Lumang Tipan 2022
Hulyo 11–17. 2 Mga Hari 17–25: “Siya’y Nagtiwala sa Panginoong Diyos ng Israel”


“Hulyo 11–17. 2 Mga Hari 17–25: ‘Siya’y Nagtiwala sa Panginoong Diyos ng Israel,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Hulyo 11–17. 2 Mga Hari 17–25,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

Larawan
mga taong umaalis sa nawasak na lungsod

Ang Pagtakas ng mga Bihag, ni James Tissot at ng iba pa

Hulyo 11–17

2 Mga Hari 17–25

“Siya’y Nagtiwala sa Panginoong Diyos ng Israel”

Nang narinig ni Josias ang mga salita mula sa aklat ng batas, tumugon siya nang may pananampalataya. Paano ka tutugon nang may pananampalataya sa nabasa mo sa 2 Mga Hari 17–25?

Itala ang Iyong mga Impresyon

Sa kabila ng kahanga-hangang ministeryo ng propetang si Eliseo, ang espirituwalidad ng Hilagang Kaharian ng Israel ay patuloy na bumababa. Itinaguyod ng masasamang hari ang pagsamba sa mga diyus-diyosan, at laganap ang digmaan at apostasiya. Sa huli ay sinakop at ikinalat ng Imperyo ng Asiria ang sampung lipi ng Israel.

Samantala, ang Katimugang Kaharian ng Juda ay hindi rin ayos ang kalagayan; laganap din doon ang pagsamba sa diyus-diyusan. Ngunit sa gitna ng lahat ng espirituwal na pagkabulok na ito, ang mga salaysay sa banal na kasulatan ay bumabanggit sa dalawang mabubuting hari na, sa isang panahon, ay muling nagpabalik sa kanilang mga tao sa Panginoon. Ang isa ay si Hezekias. Noong siya ang hari, ang mga taga-Asiria, na bago pa lang nanalo sa hilaga, ay sinakop ang malaking bahagi ng timog. Subalit si Hezekias at ang kanyang mga tao ay nagpakita ng pananampalataya sa Panginoon, na nagligtas sa Jerusalem sa mahimalang paraan. Kalaunan, pagkaraan ng isa pang panahon ng apostasiya, nagsimulang maghari si Josias. Nabigyang-inspirasyon kahit paano ng muling pagtuklas sa aklat ng batas, gumawa si Josias ng mga reporma na muling pumukaw sa relihiyosong pamumuhay ng marami sa kanyang mga tao.

Ano ang natututuhan natin mula sa dalawang maningning na lugar na ito sa madilim na mga taon ng kasaysayan ng Juda? Maliban sa iba pang mga bagay, maaari mong pagnilayan ang kapangyarihan ng pananampalataya at ng salita ng Diyos sa iyong buhay. Tulad ng Israel at Juda, lahat tayo ay gumagawa ng mabuti at masamang pagpili. At kapag nadama natin na kailangan ng reporma sa ating buhay, marahil ay mahihikayat tayo ng mga halimbawa nina Hezekias at Josias na “magtiwala sa Panginoon nating Diyos” (2 Mga Hari 18:22).

Tingnan din sa 2 Cronica 29–35; ang bahaging “Mga Kaisipan na Dapat Tandaan” “Si Cristo’y Sasambit, ‘Halina’t Magbalik.’”

Larawan
Learn More image
Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

2 Mga Hari 18–19

Maaari akong manatiling tapat sa Panginoon sa panahon ng pagsubok.

Karamihan sa atin ay nakaranas na ng mga panahon na humahamon sa ating pananampalataya. Para kay Hezekias at sa kanyang mga tao, isa sa mga panahong iyon ay dumating nang sinalakay ng hukbo ng Asiria ang Juda, winasak ang maraming lunsod, at lumapit sa Jerusalem. Habang binabasa mo ang 2 Mga Hari 18–19, kunwari ay nabuhay ka sa Jerusalem sa panahong ito. Ano kaya ang maaaring nadama mo, halimbawa, kung narinig mo ang panunuya ng taga-Asiria na nakatala sa 2 Mga Hari 18:28–37 at 19:10–13? Ano ang natutuhan mo sa isinagot ni Hezekias? (tingnan sa 2 Mga Hari 19:1–7, 14–19). Paano pinalakas ng Panginoon si Hezekias? (tingnan sa 2 Mga Hari 19:35–37). Pagnilayan kung paano ka Niya pinalakas sa mahihirap na panahon.

Maaari mo ring pagnilayan ang paglalarawan kay Hezekias sa 2 Mga Hari 18:5–7. Ano ang isinasaad ng mga talatang ito tungkol sa kung bakit si Hezekias ay nanatiling tapat nang dumating ang mga hamon? Paano mo matutularan ang kanyang halimbawa?

Tingnan din sa 3 Nephi 3–4; D. Todd Christofferson, “Matatag at Di Natitinag sa Pananampalataya kay Cristo,” Liahona, Nob. 2018, 30–33.

2 Mga Hari 19:20–37

Lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Panginoon.

Si Senakerib, na hari ng Asiria, ay may magandang dahilan para maniwala na malulupig ng kanyang hukbo ang Jerusalem. Nadaig ng Asiria ang maraming bansa, kabilang na ang Israel—bakit magiging kakaiba ang Jerusalem? (tingnan sa 2 Mga Hari 17; 18:33–34; 19:11–13). Subalit ang Panginoon ay may mensahe para kay Senakerib, na ibinigay sa pamamagitan ng propetang si Isaias, at ito ay nakatala sa 2 Mga Hari 19:20–34. Paano mo ibubuod ang mensaheng ito? Anong mga katotohanan ang nakita mo sa mga talatang ito na nakatulong sa iyo na manampalataya sa Panginoon at sa Kanyang plano?

Tingnan din sa Helaman 12:4–23; Doktrina at mga Tipan 101:16.

2 Mga Hari 21–23

Maibabaling ng mga banal na kasulatan ang aking puso sa Panginoon.

Nadama mo na ba na may kulang sa iyo sa espirituwal? Siguro nadama mo na maaaring maging mas malakas ang pakikipag-ugnayan mo sa Diyos. Ano ang nakatulong sa iyo para bumalik sa Kanya? Pagnilayan ang mga tanong na ito habang binabasa mo ang tungkol sa paglayo ng Kaharian ni Juda sa Panginoon sa ilalim ng pamumuno ni Haring Manases (tingnan sa 2 Mga Hari 21) at kung paano sila tinulungan ni Haring Josias na muling mangakong magiging tapat sa Kanya (tingnan sa 2 Mga Hari 22–23). Ano ang nagbigay-inspirasyon kay Josias at sa kanyang mga tao? Ang salaysay na ito ay maaaring makahikayat sa iyo na panibaguhin ang inyong pangakong “lumakad na ayon sa Panginoon … ng [iyong] buong puso at buong kaluluwa” (2 Mga Hari 23:3).

Habang binabasa mo ang mga kabanatang ito, isipin ding pag-aralan ang kabanata 6 sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball ([2006], 59–68), kung saan iminungkahi ni Pangulong Kimball na ang kuwento ni Haring Josias ay “isa sa pinakamagagandang kuwento sa lahat ng banal na kasulatan” (pahina 62). Bakit kaya ganoon ang nadama ni Pangulong Kimball? Ano ang nalaman mo sa mga salita ni Pangulong Kimball, lalo na sa kanyang mga komentaryo tungkol kay Haring Josias, na tutulong sa iyo na ipamuhay ang 2 Mga Hari 22–23?

Tingnan din sa Alma 31:5; Takashi Wada, “Pagpapakabusog sa mga Salita ni Cristo,” Liahona, Mayo 2019, 38–40; ChurchofJesusChrist.org.

Larawan
pamilyang nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Ang mga banal na kasulatan ay makakatulong na ibaling ang ating puso sa Panginoon.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

2 Mga Hari 19:14–19Ano ang maaari nating matutuhan sa halimbawa ni Hezekias na makakatulong sa atin kapag mayroon tayong mahihirap na problema o mga tanong? Paano sinagot ng Panginoon ang ating mga panalangin sa paghingi ng tulong? Marahil ang bawat miyembro ng pamilya ay maaaring gumawa ng isang bagay na maididispley sa tahanan na nagpapaalala sa kanila na bumaling sa Panginoon.

2 Mga Hari 22:3–7.Ang mga manggagawa na inilarawan sa 2 Mga Hari 22:3–7 ay pinagkatiwalaan ng perang ginamit upang muling itayo ang templo “sapagkat sila’y tapat makitungo” (talata 7). Matapos basahin ang mga talatang ito, maaari mong sabihin sa mga kapamilya na magbanggit ng mga bagay na ipinagkatiwala sa kanila. Paano tayo mapagkakatiwalaang gaya ng mga manggagawa sa mga talatang ito?

2 Mga Hari 22:8–11, 19; 23:1–3.Ano ang hinahangaan natin sa itinugon ni Josias at ng kanyang mga tao sa salita ng Diyos? Paano tayo tumutugon sa salita ng Diyos na nasa mga banal na kasulatan? Maaaring magbahagi ang mga miyembro ng inyong pamilya ng mga talata sa banal na kasulatan o mga kuwento na nakaragdag sa hangarin nilang sundin ang Ama sa Langit at si Jesucristo.

2 Mga Hari 23:25.Ano ang naiisip natin tungkol sa paglalarawan kay Josias sa talatang ito? Maaaring idrowing ng inyong pamilya sa mga pusong papel ang mga bagay na magagawa nila sa linggong ito para bumaling sa Panginoon nang kanilang buong puso.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Habang Aking Binabasa,” Mga Himno, blg. 176

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Maghanap ng mga salita at pariralang nagbibigay-inspirasyon. Habang nagbabasa, maaaring ituon ng Espiritu ang iyong pansin sa partikular na mga salita o parirala. Maaari magbigay-inspirasyon at makahikayat ito sa iyo; maaaring parang isinulat ang mga ito para talaga sa iyo.

Larawan
tao na may dalang scroll sa hari

Paglalarawan sa isang tagasulat na naghahatid ng scroll ng banal na kasulatan kay Haring Josias, ni Robert T. Barrett