Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Setyembre 23–29. Mga Taga Galacia: ‘Magsilakad Kayo Ayon sa Espiritu’


Setyembre 23–29. Mga Taga Galacia: ‘Magsilakad Kayo Ayon sa Espiritu’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Setyembre 23–29. Mga Taga Galacia,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019

Larawan
si Cristo na nagpapakita kay Pablo sa bilangguan

Setyembre 23–29.

Mga Taga Galacia

“Magsilakad Kayo Ayon sa Espiritu”

Habang binabasa mo ang Mga Taga Galacia, ano ang mga impresyon mo tungkol sa kailangang matutuhan ng mga bata sa iyong klase?

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Bigyan ang mga bata ng ilang minuto upang idrowing ang isang bagay na natutuhan nila mula sa isang talakayan nila sa tahanan o sa simbahan kamakailan tungkol sa ebanghelyo. Kolektahin ang mga drowing, at pahulaan sa mga bata kung ano ang isinasagisag ng bawat drowing.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Nakababatang mga Bata

Mga Taga Galacia 5:22–23

Ang Espiritu Santo ay tumutulong na makadama ako ng pagmamahal, kagalakan, at kapayapaan.

Maaaring madama ng mga batang musmos ang impluwensya ng Espiritu. Ihahanda sila nitong maghangad ng impluwensya ng Espiritu Santo habang nabubuhay sila.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magdispley o magpakita ng mga larawan ng ilang klase ng prutas, at ipalarawan sa mga bata kung ano ang lasa ng bawat prutas. Ipaliwanag na tulad ng mga prutas na may iba’t ibang lasa, madarama natin ang Espiritu Santo sa iba’t ibang paraan, tulad ng pagmamahal at kapayapaan. Ipalarawan sa kanila kung ano ang pakiramdam kapag nariyan ang Espiritu Santo.

    Larawan
    mga mansanas sa puno

    Maaaring maranasan ng mga bata sa lahat ng edad ang bunga ng Espiritu.

  • Basahin ninyo ng mga bata ang Mga Taga Galacia 5:22–23, at ipaliwanag ang mga salita na maaaring hindi pamilyar sa kanila. Anyayahan ang bawat bata na pumili ng isang bunga ng Espiritu na binanggit sa mga talatang ito at ikuwento ang isang pagkakataon na naranasan niya ang bungang iyon ng Espiritu. Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng mga simpleng larawan ng kanilang mga karanasan.

Mga Taga Galacia 6:2

Nais ni Jesucristo na tulungan ko ang mga nangangailangan.

Ang tagubilin sa Mga Taga Galacia 6:2 ay katulad ng turo ni Alma sa Mosias 18:8 sa mga tao na malapit nang mabinyagan. Samantalahin ang pagkakataong ito para tulungang maghanda ang mga bata para sa mga tipan sa binyag.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita ng larawan ng isang batang binibinyagan (tulad ng nasa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 104). Itanong sa mga bata kung ano ang ginagawa ng bata. Ipaliwanag na kapag tayo ay bininyagan, gumagawa tayo ng mga tipan, o pangako. Basahin ang Mga Taga Galacia 6:2 o Mosias 18:8 para tulungan ang mga bata na matutuhan ang isa sa mga bagay na ipinapangako nating gawin: magpasan ng pasanin ng isa’t isa. Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng mga larawan ng mga paraan na matutulungan nila ang ibang may mga pasanin.

  • Basahin sa mga bata ang pariralang ito mula sa Mga Taga Galacia 6:2: “Mangagdalahan kayo ng mga pasanin ng isa’t isa.” Para mailarawan ang kahulugan nito, ipabuhat sa isa sa mga bata ang isang mabigat na bagay. Pagkatapos ay tumawag ng isang boluntaryo para tulungan ang bata na buhatin ang bagay na iyon. Ipaliwanag sa mga bata na maraming bagay na parang pabigat, tulad ng sakit o lungkot o lumbay. Ano ang maaari nating gawin para tulungan ang isang tao na may ganitong uri ng pasanin?

Mga Taga Galacia 6:7–9

Ang ating mga kilos, kapwa mabuti at masama, ay may mga bunga.

Mahalagang maunawaan ng mga bata na ang ating mga pagpapasiya ay may mga bunga. Magagamit mo ang Mga Taga Galacia 6:7–9 para ilahad ang katotohanang ito.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magdispley ng isang binhi at isang gulay. Basahin ang Mga Taga Galacia 6:7–9 sa mga bata. Pagkunwariin ang mga bata na nagtatanim ng isang binhi kapag narinig nila ang salitang “ihasik.” Pagkunwariin sila na namimitas ng gulay mula sa isang halaman kapag narinig nila ang salitang “aanihin.”

  • Magpakita sa mga bata ng ilang klase ng gulay, at tulungan silang makita ang mga buto ng bawat isa. Ilagay ang mga buto sa isang lalagyan, at hayaang maghalinhinan ang mga bata sa pagpili ng isa at pagsasabi kung anong gulay ang tutubo kung itatanim nila ito. Tulungan silang makita na tulad ng sa mga binhing itinatanim natin nakasalalay kung anong gulay ang aanihin natin, sa mga pagpapasiya natin nakasalalay kung anong mga bunga at pagpapala ang matatanggap natin sa huli.

  • Gumawa ng isang linya sa sahig gamit ang teyp. Maglagay ng isang masayang mukha at isang malungkot na mukha sa magkabilang dulo ng linya. Anyayahan ang isang bata na tumayo sa gitna ng linya, at hayaang magbanggit ang ibang mga bata ng mga pagpapasiyang hahantong sa kaligayahan o kalungkutan (maaari mong kailanganing magbigay ng ilang halimbawa). Sa bawat pagpapasiya, sabihin sa bata sa gitna na lumakad papunta sa masayang mukha o sa malungkot na mukha. Ulitin nang ilang beses ang aktibidad, at hayaang maghalinhinan ang iba pang mga bata sa pagtayo sa teyp.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Nakatatandang mga Bata

Mga Taga Galacia 5:1

Pinalalaya tayo ni Jesucristo.

Iniisip ng ilang tao na nililimitahan ng ebanghelyo ni Jesucristo ang kanilang kalayaan. Pagnilayan kung paano mo maipapakita sa mga bata na, sa katotohanan, ito ay nagpapalaya mula sa kasalanan at kamatayan.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na basahin ang Mga Taga Galacia 5:1. Sa anong mga paraan tayo pinalalaya ni Jesucristo para makabalik tayo sa Ama sa Langit? Magpakita ng mga larawan ng pagdurusa ni Jesus sa Getsemani at ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli upang maipaunawa sa mga bata kung paano tayo pinalaya ni Jesus mula sa kasalanan at kamatayan (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 5659).

  • Sama-samang awitin at repasuhin ang mga titik ng isang awitin tungkol sa Tagapagligtas, tulad ng “Buhay ang Aking Manunubos” (Mga Himno, blg. 78). Magpahanap sa mga bata ng mga salita sa awiting ito na naglalarawan ng mga paraan na mapapalaya tayo ni Jesucristo mula sa espirituwal na pagkaalipin.

Mga Taga Galacia 5:22–23

Kung ako ay “[lalakad ayon] sa Espiritu,” matatamasa ko ang “bunga ng Espiritu.”

Paano mo matutulungan ang mga bata na malaman kapag nadarama nila ang Espiritu Santo?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Bigyan ng isang piraso ng papel na hugis-prutas ang bawat bata, at ipahanap sa mga bata ang “bunga ng Espiritu” na nakalista sa Mga Taga Galacia 5:22–23. Anyayahan silang isulat ang isa sa mga bunga sa harap ng kanilang papel at isang salita na kabaligtaran ang kahulugan sa likod ng papel. (Ipaunawa sa kanila ang mga salitang hindi pamilyar sa kanila.) Anyayahan silang ibahagi ang kanilang mga bunga sa klase.

  • Anyayahan ang mga bata na magbasa tungkol sa bunga ng Espiritu sa Mga Taga Galacia 5:22–23 at sumulat o magdrowing ng larawan ng isang pagkakataon na tinulungan sila ng Espiritu Santo na madama ang isa sa mga bungang iyon. Ipabahagi sa kanila ang kanilang kuwento o larawan sa isa pang tao sa klase. Bakit mabuting paraan ang paggamit ng bunga para maunawaan natin kung paano tayo iniimpluwensyahan ng Espiritu?

Mga Taga Galacia 6:7–9

Ang ating mga kilos, kapwa mabuti at masama, ay may mga bunga.

Ipaunawa sa mga bata na kung minsa’y dumarating kaagad ang mga bunga ng ating pag-uugali at kung minsan nama’y dumarating “sa kapanahunan” o sa takdang panahon nito (talata 9).

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sama-samang basahin ang Mga Taga Galacia 6:7–9. Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng simpleng mga larawan kung saan itinatanim ng isang tao ang buto ng isang prutas at nag-aani ng ibang prutas. Bakit imposible itong mangyari? Bakit ito kasing-imposible ng paggawa ng mga maling pasiya at pagdanas ng mga positibong bunga?

  • Bilang isang klase, gumawa ng isang maze na kagaya ng nasa pahina ng aktibidad para sa linggong ito. Anyayahan ang mga bata na mag-isip ng iba pang mga salita maliban sa mga nasa maze na kumakatawan sa mabubuting damdaming nagmumula sa Espiritu Santo o sa masasamang pagpapasiya na maaaring magtaboy sa Kanya. Talakayin ang mga bunga ng mga pagpapasiyang naisip nila.

  • Anyayahan ang mga bata na ilista ang ilan sa mga pagpapalang inaasam nilang matanggap mula sa Ama sa Langit. Tulungan silang mag-isip ng “mga binhi” na kailangan nilang itanim upang “anihin” ang mga pagpapalang ito.

Larawan
icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na antabayanan ang mabubuting resulta, o “bunga,” na dumarating dahil sa mabubuting desisyong ginagawa nila sa linggong ito. Sabihin sa kanila na sa susunod na linggo ay maibabahagi nila ang kanilang mga karanasan.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Iangkop ang mga aktibidad sa edad ng mga bata. Bigyan ang mga bata ng pagkakataong lumahok, ngunit tandaan na magkakaiba ang kakayahan nilang gawin iyon ayon sa kanilang edad at kahustuhan ng isip. Maaaring kailanganin ng nakababatang mga bata ng higit na paggabay at patnubay. Habang tumatanda ang mga bata, mas marami silang maiaambag at maaaring mas mahusay nang magbahagi ng kanilang mga ideya. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 25–26.)