Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Disyembre 31–Enero 6. Responsibilidad Natin ang Ating Sariling Pagkatuto


“Disyembre 31–Enero 6. Responsibilidad Natin ang Ating Sariling Pagkatuto,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Disyembre 31–Enero 6. Responsibilidad Natin ang Ating Sariling Pagkatuto,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019

Larawan
pamilyang tumitingin sa photo album

Disyembre 31–Enero 6

Responsibilidad Natin ang Ating Sariling Pagkatuto

Habang binabasa mo ang mga banal na kasulatan sa outline na ito, itala ang anumang espirituwal na impresyong natatanggap mo. Mapapansin mo na bawat outline sa manwal na ito ay may gawain para sa mga batang musmos at nakatatandang mga bata, ngunit maaari mong iangkop ang anumang gawain para sa inyong klase.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
sharing icon

Mag-anyayang Magbahagi

Sa simula ng bawat klase, bigyan ang mga bata ng mga pagkakataon na ibahagi ang kanilang natututuhan tungkol sa ebanghelyo. Halimbawa, sa linggong ito, maaari mo silang anyayahang magbahagi ng paborito nilang kuwento tungkol kay Jesucristo.

Larawan
teaching icon

Ituro ang Doktrina

Mga Batang Musmos

Gusto ni Jesucristo na sumunod ako sa Kanya.

Magbabasa kayo ng mga bata ng maraming kuwento mula sa buhay ni Jesucristo ngayong taon. Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang dahilan kung bakit pinag-aaralan natin ang mga kuwentong ito ay para mas masunod natin ang perpektong halimbawa ni Jesucristo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang paanyaya ng Tagapagligtas na “Pumarito ka, sumunod ka sa akin,” na nasa Lucas 18:22. Maglaro ng isang laro kung saan ang isang bata ay gagawa ng isang kilos at pagkatapos ay sasabihin sa ibang mga bata na, “Halikayo, sumunod sa akin.” Hikayatin ang ibang mga bata na gayahin ang kilos.

  • Magpakita ng mga larawan ng mga taong sumusunod sa Tagapagligtas sa iba’t ibang paraan, noong panahon ng Kanyang mortal na ministeryo at sa ating panahon. Makakakita ka ng mga larawan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo o sa mga magasin ng Simbahan. Maaari mo ring ipapanood ang video na “Maging Ilaw ng Sanglibutan” (LDS.org). Sabihin sa mga bata na tukuyin kung paano sumusunod ang mga tao sa Tagapagligtas.

  • Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga bagay na ginagawa nila para sundin ang Tagapagligtas. Maaaring makapagbigay sa kanila ng ilang ideya ang pagkanta ng “Hanapin si Cristo Habang Bata,” Aklat ng mga Awit Pambata, 67. Sabihin sa kanila na magdrowing ng mga larawan ng kanilang sarili na ginagawa ang mga bagay na ito.

Ang mga banal na kasulatan ay totoo.

Ang mga bata ay maaaring magkaroon ng patotoo na ang mga banal na kasulatan ay totoo kahit bago pa sila matutong magbasa. Habang pinag-aaralan ninyo ng mga bata ang mga banal na kasulatan ngayong taon, matutulungan mo silfang malaman sa kanilang sarili na ang mga banal na kasulatan ay totoo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na magbahagi tungkol sa paboritong regalong natanggap nila sa kanilang kaarawan o sa ibang mga okasyon. Magdala ng kopya ng mga banal na kasulatan na nakabalot na parang regalo, pabuksan ito sa isang bata, at magpatotoo na ang mga banal na kasulatan ay regalo sa atin ng Ama sa Langit.

  • Magpakita sa mga bata ng ilang aklat na naglalaman ng mga kathang-isip na kuwento, at tanungin sila tungkol sa kanilang mga paboritong kuwento. Ipakita sa kanila ang mga banal na kasulatan, at magpatotoo na ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng salita ng Diyos para sa atin at nagsasalaysay ng tungkol sa mga tao na talagang nabuhay at mga pangyayari na talagang naganap.

  • Ibahagi ang mga mensahe sa II Kay Timoteo 3:15 at Moroni 10:3–5, at tulungan ang mga bata na ulitin ang ilang kataga. Tulungan silang maunawaan na maaari nilang malaman sa kanilang sarili na ang mga banal na kasulan ay totoo.

  • Magtago ang isang larawan ng Tagapagligtas, at magbigay ng mga clue sa mga bata para tulungan silang mahanap ito. Tulungan ang mga bata na maunawaan kung paano makakatulong ang pagsasaliksik sa mga banal na kasulatan para makilala si Jesucristo. Bigyan ang mga bata ng pagkakataon na maghalinhinan sa pagtatago ng mga larawan at pagbibigay ng mga clue para sa iba pang mga bata.

  • Sama-samang kantahin ang “Hanapin si Cristo Habang Bata” at “Babasahin, Uunawain, at Mananalangin,” Aklat ng mga Awit Pambata, 66-67, at tulungan ang mga bata na lumikha ng mga kilos na nauugnay sa mga salita. Ibahagi sa mga bata ang isa o dalawa sa iyong mga paboritong banal na kasulatan, at sabihin sa kanila kung paano mo nalaman na ang mga banal na kasulatan ay totoo. Kung ang mga bata ay may paboritong banal na kasulatan o kuwento sa mga banal na kasulatan, anyayahan silang magbahagi.

Larawan
batang lalaking nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Maaaring magkaroon ang mga bata ng kanilang sariling patotoo sa mga katotohanan sa banal na kasulatan.

Larawan
teaching icon

Ituro ang Doktrina

Nakatatandang mga Bata

Nais ni Jesucristo na pag-aralan ko ang tungkol sa Kanya at sumunod sa Kanya.

Isipin kung paano mo nakilala si Jesucristo. Ano ang magagawa mo upang matulungan ang mga bata na pag-aralan ang tungkol sa Kanya at sundin Siya?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na magbahagi tungkol sa isang malapit na kaibigan na kakilala nila at ipaliwanag kung paano nila naging kaibigan ang taong ito. Basahin at talakayin ang Juan 5:39 at Juan 14:15 upang makahanap ng mga paraan na maaari nating madamang malapit tayo kay Jesus. Hilingin sa mga bata na magbahagi ng mga pagkakataon na naramdaman nilang malapit sila sa Kanya.

  • Maglakad-lakad kayo ng iyong klase sa paligid ng meetinghouse. Sabihin sa mga bata na itaas ang kanilang kamay kapag nakakita sila ng isang bagay sa kanilang paglalakad na nagpapaalaala sa kanila ng isang paraan na masusunod nila ang Tagapagligtas (tulad ng baptismal font o ng isang larawan).

  • Sama-sama ninyong kantahin ng mga bata ang “Magsisunod Kayo sa Akin,” Mga Himno, blg. 67. Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang mga pagkakataon na sinunod nila ang halimbawa ng Tagapagligtas.

Kaya kong pag-aralang mag-isa ang mga banal na kasulatan.

Sa pagbabasa mo ng mga banal na kasulatan sa mga bata at pagtatanong sa kanila, maaari mong mapalago ang tiwala sa sarili ng mga bata na kaya nilang matuto mula sa mga banal na kasulatan at makahanap ng mga kayamanan ng kaalaman.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin nang malakas ang Juan 5:39 at ang Mga Gawa 17:10–11, at itanong sa mga bata kung ano ang natutuhan nila tungkol sa kung paano pag-aralan ang mga banal na kasulatan.

  • Pumili ng ilang simple at makapangyarihang talata mula sa Bagong Tipan, isulat ang bawat isa sa isang pirasong papel, at itago ang mga papel. Gumawa ng mga clue na magtuturo sa mga bata sa isang “treasure hunt” sa loob ng silid o gusali ng simbahan kung saan matatagpuan ang mga banal na kasulatang ito. Kapag nahanap na nila ang bawat talata sa banal na kasulatan, talakayin kung ano ang kahulugan ng talata at kung bakit maihahalintulad ito sa isang kayamanan.

  • Magbahagi ng ilang talata sa banal na kasulatan na itinatangi mo at ipaliwanag kung bakit makahulugan ang mga ito sa iyo. Bilang isang klase, gumawa ng listahan ng mga itinatanging talata na natatagpuan ng mga bata sa Bagong Tipan sa taong ito—sa bahay o sa Primary.

  • Magkaroon ng talakayan sa mga bata kung bakit kung minsan ay mahirap basahin ang mga banal na kasulatan. Sabihin sa mga bata na magbigay ng payo sa isa’t isa tungkol sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Sabihan din silang magbahagi ng anumang positibong karanasan nila sa mga banal na kasulatan.

  • Tulungan ang mga bata na gumawa ng mga simpleng kalendaryo na maaari nilang gamitin upang markahan kung gaano kadalas nilang binabasa ang mga banal na kasulatan. Makapagpapaalaala sa kanila ang mga kalendaryong ito na basahin ang mga banal na kasulatan araw-araw.

Kailangan ko ng sariling patotoo.

Kakailanganin ng mga batang tinuturuan mo ang sarili nilang patotoo upang manatiling malakas ang kanilang pananampalataya kapag dumating ang mga paghihirap. Ano ang magagawa mo upang mahikayat sila na malaman ang katotohanan sa kanilang sarili?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ibahagi ang kuweto ng sampung dalaga (tingnan sa Mateo 25:1–13; tingnan din sa “Kabanata 47: Ang Sampung Dalaga,” Mga Bagong Tipan, 118–20). Itanong sa mga bata: Bakit gaya ng mga lampara ang ating mga patotoo? Bakit mahalaga na magkaroon ng sarili nating patotoo?

  • Talakayin kung ano ang magagawa natin upang mapalakas ang ating mga patotoo. Para sa mga ideya, anyayahan ang mga bata na saliksikin ang Juan 7:17 at Moroni 10:3–5. Anyayahan silang magbahagi ng mga bagay na nalalaman nilang totoo.

  • Sabihin sa mga bata na tulungan kang sulatan ang mga building block ng mga katagang naglalarawan ng mga bagay na ginagawa natin upang palakasin ang ating mga patotoo, katulad ng pagdarasal. Sabihin sa mga bata na bumuo ng isang istraktura na sumisimbolo sa isang patotoo gamit ang mga block.

Larawan
learning icon

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Paano mo mahihikayat ang mga bata at kanilang mga magulang na pag-aralan ang Bagong Tipan sa tahanan? Halimbawa, maaari mong hikayatin ang mga bata na isaulo ang isang banal na kasulatang tinalakay ninyo sa klase (maaaring makatulong ang paghahati ng mga talata ng banal na kasulatan sa maiikling parirala) at ibahagi ang talata sa kanilang pamilya.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Iangkop ang mga aktibidad ayon sa edad ng mga batang iyong tinuturuan. Ang mga batang musmos ay kailangan ng mas detalyadong mga paliwanag at matuto mula sa iba’t ibang pamamaraan ng pagtuturo. Habang tumatanda ang mga bata, mas marami na silang maibabahagi at maaaring mas mahusay nang magbahagi ng kanilang mga ideya. Bigyan sila ng mga pagkakataong magbahagi, magpatotoo, at lumahok, at magbigay ng tulong kung kinakailangan. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 25–26.)

Larawan
activity page: Sinisikap Kong Tularan si Jesus