Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Disyembre 31–Enero 6. Responsibilidad Natin ang Ating Sariling Pagkatuto


“Disyembre 31–Enero 6. Responsibilidad Natin ang Ating Sariling Pagkatuto,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Disyembre 31–Enero 6. Responsibilidad Natin ang Ating Sariling Pagkatuto,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019

Larawan
pamilyang nakatingin sa photo album

Disyembre 31–Enero 6

Responsibilidad Natin ang Ating Sariling Pagkatuto

Ang layunin ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay tulungan kang lumapit kay Cristo at mas lumalim ang pagbabalik-loob mo sa Kanyang ebanghelyo. Matutulungan ka ng resource na ito na maunawaan ang mga banal na kasulatan at makasumpong dito ng espirituwal na lakas na kailangan mo at ng inyong pamilya. Gayundin, magiging handa ka sa mga klase mo sa Simbahan na magbahagi ng mga ideya at hikayatin ang iyong kapwa mga Banal sa kanilang mga pagsisikap na sundan si Cristo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

“Ano ang inyong hinahanap?” tanong ni Jesus sa Kanyang mga disipulo (Juan 1:38). Maaari mo ring itanong sa sarili mo ang bagay na ito—sapagkat ang matutuklasan mo sa Bagong Tipan sa taong ito ay nakasalalay nang malaki sa hinahanap mo. “Magsihanap kayo, at kayo’y makakasumpong” ang pangako ng Tagapagligtas (Mateo 7:7). Kaya itanong ang mga bagay na pumapasok sa iyong isipan habang nag-aaral ka, at pagkatapos ay masigasig na hanapin ang mga sagot. Sa Bagong Tipan mababasa mo ang tungkol sa mga makapangyarihang espirituwal na karanasan ng mga disipulo ni Jesucristo. Bilang isang matapat na disipulo ng Tagapagligtas, maaari kang magkaroon ng mga makapangyarihang personal na espirituwal na karanasan sa pagtanggap mo sa paanyaya ng Tagapagligtas na “Pumarito ka, sumunod ka sa akin” (Lucas 18:22) na matatagpuan sa buong sagradong aklat na ito.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Para talagang matuto mula sa Tagapagligtas, kailangan kong tanggapin ang Kanyang paanyayang, “Pumarito ka, sumunod ka sa akin.”

Ang paanyaya ng Tagapagligtas na, “Pumarito ka, sumunod ka sa akin,” ay para sa lahat—bago man tayo sa landas ng pagkadisipulo o buong buhay na tayong tumatahak dito. Ito ang Kanyang paanyaya sa isang mayamang binata na nagsisikap na sundin ang mga kautusan (tingnan sa Mateo 19:16–22). Ang natutuhan niya—at ang kailangang matutuhan nating lahat—ay na ang ibig sabihin ng pagiging disipulo ay pagbibigay ng ating buong kaluluwa sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Umuunlad tayo sa ating pagkadisipulo kapag tinutukoy natin ang ating pagkukulang, nagbabago tayo, at hinahangad nating mas lubos na sundan Sila.

Ang pagkatuto mula sa Tagapagligtas ay nagsisimula kapag sinisikap nating maunawaan ang Kanyang itinuro. Halimbawa, paano lumalalim ang iyong pagkaunawa sa pagpapatawad sa pagtuklas mo sa sumusunod?

Mga turo ng Tagapagligtas (tingnan sa Mateo 6:14–15; 18:21–35)

Isang halimbawa mula sa Kanyang buhay (tingnan sa Lucas 23:33–34)

Gayunman, ang pagkatuto ay hindi kumpleto hangga’t hindi natin sinusunod ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng Kanyang itinuro. Paano ka magiging mas mapagpatawad?

Kung gusto mo pang matutuhan ang iba, subukan ang aktibidad na ito sa iba pang alituntunin ng ebanghelyo, tulad ng pagmamahal o pagpapakumbaba.

Responsibilidad ko ang sarili kong pagkatuto.

Itinuro ni Elder David A. Bednar: “Bilang mga mag-aaral, kayo at ako ay dapat kumilos at maging tagatupad ng salita at hindi tagapakinig lamang na dapat pakilusin. Kayo ba at ako ay mga kinatawan na kumikilos at naghahangad na matuto sa pamamagitan ng pananampalataya, o naghihintay lang tayo na maturuan at pakilusin? … Ang isang nag-aaral na ginagamit ang kalayaan sa pamamagitan ng pagkilos nang naaayon sa mga tamang alituntunin ay binubuksan ang kanyang puso para sa Espiritu Santo at inaanyayahan ang Kanyang kapangyarihan na magturo at magpatotoo, at nagpapatunay na pagsaksi. Ang matuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay nangangailangan ng pagsisikap sa espiritu, kaisipan, at katawan at hindi maluwag na pagtanggap lamang” (““Maghangad na Matuto sa Pamamagitan ng Pananampalataya,” Liahona, Set. 2007, 20).

Ano ang ibig sabihin ng maging responsable sa sarili mong pagkatuto? Hanapin ang mga posibleng sagot sa pahayag ni Elder Bednar at sa sumusunod na mga talata: Juan 7:17; I Mga Taga Tesalonica 5:21; Santiago 1:5–6, 22; 2:17; 1 Nephi 10:17–19; 2 Nephi 4:15; Alma 32:27; at Doktrina at mga Tipan 18:18; 58:26–28; 88:118. Ano ang nagaganyak kang gawin para maging mas aktibo sa pag-aaral ng ebanghelyo?

Kailangang malaman ko mismo ang katotohanan.

Marahil ay may kilala kang mga taong tila hindi nawawalan ng pananampalataya kailanman, anuman ang mangyari sa kanilang buhay. Maaaring nagpapaalala sila sa iyo tungkol sa limang matatalinong dalaga sa talinghaga ng Tagapagligtas (tingnan sa Mateo 25:1–13). Maaaring hindi mo makita ang masigasig na mga pagsisikap nilang palakasin ang kanilang patotoo tungkol sa katotohanan. Kailangan nating lahat na masigasig na hangaring palakasin ang ating patotoo dahil, tulad ng nalaman ng mga hangal na dalaga, hindi tayo makakahiram ng pagbabalik-loob mula sa iba.

Paano natin natatamo at pinangangalagaan ang sarili nating patotoo? Isulat ang iyong mga ideya habang pinagninilayan mo ang sumusunod na mga talata: Lucas 11:9–13; Juan 5:39; Juan 7:14–17; Mga Gawa 17:10–12; I Mga Taga Corinto 2:9–11; at Alma 5:45–46.  

Larawan
dalagang nasa isang landas

Bawat isa sa atin ay kailangang magtamo ng personal na patotoo.

Ano ang dapat kong gawin kapag may mga tanong ako?

Sa paghahangad mo ng espirituwal na kaalaman, papasok ang mga tanong sa iyong isipan. Ang sumusunod na mga alituntunin ay makakatulong sa iyo na sagutin ang mga tanong sa mga paraan na nagpapatibay ng pananampalataya at patotoo:

  1. Hangaring makaunawa sa pamamagitan ng mga pinagmumulan na hinirang ng Diyos. Ang Diyos ang pinagmumulan ng lahat ng katotohanan, at inihahayag Niya ang katotohanan sa pamamagitan ng Espiritu Santo, mga banal na kasulatan, at Kanyang mga propeta at apostol.

  2. Kumilos nang may pananampalataya. Kung hindi dumarating kaagad ang mga sagot, magtiwala na ihahayag ng Panginoon ang mga sagot sa tamang panahon. Samantala, patuloy na mamuhay ayon sa katotohanang alam mo na.

  3. Magkaroon ng walang-hanggang pananaw. Subukang tingnan ang mga bagay tulad ng pagtingin ng Panginoon sa mga ito, hindi tulad ng pagtingin ng mundo. Tingnan ang iyong mga tanong sa konteksto ng plano ng kaligtasan ng ating Ama sa Langit.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:

Mateo 13:1–23

Ang isang napakagandang paraan para matulungan ang pamilya mo na maghandang matuto mula sa Bagong Tipan sa taong ito ay ang rebyuhin ang talinghaga ng manghahasik. Maaaring masiyahan ang pamilya mo sa pagtingin sa iba’t ibang klase ng lupa na malapit sa inyong tahanan para makita ang mga uri ng lupang inilarawan sa talinghaga. Ano ang magagawa natin upang magkaroon ng “mabuting lupa” sa ating tahanan? (Mateo 13:8).

Mga Taga Galacia 3:22–23; Mga Taga Filipos 4:8

“Ipinapayo namin sa mga magulang at anak na gawing pinakamataas na prayoridad ang panalangin ng pamilya, family home evening, pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo, at makabuluhang mga aktibidad na pampamilya. Gaano man karapat-dapat at angkop ang ibang mga pangangailangan o aktibidad, hindi dapat tulutan ang mga ito na pumalit sa banal na mga tungkulin na tanging mga magulang at pamilya lamang ang makagagawa nang husto” (“Letter from the First Presidency,” Liahona, Dis. 1999, 1).

Ang simula ng bagong taon ay magandang pagkakataon para magdaos ng family council tungkol sa higit na pagsentro ng inyong tahanan sa ebanghelyo. Anong mga ideya ang pumapasok sa isipan mo habang binabasa mo ang mga pagpapala at payo sa Mga Taga Galacia 5:22–23 at Mga Taga Filipos 4:8? Maaari ka sigurong gumawa ng mga poster na ilalagay sa paligid ng bahay para ipaalala sa inyo ang inyong mga mithiin.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Hanapin ang doktrina. Ang doktrina ay isang walang hanggan at di-nagbabagong katotohanan. Ipinahayag ni Pangulong Boyd K. Packer na ang “tunay na doktrina, kapag naunawaan, ay nagpapabago ng mga pag-uugali at asal” (“Little Children,” Ensign, Nob. 1986, 17). Habang pinag-aaralan ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, hanapin ang mga katotohanang makakatulong sa inyo na mamuhay nang higit na katulad ng Tagapagligtas.

Larawan
Jesucristo

Light of the World, ni Brent Borup

Larawan
si Cristo palabas ng libingan

He Is Risen, ni Del Parson