“Pananalapi,” Counseling Resources (2020).
“Pananalapi,” Counseling Resources.
Pananalapi
Lahat ay may responsibilidad na maglaan para sa mga sarili niyang pangangailangan, pati na para sa mga pangangailangan ng mga miyembro ng pamilya hangga’t maaari. Ang responsibilidad na pangasiwaan ang pananalapi ng pamilya ay dapat pagtulungan ng mag-asawa nang may diwa ng pagtitiwala at katapatan. Ang matalinong pangangasiwa sa pananalapi ay makapagbibigay ng seguridad at makapagtataguyod ng kapakanan ng pamilya.
Maaaring makaranas ang mga indibiduwal ng mga problema sa pananalapi dahil sa kawalan ng trabaho, sobrang paggastos, mga di-inaasahang emergency, o maling paghawak ng pera. Ipaunawa sa mga indibiduwal ang kahalagahan ng pagbabayad ng matapat na ikapu, pamumuhay ayon sa kanilang kinikita, pag-iimpok para sa mga di-inaasahang gastusin, at pag-iwas sa utang. Kapag mas umaasa sa sarili ang mga pamilya ukol sa pananalapi, mas mapapanatag sila at magtatamasa ng higit na kapayapaan sa kanilang buhay.
Dapat ninyong malaman na ang mga isyu tungkol sa pananalapi ay madalas lumilitaw na isang emergency. Tulungan ang mga indibiduwal na isipin muna ang makukuha nilang resources (tulad ng mga kaibigan at kapamilya o kamag-anak) bago humingi ng tulong pinansyal mula sa Simbahan. Habang hinahanap mo ang mga nahihirapan, tukuyin ang mga palatandaan na nagpapakita na maaaring nangangailangan sila. Palaging bigyang-diin ang kahalagahan ng pananatiling may kamalayan tungkol sa pananalapi at pagiging handa sa mga emergency o problema ukol sa pera.
Hangaring Makaunawa
Ang pagtalakay tungkol sa mga isyu sa pananalapi ay maaaring nakakapagod, may epekto sa damdamin, at mahirap. Kapag nagtatanong ka, tiyaking magpakita ng pagmamahal at pagdamay na tulad ng gagawin ng Tagapagligtas. Mapanalanging isiping magtanong ng tulad ng mga ito sa mabuti at magiliw na paraan para mas maunawaan mo ang sitwasyon ng tao ukol sa pera at malaman ang mga pangangailangan niya.
-
Ano ang iyong kasalukuyang sitwasyon sa pananalapi? (Halimbawa, gaano kalaki ang kinikita mo, gaano kalaki ang ginagastos mo, at magkano ang utang mo?)
-
Sino ang nag-aasikaso sa pananalapi sa iyong pamilya?
-
Paano ka nagdedesisyon sa pagbili mo? (Gumagastos ka ba dahil gusto mo lang? Matipid ka ba?)
-
Ano ang sitwasyon mo sa trabaho?
-
Ano ang magiging sitwasyon mo kung kinailangan mong umasa sa iyong nakatabing pera o ipon?
-
May budget ka ba para sa pamilya mo? Gaano kahusay mo sinusunod iyon?
-
Ano ang naging pinakamalaking pinagmumulan ng mga problema mo sa pera? (Maaaring kasama sa posibleng mga pinagmumulang ito ang sobrang paggastos, mga gastusin sa pagpapagamot, o diborsyo.)
-
Sino pa ang nahingan mo ng tulong (tulad ng pamilya o mga kaibigan)?
-
Anong pinansyal na tulong ang natanggap mo na?
-
Ano ang iba pang resources mo na magagamit mo?
Tulungan ang Indibiduwal
Habang ipinauunawa mo sa tao ang mga alituntunin ng pag-asa sa sarili, isiping gamitin ang ilan sa mga sumusunod na mungkahi. Sa pagtutulungan ninyo, hangaring magpakita ng pagdamay at tulungan ang mga indibiduwal na manatiling may dangal.
Ituro ang mga alituntunin ng pagbabayad ng matapat na ikapu at bukas-palad na pagbibigay ng handog-ayuno, pati na rin ang mga alituntunin ng pag-asa sa sarili.
-
Ituro na ang responsibilidad sa paghawak o pag-aasikaso sa pera ng pamilya ay dapat pagtulungan ng mag-asawa.
Tukuyin ang mga kasalukuyang mapagkukunan ng pinansyal na tulong.
-
Gumawa ng listahan ng mga talento at kasanayan.
-
Gumawa ng listahan ng mga koneksyon, ugnayan, ari-arian, mga financial asset, o iba pang mga asset na maaaring makatulong para kumita.
Hikayatin ang pamilya na aktibong makibahagi sa pamamahala ng kanilang pananalapi at gumamit ng kalendaryo sa pagbabayad ng utang o ng estratehiya para mabawasan ang utang, kung kailangan, at dagdagan ang impok na pera.
-
Anyayahan ang mga mag-asawa na magkaroon ng plano sa paggastos (tingnan sa workbook na Personal na Pera para Maging Self-Reliant).
-
Hikayatin ang mga mag-asawa na tantiyahin at subaybayan ang paggastos.
-
Hikayatin ang mga mag-asawa na makibahagi sa mga Personal Finances Self-Reliance group. Kung wala nito sa inyong lugar, isiping kontakin ang stake self-reliance specialist.
Suportahan ang Pamilya
Ang mga isyu sa pananalapi ay nakakaapekto sa lahat ng miyembro ng pamilya. Alamin ang epekto sa asawa at sa iba pang mga miyembro ng pamilya at tugunan ang mga problemang ito.
Hikayatin ang pamilya na pagtulungan ang mga usapin ukol sa pera.
-
Anyayahan ang pamilya na unahin ang pag-iimpok ng pera (para sa mga bagay na tulad ng mga malakihang pagbili sa hinaharap, emergency, misyon, at pag-aaral).
-
Tulungan ang pamilya na maunawaan kung paano mag-budget.
-
Hikayatin ang mga indibiduwal na sundin ang mga alituntunin ng self-reliance at humingi ng tulong sa mga kapamilya at kaibigan at pagkatapos ay sa bishop, kung kailangan.
Gamitin ang Resources ng Ward at Stake
Isiping makipagtulungan sa mga lider ng ward o iba pang mga mapagkakatiwalaang indibiduwal sa pagbibigay ng patuloy na suporta, patnubay, at tulong. Hingin ang pahintulot ng indibiduwal bago talakayin ang sitwasyon sa iba.
Maaaring talakayin ng mga lider ang sitwasyon sa ward council para matukoy ang mga mapagkukunan, contact, at pagkakataon para matulungan ang tao.
Ikonekta ang pamilya sa isang taong maaaring magturo sa kanila, makatulong sa kanila na magtakda ng mga mithiin, at gumawa ng plano na magtulungan.
Anyayahan ang welfare specialist o ang ibang tao sa ward na tulungan ang pamilya na maghanda ng budget at plano sa paggastos.
Tukuyin at hikayatin ang paggamit ng mahuhusay na lokal na organisasyon at resources.
Maaaring kabilang sa resources ang:
-
Mga ahensya ng gobyerno at pribadong ahensya
-
Mga NGO (nongovernmental organizations)
-
Mga nonprofit organization
-
Lokal na mga workshop ukol sa pananalapi
-
Online na mga sistema sa tamang paghawak ng pera at mga website