Mga Calling sa Ward o Branch
Di-pagkakasundo ng Mag-asawa


“Di-pagkakasundo ng Mag-asawa,” Counseling Resources (2020).

“Di-pagkakasundo ng Mag-asawa,” Counseling Resources.

Di-pagkakasundo ng Mag-asawa

Ang mga matagumpay na buhay mag-asawa ay itinatag sa pananampalataya kay Jesucristo at pagsunod sa Kanyang mga turo.

Tulad ng anumang uri ng ugnayan, may mga hindi mapagkakasunduan ang mag-asawa. Ngunit kung minsan ang paraan ng pagtugon ng mag-asawa sa alitan ay nakababawas sa lakas ng kanilang relasyon at nakasisira sa kanilang dalawa. Bilang lider, dapat mong suportahan ang sariling pagsisikap ng mag-asawa na malutas ang hindi pagkakasundo sa halip na subuking ikaw mismo ang lumutas nito. Maghikayat ng pananagutan at katapatan upang makatanggap ang mag-asawa ng patnubay at kaalaman mula sa Espiritu Santo.

Hangaring Makaunawa

Ang pagtulong sa mag-asawa na maramdamang pinakikinggan at nauunawan sila ay maaaring kasinghalaga ng anumang payong maibibigay mo. Sa pagkausap mo sa mag-asawa, tiyaking magpakita ng pagmamahal at pagdamay na tulad ng gagawin ng Tagapagligtas. Mapanalanging isiping itanong sa bawat isa sa mag-asawa ang katulad na mga sumusunod sa magiliw at mapagmahal na paraan para mas maobserbahan at maunawaan mo ang sitwasyon at mahiwatigan ang mga pangangailangan. Maging handang makinig muna.

  • Ano ang pinagdaraanan mo ngayon?

  • Ano ang lubhang inaalala mo tungkol sa pagsasama ninyo ng iyong asawa?

  • Ano ang nadarama mo tungkol sa mga tipan ninyo sa kasal?

  • Gaano ka kahanda noon o handa ka ba ngayon na talakayin ang problemang ito kasama ang iyong asawa?

  • Ikaw ba ay nagiging uri ng tao at asawa na nais mong maging?

  • Ano ang ginagawa mo upang mapaganda ang iyong ugnayan sa iyong Ama sa Langit?

  • Paano ka kaya nakadaragdag sa problema ng inyong relasyon?

  • Anong mga alituntunin ng ebanghelyo ang maaaring magbigay ng mga solusyon sa problema?

  • Ano ang handa mong gawin para maayos ang problema?

  • Ano ang kailangan mong patawarin o ihingi ng kapatawaran sa inyong relasyon?

  • Anong mga suporta o iba pang resources ang mayroon ka para makatulong sa iyo?

  • Ano ang magagawa mo para bumaling sa Tagapagligtas na si Jesucristo at sa kapangyarihan ng Kanyang biyaya?

Tulungan ang Indibiduwal

Sa pagtulong mo sa mag-asawa, tiyaking nauunawaan nila ang kanilang responsibilidad na humanap ng mga solusyon sa kanilang mga problema. Ipadama sa angkop na paraan ang iyong pagmamahal at malasakit sa mag-asawa habang iniisip mo ang ilan sa sumusunod na mga mungkahi.

Bigyang-diin ang indibiduwal na responsibilidad at pananagutan ng bawat isa bilang mag-asawa. Ang mga mag-asawang matapat na sinusuri ang kanilang sariling pag-uugali at kaagad na ginagawa ang mga kailangang hakbang para magsisi at bumuti ay makararanas ng paghihilom sa kanilang pagsasama.

  • Tulungan ang bawat isa sa mag-asawa na mabatid na hindi mababago ng isang tao ang isa pa, ngunit sa pamamagitan ng pananampalataya, pagsisikap, at tulong ng Diyos, bawat tao ay makararanas ng sariling pagbabago ng puso.

    Hikayatin ang bawat isa sa mag-asawa na iwasang ipilit ang kanilang nais mangyari, mapagmataas na magsalita dahil iniisip na mas mabuti siya kaysa sa kanyang asawa, o bigyang-katwiran ang sarili.

    Tulungan ang bawat isa sa mag-asawa na isipin kung ano ang maaaring nadarama ng kanilang asawa sa kanilang pagsasama at sikaping magpadama ng tunay na malasakit. Anyayahan sila na pag-usapan ang kanilang mga problema.

Tulungan ang mag-asawa na isipin kung ano ang kinikimkim nila na hinanakit sa isa’t isa na kailangang kalimutan na.

Tiyaking nararamdaman ng bawat isa sa mag-asawa na siya ay ligtas na talakayin nang hayagan ang mga hindi nila pagkakasundo bilang mag-asawa. Kung minsan ay maaaring manahimik na lamang ang isa sa kanila sa halip na matapat na makibahagi dahil hindi niya nadaramang ligtas siya sa pisikal o emosyonal.

  • Tulungan ang bawat isa sa mag-asawa na maunawaan na makatatanggap siya ng inspirasyon na magtakda ng malilinaw na hangganan sa kanilang relasyon bilang mag-asawa at sa tahanan.

  • Linawin na ang bawat asawa ay responsable lamang para sa kanilang sariling pag-uugali at na hindi nila dapat tiisin ang mapang-abusong pag-uugali.

  • Kapag may nalaman ka tungkol sa anumang pang-aabuso, kontakin ang mga awtoridad. May help line din na magagamit ang bishop. Sumangguni sa resource na Pang-aabuso (Tulong para sa Biktima) at sa resource na Pang-aabuso (Tulong para sa Nagkasala).

Kung kailangan ng mag-asawa ng karagdagang tulong, hikayatin silang tumanggap ng tulong mula sa mga propesyonal hangga’t maaari upang maiwasan ang di-pagkakaunawaan sa pagitan nila at hikayatin na maging lubos ang kanilang katapatan.

Suportahan ang Mag-asawa at ang Pamilya

Naaapektuhan ng mga di-pagkakasundo ng mag-asawa ang lahat ng miyembro ng pamilya. Tukuyin ang epekto ng di-pagkakasundo sa ibang miyembro ng pamilya, at tugunan ang kaugnay na mga problema na dulot ng hindi pagkakaunawaan.

Hikayatin ang mabubuting huwaran ng komunikasyon (tingnan ang “Communicating with Love,” Strengthening Marriage: Resource Guide for Couples [2006], 4, 7).

  • Tulungan ang mag-asawa na makita at mabago ang mga negatibo at nakasisirang huwaran ng komunikasyon, tulad ng panlalait o pagtrato sa bawat isa nang may galit.

  • Hikayatin ang mag-asawa na mabilis na magpatawad at humingi ng kapatawaran mula sa isa’t isa.

  • Tulungan ang mag-asawa na gumamit ng “ako” sa halip na “mo” sa mga mensahe. Halimbawa, “Hindi ako makaramdam ng kasiguruhan at pagmamahal kapag wala kang sinasabi sa akin” sa halip na “Hindi mo ako mahal.” O “Pakiramdam ko ay hindi ko laging kaya ang inaasahan mo sa akin” sa halip na “Ipinaparamdam mo sa akin na wala akong magagawang tama.”

Payuhan ang mag-asawa na ituring ang isa’t isa bilang pantay na magkatuwang.

  • Hikayatin ang mag-asawa na maging matapat, bukas, at magalang sa isa’t isa.

  • Hikayatin ang mag-asawa na magbahagi at magbigay ng access sa mahahalaga at makabuluhang impormasyon.

  • Hikayatin ang mag-asawa na gumawa ng mga desisyon nang may lubusang pagkakaisa.

  • Hikayatin ang mag-asawa na iwasan ang mga kaugaliang ukol sa kultura o kasaysayan kung saan nangingibabaw ang isang asawa o itinuturing ang isa na mas mababa ang halaga sa buhay mag-asawa. Ang mga gawaing ito ay taliwas sa mga alituntunin ng ebanghelyo at dapat palitan ng mag-asawa ang mga ito ng mga wastong huwaran ng pag-uugali.

Tulungan ang mag-asawa na suriin ang mga huwaran ng kanilang pananampalataya, mga hangganan sa pamilya, at iba pang mga kaugalian.

  • Talakayin ang pagsisimba, lingguhang family home evening, pagdarasal nang personal at kasama ang pamilya at pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagkain nang sama-sama ng pamilya.

  • Talakayin kung paano maaaring makaapekto sa relasyon ng mag-asawa ang paggamit ng media at mga electronic device.

  • Payuhan ang mag-asawa na magtakda ng mga limitasyon sa paggamit ng media, social media, at mga electronic device. Hikayatin ang mag-asawa na ipaalam ang mga password sa isa’t isa, ipabatid ang lahat ng ginagawang paggamit ng social media, at iwasan ang anumang lihim na mga ginagawa sa Internet.

  • Hikayatin ang bawat isa sa mag-asawa na iwasang makipag-ugnayan sa iba sa mga paraang maaaring makasira sa sagradong pagtitiwala ng kanyang kapareha o makapagpakita ng hindi tamang gawain.

Kung may mga anak sa pamilya, maaari silang makaramdam ng stress at pag-aalala tungkol sa relasyon ng mga magulang. Tulungan sila sa mga paghihirap na maaaring nararanasan nila.

  • Tulungan ang mag-asawa na maunawaan ang epekto ng mga pagtatalo at alitan sa kanilang mga anak.

  • Hikayatin ang mag-asawa na sabihin nang wasto sa kanilang mga anak ang anumang tumitinding di-pagkakasundo ng mag-asawa; makakatulong ito na matiyak para ang kanilang mga anak ay hindi pababayaang mag-isang harapin ang mga epekto ng di-pagkakasundo.

  • Anyayahan ang mag-asawa na talakayin sa bawat isa sa kanilang mga anak, gamit ang angkop na pananalita para sa edad ng mga ito, kung ano ang ginagawa nila bilang mag-asawa para malutas ang di-pagkakasundo.

  • Kung nalaman mo na may nangyayaring pang-aabuso sa bata o karahasan sa tahanan, agad na kontakin ang mga awtoridad. Ang bishop ay mayroon ding help line na matatawagan para humingi ng tulong sa mga sitwasyong ito.

Anyayahan ang mag-asawa na alamin ang magagamit na resources na makakatulong sa kanilang mapaganda ang kanilang relasyon sa isa‘t isa at sa kanilang mga anak.

  • Anyayahan ang mag-asawa na ilista ang mga talento, kakayahan, relasyon, resources, kapamilya, at iba pang mapagkukunan nila ng tulong upang malutas ang kanilang hindi pagkakasundo.

  • Payuhan ang mag-asawa na iwasang kumbinsihin ang mga tao na kampihan sila pagdating sa isang partikular na pagtatalo.

Gamitin ang Resources ng Ward at Stake

Matapos makuha ang pahintulot ng mag-asawa na talakayin sa iba ang sitwasyon, isiping hilingin sa mga lider ng ward o sa iba pang mga mapagkakatiwalaang tao na magbigay ng patuloy na suporta, patnubay, at tulong.

Isiping magtakda ng mga karagdagang klase sa labas ng mga miting sa Simbahan o magtalaga ng mentor na makikipag-usap sa bawat isa sa mag-asawa sa pamamagitan ng paggamit ng mga kurso at mga materyal ng Strengthening Marriage at Strengthening the Family.

Sa patnubay ng bishop, tumukoy ng isang mapagkakatiwalaang mag-asawa na maaaring maging mentor at suporta ng mag-asawang tinutulungan. Kung maaari, ang mag-asawang ito ay matagumpay na nalampasan ang katulad na hamon, subalit sinumang mag-asawa na may hustong antas ng espirituwalidad at marunong mahabag ay makapagbibigay ng mapagmalasakit na suporta.

Pag-isipang sabihin sa mag-asawa na humingi ng tulong o payo mula sa mga propesyonal. Alamin ang lokal na resources na nagbibigay ng mga serbisyong naaayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo.

  • Ang Family Services (kung saanman mayroon) ay makapaglalaan ng konsultasyon sa mga lider at makapagmumungkahi ng resources sa inyong komunidad.