Bagong Tipan 2023
Marso 6–12. Mateo 9–10; Marcos 5; Lucas 9: “Ang Labindalawang Ito ay Isinugo ni Jesus”


“Marso 6–12. Mateo 9–10; Marcos 5; Lucas 9: ‘Ang Labindalawang Ito ay Isinugo ni Jesus,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Marso 6–12. Mateo 9–10; Marcos 5; Lucas 9,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

Larawan
inoorden ni Jesus si Pedro

Marso 6–12

Mateo 9–10; Marcos 5; Lucas 9

“Ang Labindalawang Ito ay Isinugo ni Jesus”

Ang mga ideya sa pag-aaral sa outline na ito ay nilayong tulungan kang makahanap ng personal na kahulugan sa mga banal na kasulatan. Gayunman, hindi dapat pumalit ang mga ito sa personal na paghahayag na maaari mong matanggap tungkol sa kung anong mga talata ang pag-aaralan o paano pag-aaralan ang mga ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Mabilis na kumalat ang balita tungkol sa mga himala ng pagpapagaling ni Jesus. Maraming tao ang sumunod sa Kanya, na umaasa na malulunasan ang kanilang mga karamdaman. Ngunit nang tingnan ng Tagapagligtas ang mga tao, hindi lamang ang kanilang mga pisikal na karamdaman ang nakita Niya. Puno ng habag, nakita Niya ang “mga tupa na walang pastol” (Mateo 9:36). “Tunay na napakarami ng aanihin,” pagpuna Niya, “ngunit kakaunti ang manggagawa” (Mateo 9:37). Kaya tumawag Siya ng labindalawang Apostol, “binigyan sila ng kapangyarihan,” at isinugo sila upang magturo at maglingkod sa “mga nawawalang tupa sa bahay ni Israel” (Mateo 10:1, 6). Ngayon ay gayon din katindi ang pangangailangan para sa mas maraming manggagawa na maglilingkod sa mga anak ng Ama sa Langit. Mayroon pa ring Labindalawang Apostol, ngunit mas marami na ngayong disipulo ni Jesucristo kaysa noon—mga taong maaaring ipahayag sa buong mundo, na “Malapit na ang kaharian ng langit” (Mateo 10:7).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Mateo 9:18–26; Marcos 5:22–43

“Huwag kang matakot; manampalataya ka lamang.”

Nang unang hilingin ni Jairo kay Jesus na pagalingin ang kanyang anak, na “naghihingalo,” agaran ngunit umaasang nagsalita si Jairo: “Pumaroon ka at ipatong mo ang iyong mga kamay sa kanya … at [siya’y] ma[bu]buhay” (Marcos 5:23). Ngunit nang papunta na sila, sinabi ng isang sugo kay Jairo na huli na ang lahat: “Namatay na ang anak mong babae. Bakit mo pa inaabala ang Guro?” (talata 35). Gayundin, maaaring tila huli na ang lahat para sa babaeng inilarawan sa Marcos 5:25–34, na 12 taon nang maysakit.

Habang binabasa mo ang mga salaysay na ito, maaari mong isipin ang mga bagay na kailangang pagalingin sa buhay mo o ng inyong pamilya—kabilang na ang mga bagay na tila “naghihingalo” na o huli na para pagalingin. Ano ang hinahangaan mo tungkol sa mga pagpapahayag ng pananampalataya sa mga salaysay na ito? Pansinin din ang sinabi ni Jesus sa babae at kay Jairo. Ano sa palagay mo ang sinasabi Niya sa iyo?

Tingnan din sa Lucas 8:41–56; Russell M. Nelson, “Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2017, 39–42; Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Gordon B. Hinckley (2016), 373–84.

Larawan
babaeng inaabot ang laylayan ng balabal ni Jesus

Trust in the Lord [Magtiwala sa Panginoon], ni Liz Lemon Swindle

Mateo 10; Lucas 9:1–6

Binibigyan ng Panginoon ng kapangyarihan ang Kanyang mga lingkod na gawin ang Kanyang gawain.

Ang mga tagubiling ibinigay ni Jesus sa Mateo 10 sa Kanyang mga Apostol ay maaari ding umangkop sa atin, dahil lahat tayo ay may bahagi sa gawain ng Panginoon. Anong kapangyarihan ang ibinigay ni Cristo sa Kanyang mga Apostol para matulungan silang gampanan ang kanilang misyon? Paano mo makakamtan ang Kanyang kapangyarihan sa gawaing ipinagagawa sa iyo? (tingnan sa 2 Corinto 6:1–10; Doktrina at mga Tipan 121:34–46).

Habang binabasa mo ang atas na ibinigay ni Cristo sa Kanyang mga Apostol, maaari kang makatanggap ng mga impresyon tungkol sa gawaing nais ng Panginoon na gawin mo. Ang tsart na katulad ng sumusunod ay maaaring makatulong sa iyo na iorganisa ang mga iniisip mo:

Mateo 10

Mga impresyong natatanggap ko

Binigyan ng Tagapagligtas ng kapangyarihan ang Kanyang mga disipulo.

Bibigyan ako ng Diyos ng kapangyarihang kailangan ko para magawa ang aking gawain.

Tingnan din sa Marcos 6:7–13; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:6; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Apostol.”

Mateo 10:17–20

Kapag ako ay naglilingkod sa Panginoon, bibigyan Niya ako ng inspirasyon kung ano ang sasabihin.

Nakinita ng Panginoon na ang Kanyang mga disipulo ay uusigin at uusisain tungkol sa kanilang pananampalataya—isang bagay na katulad ng maaaring maranasan ng mga disipulo ngayon. Ngunit ipinangako Niya sa mga disipulo na malalaman nila sa pamamagitan ng Espiritu kung ano ang sasabihin. Nagkaroon ka na ba ng mga karanasan kung kailan natupad ang banal na pangakong ito sa buhay mo, marahil noong ikaw ay nagpatotoo, nagbigay ng basbas, o nakipag-usap sa isang tao? Isiping ibahagi ang iyong mga karanasan sa isang mahal sa buhay o itala ang mga ito sa isang journal. Ano ang nahihikayat kang gawin para mas madalas mong maranasan ang mga iyon?

Tingnan din sa Lucas 12:11–12; Doktrina at mga Tipan 84:85.

Mateo 10:34–39

Ano ang ibig sabihin ni Jesus sa “hindi ako pumarito upang magdala ng kapayapaan, kundi ng tabak”?

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson: “Tiwala ako na marami sa inyo ang nakaranas nang matanggihan at itakwil ng inyong ama’t ina at mga kapatid nang tanggapin ninyo ang ebanghelyo ni Jesucristo at pumasok kayo sa Kanyang tipan. Sa anumang paraan, dahil sa inyong matinding pagmamahal kay Cristo ay kinailangan ninyong isakripisyo ang mga ugnayang mahalaga sa inyo, at marami na kayong nailuha. Subalit dahil sa inyong walang-maliw na pagmamahal, matatag ninyong pinasan ang krus na ito, na ipinapakita na hindi ninyo ikinahihiya ang Anak ng Diyos” (“Pagliligtas sa Inyong Buhay,” Liahona, Mar. 2016, 28).

Ang kahandaang ito na mawala ang itinatanging mga relasyon para sundin ang Tagapagligtas ay may kaakibat na pangako na “ang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay makakatagpo nito” (Mateo 10:39).

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Marcos 5:22–43.Habang sama-samang binabasa ng inyong pamilya ang kuwentong ito, maaari kang huminto sandali para itanong sa mga miyembro ng pamilya kung ano kaya ang madarama nila kung sila si Jairo, ang babae, o ang iba pang mga tao sa kuwento. Maaari ka ring magpakita ng mga larawan ng kuwento, tulad ng mga nasa outline na ito. Paano ipinapakita ng mga larawang ito ang pananampalataya ng mga tao sa mga kuwento? Maaari din ninyong isipin ang ilang hamong kinakaharap ng inyong pamilya. Paano natin maipamumuhay ang Kanyang mga salita, “Huwag kang matakot, manampalataya ka lamang”? (Marcos 5:36).

Mateo 10:39; Lucas 9:23–26.Ano kaya ang ibig sabihin ng “mawalan” ng ating buhay at “makakatagpo” nito? (Mateo 10:39). Marahil ay maaaring magbahagi ang mga miyembro ng pamilya ng mga karanasang naglalarawan ng mga turo ni Jesus sa mga talatang ito.

Mateo 10:40.Kumusta kayo ng inyong pamilya sa pagtanggap at pagsunod sa payo ng mga Apostol sa makabagong panahong ito? Paano tayo mas napapalapit kay Jesucristo sa pagsunod natin sa kanilang payo?

Lucas 9:61–62.Ano ang ibig sabihin ng tumingin sa likuran matapos humawak sa araro? Bakit tayo hindi magiging akma sa kaharian ng Diyos dahil sa saloobing ito?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing himno: “Kung Mananalig Kailanman,” Mga Himno, blg. 72.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Makinig sa Espiritu. Sa pag-aaral mo, pansinin ang mga naiisip at nadarama mo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 8:2–3), kahit parang wala itong kaugnayan sa binabasa mo. Maaaring ang mga impresyong iyon mismo ang mga bagay na nais ipaalam at ipagawa sa iyo ng Diyos.

Larawan
si Jesus na ibinabangon ang batang babae mula sa higaan

Talitha Cumi, ni Eva Koleva Timothy