Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Oktubre 28–Nobyembre 3. I at II Kay Timoteo; Kay Tito; Kay Filemon: ‘Maging Uliran ng mga Nagsisisampalataya’


“Oktubre 28–Nobyembre 3. I at II Kay Timoteo; Kay Tito; Kay Filemon: ‘Maging Uliran ng mga Nagsisisampalataya’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Oktubre 28–Nobyembre 3. I at II Kay Timoteo; Kay Tito; Kay Filemon,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019

Larawan
tatlong babaeng nakatayo sa labas ng templo

Oktubre 28–Nobyembre 3

I at II Kay Timoteo; Kay Tito; Kay Filemon

“Maging Uliran ng mga Nagsisisampalataya”

Kung minsa’y makakatulong na pag-aralan mo ang mga banal na kasulatan na may isa o mahigit pang tanong sa isipan. Anyayahan ang Espiritu na gabayan ka sa mga sagot habang nag-aaral ka, at nagtatala ng anumang inspirasyong natatanggap mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Sa mga sulat ni Pablo kina Timoteo, Tito, at Filemon, nasusulyapan natin ang puso ng isang lingkod ng Panginoon. Hindi tulad ng ibang mga sulat ni Pablo sa buong mga kongregasyon, ang mga ito ay isinulat sa mga indibiduwal—sa malalapit na kaibigan at kasamahan ni Pablo sa gawain ng Diyos—at ang pagbabasa nito ay parang pakikinig sa isang usapan. Makikita natin na hinihikayat ni Pablo sina Timoteo at Tito, dalawang pinuno ng mga kongregasyon, sa paglilingkod nila sa Simbahan. Makikita natin siyang nagsusumamo sa kaibigan niyang si Filemon na patawarin ang isang kapwa Banal at tratuhin ito na parang kapatid sa ebanghelyo. Ang mga salita ni Pablo ay hindi para sa atin mismo, at maaaring hindi niya inakala kailanman na babasahin ito ng napakaraming tao balang-araw. Subalit makikita natin sa mga sulat na ito ang payo at panghihikayat sa atin, anuman ang ating personal na paglilingkod kay Cristo.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

I at II Kay Timoteo; Kay Tito

Sino sina Timoteo at Tito?

Sina Timoteo at Tito ay naglingkod na kasama ni Pablo sa ilan sa kanyang mga paglalakbay sa misyon. Habang naglilingkod sila, natamo nila ang paggalang at tiwala ni Pablo. Kalaunan ay tinawag si Timoteo bilang pinuno ng Simbahan sa Efeso, at tinawag si Tito bilang pinuno sa Creta. Sa mga sulat na ito, pinagbilinan at hinikayat ni Pablo ang mga pinuno tungkol sa kanilang mga responsibilidad, na kinabilangan ng pangangaral ng ebanghelyo at pagtawag sa kalalakihan na maglingkod bilang mga bishop.

Tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Timoteo, mga Sulat kay,” “Tito, Sulat kay.”

Larawan
bishop sa kanyang opisina na kausap ang binata

Ang mga bishop ay tinatawag para magbigay ng espirituwal na patnubay sa mga miyembro ng ward.

I Kay Timoteo 4:10–16

Kung ako ay isang “uliran ng mga nagsisisampalataya,” maaakay ko ang iba tungo sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo.

Si Timoteo ay medyo bata pa, ngunit alam ni Pablo na maaari itong maging isang mahusay na pinuno ng Simbahan sa kabila ng kanyang kabataan. Anong payo ang ibinigay ni Pablo kay Timoteo sa I Kay Timoteo 4:10–16? Paano ka matutulungan ng payong ito na maakay ang iba tungo sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo?

Tingnan din sa Alma 17:11.

II Kay Timoteo

“Hindi tayo binigyan ng Dios ng espiritu ng katakutan; kundi ng kapangyarihan at ng pag-ibig, at ng kahusayan.”

Ang II Kay Timoteo ay pinaniniwalaan na siyang huling sulat ni Pablo, at mukhang alam niya na maikli ang kanyang buhay sa lupa (tingnan sa II Kay Timoteo 4:6–8). Habang binabasa mo ang sulat na ito, pag-isipan kung ano kaya ang nadama ni Timoteo batid na hindi magtatagal ay mawawala ang kanyang pinagkakatiwalaang guro at pinuno. Ano ang sinabi sa kanya ni Pablo para palakasin ang kanyang loob? Ano ang itinuturo sa iyo ng mga salita ni Pablo tungkol sa pagharap sa sarili mong mga pagsubok at pangamba?

II Kay Timoteo 3

Ang pamumuhay ayon sa ebanghelyo ay nagbibigay ng kaligtasan mula sa mga espirituwal na panganib sa mga huling araw.

Nabubuhay tayo sa “mga huling araw” na tinukoy ni Pablo, at dumating na ang “mga panahong mapanganib” (II Kay Timoteo 3:1). Habang binabasa mo ang II Kay Timoteo 3, isulat ang mga panganib sa mga huling araw na nabanggit (tingnan din sa I Kay Timoteo 4:1–3):

May maiisip ka bang mga halimbawa ng mga panganib sa paligid mo—o sa sarili mong buhay? Gaya ng mga taong inilarawan sa talata 6, paano “nanganggagapang [ang mga panganib na ito] sa [iyong] bahay at “binibihag [ka]”? Anong payo ang nakikita mo sa II Kay Timoteo 3, at sa ibang bahagi ng mga sulat na ito, na maaaring magpanatiling ligtas sa inyo ng pamilya mo mula sa mga espirituwal na panganib na ito? (tingnan, halimbawa, sa I Kay Timoteo 1:3–11; II Kay Timoteo 2:15–16; Kay Tito 2:1–8).

Kay Filemon

Sino si Filemon?

Si Filemon ay isang Kristiyanong pinagbalik-loob ni Pablo sa ebanghelyo. Alipin niya si Onesimo, na nakatakas sa pagkaalipin, nakilala ni Pablo, at nagbalik-loob din sa ebanghelyo. Sa isang sulat kay Filemon, hinikayat ni Pablo ang kanyang kaibigan na patawarin si Onesimo at tanggapin ito “na hindi na alipin, kundi higit pa sa alipin, isang kapatid na minamahal” (talata 16).

Kay Filemon

Ang mga alagad ni Cristo ay pinatatawad ang isa’t isa.

Napunta ka na ba sa isang sitwasyon kung saan humingi ng tawad sa iyo ang isang tao? Isipin ang sitwasyong iyon habang binabasa mo ang sulat kay Filemon. Ano ang itinuro ni Pablo kay Filemon kung bakit dapat niyang patawarin si Onesimo? Mayroon bang anumang mga mensahe sa iyo sa sulat na ito?

Tingnan din sa 1 Nephi 7:16–21; Mosias 26:30–31.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:

I Kay Timoteo 2:9–10

Kahit hindi angkop sa ating panahon ang mga aspeto ng payo ni Pablo para manamit nang disente ang kababaihan, may matututuhan tayong lahat sa kanyang payo na “magsigayak [tayo] … ng mabubuting gawa.” Maaaring makatuwaan ng inyong pamilya na magplano ng isang fashion show, na nakasuot ang mga miyembro ng pamilya ng damit o alahas na may nakasulat na iba’t ibang klase ng mabubuting gawa. Ano ang ilang mabubuting bagay na magagawa ng inyong pamilya sa linggong ito?

I Kay Timoteo 4:12

Para hangarin ng mga miyembro ng inyong pamilya na maging “uliran ng mga nagsisisampalataya,” isiping anyayahan silang magdrowing ng mga larawan kung paano naging mabubuting halimbawa sa kanila ang mga tao. Paano tayo nahikayat ng mga taong ito na sundin si Jesucristo? Maaaring magbigay ng ilang ideya ang mensahe ni Pangulong Thomas S. Monson na “Maging Huwaran at Liwanag” (Ensign o Liahona, Nob. 2015, 86–88).

I Kay Timoteo 6:7–12

Sa palagay mo, bakit itinuturing “ang pagibig sa salapi” na “ugat ng lahat ng uri ng kasamaan”? Ano ang mga panganib ng pagtutuon ng ating buhay sa pera? Paano tayo makukuntento sa mga pagpapalang mayroon tayo?

II Kay Timoteo 3:14–17

Ayon sa mga talatang ito, anong mga pagpapala ang dumarating sa mga nakakaalam at nag-aaral ng mga banal na kasulatan? Marahil ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng pamilya ang mga talatang natagpuan nila na lalong “kapaki-pakinabang.”

Kay Filemon 1:17–21

Ano ang handang gawin ni Pablo para kay Onesimo? Paano ito natutulad sa ginawa ng Tagapagligtas nang bukal sa loob para sa atin? (tingnan sa I Kay Timoteo 2:5–6; DT 45:3–5). Paano natin masusundan ang mga halimbawa ni Pablo at ng Tagapagligtas?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magturo ng malinaw at simpleng doktrina. Ang ebanghelyo ay maganda sa kapayakan nito (tingnan sa DT 133: 57). Sa halip na sikaping libangin ang inyong pamilya sa mga lesson na nangangailangan ng maraming paghahanda, sa pagsisikap na magturo ng dalisay at simpleng doktrina (tingnan sa I Kay Timoteo 1:3–7).

Larawan
magkapatid na babae at lalaki na nag-aaral ng banal na kasulatan

Pinananatili tayong ligtas ng pag-aaral ng salita ng Diyos mula sa espirituwal na mga panganib sa mga huling araw.