Bagong Tipan 2023
Pebrero 27–Marso 5. Mateo 8; Marcos 2–4; Lucas 7: “Iniligtas Ka ng Iyong Pananampalataya”


“Pebrero 27–Marso 5. Mateo 8; Marcos 2–4; Lucas 7: ‘Iniligtas Ka ng Iyong Pananampalataya,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Pebrero 27–Marso 5. Mateo 8; Marcos 2–4; Lucas 7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

Larawan
itinatayo ni Jesus ang lalaki mula sa higaan

Pebrero 27–Marso 5

Mateo 8; Marcos 2–4; Lucas 7

“Iniligtas Ka ng Iyong Pananampalataya”

Mag-ingat na huwag madaliin ang pag-aaral mo ng mga banal na kasulatan. Mag-ukol ng oras para sa mapanalanging pagninilay, kahit mawalan ka ng oras na basahin ang bawat talata. Ang mga sandaling ito ng pagninilay ay kadalasang humahantong sa personal na paghahayag.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Isa sa pinakamalilinaw na mensahe sa Bagong Tipan ay na si Jesucristo ay isang manggagamot. Ang mga salaysay tungkol sa pagpapagaling ng Tagapagligtas sa mga maysakit at nahihirapan ay marami—mula sa isang babaeng may lagnat hanggang sa pumanaw na anak ng isang balo. Bakit binibigyang-diin ang pisikal na pagpapagaling? Ano kaya ang mga mensahe sa mga himalang ito para sa atin? Walang alinlangan na ang isang malinaw na mensahe ay na si Jesucristo ang Anak ng Diyos, na may kapangyarihan sa lahat ng bagay, pati na sa ating pisikal na mga sakit at depekto. Ngunit ang isa pang kahulugan ay matatagpuan sa Kanyang mga salita sa nagdududang mga eskriba: “Upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may awtoridad sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan” (Marcos 2:10). Kaya kapag nabasa mo na may isang bulag o ketongin na pinagaling, maaari mong isipin ang paggaling—kapwa sa espirituwal at pisikal—na maaari mong matanggap mula sa Tagapagligtas at marinig na sinasabi Niya sa iyo, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya” (Lucas 7:50).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Mateo 8; Marcos 2–3; Lucas 7

Maaaring pagalingin ng Tagapagligtas ang mga kahinaan at karamdaman.

Ang ilang kabanatang ito ay nagtatala ng maraming pagkakataon ng mahimalang mga pagpapagaling na isinagawa ng Tagapagligtas. Habang pinag-aaralan mo ang mga pagpapagaling na ito, hanapin ang mga posibleng mensahe para sa iyo. Maaari mong itanong sa sarili mo: Ano ang itinuturo ng salaysay tungkol sa pananampalataya kay Jesucristo? Ano ang itinuturo ng salaysay tungkol sa Tagapagligtas? Ano ang nais ng Diyos na matutuhan ko mula sa himalang ito? Narito ang ilang halimbawa, ngunit marami pang iba:

Tingnan din sa David A. Bednar, “Pagtanggap sa Kalooban at Takdang Panahon ng Panginoon,” Liahona, Ago. 2016, 17–23; Neil L. Andersen, “Sugatan,” Liahona, Nob. 2018, 83–86.

Marcos 2:15–17; Lucas 7:36–50

Si Jesucristo ay hindi naparito para hatulan ang mga makasalanan kundi para pagalingin sila.

Habang binabasa mo sa mga talatang ito ang tungkol sa mga pakikipag-ugnayan ni Jesus sa mga eskriba at Fariseo, maaari mong isipin kung nakikita mo ang sarili mo sa mga salaysay na ito. Halimbawa, katulad ba ng kay Simon na Fariseo ang iyong mga iniisip at kilos? Paano mo ilalarawan ang pagkakaiba ng paraan ng pagtingin ni Jesus sa mga makasalanan sa paraan ng pagtingin sa kanila ng mga Fariseo na katulad ni Simon? Isipin kung ano ang maaaring madama ng mga taong nabibigatan sa kasalanan kapag kasama nila ang Tagapagligtas. Ano ang nadarama nila kapag kasama ka nila?

Maaari mo ring pagnilayan kung paano ka natutulad sa babaeng inilarawan sa Lucas 7:36–50. Kailan mo naranasan ang giliw at awang ipinakita ng Tagapagligtas sa kanya? Ano ang natututuhan mo mula sa kanyang halimbawa ng pananampalataya, pagmamahal, at pagpapakumbaba?

Tingnan din sa Juan 3:17; Lucas 9:51–56; Dieter F. Uchtdorf, “Ang Kaloob na Biyaya,” Liahona, Mayo 2015, 107–10.

Mateo 8:18–22; Marcos 3:31–35

Ang pagiging disipulo ni Jesucristo ay nangangahulugan na inuuna ko Siya sa aking buhay.

Sa mga talatang ito, itinuro ni Jesus na sa pagiging Kanyang mga disipulo ay kailangan nating unahin Siya sa ating buhay, kahit mangahulugan iyan kung minsan na kailangan nating isakripisyo ang iba pang mga bagay na mahalaga sa atin. Habang pinag-aaralan mo ang mga talatang ito, pagnilayan ang sarili mong pagkadisipulo. Bakit kailangang maging handa ang mga disipulo na unahin ang Tagapagligtas? Ano ang maaaring kailangan mong isuko upang unahin si Jesus? (Tingnan din sa Lucas 9:57–62.)

Mateo 8:23–27; Marcos 4:35–41

Si Jesucristo ay may kapangyarihang magbigay ng kapayapaan sa gitna ng mga unos ng buhay.

Nadama mo na ba ang nadama noon ng mga disipulo ni Jesus sa unos sa dagat—na pinanonood ang mga alon ng tubig na pumapasok sa bangka at nagtatanong, “Guro, hindi ka ba nababahala na mapapahamak tayo?”

Sa Marcos 4:35–41, may makikita kang apat na tanong. Ilista ang bawat isa, at pagnilayan kung ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol sa pagharap sa mga hamon ng buhay nang may pananampalataya kay Jesucristo. Paano nagdudulot ng kapayapaan ang Tagapagligtas sa mga unos ng buhay mo?

Tingnan din sa Lisa L. Harkness, “Pumayapa Ka, Tumahimik Ka,” Liahona, Nob. 2020, 80–82.

Larawan
si Jesus sa bangka habang pinapayapa ang unos

From Fear to Faith [Mula sa Takot Tungo sa Pananampalataya], ni Howard Lyon

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Mateo 8; Marcos 2–4; Lucas 7.Isiping gumawa ng listahan ng mga himalang inilarawan sa mga kabanatang ito. Subukang maghanap o gumuhit ng mga larawan ng ilan sa mga ito (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo o ChurchofJesusChrist.org). Bawat miyembro ng pamilya ay maaaring gumamit ng mga larawan para ikuwento ang isa sa mga himala at ibahagi ang natututuhan nila mula rito. Maaari mong ibahagi ang ilang halimbawa ng mga himalang nakita o nabasa mo tungkol sa ating panahon.

Mateo 8:5–13; Lucas 7:1–10.Ano ang tungkol sa pananampalataya ng senturion na hinangaan ni Jesus? Paano natin maipapakita ang gayon ding pananampalataya kay Jesucristo?

Marcos 2:1–12.Ang “Kabanata 23: Ang Lalaking Hindi Makalakad” (sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 57–58) ay maaaring makatulong sa inyong pamilya sa pagtalakay ng Marcos 2:1–12. Paano tayo maaaring maging katulad ng mga kaibigan ng lalaking hindi makalakad? Sino ang naging gayong klaseng kaibigan sa atin?

Marcos 4:35–41.Makakatulong ba ang salaysay na ito sa mga miyembro ng pamilya kapag natatakot sila? Marahil ay maaari nilang basahin ang talata 39 at ibahagi ang mga karanasan nang tinulungan sila ng Tagapagligtas na makadama ng kapayapaan.

Maaaring masiyahan ang mga bata na magkunwaring nasa bangka sila sa isang maunos na karagatan habang may nagbabasa ng Marcos 4:35–38. Pagkatapos, habang may nagbabasa ng talata 39, maaari silang magkunwari na nasa bangka sila sa isang payapang karagatan. Maaari din ninyong sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa paghahanap ng kapayapaan sa Tagapagligtas, tulad ng “Guro, Bagyo’y Nagngangalit” (Mga Himno, blg. 60). Anong mga parirala sa awitin ang nagtuturo sa atin tungkol sa kapayapaang inaalok ni Jesus?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing himno: “Guro, Bagyo’y Nagngangalit,” Mga Himno, blg. 60.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Maging available at madaling lapitan. Ang ilan sa pinakamagagandang sandali para makapagturo ay nagsisimula sa mga tanong o alalahanin na nasa puso ng mga miyembro ng pamilya. Ipaalam sa mga miyembro ng pamilya sa iyong mga pananalita at kilos na sabik kang marinig ang mga ito. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas16.)

Larawan
si Jesus kasama ang lalaking maysakit na nakahiga sa kamang ibinaba mula sa bubong

Christ and the Palsied Man [Si Cristo at ang Lalaking Lumpo], ni J. Kirk Richards