Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Setyembre 16–22. II Mga Taga Corinto 8–13: ‘Iniibig ng Dios ang Nagbibigay na Masaya’


“Setyembre 16–22. II Mga Taga Corinto 8–13: ‘Iniibig ng Dios ang Nagbibigay na Masaya’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Setyembre 16–22. II Mga Taga Corinto 8–13,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019

Larawan
si Jesus na kausap ang isang maliit na bata

Setyembre 16–22

II Mga Taga Corinto 8–13

“Iniibig ng Dios ang Nagbibigay na Masaya”

Ang pinakamahuhusay mong ideya sa pagtuturo sa mga bata sa klase mo ay darating kapag mapanalangin mong pinag-aralan ang II Mga Taga Corinto 8–13 na nasasaisip sila. Ang iba pang mga ideya sa pagtuturo ay matatagpuan sa outline na ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Ang isang magandang paraan para maanyayahang magbahagi ang mga bata ay ipaalala sa kanila ang isang bagay na ipinagawa mo sa kanila sa isang nakaraang lesson. Ipabahagi sa kanila ang kanilang mga karanasan.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Nakababatang mga Bata

II Mga Taga Corinto 9:6–7

Maaari akong magbigay nang masaya sa mga taong nangangailangan.

Palaging mabuti ang maglingkod sa iba, ngunit mas mabuti ang maglingkod nang masaya. Isipin kung ano ang makahihikayat sa bawat bata na “[magbigay] nang masaya.”

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na ulitin ang pariralang “Iniibig ng Dios ang nagbibigay na masaya” (II Mga Taga Corinto 9:7). Ano ang kahulugan ng “nagbibigay na masaya”? Magpakita ng larawan ng isang masayang mukha at isang malungkot na mukha, at itanong sa mga bata kung alin dito ang mukhang nagbibigay nang masaya.

  • Sama-samang kantahin nang ilang beses ang isang awitin tungkol sa paglilingkod, tulad ng “Kung Tayo’y Tumutulong” (Aklat ng mga Awit Pambata, 108). Sa unang pagkakataon, pakantahin nang masaya ang mga bata; pagkatapos ay ipakanta ang awitin sa kanila nang may iba’t ibang damdamin o saloobin, tulad ng malungkot, pagod, galit, o takot. Ipaalala sa mga bata na nais ng Ama sa Langit na tumulong tayo sa iba nang masaya. Pagkatapos ay kantahing muli ang awitin nang masaya.

  • Bigyan ang mga bata ng mga larawan ng mga nakangiting mukha. Ipataas sa kanila ang kanilang larawan kapag narinig nila ang mga salitang pagngiti o ngumiti habang kinakanta nila ang “Mga Ngiti” (Aklat ng mga Awit Pambata, 128). Maaari din nilang gawin ito sa mga larawan ng malulungkot na mukha at sa mga salitang nakasimangot at magsimangot. Sabihin sa mga bata na ang nakasimangot na mukha ay hindi masaya; ang isang paraan para maging masaya at makapaglingkod sa iba ay ngumiti at tulungang ngumiti ang iba.

  • Magplano ng isang aktibidad ng klase na makapaglingkod sa isang tao, tulad ng isang bata na hindi dumadalo sa Primary o isang miyembro ng ward o kapitbahay na nangangailangan. Maaari kang bumisita sa bahay ng taong ito, gumawa ng maiikling sulat ng kabaitan o magdrowing ng mga larawan, o maghanda ng pagkaing mapaghahati-hatian.

  • Anyayahan ang bawat bata na magplano ng isang masayang paglilingkod para sa isang miyembro ng kanyang pamilya. Sa lesson sa susunod na linggo, ipabahagi sa kanila ang kanilang ginawa.

II Mga Taga Corinto 12:7–10

Laging sinasagot ng Ama sa Langit ang mga panalangin, ngunit hindi Niya palaging ibinibigay ang lahat ng aking hinihingi.

Ang karanasan ni Pablo sa pagdarasal na alisin ang kanyang “tinik sa laman” ay itinuturo sa atin na kung minsa’y ipinapakita ng Diyos ang pagmamahal Niya sa atin sa pamamagitan ng hindi pagbibigay sa atin ng gusto natin.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita sa mga bata ang isang halamang may tinik (o isang larawan nito). Tulungan silang wariin kung ano ang pakiramdam ng magkaroon ng tinik sa kanilang balat nang matagal. Ibuod ang II Mga Taga Corinto 12:7–10 para sa mga bata, gamit ang salitang nauunawaan nila. Ipaliwanag na ang “tinik sa laman” ni Pablo ay isang pagsubok, tulad ng isang pisikal na kahinaan. Kahit hiniling ni Pablo sa Diyos na alisin ang pagsubok, hindi ito inalis ng Diyos. Sa halip, itinuro ng Diyos kay Pablo na ang mga pagsubok ay makakatulong sa atin na matutong magpakumbaba at magtiwala sa Kanya. Pagkatapos ay mapapalakas tayo ng Diyos.

  • Magpatotoo na alam ng Ama sa Langit ang pinakamainam para sa atin, at ibibigay Niya ang kailangan natin, kahit naiiba ito sa iniisip nating kailangan natin. Maaari ka ring magbahagi ng isang karanasan na sinagot ang iyong mga dalangin sa paraan o panahon na iba sa inaasahan mo. Maaari ding makatulong ang kuwentong “Huwag Kalimutang Ipagdasal si Erik” (Liahona, Ene. 2017, 36–37).

  • Kantahin ninyo ng mga bata ang isang awitin tungkol sa pagmamahal ng Ama sa Langit, tulad ng “Panalangin ng Isang Bata” (Aklat ng mga Awit Pambata, 6–7). Itanong sa mga bata kung ano ang sasabihin nila sa isang taong nag-iisip kung pinakikinggan at sinasagot ng Ama sa Langit ang mga dalangin. Muling kantahin ang awitin, at ipaliwanag ang mga linya na naglalarawan sa nadarama ng Ama sa Langit para sa atin.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Nakatatandang mga Bata

II Mga Taga Corinto 9:6–9

Maaari akong magbigay nang masaya sa mga taong nangangailangan.

Nais ni Pablo na hikayatin ang mga Banal na magbigay ng kanilang kasaganaan upang matulungan ang mahihirap. Paano mo gagamitin ang kanyang mga salita para hikayatin ang mga bata na maglingkod sa iba?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Isulat ang mga salita ng II Mga Taga Corinto 9:7 sa pisara, na iniiwang blangko ang mahahalagang salita. Anyayahan ang mga bata na hulaan kung ano ang mga salitang nawawala. Pagkatapos ay ipabasa sa kanila ang talata sa mga banal na kasulatan para mapunan ang mga patlang. Ano ang ibig sabihin ng magbigay nang “mabigat sa loob, o dahil sa kailangan”? Ano ang kahulugan ng “nagbibigay na masaya”?

  • Anyayahan ang mga bata na tulungan kang maghanap ng mga larawan ng Tagapagligtas na naglilingkod sa iba (may ilan nito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Tanungin sila kung ano ang nakikita nila sa mga larawan na nagpapaalam sa kanila na naglingkod si Jesus sa iba nang may pagmamahal. Magtakda ng isang mithiin bilang isang klase na sumagot ng oo kapag hiniling ng mga miyembro ng pamilya o ng ibang mga tao na maglingkod tayo sa darating na linggo, tulad ng pagtulong sa mga gawaing-bahay o pangangalaga sa iba.

  • Tulungan ang mga bata na dekorasyunan ang maliliit na bato. Anyayahan silang ibulsa ang mga “bato ng paglilingkod” ngayong linggo para maalala nila na maglingkod nang masaya sa iba.

  • Tulungang makabuo ang mga bata ng mga bagong taludtod sa isang awitin tungkol sa paglilingkod, tulad ng “Masayang Gawin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 129), na nagtuturo na masaya ang maglingkod sa iba sa iba’t ibang paraan.

II Mga Taga Corinto 12:7–10

Laging sinasagot ng Ama sa Langit ang mga panalangin, ngunit hindi Niya palaging ibinibigay ang lahat ng aking hinihingi.

Hiniling ni Pablo sa Diyos na alisin ang kanyang kahinaan, ngunit alam ng Diyos na ang kahinaan ni Pablo ay gagawin siyang mapagkumbaba at malakas.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na pagkumparahin ang II Mga Taga Corinto 12:9–10 at Eter 12:27. Anong mga salita o parirala ang inuulit? Ano ang itinuturo ng mga talatang ito? (Maaari mong kailanganing ipaliwanag na ikinumpara ni Pablo ang hamon niya sa isang tinik sa kanyang balat.) Ano ang itinuro ng Diyos kay Pablo tungkol sa mga pagsubok?

  • Anyayahan ang mga bata na ilista ang ilang pagsubok na dinaranas ng mga tao sa buhay. Tulungan silang isipin kung paano maaaring matuto ang isang tao sa mga pagsubok na ito at mapagpala dahil dito.

  • Basahin ninyo ng mga bata ang “Lagi bang Sasagutin ng Ama sa Langit ang Aking mga Dalangin?” (Liahona, Ene. 2017, 69). Magpabahagi sa mga bata ng mga karanasan na ipinagdasal nila ang isang bagay at hindi nila natanggap ito. Ipabahagi sa kanila ang natutuhan nila mula sa kanilang mga karanasan. Maaaring may maibahagi ka ring sariling mga karanasan. Magpatotoo na palaging sinasagot ng Ama sa Langit ang ating mga panalangin sa paraan at sa panahon na lubos na magpapala sa atin.

Larawan
icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na magbigay nang masaya sa kanilang tahanan sa linggong ito at pumasok sa klase sa susunod na linggo na handang iulat kung paano sila naglingkod sa isang taong nangangailangan.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Lunasan ang mga kaguluhan nang may pagmamahal. “Kung minsan, kumikilos ang isang bata sa mga paraan na nagugulo ang pag-aaral ng iba sa klase. Kapag nangyari ito, maging matiyaga, mapagmahal, at maunawain tungkol sa mga hamong maaaring kinahaharap ng bata. … Kung ang batang nanggugulo ay may espesyal na pangangailangan, kausapin ang ward o stake disability specialist o bumisita sa disabilities.lds.org para malaman kung paano mo higit na matutugunan ang mga pangangailangang iyon” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 26).