Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Oktubre 21–27. I at II Mga Taga Tesalonica: ‘Huwag Kayong Madaling Makilos sa Inyong Pagiisip, at Huwag Din naman Kayong Mabagabag’


“Oktubre 21–27. I at I at II Mga Taga Tesalonica: ‘Huwag Kayong Madaling Makilos sa Inyong Pagiisip, at Huwag Din naman Kayong Mabagabag’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Oktubre 21–27. I at I at II Mga Taga Tesalonica,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019

Larawan
mga sister missionary na kausap ang isang binatilyo

Oktubre 21–27

I at II Mga Taga Tesalonica

“Huwag Kayong Madaling Makilos sa Inyong Pagiisip, at Huwag Din naman Kayong Mabagabag”

Habang binabasa mo nang may panalangin ang I at II Mga Taga Tesalonica na iniisip ang mga bata, makikita mo ang mga alituntuning kailangan nilang maunawaan.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Sa lesson noong nakaraang linggo, inanyayahan mo ba ang mga bata na ipamuhay ang natutuhan nila sa anumang paraan? Hayaang gamitin ng mga bata ang unang ilang minuto ng klase sa linggong ito upang ibahagi ang kanilang mga karanasan.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Nakababatang mga Bata

I Mga Taga Tesalonica 5:1–6

Kapag sinusunod ko ang mga utos ng Diyos, magiging handa ako para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

Matutulungan tayo ng payo ni Pablo na maging handa at maantabayanan ang dakilang araw na iyon ng muling pagparito ng Tagapagligtas sa lupa.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang isang ina na ikuwento kung ano ang pakiramdam ng maghintay sa pagsilang ng kanyang anak nang hindi nalalaman kung kailan talaga ito isisilang. Basahin ang I Mga Taga Tesalonica 5:2–3, at sabihin sa mga bata na muling paparito si Jesucristo sa mundo, ngunit walang nakakaalam kung kailan mismo—tulad ng hindi alam ng isang ina kung kailan isisilang ang kanyang anak.

  • Magpakuwento sa mga bata ng isang pagkakataon na naghanda sila para sa isang paglalakbay o kaganapan. Ano ang ginawa nila para makapaghanda? Magdala ng isang maleta o bag at hayaang magkunwari ang mga bata na nag-eempake upang maghanda para sa isang paglalakbay o kaganapan. Ipaliwanag na naghahanda tayo para sa muling pagparito ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagdarasal, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagsunod sa propeta, at pamumuhay nang matwid bawat araw. Magpadrowing sa mga bata ng mga larawan kung paano nila ito magagawa at ipasok ang mga ito sa maleta.

  • Basahin ang I Mga Taga Tesalonica 5:6 sa mga bata at ipaliwanag na kung hindi tayo naghahanda para sa muling pagparito ni Jesus, para tayong nakatulog at hindi tayo magiging handa para sa Kanya. Anyayahan ang mga bata na magkunwaring natutulog. Ipaliwanag na kung naghahanda nga tayo, para tayong gising at naghihintay sa Kanya. Anyayahan silang gumising. Sama-samang awitin ang “Sa Kanyang Pagbabalik” (Aklat ng mga Awit Pambata, 46–47).

II Mga Taga Tesalonica 2:1–3

Itinuro ni Pablo na magaganap ang apostasiya bago muling pumarito si Jesucristo.

Ang Simbahang itinatag ni Jesucristo ay nag-apostasiya kalaunan, na ibig sabihin ay binawi sa mundo ang awtoridad ng priesthood at ang mga katotohanan ng ebanghelyo. Ipinropesiya ni Pablo na ang apostasiyang ito, o “pagtalikod sa katotohanan,” ay mangyayari bago sumapit ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Matapos ninyong basahin ng mga bata ang II Mga Taga Tesalonica 2:3, magtayo ng isang tore gamit ang plastic cups o blocks. Sabihin sa mga bata na ang plastic cups o blocks ay kumakatawan sa mahahalagang bahagi ng tunay na Simbahan, tulad ng mga katotohanan ng ebanghelyo, priesthood, mga pagbubuklod sa templo, at mga propeta. Pagkamatay ni Pablo at ng iba pang mga Apostol, naglaho ang mga bagay na ito, at nawala sa lupa ang tunay na Simbahan sa loob ng maraming taon. Anyayahan ang isang bata na itumba ang tore, at ipaliwanag na ito ay tinatawag na Apostasiya o “pagtaliwakas.” Nang ibalik ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan, tinawag itong Pagpapanumbalik. (Tingnan sa “Apostasiya,” Tapat sa Pananampalataya, 4–5.)

  • Magdispley ng Aklat ni Mormon at ng mga larawan ng propeta at ng isang templo. Anyayahan ang mga bata na sabihing “Apostasiya” kapag itinago mo ang mga bagay na ito sa isang bag at “Pagpapanumbalik” kapag inilabas mo ang mga ito.

  • Kumanta ng mga awitin na nagtuturo ng mga katotohanang binawi noong panahon ng Apostasiya at ipinanumbalik sa ating panahon, tulad ng “Ako ay Anak ng Diyos,” “Ang Simbahan ni Jesucristo,” at “Templo’y Ibig Makita” sa (Aklat ng mga Awit Pambata, 2–3, 48, 99).

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Nakatatandang mga Bata

I Mga Taga Tesalonica 5:1–6

Kapag sinunod ko ang mga utos ng Diyos, magiging handa ako para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

Ang payo ni Pablo ay makakatulong sa atin na maging handa at antabayanan ang dakilang araw na iyon na muling paparito ang Tagapagligtas sa lupa.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang isang bata na basahin ang I Mga Taga Tesalonica 5:1–6 habang tahimik na sumasabay ang iba pang mga bata. Matapos basahin ang bawat talata, ipabuod sa isang bata kung ano sa palagay niya ang sinasabi sa talata. Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “ang araw ng Panginoon” ay ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Itanong sa mga bata kung bakit ikinukumpara ang Ikalawang Pagparito sa isang magnanakaw sa gabi o sa isang babaeng manganganak?

  • Sabihin sa mga bata na magkunwaring bibisita ang Tagapagligtas sa klase ninyo anumang oras ngayon. Paano natin maihahanda ang ating silid-aralan sa Kanyang pagbisita? Tulungan ang mga bata na umisip ng mga bagay na magagawa natin upang ihanda ang ating sarili para sa araw ng pagbabalik ni Jesucristo. Halimbawa, maaari tayong magsisi, magpatawad, pag-igihin ang mga pakikipag-ugnayan natin sa ating pamilya, sundin ang propeta, at tuparin ang ating mga tipan. Hikayatin ang mga bata na pumili ng isang bagay na gagawin nila upang maihanda ang kanilang sarili na tanggapin ang Tagapagligtas sa Kanyang Pagparito.

II Mga Taga Tesalonica 2:1–3

Itinuro ni Pablo na magkakaroon ng apostasiya bago muling pumarito si Jesucristo.

Kung nauunawaan ng mga bata na ang Simbahan ni Jesucristo at ang Kanyang ebanghelyo ay binawi sa lupa noong panahon ng Malawakang Apostasiya, mas lilinaw sa kanila ang pangangailangan sa Pagpapanumbalik.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang isa sa mga bata na basahin ang II Mga Taga Tesalonica 2:1–3. Ayon sa mga talatang ito, ano ang kailangang mangyari bago sumapit ang “kaarawan ng Panginoon,” na ibig sabihin ay ang Ikalawang Pagparito? Alam ba ng sinuman sa mga bata ang kahulugan ng “pagtaliwakas”? Siguruhing nauunawaan ng mga bata na ang ibig sabihin nito ay Malawakang Apostasiya, na naganap nang mamatay na ang mga Apostol ng Tagapagligtas. Maaari mong ibahagi ang impormasyon mula sa “Apostasiya,” Tapat sa Pananampalataya, 4–5.

  • Tulungan ang mga bata na ilista sa pisara ang ilan sa mga katotohanan at pagpapalang tinatamasa natin dahil sa ebanghelyo. (Maaaring isama sa ilang halimbawa ang templo, mga propeta, ang priesthood, at ang kaloob na Espiritu Santo.) Isa-isang burahin ang mga nakalistang ito, at itanong sa mga bata kung paano maiiba ang kanilang buhay kung wala ang mga ito. Ipaliwanag na ang mga katotohanang ito ay naglaho noong panahon ng Malawakang Apostasiya. Bakit mahalagang ipanumbalik ang Simbahan ni Jesucristo sa lupa sa mga huling araw? Anyayahan ang mga bata na “ipanumbalik” o muling isulat ang mga katotohanan at pagpapala sa pisara.

II Mga Taga Tesalonica 3:7–13

Nais ng Ama sa Langit na magtrabaho ako.

Paano mo maipapakita sa mga bata na ang pagtatrabaho ay isang pagpapala, hindi isang bagay na dapat iwasan?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na maghalinhinan sa pagbasa sa mga talata mula sa II Mga Taga Tesalonica 3:7–13 at hanapin ang mga problemang kinakaharap noon ng mga Banal. Bakit nais ng Ama sa Langit na magtrabaho tayo? Ano ang mangyayari kung hindi tayo natutong magsikap? Hayaang maghalinhinan ang mga bata sa pag-akto ng mga simpleng gawain habang hinuhulaan naman ng iba pang mga bata ang ginagawa nila.

  • Anyayahan ang mga bata na magkuwento ng isang pagkakataon na nagsikap silang gawin ang isang gawain, proyekto, o mithiin. Ano ang pakiramdam nila sa kanilang sarili nang matapos sila? Ano ang ibig sabihin ng “huwag kayong mangapagod sa paggawa ng mabuti”? (II Mga Taga Tesalonica 3:13).

Larawan
icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Hikayatin ang mga bata na sabihin sa isang kapamilya o kaibigan ang isang dahilan kung bakit sila nagpapasalamat na mayroon tayong ebanghelyo sa lupa ngayon (makakatulong ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito na maalala nila ito).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Suportahan ang mga magulang ng mga bata. “Ang mga magulang ang pinakamahahalagang guro ng ebanghelyo para sa kanilang mga anak—nasa kanila kapwa ang pangunahing responsibilidad at ang pinakadakilang kapangyarihang impluwensyahan ang kanilang mga anak (tingnan sa Deuteronomio 6:6–7). Habang tinuturuan mo ang mga bata sa simbahan, mapanalanging maghanap ng mga paraan na masuportahan ang mga magulang sa kanilang mahalagang tungkulin” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 25).