Lumang Tipan 2022
Hunyo 27–Hulyo 3. I Mga Hari 17–19: “Kung ang Panginoon ay Diyos, Sumunod Kayo sa Kanya”


“Hunyo 27–Hulyo 3. I Mga Hari 17–19: ‘Kung ang Panginoon ay Diyos, Sumunod Kayo sa Kanya,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Hunyo 27–Hulyo 3. I Mga Hari 17–19,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

Larawan
Nakatayo si Elijah sa tabi ng nagliliyab na dambana

Nakipagtalo si Elias (o Elijah) sa mga Pari ni Baal, ni Jerry Harston

Hunyo 27–Hulyo 3

I Mga Hari 17–19

“Kung ang Panginoon ay Diyos, Sumunod Kayo sa Kanya”

Kapag binabasa mo ang mga banal na kasulatan, ikaw ay sumasampalataya, na naghahanda sa iyong puso at isipan na pakinggan ang “banayad at munting tinig” ng Espiritu (I Mga Hari 19:12).

Itala ang Iyong mga Impresyon

Ang sambahayan ni Israel ay nagulo. Ang pagkakaisa at tagumpay na nakamit sa ilalim nina David at Solomon ay matagal nang lumipas, at ang pakikipagtipan sa Panginoon, para sa maraming tao, ay isang alaala ng nakalipas. Ang Kaharian ng Israel ay nahati, na ang sampung lipi ang bumubuo sa Hilagang Kaharian ng Israel at ang dalawang lipi ang bumubuo sa Katimugang Kaharian ng Juda. Ang dalawang kaharian ay hindi matatag sa espirituwal, na pinamunuan ng mga haring lumabag sa kanilang mga tipan sa Panginoon at nakaimpluwensya sa iba na gawin din ang gayon (tingnan sa I Mga Hari 11–16). Ngunit ang apostasiya ay lubhang malubha sa Hilagang Kaharian, kung saan hinikayat ni Haring Ahab ang Israel na sambahin ang mga huwad na diyos na si Baal.

Sa pagkakataong ito tinawag si Propetang Elijah na mangaral. Nililinaw ng tala ng kanyang ministeryo na ang personal na pananampalataya sa Panginoon ay maaaring umunlad sa mabubuti kahit sa masamang kapaligiran. Kung minsan ay tumutugon ang Panginoon sa gayong pananampalataya nang may kahanga-hanga, mga himalang lantad sa publiko, tulad ng apoy na bumabagsak mula sa langit. Ngunit Siya rin ay gumagawa ng tahimik at pribadong mga himala, tulad ng pagtugon sa mga personal na pangangailangan ng isang tapat na balo at ng kanyang anak. At kadalasan ang Kanyang mga himala ay para sa indibiduwal kaya ikaw lamang ang nakaaalam—halimbawa, kapag inihahayag ng Panginoon ang Kanyang sarili at ang Kanyang kalooban sa pamamagitan ng “marahan at banayad na tinig” (I Mga Hari 19:12).

Para sa iba pa tungkol kay Elijah, tingnan sa “Elijah” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

I Mga Hari 17:1–16

Ang paanyayang magsakripisyo ay isang pagkakataon para maipakita ang aking pananampalataya.

Noong una tila mahirap maunawaan kung bakit hiniling ng propetang si Elijah sa balo ng Zarefta na bigyan siya ng pagkain at tubig bago siya kumain at ang kanyang nagugutom na anak. Ngunit ang hiling ni Elijah ay makikita rin bilang pagpapala sa munting pamilyang ito. Kailangan nila ang mga pagpapala ng Panginoon, at ang sakripisyo ay kadalasang naghahatid ng mga pagpapala—kabilang na ang pagpapala ng mas malakas na pananampalataya.

Habang binabasa mo ang kuwentong ito, ilagay ang iyong sarili sa kalagayan ng kahanga-hangang balo na ito. Ano ang hinangaan mo tungkol sa kanya? Isipin ang mga pagkakataon mong magpakita ng pananampalataya—kabilang na ang mga pagkakataong magsakripisyo. Paano ka magiging mas katulad ng balong ito?

Tingnan din sa Mateo 6:25–33; Lucas 4:24–26; Lynn G. Robbins, “Ikapu—Isang Utos Maging sa mga Dukha,” Liahona, Mayo 2005, 34–36.

I Mga Hari 18

“Kung ang Panginoon ay Diyos, sumunod kayo sa Kanya.”

Maaaring nadama ng mga Israelita na may magagandang dahilan sila para sambahin si Baal sa kabila ng utos ng Panginoon na, “Huwag kang magkakaroon ng ibang mga dios sa harap ko” (Exodo 20:3). Kilala si Baal bilang diyos ng mga bagyo at ulan, at makalipas ang tatlong taong tagtuyot, kailangang-kailangan nila ang bagyo. At ang pagsamba kay Baal ay tanggap ng lipunan at inendorso ng hari at reyna. Habang binabasa mo ang I Mga Hari 18, isipin ang anumang sitwasyon sa buhay mo na maaaring humantong sa sitwasyon noon ng mga Israelita. Nakikita mo ba ang sarili mo na hindi makapagpasiya tungkol sa pagsunod sa Panginoon dahil ang mga alternatibo ay tila makatwiran at nakahihikayat? (tingnan sa I Mga Hari 18:21). Sa mga pangyayaring matatagpuan sa kabanatang ito, ano sa palagay mo ang sinisikap ituro ng Panginoon sa mga tao tungkol sa Kanyang sarili at tungkol kay Baal? Anong mga karanasan ang nagturo sa iyo ng katulad na mga katotohanan?

Maaaring nakatutuwang pansinin ang mga bagay na sinabi at ginawa ni Elijah sa kabanatang ito na nagpapakita ng kanyang pananampalataya sa Panginoon. Ano ang natututuhan mo mula kay Elijah tungkol sa pananampalataya?

Tingnan din sa Josue 24:15; 2 Nephi 2:26–28; D. Todd Christofferson, “Pagpili at Katapatan” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Ene. 12, 2020), ChurchofJesusChrist.org.

Larawan
Nakatayo si Elijah sa bato

Isang simbolikong paglalarawan ng I Mga Hari 19:11–12. Ang Propeta, © Robert booth Charles/Bridgeman Images

I Mga Hari 19:1–18

Ang Panginoon ay kadalasang nagsasalita sa tahimik at simpleng paraan.

Nang marinig ni Reyna Jezebel ang nangyari sa kanyang mga saserdote sa Bundok ng Carmel, hindi siya nagbalik-loob—nagalit siya. Natatakot na baka siya ay patayin, tumakas si Elijah sa ilang at nagkubli sa isang yungib. Doon, habang nakikibaka sa kalungkutan at panghihina-ng-loob, nagkaroon siya ng karanasan sa Panginoon na ibang-iba sa nangyari sa Bundok ng Carmel. Ano ang itinuturo sa iyo ng karanasan ni Elijah sa I Mga Hari 19:1–18 tungkol sa kung paano nakikipag-ugnayan sa iyo ang Panginoon sa oras ng iyong pangangailangan? Pagnilayan ang mga pagkakataon sa buhay mo na narinig mo ang Kanyang tinig. Ano ang kailangan mong gawin para matanggap ang patnubay na iyon nang mas madalas?

Pagnilayan ang mga salita at pariralang ginamit sa sumusunod na mga talata upang ilarawan kung paano nakikipag-ugnayan sa atin ang Panginoon: Helaman 5:30; 3 Nephi 11:3–7; Doktrina at mga Tipan 6:22–23; 8:2–3; 9:8–9; 11:12–14; 36:2.

Tingnan din sa Awit 46:10; 1 Nephi 17:45; Russell M. Nelson, “Pakinggan Siya,” Liahona, Mayo 2020, 88–92.

I Mga Hari 19:19–21.

Ang paglilingkod sa Panginoon ay inuuna kaysa mga makalupang alalahanin.

Ang katotohanan na si Eliseo ay mayroong 12 pamatok ng baka ay nagpapahiwatig na marahil siya ay mayaman. Ano ang hinangaan mo sa kanyang ginawa sa I Mga Hari 19:19–21? Paano mo matutularan ang halimbawa ni Eliseo?

Tingnan din sa Mateo 4:18–22.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

I Mga Hari 17:1–16.Ang video na “Elijah and the Widow of Zarephath” (ChurchofJesusChrist.org) at ang larawan sa outline na ito ay makakatulong sa inyong pamilya na mailarawan sa isipan ang kuwento sa I Mga Hari 17:1–16. Matapos basahin ang mga talata at tingnan ang resources na ito, maaaring ilista ng bawat miyembro ng pamilya ang nagbibigay-inspirasyong mga katangian ng balo. Ano ang ipinagagawa sa atin ng Panginoon upang ipakita ang ating pananampalataya?

I Mga Hari 18.“Si Elijah at ang mga Saserdote ni Baal” (sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan) ay makakatulong sa inyong pamilya na matutuhan ang kuwento sa I Mga Hari 18. May mga bagay bang humahadlang sa ating pagiging lubos na tapat sa Panginoon? Paano natin maipakikita ang kahandaan nating piliin Siya? (tingnan sa talata 21).

I Mga Hari 19:11–12.Ano ang makakatulong sa inyong pamilya para maunawaan ang kahalagahan ng pakikinig sa “banayad at munting tinig”? Maaari ninyong sama-samang basahin ang I Mga Hari 19:11–12 sa mahinang tinig o tahimik na kantahin ang isang awitin tungkol sa Espiritu, tulad ng “Ang Espiritu Santo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 56). Maaari kang magdagdag ng ilang nakagagambalang ingay para ilarawan kung paano sinisikap ni Satanas na huwag nating pakinggan ang banayad at munting tinig. Marahil makapagbabahagi ang mga miyembro ng pamilya ng ginagawa nila para mapakinggan ang tinig ng Espiritu.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Ang Espiritu Santo,” Aklat ng mga Awit Pambata, 56.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Itala ang Iyong mga Impresyon. Kapag nadama mo ang Espiritu na nangungusap sa iyo, isulat ang nadarama mong sinasabi Niya sa iyo. Ang kaisipang kailangan para maisulat ang mga impresyong ito ay makakatulong sa iyo na pagnilayan at pahalagahan ang mga ito.

Larawan
babae at anak

Balo ng Zarefta, ni Rose Datoc Dall