring isagawa ng isang miyembro ng stake o mission presidency ang interbyu ng miyembro para sa temple recommend sa pamamagitan ng internet (tingnan sa 31.4).

Ibibigay ng lider ang recommend kung karapat-dapat ang miyembro. Kung hiniling ng miyembro ang naka-print na recommend, ang recommend ay ipi-print ng isang miyembro ng bishopric o ng branch president para sa miyembro.

Ang patakarang ito ay naaangkop din sa mga miyembro sa military na nasa malalayo o liblib na mga lugar.

mga kabataan sa labas ng templo

26.4

Pagsasagawa ng Interbyu para sa Temple Recommend

Ang templo ang bahay ng Panginoon. Ang pagpasok sa templo at pakikibahagi sa mga ordenansa ay isang sagradong pribilehiyo. Ang pribilehiyong ito ay nakalaan para sa mga taong handa sa espirituwal at nagsisikap na ipamuhay ang mga pamantayan ng Panginoon, ayon sa pagtukoy ng mga awtorisadong priesthood leader.

Upang mapagpasiyahan ito, iniinterbyu ng mga priesthood leader ang miyembro gamit ang mga tanong sa ibaba. Hindi dapat dagdagan o bawasan ng mga lider ang mga kinakailangan. Gayunman, maaari nilang iangkop ang mga tanong sa edad at mga kalagayan ng miyembro.

Kung minsan ang mga miyembro ay mayroong mga tanong habang isinasagawa ang interbyu para sa temple recommend. Maaaring ipaliwanag ng priesthood leader ang mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo. Kung kailangan, maaari din niyang tulungan ang mga miyembro na maunawaan ang mga tanong para sa temple recommend. Gayunman, hindi niya dapat ipahiwatig na ang kanyang personal na mga paniniwala, kagustuhan, o interpretasyon ay doktrina o patakaran ng Simbahan.

Ang mga interbyu para sa temple recommend ay hindi dapat madaliin. Dapat pribado ang mga ito. Gayunman, ang taong iniinterbyu ay maaaring anyayahan ang isang asawa, magulang, o isa pang adult para samahan siya.

26.4.1

Mga Tanong sa Interbyu para sa Temple Recommend

  1. May pananampalataya at patotoo ka ba sa Diyos Amang Walang Hanggan; sa Kanyang Anak na si Jesucristo; at sa Espiritu Santo?

  2. May patotoo ka ba sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa Kanyang papel na ginagampanan bilang iyong Tagapagligtas at Manunubos?

  3. May patotoo ka ba sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo?

  4. Sinasang-ayunan mo ba ang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag at bilang nag-iisang tao sa mundo na nagtataglay at may karapatang gamitin ang lahat ng susi ng priesthood?

    Sinasang-ayunan mo ba ang mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag?

    Sinasang-ayunan mo ba ang iba pang mga General Authority at mga lokal na lider ng Simbahan?

  5. Sinabi ng Panginoon na ang lahat ng bagay ay dapat “gawin sa kalinisan” sa Kanyang harapan (Doktrina at mga Tipan 42:41).

    Sinisikap mo bang gawing malinis ang iyong kaisipan at asal?

    Sinusunod mo ba ang batas ng kalinisang-puri?

  6. Sinusunod mo ba ang mga turo ng Simbahan ni Jesucristo sa mga ikinikilos mo sa pribado at publiko kasama ang mga miyembro ng iyong pamilya at ibang tao?

  7. Itinataguyod o tinatangkilik mo ba ang anumang mga turo, kaugalian, o doktrinang salungat sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw?

  8. Sinisikap mo bang panatilihing banal ang araw ng Sabbath, kapwa sa tahanan at sa simbahan; dumadalo sa iyong mga miting; naghahanda para sa at marapat na tumatanggap ng sakramento; at namumuhay nang naaayon sa mga batas at kautusan ng ebanghelyo?

  9. Sinisikap mo bang maging tapat sa lahat ng iyong ginagawa?

  10. Nagbabayad ka ba ng buong ikapu?

    Para sa mga bagong miyembro na humihingi ng recommend para magsagawa ng mga proxy na binyag at kumpirmasyon: Handa ka bang sundin ang kautusan na magbayad ng ikapu?

  11. Nauunawaan at sinusunod mo ba ang Word of Wisdom?

  12. (Ang tanong na ito ay hindi ginagamit kapag nag-iinterbyu ng isang bata o kabataan.) Ikaw ba ay mayroong anumang pinansiyal na obligasyon o iba pang mga obligasyon sa dati mong asawa o mga anak?

    Kung mayroon, nagagampanan mo ba ang mga obligasyong iyon?

  13. (Ang tanong na ito ay hindi ginagamit kapag nag-iinterbyu ng isang miyembro na hindi endowed.) Tinutupad mo ba ang mga tipang ginawa mo sa loob ng templo?

  14. (Ang tanong na ito ay hindi ginagamit kapag nag-iinterbyu ng isang miyembro na hindi endowed.) Iginagalang mo ba ang iyong sagradong pribilehiyo na isuot ang garment ayon sa itinagubilin sa mga panimulang ordenansa? (Basahin ang pahayag na “Pagsusuot ng Temple Garment,” na kasama sa ibaba, sa bawat miyembro.)

  15. May mabibigat na kasalanan ba sa iyong buhay na kailangang iresolba sa mga awtoridad ng priesthood bilang bahagi ng iyong pagsisisi?

  16. Itinuturing mo bang karapat-dapat ang iyong sarili na makapasok sa bahay ng Panginoon at makilahok sa mga ordenansa sa templo?

26.4.2

Pagsusuot ng Temple Garment

Inaprubahan ng Unang Panguluhan ang sumusunod na gabay sa pagsusuot ng garment:

“Ang kasuotan ng banal na priesthood ay nagpapaalala sa atin sa tabing sa templo, at ang tabing na iyon ay sumisimbolo kay Jesucristo. Kapag nagsusuot ka ng iyong garment, isinusuot mo ang sagradong simbolo ni Jesucristo. Ang pagsusuot nito ay pagpapakita ng iyong tapat na pangakong sundin Siya. Ang garment ay isa ring paalala sa iyong mga tipan sa templo. Dapat mong isuot ang garment araw at gabi sa buong buhay mo. Kapag kailangang hubarin ito para sa mga aktibidad na hindi magagawa habang nakasuot ng garment, isuot ito agad pagkatapos. Kapag tinutupad mo ang iyong mga tipan, kabilang na ang sagradong pribilehiyong magsuot ng garment ayon sa itinagubilin sa mga panimulang ordenansa, mas matatanggap mo ang awa, proteksyon, lakas, at kapangyarihan ng Tagapagligtas.”

Kung may mga tanong ang mga miyembro tungkol sa pagsusuot ng garment, sabihan sila na basahin ang 38.5.

26.4.3

Karagdagang Gabay

Binibigyang-diin ng priesthood leader sa miyembro na kailangan niyang ingatan ang kanyang recommend. Hindi ito dapat ipahiram kailanman at dapat ipabatid kaagad sa nag-isyu kung ito ay nawala o ninakaw.

tinedyer na may hawak na mga recommend sa labas ng templo

26.5

Pagbibigay ng mga Temple Recommend sa mga Espesyal na Sitwasyon

26.5.1

Bagong Binyag na mga Miyembro

Iniinterbyu ng bishop ang mga bagong miyembro na angkop ang edad para makatanggap ng temple recommend sa mga proxy na binyag at kumpirmasyon (tingnan sa 26.3.1). Ginagawa niya ang interbyu na ito pagkatapos na pagkatapos ng kumpirmasyon ng miyembro, na karaniwan ay sa loob ng isang linggo. Para sa mga lalaki, ang interbyu na ito ay maaaring isagawa bilang bahagi ng interbyu para sa pagtanggap ng Aaronic Priesthood. Maaaring atasan ng bishop o branch president ang isa sa kanyang mga counselor para isagawa ang interbyu na ito. Ang mga lalaking miyembro ng Simbahan ay dapat maordenan sa isang katungkulan sa priesthood bago makatanggap ng temple recommend.

Sa interbyu, maaaring ialok ng bishop na gamitin ang Family Name Assist para matulungan ang bagong miyembro na mai-print ang pangalan ng isang yumaong kapamilya na maaari niyang gawan ng mga ordenansa sa templo (tingnan sa “Family Name Assist” sa 25.4.1).

Maaaring tanggapin ng mga karapat-dapat na adult na miyembro ang kanilang sariling endowment makalipas ang isang buong taon mula noong sila ay nakumpirma bilang miyembro ng Simbahan (tingnan sa 27.2.1.1). Tinitiyak ng mga priesthood leader na ang petsa kung kailan matatanggap ng miyembro ang endowment ay hindi mas maaga sa isang buong taon mula sa araw ng kanyang kumpirmasyon, hindi sa araw ng binyag. Ang Unang Panguluhan lamang ang maaaring magbigay ng awtorisasyon para sa mga eksepsyon.

26.5.2

Mga Bata Pang Missionary na Uuwi mula sa Paglilingkod na Malayo sa Tahanan

Bago matapos ng isang bata pang missionary ang kanyang paglilingkod na malayo sa tahanan, iniinterbyu siya ng mission president para sa temple recommend. Kung karapat-dapat ang missionary, bibigyan niya ito ng recommend. Ang mission president ay pipili ng isang petsang isusulat sa recommend at gagamitin sa pag-activate nito para mawalan ng bisa ang recommend tatlong buwan matapos makauwi ang missionary.

Iinterbyuhin ng bishop ang mga returned missionary para magbigay ng bagong temple recommend bago matapos ang tatlong buwang expiration period. Sa napakahalagang mga pagkakataon na wala ang bishop, maaari niyang iawtorisa ang isa sa kanyang mga counselor na isagawa ang mga interbyu na ito.

Sa malalaking young single adult ward, maaaring iawtorisa ng mga bishop ang mga counselor na may malawak na karanasan para isagawa ang mga interbyu na ito.

Pagkatapos ay makikipagkita ang mga returned missionary sa isang miyembro ng kanilang stake presidency para sa interbyu para sa temple recommend.

Sa mga interbyu na ito para sa temple recommend, nirerebyu rin ng bishop at ng miyembro ng stake presidency ang mga payong ibinigay sa release interview ng missionary (tingnan sa 24.8.2). Tinatalakay nila ang pag-unlad, kapakanan, at kasalukuyang calling sa Simbahan ng returned missionary. Hinihikayat din nila siya na magpatuloy sa panghabang-buhay na landas ng pag-unlad sa espirituwal at paglilingkod.

Kung walang calling sa Simbahan ang returned missionary, tinitiyak ng bishop at stake president na siya ay mabibigyan ng calling. Ang mga returned missionary ay maaaring irekomenda na maglingkod bilang mga temple worker kung may malapit na templo (tingnan sa 25.5).

26.5.3

Mga Miyembrong Wala Pang Isang Taong Tuluy-tuloy na Naninirahan sa Isang Ward

Kung ang isang miyembro ay wala pang isang taong tuluy-tuloy na naninirahan sa isang ward, nirerebyu ng bishop ang membership record nito para matiyak na wala itong tala tungkol sa mga restriksyon sa pagkamiyembro sa Simbahan.

Kokontakin ng bishop o ng inatasang counselor ang dating bishop bago isagawa ang interbyu para sa temple recommend. Kapag may nalamang kumpidensyal na impormasyon ang counselor, tatapusin niya ang usapan. Sasabihan niya ang kanyang bishop na kontakin ang dating bishop bago isagawa ang interbyu.

26.5.4

Pagkatapos ng Diborsiyo, Paghihiwalay, o Pagpapawalang-bisa ng Kasal

Maaaring madama ng bishop at stake president na kailangan niyang interbyuhin ang isang miyembrong diborsiyado o hiwalay ayon sa batas (legally separated) o napawalang-bisa ang kasal mula noong huling makatanggap ito ng temple recommend. Sa interbyu na ito, tumutulong silang palakasin ang miyembro sa espirituwal. Tinitiyak din nila na ang miyembro ay patuloy sa pagiging karapat-dapat sa templo.

26.5.5

Mga Miyembrong ang Malapit na mga Kamag-anak ay Hayagang Kumakalaban sa Simbahan o Kabilang sa mga Grupong Nag-apostasiya

Dapat maging maingat ang mga bishop at kanilang mga counselor kapag nagbibigay ng recommend sa mga miyembong ang malapit na mga kamag-anak ay hayagang kumakalaban sa Simbahan o kabilang sa mga grupong nag-apostasiya. Hindi dapat madama ng mga miyembrong nasa ganitong kalagayan na hindi sila maaaring magkaroon ng temple recommend dahil sa kanilang mga kapamilya. Dapat silang hikayatin na panatilihin ang mapagmahal na ugnayan sa kanilang malalapit na kamag-anak. Maaari silang bigyan ng temple recommend kung sila ay makapagbibigay ng angkop at tapat na sagot sa mga tanong sa interbyu.

26.5.6

Mga Indibiduwal na Nagsasabing Sila ay Transgender

Ang mga ordenansa sa templo ay tinatanggap ayon sa biological na kasarian ng isang tao noong siya ay isinilang. Ang mga karapat-dapat na miyembro na hindi sumailalim sa prosesong medikal, operasyon, o social transitioning para mabago ang kanilang biological na kasarian noong sila ay isinilang ay maaaring makatanggap ng temple recommend at mga ordenansa sa templo. (Para sa kahulugan ng social transition, tingnan sa 38.6.23.)

Ang mga miyembrong gumawa ng mga hakbang para mag-transition at pagkatapos ay bumalik sa kanilang biological na kasarian noong sila ay isinilang at karapat-dapat at determinadong sundin ang mga kautusan ng Diyos ay maaaring tumanggap ng temple recommend at mga ordenansa sa templo.

Ang mga bishop ay sumasangguni sa stake president upang maingat na matugunan ang partikular na mga sitwasyon at nang may pagmamahal na tulad ng kay Cristo. Ang mga stake president at mission president ay humihingi ng payo mula sa Area Presidency.

Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang 38.6.23.

26.5.7

Mga Miyembrong Nakagawa ng Mabigat na Kasalanan

Ang isang miyembrong nakagawa ng mabigat na kasalanan ay hindi maaaring makatanggap ng temple recommend hangga’t hindi siya nagsisisi (tingnan sa 32.6). Ang panahon sa pagitan ng paggawa ng kasalanan at ng pagbibigay ng recommend ay ipinauubaya sa pagpapasiya ng bishop at stake president. Dapat ay sapat ito upang malaman na tunay nang nagsisi ang tao.

26.5.8

Mga Miyembrong Muling Tinanggap Matapos Bawian ng Pagkamiyembro o Nagbitiw sa Pagkamiyembro sa Simbahan

26.5.8.1

Mga Miyembro na Hindi pa Nakatanggap ng Endowment

Matapos muling tanggapin sa pamamagitan ng binyag at kumpirmasyon ang isang miyembro na hindi pa nakatanggap ng endowment, maaari siyang interbyuhin ng bishop para makatanggap ng temple recommend para sa mga proxy na binyag at kumpirmasyon (see 26.4.2). Ang interbyu na ito ay karaniwang isinasagawa sa loob ng isang linggo pakatapos ng kumpirmasyon ng miyembro. Ang mga lalaking miyembro ng Simbahan ay kailangang i-orden sa isang katungkulan sa priesthood bago makatanggap ng temple recommend.

Ang mga miyembrong ito ay hindi maaaring bigyan ng mga recommend para sa pagtanggap ng sarili nilang endowment hangga’t wala pang buong isang taon matapos silang muling tanggapin sa Simbahan sa pamamagitan ng binyag at kumpirmasyon.

26.5.8.2

Mga Miyembro na Dati nang Tumanggap ng Endowment

Ang mga miyembro na dati nang nakatanggap ng endowment ay hindi maaaring makatanggap ng anumang uri ng temple recommend hangga’t hindi naipapanumbalik ang kanilang mga pagpapala sa templo sa pamamagitan ng ordenansa ng pagpapanumbalik ng mga pagpapala (tingnan sa 32.17.2). Kapag naipanumbalik na ang kanilang mga pagpapala, maaari na silang bigyan ng temple recommend para sa mga miyembrong nakatanggap na ng endowment.