Lumang Tipan 2022
Hulyo 18–24. Ezra 1; 3–7; Nehemias 2; 4–6; 8: “Ako’y Gumagawa ng Isang Dakilang Gawain”


“Hulyo 18–24. Ezra 1; 3–7; Nehemias 2; 4–6; 8: ‘Ako’y Gumagawa ng Isang Dakilang Gawain,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Hulyo 18–24. Ezra 1; 3–7; Nehemias 2; 4–6; 8,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

Larawan
templo ni Zerubabel

Paglalarawan sa templo ni Zerubabel, ni Sam Lawlor

Hulyo 18–24

Ezra 1; 3–7; Nehemias 2; 4–6; 8

“Ako’y Gumagawa ng Isang Dakilang Gawain”

Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson, “Ang salita ng Diyos … ay may kapangyarihang patatagin ang mga Banal at sandatahan sila ng Espiritu upang malabanan nila ang kasamaan, humawak nang mahigpit sa mabuti, at magkaroon ng kagalakan sa buhay na ito” (Teachings of Presidents of the Church: Ezra Taft Benson [2014],118).

Itala ang Iyong mga Impresyon

Ang mga Judio ay nabihag sa Babilonia sa loob ng mga 70 taon. Nawala sa kanila ang Jerusalem at ang templo, at marami ang nakalimot sa katapatan nila sa batas ng Diyos. Ngunit hindi sila nalimutan ng Diyos. Sa katunayan, ipinahayag Niya sa pamamagitan ng Kanyang propeta, “dadalawin ko kayo, at tutuparin ko sa inyo ang aking pangako, at ibabalik ko kayo sa dakong ito” (Jeremias 29:10). Totoo sa propesiyang ito, gumawa ng paraan ang Panginoon para makabalik ang mga Judio, at nagbangon Siya ng mga lingkod na nagsagawa ng “dakilang gawain” para sa Kanyang mga tao (Nehemias 6:3). Kabilang sa mga lingkod na ito ang gobernador na nagngangalang Zerubabel, na nangasiwa sa muling pagtatayo ng bahay ng Panginoon; si Ezra, isang saserdote at tagasulat na nagpabalik sa puso ng mga tao sa batas ng Panginoon; at si Nehemias, na paglaon ay isang gobernador ng Juda na namuno sa gawain ng muling pagtatayo ng mga muog o pader na nagbibigay-proteksyon sa palibot ng Jerusalem. Mangyari pa, naharap sila sa pagsalungat o oposisyon, ngunit tumanggap din ng tulong mula sa di-inaasahang mga pinagmulan. Ang kanilang mga karanasan ay maaaring magbigay-kaalaman at makahikayat sa atin, dahil tayo man ay gumagawa ng isang dakilang gawain. At tulad nila, malaki ang kinalaman ng ginagawa natin sa bahay ng Panginoon, sa batas ng Panginoon, at sa espirituwal na proteksyong matatagpuan natin sa Kanya.

Para sa buod ng mga aklat nina Ezra at Nehemias, tingnan sa “Ezra” at “Nehemias” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Ezra 1

Binibigyang-inspirasyon ng Panginoon ang mga tao na isakatuparan ang Kanyang mga layunin.

Matapos masakop ng Persia ang Babilonia, ang hari ng Persia, na si Ciro, ay nabigyang-inspirasyon ng Panginoon na magpadala ng isang grupo ng mga Judio papuntang Jerusalem upang muling itayo ang templo. Habang binabasa mo ang Ezra 1, pansinin ang gustong gawin ni Ciro para masuportahan ang mga Judio sa mahalagang gawaing ito. Paano mo nakikitang gumagawa o kumikilos ang Panginoon sa pamamagitan ng mga lalaki at babae sa iyong paligid, kabilang na ang mga hindi miyembro ng Kanyang Simbahan? Ano ang ipinahihiwatig nito sa iyo tungkol sa misyon ng Panginoon at sa Kanyang gawain?

Tingnan din sa Isaias 44:24–28.

Ezra 3:8–13; 6:16–22

Ang mga templo ay makapagdudulot sa akin ng kagalakan.

Nang salakayin ng mga taga-Babilonia ang Jerusalem, dinambong nila ang templo at sinunog ito hanggang sa maabo (tingnan sa 2 Mga Hari 25:1–10; 2 Cronica 36:17–19). Ano kaya ang maaaring naramdaman mo kung nakabilang ka sa mga Judio na nakasaksi rito? (tingnan sa Awit 137). Pansinin kung ano ang naramdaman ng mga Judio makalipas ang ilang dekada, nang pinayagan silang bumalik at muling itayo ang templo (tingnan sa Ezra 3:8–13; 6:16–22). Pagnilayan ang sarili mong damdamin tungkol sa templo. Bakit pinagmumulan ng kagalakan ang mga templo? Paano mo maipapakita ang iyong pasasalamat sa Panginoon sa mga templo?

Para sa makabagong mga halimbawa ng pagsasaya sa pagtatayo ng mga templo, panoorin ang mga video na “Practice, Celebration, Dedication: Temple Blessings in El Salvador” at “The Laie Hawaii Temple Youth Cultural Celebration” (ChurchofJesusChrist.org).

Larawan
isang pamilyang naglalakad sa bakuran ng templo

Ang templo ay maaaring pagmulan ng kagalakan sa ating buhay.

Ezra 4–6; Nehemias 2; 46

Maaari akong tumulong sa pagsusulong ng gawain ng Diyos sa kabila ng oposisyon.

Ang gawain ng Panginoon ay bihirang hindi salungatin, at talagang totoo ito sa mga pagsisikap nina Zerubabel at Nehemias. Sa dalawang sitwasyong ito, ang “mga kaaway ng Juda” (Ezra 4:1) ay mga Samaritano—mga inapo ng mga Israelita na nahalo sa mga Gentil. Ang pagbabasa tungkol sa kanilang pagsalungat sa pagtatayo ng templo (tingnan sa Ezra 4–6) ay maaaring umakay sa iyo na pagnilayan ang pagsalungat na kinakaharap ng gawain ng Diyos sa ngayon at kung paano ka maaaring tumugon kapag dumarating ang oposisyon.

Gayundin, ang pagbabasa tungkol sa ginawa ni Nehemias sa pagkumpuni ng mga pader ng Jerusalem (tingnan sa Nehemias 2; 46) ay maaaring maging daan para pag-isipan mo ang tungkol sa gawaing nais ng Diyos na gawin mo. Ano ang matututuhan mo sa halimbawa ni Nehemias?

Tingnan din sa Dieter F. Uchtdorf, “Kami’y Gumagawa ng Dakilang Gawain, na Anopa’t Hindi Kami Makababa,” Liahona, Mayo 2009, 59–62.

Ezra 7; Nehemias 8

Ako ay pinagpapala kapag pinag-aaralan ko ang mga banal na kasulatan.

Kahit matapos muling maitayo ang templo, ang mga mamamayan ng Jerusalem ay nahirapan sa espirituwal, dahil, sa ilang henerasyon, limitado ang pag-access nila sa “aklat ng batas ni Moises” (Nehemias 8:1). Natanggap ni Ezra, na tagasulat, ang pahintulot mula sa hari ng Persia para magpunta sa Jerusalem, kung saan niya “dinala ang batas sa harapan ng kapulungan” (Nehemias 8:2). Paano mo masusundan ang halimbawa ni Ezra ayon sa paglalarawan sa Ezra 7:10? Habang binabasa mo ang Nehemias 8, na nagkukuwento tungkol kay Ezra na binabasa ang batas sa mga tao, ano ang mga naisip mo tungkol sa kapangyarihan ng salita ng Diyos sa iyong buhay?

Tingnan din sa Teachings: Ezra Taft Benson, 115–24.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Ezra 3:8–13; 6:16–22.Paano ipinakita ng mga Judio ang kanilang kagalakan para sa templo habang itinatayo itong muli at nang ito ay inilaan? Ano ang ginagawa natin para maipakita ang ating kagalakan para sa templo? Marahil ay matitingnan ng inyong pamilya ang mga larawan ng mga templo at pag-usapan kung paano nagdudulot ng kagalakan sa inyo ang mga templo (tingnan sa temples.ChurchofJesusChrist.org).

Ezra 7:6, 9–10, 27–28.Ilang beses sa mga talatang ito, isinulat ni Ezra na ang kamay ng Panginoon ay napasa kanya habang papunta siya sa Jerusalem. Ano kaya ang ibig sabihin ng mga katagang ito? Paano natin nadama ang kamay ng Panginoon na napasa atin? Marahil maaaring magbahagi ang mga miyembro ng pamilya ng mga halimbawa mula sa kanilang buhay.

Nehemias 2; 46.Maaaring bigyang-inspirasyon ng kuwento ni Nehemias ang mga miyembro ng pamilya kapag may nakaharap silang oposisyon habang ginagawa nila ang “dakilang gawain” (Nehemias 6:3). Maaaring magtayo ang mga miyembro ng pamilya ng isang dingding mula sa mga bagay na nasa inyong tahanan habang binabasa ninyo ang mahahalagang talata (tulad ng Nehemias 2:17–20; 4:13–18; 6:1–3). Ano ang matututuhan natin mula kay Nehemias tungkol sa pagharap sa oposisyon? Anong dakilang gawain ang nais ng Panginoon na gawin natin? Paano tayo pinalakas ng Panginoon para mapaglabanan ang oposisyon sa gawaing ito?

Nehemias 8:1–12.Sa Nehemias 8, binasa ni Ezra ang batas ni Moises sa mga tao na sabik na makinig sa salita ng Diyos. Ang pagbabasa ng mga talata 1–12 ay makakatulong upang mapalalim ang pagpapahalaga ng inyong pamilya sa salita ng Diyos. Ano ang pakiramdam ng mga tao tungkol sa batas ng Diyos? Paano natin matutulungan ang isa’t isa “na maunawaan ang binasa”? (talata 8).

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Templo’y Ibig Makita,” Aklat ng mga Awit Pambata, 99.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magbahagi ng mga talata sa banal na kasulatan bilang pamilya. Sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan ng inyong pamilya, hayaang magbahagi ang mga miyembro ng pamilya mula sa kanilang personal na pag-aaral na talagang makabuluhan sa kanila.

Larawan
Binabasa nina Ezra ang mga banal na kasulatan sa mga tao

Paglalarawan kay Ezra na binabasa ang mga banal na kasulatan sa mga tao sa Jerusalem, ni H. Willard Ortlip, © Providence Collection/lisensyado mula sa goodsalt.com