Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Enero 14–20. Lucas 2; Mateo 2: Naparito Kami upang Siya’y Sambahin


“Enero 14–20. Lucas 2; Mateo 2: Naparito Kami upang Siya’y Sambahin,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Enero 14–20. Lucas 2; Mateo 2,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019

Larawan
Naglalakbay ang mga Lalaking Pantas sakay ng mga kamelyo

Let Us Adore Him, ni Dana Mario Wood

Enero 14–20

Lucas 2; Mateo 2

Naparito Kami upang Siya’y Sambahin

Magsimula sa pagbasa sa Lucas 2 at Mateo 2, at bigyang-pansin ang anumang espirituwal na mga ideyang natatanggap mo. Matutulungan ka ng mga ideya sa outline na ito na matukoy ang ilan sa pinakamahalaga at nauugnay na mga alituntunin sa mga kabanatang ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Mula sa araw ng Kanyang pagsilang, malinaw na si Jesus ay hindi ordinaryong bata. Hindi lang ang bagong bituin sa kalangitan o ang masayang pagpapahayag ng mga anghel ang kakaiba noong kamusmusan ni Jesus. Kakaiba rin ang pangyayari na iba’t ibang matatapat na tao—mula sa iba’t ibang bansa, propesyon, at pinagmulan—ang napalapit kaagad sa Kanya. Bago pa man Niya sinambit ang Kanyang paanyayang “pumarito ka, sumunod ka sa akin,” nagpuntahan na sila (Lucas 18:22). Hindi naman nagpuntahan ang lahat sa Kanya, siyempre—marami ang hindi pumansin sa Kanya, at tinangka pa nga siyang patayin ng isang mainggiting pinuno. Ngunit natagpuan ng mga mapagpakumbaba, dalisay, at matatapat na naghahanap ng kabutihan ang hinahanap nila sa Kanya. Ang kanilang katapatan ay gumaganyak sa ating katapatan, sapagkat ang “mabubuting balita ng malaking kagalakan” na inihatid sa mga pastor ay para sa “buong bayan,” at ang “Tagapagligtas, na siya ang Cristo ang Panginoon” ay ipinanganak sa atin sa araw na iyon (tingnan sa Lucas 2:10–11).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Lucas 2:1–7

Isinilang si Jesucristo sa abang kalagayan.

Bagama’t si Jesucristo ay may kaluwalhatian noon kasama ng Diyos Ama “bago ang sanglibutan ay naging gayon” (Juan 17:5), Siya ay handang isilang sa hamak na kalagayan at mamuhay na kasama natin sa lupa. Habang binabasa mo ang Lucas 2:1–7, ano ang napapansin mo tungkol sa mga abang kalagayan ng Kanyang pagsilang? Subukang matukoy ang detalye o ideya tungkol sa kuwentong ito na hindi mo napansin noon. Ano ang natututuhan mo tungkol sa Tagapagligtas mula sa sitwasyon ng Kanyang pagsilang? Paano naaapektuhan ng mga ideyang ito ang iyong damdamin sa Kanya?

 

Lucas 2:8–38; Mateo 2:1–12

Maraming saksi sa pagsilang ni Cristo.

Ang kapanganakan at kamusmusan ni Cristo ay nagkaroon ng mga saksi at sumasamba na nagmula sa maraming katayuan sa buhay—mapagpakumbabang mga pastol na dumalaw sa sabsaban, mayayamang Pantas na Lalaki na nagdala ng mga regalo sa Kanyang tahanan, isang babaeng balo na naglingkod sa templo, at isang matapat na disipulo na sabik sa naghintay sa pagdating ng Mesiyas. Habang tinutuklas mo ang kanilang mga kuwento, ano ang natututuhan mo tungkol sa mga paraan ng pagsamba at pagsaksi kay Cristo?

Saksi ni Cristo

Ano ang natututuhan ko tungkol sa pagsamba at pagsaksi?

Saksi ni Cristo

Mga pastol (Lucas 2:8–20)

Ano ang natututuhan ko tungkol sa pagsamba at pagsaksi?

Saksi ni Cristo

Simon (Lucas 2:25–35)

Ano ang natututuhan ko tungkol sa pagsamba at pagsaksi?

Saksi ni Cristo

Ana (Lucas 2:36–38)

Ano ang natututuhan ko tungkol sa pagsamba at pagsaksi?

Saksi ni Cristo

Mga Pantas na Lalaki (Mateo 2:1–12)

Ano ang natututuhan ko tungkol sa pagsamba at pagsaksi?

Tingnan din sa 1 Nephi 11:13–23; 3 Nephi 1:5–21.

Mateo 2:13–23

Ang mga magulang ay maaaring tumanggap ng paghahayag para protektahan ang kanilang pamilya.

Hinding-hindi magagawa ni Jose ang ipinagawa sa kanya—ang protektahan si Jesus sa kanyang kabataan—nang walang tulong ng langit. Tulad ng mga Pantas na Lalaki, tumanggap siya ng paghahayag na nagbabala sa kanya tungkol sa panganib. Habang binabasa mo ang karanasan ni Jose, pag-isipan ang pisikal at espirituwal na mga panganib na kinakaharap ng mga pamilya ngayon. Pagnilayan ang mga karanasan kung saan ay nadama mo ang patnubay ng Diyos sa pagprotekta sa iyo at sa pamilya mo o sa mga mahal mo sa buhay. Isiping ikuwento sa iba ang mga karanasang ito. Ano ang magagawa mo upang matanggap ang gayong patnubay sa hinaharap?

 

Lucas 2:40–52

Kahit noong Kanyang kabataan, nakatuon si Jesus sa paggawa ng kalooban ng Kanyang Ama.

Noong binata Siya, itinuro ng Tagapagligtas ang ebanghelyo sa makapangyarihang paraan kaya maging ang mga guro sa templo ay nanggilalas sa Kanyang “katalinuhan at … mga sagot” (Lucas 2:47). Ano ang natututuhan mo mula sa mga talatang ito tungkol sa Tagapagligtas noong bata pa Siya? Paano sinisikap ng mga kabataang kilala mo na “maglumagak sa bahay ng [kanilang] Ama”? (Lucas 2:49). Paano nakatulong ang mga kabataan at bata para magkaroon ka ng mas malalim na pag-unawa sa ebanghelyo? Ano pa ang natututuhan mo mula sa halimbawa ng kabataan ni Jesus sa Lucas 2:40–52 at sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 3:24–26 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan)?

Larawan
si Jesus noong bata pa kasama ang mga guro sa templo

“Di baga talastas ninyo na dapat akong maglumagak sa bahay ng aking Ama?” (Lucas 2:49).

Ano ang Pagsasalin ni Joseph Smith?

Dahil “maraming malinaw at mahahalagang” katotohanan ang nawala sa Biblia sa paglipas ng mga siglo (1 Nephi 13:28; tingnan din sa Moises 1:41), inutusan ng Panginoon si Joseph Smith na gumawa ng isang inspiradong rebisyon ng Biblia, na kilala bilang ang Pagsasalin ni Joseph Smith. Maraming rebisyong ginawa ng propeta ang isinama sa apendise ng Latter-day Saint edition ng mga banal na kasulatan. Ang LDS edition ng King James Version ng Biblia ay mayroon ding mga talababa na may mga rebisyon ng Propeta. Ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Mateo 24, na kilala bilang Joseph Smith—Mateo, ay matatagpuan sa Mahalagang Perlas. Para sa iba pang impormasyon, tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagsasalin ni Joseph Smith”.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng inyong pamilya ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:

Lucas 2

Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na pumili ng isang taong inilarawan sa Lucas 2, basahin ang ilang talata tungkol sa mga pakikipag-ugnayan ng taong iyon sa Tagapagligtas, at ibahagi ang isang bagay na natutuhan nila na nagpapalakas sa kanilang pananampalataya kay Jesucristo. Sama-samang kantahin ang “Awit ni Maria” o “Awit ng Kapanganakan,” Aklat ng mga Awit Pambata, 28–29, 32–33. Ano ang natututuhan natin mula sa mga awiting ito tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas?

Lucas 2:49

Ano ang “[gawain] ng … Ama”? (tingnan sa Moises 1:39). Ano ang natututuhan natin tungkol sa gawaing iyon mula sa kuwentong ito at sa iba pang mga bagay na ginawa at itinuro ni Jesus sa buong buhay Niya? Isiping isulat ang ilang paraan na makakalahok ang inyong pamilya sa gawain ng Ama at ilagay ang mga ito sa isang garapon. Sa susunod na linggo, kapag naghahanap ang inyong pamilya ng mga paraan para magawa ang gawain ng Ama sa Langit, makakapili sila ng mga ideya mula sa garapon. Planuhin kung kailan ninyo ibabahagi ang inyong mga karanasan.

Lucas 2:52

Ano ang matututuhan natin mula sa Lucas 2:52 kung paano umunlad si Jesus sa Kanyang buhay? Sa anong mga paraan madaragdagan “sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa tao” ang mga miyembro ng pamilya?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Gamitin ang mga tulong sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Upang magkaroon ng karagdagang mga ideya habang pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan, gamitin ang resources gaya ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan at iba pang mga tulong sa pag-aaral tulad ng LDS.org.

Larawan
Maria, Jose, at ang sanggol na si Jesus

Ang Tagapagligtas ng Daigdig ay pumarito sa lupa sa abang kalagayan.