Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Oktubre 21–27. I at II Mga Taga Tesalonica: ‘Huwag Kayong Madaling Makilos sa Inyong Pagiisip, at Huwag Din Naman Kayong Mabagabag’


“Oktubre 21–27. I at II Mga Taga Tesalonica: ‘Huwag Kayong Madaling Makilos sa Inyong Pagiisip, at Huwag Din Naman Kayong Mabagabag’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Oktubre 21–27. I at II Mga Taga Tesalonica,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019

Larawan
mga sister missionary na may kausap na binata

Oktubre 21–27

I at II Mga Taga Tesalonica

“Huwag Kayong Madaling Makilos sa Inyong Pagiisip, at Huwag Din Naman Kayong Mabagabag”

Kung hindi natin itatala ang mga impresyong natatanggap natin mula sa Espiritu, baka malimutan natin ang mga ito. Ano ang ipinatatala sa iyo ng Espiritu habang binabasa mo ang I at II Mga Taga Tesalonica?

Itala ang Iyong mga Impresyon

Sa Tesalonica, inakusahan sina Pablo at Silas na “nagsisipagtiwarik ng sanglibutan” o nililito nila ang mga tao (Mga Gawa 17:6). Ikinagalit ng ilang pinuno ng mga Judio ang kanilang pangangaral, at inudyukan ng mga pinunong ito ang mga tao na magkagulo (tingnan sa Mga Gawa 17:1–10). Dahil dito, pinayuhan sina Pablo at Silas na umalis sa Tesalonica. Nag-alala si Pablo tungkol sa mga bagong convert sa Tesalonica at sa pag-uusig na kinakaharap nila, ngunit hindi siya nakabalik para dalawin sila. “Nang hindi ko na matiis pa,” pagsulat niya, “ako’y nagsugo upang matalastas ko ang inyong pananampalataya.” Bilang tugon, ang katulong ni Pablo na si Timoteo, na matagal nang naglilingkod sa Tesalonica, ay “nagdala sa amin ng mabubuting balita tungkol sa inyong pananampalataya at pagibig” (I Mga Taga Tesalonica 3:5–6). Katunayan, ang mga Banal sa Tesalonica ay kilala bilang mga halimbawa “ng lahat ng nangananampalataya” (I Mga Taga Tesalonica 1:7), at ang balita tungkol sa kanilang pananampalataya ay kumalat sa mga lungsod sa ibang bansa. Isipin ang kagalakan at ginhawang maaaring nadama ni Pablo na marinig na ang kanyang gawain sa kanila “ay hindi sa walang kabuluhan” (I Mga Taga Tesalonica 2:1). Ngunit alam ni Pablo na ang katapatan noong araw ay hindi sapat para espirituwal na maligtas sa hinaharap, at alam niya ang impluwensya ng mga bulaang guro sa mga Banal (tingnan sa II Mga Taga Tesalonica 2:2–3). Ang mensahe niya sa kanila, at sa atin, ay na patuloy na “malubos ang [ating] pananampalataya” at “lalo’t lalong magsipanagana” sa pagmamahal (tingnan sa I Mga Taga Tesalonica 3:10; 4:10).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

I Mga Taga Tesalonica 1–2

Ang mga ministro ng ebanghelyo ay nangangaral nang may katapatan at pagmamahal.

Sa I Mga Taga Tesalonica, inihahayag ng mga salita ni Pablo kapwa ang pag-aalala at ang kagalakan ng isang taong ibinigay nang lubusan ang sarili sa paglilingkod sa mga anak ng Diyos. Lalo na sa unang dalawang kabanata ng I Mga Taga Tesalonica, makikita ninyo ang mga salita at pariralang naglalarawan kung paano itinuturo ng tunay na ministro ang ebanghelyo. Ano ang nahihikayat kang gawin para mapagbuti ang pagtuturo mo ng ebanghelyo?

I Mga Taga Tesalonica 3:9–4:12

Habang sinusunod ko si Jesucristo, maaari akong maging banal.

Umaasa tayong lahat na sa “pagparito ng ating Panginoon,” makakaya nating tumayo sa Kanyang harapan na may “mga puso, na walang maipipintas sa kabanalan sa harapan ng ating Dios” (I Mga Taga Tesalonica 3:13). Ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa pagiging mas banal sa I Mga Taga Tesalonica 3:9–13; 4:1–12?

Tingnan din sa Moroni 10:32–33; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kabanalan”; Carol F. McConkie, “Ang Kagandahan ng Kabanalan,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 9–12.

I Mga Taga Tesalonica 4:16–18; 5:1–10; II Mga Taga Tesalonica 1:4–10

Kung ako’y tapat at maingat, magiging handa ako para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.

Sa I Mga Taga Tesalonica 5:1–10, gumamit si Pablo ng ilang metapora para ituro ang mahahalagang katotohanan tungkol sa panahon ng pagbabalik ni Jesus sa lupa. Habang pinag-aaralan mo ang mga metapora, isiping isulat ang mga impresyong dumarating sa iyo tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo:

“Magnanakaw sa gabi”:

“Pagdaramdam sa panganganak ng babaing nagdadalang-tao”:

Iba pang mga metaporang makita mo:

Anong iba pang mga katotohanan ang matututuhan mo tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo sa I Mga Taga Tesalonica 4:16–18; 5:1–10; II Mga Taga Tesalonica 1:4–10? Ano ang nahiwatigan mong gawin para abangan at paghandaan ang Kanyang pagparito?

Tingnan din sa Dallin H. Oaks, “Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 7–10.

II Mga Taga Tesalonia 2

Isang apostasiya o pagtalikod sa katotohanan, ang iprinopesiyang mangyayari bago ang Ikalawang Pagparito.

Sa gitna ng tumitinding mga pag-uusig, marami sa mga Banal sa Tesalonica ang naniwala na malapit na ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Ngunit alam ni Pablo na bago bumalik si Jesus sa lupa ay magkakaroon ng isang apostasiya—isang paghihimagsik o “pagtaliwakas” mula sa katotohanan (tingnan sa II Mga Taga Tesalonica 2:1–4). Maaari mong palalimin ang pagkaunawa mo sa Malawakang Apostasiya—at ang pagpapahalaga mo sa Panunumbalik—sa pagsisiyasat sa ilan sa sumusunod na resources:

  • Mga talatalng nagbadya sa Apostasiya: Isaias 24:5; Amos 8:11–12; Mateo 24:4–14; II Kay Timoteo 4:3–4

  • Mga talatang nagpapakita na nagsisimula na ang Apostasiya noong panahon ni Pablo: Mga Gawa 20:28–30; Mga Taga Galacia 1:6–7; I Kay Timoteo 1:5–7

  • Mga nasuri tungkol sa Malawakang Apostasiya ng mga Kristiyanong repormista:

    Martin Luther: “Wala akong hinangad maliban sa baguhin ang Simbahan ayon sa mga Banal na Kasulatan. … Sinasabi ko lang na nawala na ang Kristiyanismo sa mga taong dapat ay nangalaga rito” (sa E. G. Schweibert, Luther and His Times: The Reformation from a New Perspective [1950], 590).

    Roger Williams: “Ang apostasiya … ay ginawa nang tiwali ang lahat ng simbahang (Kristiyano) kaya wala nang mababawi mula sa apostasiyang iyon hanggang sa magsugo si Cristo ng mga bagong apostol para muling magtatag ng mga simbahan” (sa Philip Schaff, The Creeds of Christendom [1877], 851).

    Erasmus: “Nakakalito na talaga ang lahat dahil sa mga tanong na ito [tungkol sa doktrina] at mga batas kaya hindi na namin inaasam na ipanumbalik ang mundo sa tunay na Kristiyanismo” (The Praise of Folly, isinalin ni Clarence H. Miller, ika-2 ed. [2003], 155–56).

Tingnan din sa 2 Nephi 28.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang tatalakayin batay sa mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:

I Mga Taga Tesalonica 3:9–13

Ano ang hinahangaan mo tungkol sa damdamin ni Pablo sa kanyang mga kaibigan? Paano natin mapagyayaman ang gayong damdamin para sa ating pamilya, mga kaibigan, at kapwa mga Banal?

I Mga Taga Tesalonica 4:13–18

Paano natin magagamit ang mga talatang ito para aliwin ang ating sarili o ang ibang tao kapag pumanaw ang isang mahal sa buhay?

I Mga Taga Tesalonica 5:14–25

Repasuhin ang payo ni Pablo sa I Mga Taga Tesalonica 5:14–25, at maghanap ng isang parirala na gustong pagtuunan ng inyong pamilya. Isiping isulat ito sa isang poster para idispley sa inyong tahanan. Maaaring magdagdag ng tala sa poster ang mga miyembro ng pamilya kapag nakita nila na sinusunod ng isa’t isa ang payo sa poster.

II Mga Taga Tesalonica 3:13

Nakadama na ba tayo kahit kailan na “mangapagod sa paggawa ng mabuti”—nalulula, marahil, sa dami ng gawain ng isang disipulo? Ano ang nakakatulong sa atin kapag nadarama natin ito? (Tingnan sa Mga Taga Galacia 6:9; DT 64:33.) Paano natin masusuportahan ang isa’t isa kapag nangyayari ito?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Maghangad ng paghahayag araw-araw. “Ang paghahayag ay dumarating nang “taludtod sa taludtod” (2 Nephi 28:30), hindi nang biglaan. … Huwag isipin na ang [pag-aaral ng ebanghelyo] ay isang bagay na pag-uukulan mo ng oras kundi isang bagay na palagi mong ginagawa” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 12).

Larawan
si Cristo sa mga ulap

Nabuhay na Mag-uling Cristo, ni Robert T. Barrett