Bagong Tipan 2023
Marso 20–26. Mateo 13; Lucas 8; 13: “Ang mga May Pandinig ay Makinig”


“Marso 20–26. Mateo 13; Lucas 8; 13: ‘Ang mga May Pandinig ay Makinig,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Marso 20–26. Mateo 13; Lucas 8; 13,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

Larawan
trigo na maaari nang anihin

Marso 20–26

Mateo 13; Lucas 8;13

“Ang mga May Pandinig ay Makinig”

Habang binabasa mo ang Mateo 13 at Lucas 813, isipin kung paano mo ihahanda ang iyong sarili na “makinig” sa at pahalagahan ang mga turo ng Tagapagligtas sa mga talinghagang ito. Ano ang gagawin mo para maipamuhay ang mga turong ito?

Itala ang Iyong mga Impresyon

Ang ilan sa mga pinakahindi malilimutang turo ng Tagapagligtas ay nasa mga simpleng kuwentong tinatawag na mga talinghaga. Ang mga ito ay higit pa sa kawili-wiling mga anekdota tungkol sa mga ordinaryong bagay o pangyayari. Ang mga ito ay naglalaman ng malalalim na katotohanan tungkol sa kaharian ng Diyos para sa mga taong espirituwal na handa. Ang isa sa mga unang talinghagang nakatala sa Bagong Tipan—ang talinghaga ng manghahasik (tingnan sa Mateo 13:3–23)—ay nag-aanyaya sa atin na suriin ang ating kahandaang tanggapin ang salita ng Diyos. “Sapagkat sinumang [tumatanggap],” ipinahayag ni Jesus, “ay lalong bibigyan, at magkakaroon siya ng kasaganaan” (Joseph Smith Translation, Matthew 13:10). Kaya habang naghahanda tayong pag-aralan ang mga talinghaga ng Tagapagligtas—o alinman sa Kanyang mga turo—magandang magsimula sa pagsusuri sa ating puso at pag-alam kung binibigyan natin ng “mabuting lupa” (Mateo 13:8) ang mga salita ng Diyos upang lumago, yumabong, umunlad, at magbunga na magpapala nang sagana sa atin at sa ating pamilya.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Mateo 13:3–23; Lucas 8:4–15; 13:6–9

Kailangang maging handa ang puso ko na tanggapin ang salita ng Diyos.

Bakit kung minsan ay handa ang ating puso na tanggapin ang katotohanan, samantalang sa ibang pagkakataon ay natutukso tayong labanan ito? Ang pagbasa sa talinghaga ng manghahasik ay maaaring magbigay ng magandang pagkakataong pag-isipan kung gaano kahusay mo tinatanggap ang katotohanan mula sa Panginoon. Maaaring makatulong na itugma ang mga talata 3–8 ng Mateo 13 sa mga interpretasyong inilaan sa mga talata 18–23. Ano ang magagawa mo upang magkaroon ng “mabuting lupa” sa iyong sarili? Ano kaya ang ilang “tinik” na humahadlang sa iyo para mapakinggan at masunod talaga ang salita ng Diyos? Paano mo mapaglalabanan ang mga “tinik” na ito?

Ang pag-aaral mo ng talinghagang ito ay maaari ding makaimpluwensya sa pagbabasa mo ng talinghaga sa Lucas 13:6–9. Ano ang “bunga” na hinahangad ng Panginoon mula sa atin? Paano natin pinatataba ang ating lupa upang tayo ay “magbunga”?

Tingnan din sa Mosias 2:9; Alma 12:10–11; 32:28–43; Dallin H. Oaks, “Ang Talinghaga ng Manghahasik,” Liahona, Mayo 2015, 32–35.

Mateo 13:24–35, 44–52; Lucas 13:18–21

Ipinauunawa sa akin ng mga talinghaga ni Jesus ang paglago at tadhana ng Kanyang Simbahan.

Itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang mga talinghaga sa Mateo 13 ay naglalarawan ng paglago at tadhana ng Simbahan sa mga huling araw. Maaari mong rebyuhin ang mga salita ng Propeta sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 341–58, habang iniisip mo kung ano ang itinuturo sa iyo ng mga sumusunod na talinghaga tungkol sa Simbahan ng Panginoon:

Matapos pagnilayan ang mga talinghagang ito, ano ang nahihikayat kang gawin para mas lubos na makabahagi sa gawain ng Simbahan ni Cristo sa mga huling araw?

Tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kaharian ng Diyos o Kaharian ng Langit,” “Talinghaga,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org.

Larawan
perlas

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay isang “[mahalagang] perlas” (Mateo 13:46).

Mateo 13:24–30, 36–43

Kailangang lumaki ang mabubuti na kasama ng masasama hanggang sa katapusan ng mundo.

Ang isang paraan upang masuri ang talinghagang ito ay ang gumuhit ng larawan nito at isulat dito ang mga interpretasyon na nasa Mateo 13:36–43 at Doktrina at mga Tipan 86:1–7. Ang panirang damo ay isang “nakalalasong damo na kamukha ng trigo hanggang sa magkausbong ito” (Bible Dictionary, “Tares”). Anong mga katotohanan sa talinghagang ito ang naghihikayat sa iyo na manatiling tapat sa kabila ng kasamaan sa mundo?

Lucas 8:1–3

Sa anong mga paraan naglingkod ang “ilang babae” sa Tagapagligtas?

“[Ang] mga babaeng disipulo [ay] naglakbay na kasama ni Jesus at ng Labindalawa, na espirituwal na natuto mula [kay Jesus] at temporal na naglingkod sa Kanya. … Bukod sa pagtanggap sa ipinapangaral ni Jesus—ang mabuting balita ng Kanyang ebanghelyo at ang mga biyaya ng Kanyang kapangyarihang magpagaling—ang mga babaeng ito ay naglingkod sa Kanya, at nagbigay ng kanilang kabuhayan at katapatan” (Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian [2017], 4, 6). Ang mga babaeng sumunod sa Tagapagligtas ay nagbigay rin ng malakas na patotoo tungkol sa Kanya (tingnan sa Linda K. Burton, “Mga Babaeng Nakatitiyak,” Liahona, Mayo 2017, 12–15).

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Mateo 13.Habang binabasa ng mga miyembro ng inyong pamilya ang mga talinghaga ng Tagapagligtas, maaaring masiyahan silang mag-isip ng sarili nilang mga talinghaga na nagtuturo ng mga katotohanang ito tungkol sa kaharian ng langit (ang Simbahan), gamit ang mga bagay o sitwasyon na pamilyar sa kanila.

Mateo 13:3–23; Lucas 8:4–15.Matapos basahin nang sama-sama ang talinghaga ng manghahasik, maaaring talakayin ng inyong pamilya ang mga tanong na tulad nito: Ano ang bagay na magagawang “batuhan” ang ating “lupa” (ang ating puso) o “sumasakal” sa salita? Paano natin matitiyak na mabuti at mabunga ang ating lupa?

Kung may mas maliliit na bata sa inyong pamilya, maaaring masaya na anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na ipakita sa galaw ang iba’t ibang paraan upang ihanda ang ating puso na marinig ang salita ng Diyos habang hinuhulaan naman ng iba pang mga miyembro ng pamilya ang ginagawa nila.

Mateo 13:13–16.Paano mo maipauunawa sa mga miyembro ng inyong pamilya ang kahalagahan ng maging handang tanggapin ang salita ni Cristo? Para maipakita “[ang mga tainga] na mahirap nang makarinig,” maaari mong takpan ang mga tainga ng isang kapamilya habang tahimik mong binabasa ang Mateo 13:13–16. Gaano karami ang naunawaan ng kapamilyang iyon mula sa mga talatang ito? Sa paanong mga paraan natin maaaring buksan ang ating mga mata, tainga, at puso sa salita ng Diyos?

Mateo 13:44–46.Ano ang parehas na mayroon sa dalawang lalaki sa mga talinghagang ito? May iba pa bang mga bagay na dapat nating gawin bilang mga indibiduwal at bilang pamilya upang unahin ang kaharian ng Diyos sa ating buhay?

Lucas 13:11–17.Nagkaroon na ba ng mga karanasan ang mga miyembro ng pamilya na nagpadama sa kanila na hindi nila “kayang tumayo [nang mag-isa]”? Mayroon ba tayong kilala na ganito ang pakiramdam? Paano tayo makakatulong? Paano tayo “kina[kalagan]” ng Tagapagligtas mula sa pagkagapos sa ating mga kahinaan?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing himno: “Mga Binhi’y Ating Ipinupunla,” Mga Himno, blg. 132.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Isaulo ang isang talata ng banal na kasulatan. Pumili ng isang talata sa banal na kasulatan na partikular na makabuluhan sa inyong pamilya, at anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na isaulo ito. Itinuro ni Elder Richard G. Scott, “Ang isinaulong talata ay nagiging kaibigang palaging nariyan, na hindi nanghihina sa paglipas ng panahon” (“Ang Bisa ng Banal na Kasulatan,” Liahona, Nob. 2011, 6).

Larawan
lalaking nagpupunla ng mga binhi

Parable of the Sower [Talinghaga ng Manghahasik], ni George Soper