Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Setyembre 9–15. II Mga Taga Corinto 1–7: ‘Kayo’y Makipagkasundo sa Dios’


“Setyembre 9–15. II Mga Taga Corinto 1–7: ‘Kayo’y Makipagkasundo sa Dios’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Setyembre 9–15. II Mga Taga Corinto 1–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019

Larawan
Jesucristo

Setyembre 9–15

II Mga Taga Corinto 1–7

“Kayo’y Makipagkasundo sa Dios”

Simulan ang iyong paghahanda sa pagbasa sa II Mga Taga Corinto 1–7. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay magpapaunawa sa iyo sa mga kabanatang ito, at ang outline na ito ay makapagbibigay sa iyo ng mga ideya sa pagtuturo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Maaaring may naisulat na ang ilan sa mga bata sa iyong klase ngayong linggo tungkol sa kung paano naging mabuting halimbawa ng isang disipulo ni Jesucristo ang isang miyembro ng pamilya. Kung nagawa nila ito, sabihan sila nang maaga na ibahagi ang sulat nila sa klase. O hilingin sa mga bata na magbahagi ng ibang bagay na natutuhan nila.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Nakababatang mga Bata

II Mga Taga Corinto 1:3–4

Inaaliw ako ng Ama sa Langit, at maaari kong aliwin ang iba.

Paano mo mabibigyan ng tiwala ang mga bata na aaliwin sila ng Ama sa Langit? Paano mo sila mahihikayat na aliwin ang iba?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magdala ng mga bagay sa klase na nagbibigay ng ginhawa o aliw, tulad ng kumot o benda. Itanong sa mga bata kung ano ang nakakaaliw sa kanila kapag sila ay nalulungkot o natatakot o may iba pang mga problema. Basahin ang II Mga Taga Corinto 1:3–4 sa mga bata, at ipaliwanag na “kapighatian” ang isa pang tawag sa mahihirap na problema. Magbahagi ng ilang paraan kung saan naaliw ka ng Ama sa Langit, at patototohanan na aaliwin din Niya ang mga bata.

  • Magpakita ng mga larawan ng mga taong binibinyagan (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 103 at 104) habang binabasa mo ang II Mga Taga Corinto 1:4 at Mosias 18:8–9 sa mga bata. Ipaliwanag na sa binyag ay nangangako tayong aliwin ang iba. Paano natin masusunod ang payo ni Pablo na “[aliwin] ang nangasa anomang kapighatian”?

  • Anyayahan ang mga bata na idrowing ang kanilang sarili na tumutulong sa isang taong nangangailangan. Hayaang ipaliwanag nila kung paano nakakaaliw o nakakaginhawa sa iba ang paggawa ng mga bagay na ito.

II Mga Taga Corinto 2:7–8, 10

Maaari kong patawarin ang ibang tao.

Pumili mula sa sumusunod na mga aktibidad—o mag-isip ng sarili mong mga aktibidad—para mapalakas ang pagnanais ng mga bata na patawarin ang iba.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipaliwanag sa mga bata na nais ni Pablo na patawarin ng mga Banal sa Corinto ang isang taong nagkasala. Basahin ang II Mga Taga Corinto 2:7–8, 10, at anyayahan ang mga bata na ilagay ang kamay nila sa dibdib tuwing maririnig nila ang mga salitang patawarin at pinatatawad.

  • Anyayahan ang mga bata na isadula kung paano sila maaaring tumugon sa mga sitwasyon na may nagawa ang isang tao na masakit sa damdamin. Hayaan silang maghalinhinan sa pagsasabi ng “Sori” at “Pinatatawad kita.” Paano natin maipapaalam sa mga tao na pinatatawad natin sila? Ipaliwanag na maaaring ang isang paraan ay “papagtibayin ninyo ang pag-ibig,” o magpakita ng pagmamahal sa kanila (II Mga Taga Corinto 2:8).

II Mga Taga Corinto 4:1–2

Naniniwala ako sa pagiging matapat.

Itinuro ni Pablo na ang mga lingkod ni Cristo ay hindi nagsisinungaling sa iba—“tinanggihan [nila] ang mga kahiyahiyang bagay na nangatatago.” Pagnilayan ang mga paraan na mapapalakas mo ang pagnanais ng mga bata na maging matapat sa lahat ng bagay.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na isaulo ang pariralang “Naniniwala kami sa pagiging matapat” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13). Isulat ang pariralang ito sa mga pulseras na yari sa papel na madedekorasyunan at maisusuot ng mga bata pauwi. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng maging matapat ay magsabi ng katotohanan.

  • Ipataas ang kamay ng mga bata kapag may sinabi kang totoo at ipababa ito kapag may sinabi kang hindi totoo. Gumawa ka ng simple ngunit malilinaw na pahayag, gaya ng “Linggo ngayon” o “Tatlo ang ilong ko.” Ulitin nang ilang beses ang aktibidad, na hinahayaang maghalinhinan ang mga bata sa pagsasabi ng mga bagay na totoo at hindi totoo. Bakit makabubuti ang maging matapat?

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Nakatatandang mga Bata

II Mga Taga Corinto 1:3–4

Inaaliw ako ng Ama sa Langit, at maaari kong aliwin ang iba.

Ang pag-alaala kung paano sila naaliw ng Diyos ay makahihikayat sa mga bata na aliwin ang iba.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Habang binabasa mo ang II Mga Taga Corinto 1:3–4, hilingin sa mga bata na pakinggan ang sagot sa tanong na “Ano ang ginagawa ng Diyos para sa atin?” Tulungan ang mga bata na maglista ng mga paraan na inaaliw tayo ng Diyos. Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga karanasan noong sila ay nalulungkot o nag-aalala o natatakot at inaliw sila ng Diyos.

  • Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga paraan na maaari nating aliwin ang iba. Bigyan sila ng oras na mag-isip ng isang taong kilala nila na nangangailangan ng aliw at magplano kung paano tutulungan ang taong iyon.

II Mga Taga Corinto 2:5–11

Maaari kong patawarin ang iba.

Maaaring mahirap patawarin ang iba kapag sinasaktan nila ang damdamin natin. Ngunit makadarama ng pagmamahal, kapayapaan, at kaligayahan ang mga batang tinuturuan mo kapag natuto silang magpatawad.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sabihin sa mga bata na may isang taga-Corinto na nagkasala at “nagdulot ng pighati” sa mga Banal (tingnan sa II Mga Taga Corinto 2:5). Ipasaliksik sa mga bata ang II Mga Taga Corinto 2:7–8 para alamin kung ano ang gustong ipagawa ni Pablo sa mga Banal.

  • Magbahagi ng isang karanasan na pinatawad mo ang isang tao—o pinatawad ka ng isang tao—at kung ano ang pakiramdam mo pagkatapos.

II Mga Taga Corinto 5:6–7

Ako ay “[lumalakad] sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin.”

Isipin kung paano mo mahihikayat ang mga bata na sundin ang mga utos ng Diyos kahit hindi nila nakikita kaagad ang mga pagpapalang gusto nila.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ninyo ng mga bata ang II Mga Taga Corinto 5:6–7 at Alma 32:21, at ipahanap sa kanila ang mga salita at pariralang nakakatulong na bigyang-kahulugan ang pananampalataya. Hilingin sa kanila na isulat sa papel ang kanilang kahulugan, basahin ito nang malakas, at idikit ang mga ito sa pisara.

  • Piringan ang isa sa mga bata, at hilingin sa ibang mga bata na bigyan siya ng direksyon para matapos niya ang isang gawain tulad ng pagtatayo ng tore gamit ang blocks, pagbubuo ng isang puzzle, o paglakad papunta sa kabilang panig ng silid. Paano ipinauunawa sa atin ng aktibidad na ito ang kahulugan ng “nagsisilakad … sa pananampalataya” sa Diyos?

  • [NO TRANSLATION] Magbahagi ng isang karanasan na kinailangan mong manampalataya sa Diyos. Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng anumang mga karanasan nila sa paglakad nang may pananampalataya.

II Mga Taga Corinto 7:8–11

Inaakay akong magsisi ng kalumbayang mula sa Diyos.

Likas sa mga bata ang mahiya o mapahiya kapag nahuli silang gumagawa ng mali. Tulungan silang matukoy ang kaibhan ng damdaming ito sa kalumbayang mula sa Diyos, na humahantong sa tunay na pagsisisi.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipaliwanag na sa II Mga Taga Corinto 7:8–11, tinukoy ni Pablo ang dati niyang sulat sa mga Banal, na buong tapang na nagbababala sa kanila tungkol sa kanilang mga kasalanan. Sama-samang basahin ang mga talatang ito. Bakit masaya si Pablo na nalungkot ang mga Banal? Ipaliwanag na ang ganitong klaseng kalumbayan ay tinatawag na kalumbayang mula sa Diyos.

  • Papikitin ang mga bata at ipaisip sa kanila ang isang pagkakataon na nakagawa sila mali at sumama ang pakiramdam nila dahil dito. Anyayahan silang itanong sa kanilang sarili, “Bakit sumama ang pakiramdam ko?” Isulat sa pisara ang ilang dahilan kaya sumasama ang pakiramdam ng mga tao matapos makagawa ng mali, tulad ng “Natakot ako na baka ako parusahan” o “Nahiya ako sa iisipin ng mga tao sa akin” o “Alam kong nabigo ko ang Ama sa Langit.” Alin sa mga sagot sa pisara ang “kalumbayang mula sa Dios”? Bakit mas mabuti ang kalumbayang mula sa Diyos kaysa iba pang klaseng kalungkutan na madarama natin matapos tayong gumawa ng mali?

Larawan
icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Sabihin sa mga bata na maaari nilang ibahagi ang isa sa mga aktibidad sa klase ngayon sa kanilang pamilya sa bahay, marahil ay sa family home evening.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magdispley ng isang talata sa banal na kasulatan Pumili ng isang talata sa banal na kasulatan na makabuluhan para sa iyo at idispley ito sa klase mo kung saan madalas itong makikita ng mga bata. Marahil ay maaaring maghalinhinan ang mga bata sa pagpili ng isang talata sa banal na kasulatan na ididispley.