Doktrina at mga Tipan 2021
Nobyembre 22–28. Doktrina at mga Tipan 135–136: “‘Tinatakan [Niya] ang Kanyang Misyon at Kanyang mga Gawain ng Kanyang Sariling Dugo’”


“Nobyembre 22–28. Doktrina at mga Tipan 135–136: “‘Tinatakan [Niya] ang Kanyang Misyon at Kanyang mga Gawain ng Kanyang Sariling Dugo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Nobyembre 22–28. Doktrina at mga Tipan 135–136,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021

Larawan
labas ng Piitan ng Carthage

Piitan ng Carthage

Nobyembre 22–28

Doktrina at mga Tipan 135–136

“Tinatakan [Niya] ang Kanyang Misyon at Kanyang mga Gawain ng Kanyang Sariling Dugo”

Habang pinag-aaralan mo ang Doktrina at mga Tipan 135–36, maaaring magpahiwatig sa iyo ang Panginoon ng mga ideya upang matulungan kang maipamuhay ang nabasa mo. Kapag nangyari iyan, isulat kung ano ang itinuturo Niya sa iyo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Hapon ng Hunyo 27, 1844, sina Joseph at Hyrum Smith ay muling ibinilanggo, at sinamahan sila nina John Taylor at Willard Richards. Naniniwala sila na wala silang nagawang anumang krimen, subalit sila ay pumayag na dakpin, umaasa na maiwasan ang karahasan laban sa mga Banal sa Nauvoo. Hindi ito ang unang pagkakataon na ibinilanggo ng mga kaaway ng Simbahan si Propetang Joseph, ngunit sa pagkakataong ito, tila alam niyang hindi na siya makakauwi nang buhay. Sinikap niya at ng kanyang mga kaibigan na panatagin ang isa’t isa sa pamamagitan ng pagbabasa ng Aklat ni Mormon at pagkanta ng mga himno. Pagkatapos ay nakarinig ng putukan, at sa loob ng ilang minuto, ang buhay ni Joseph Smith at ng kanyang kapatid na si Hyrum ay nagwakas.

Ngunit gayon man, hindi iyon ang katapusan ng banal na layunin na lubusan nilang tinanggap at sinuportahan. At hindi iyon ang katapusan ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo. Marami pang gagawin at marami pang paghahayag na gagabay sa pagsulong ng Simbahan. Hindi mapahihinto ng pagpatay sa Propeta ang gawain ng Diyos.

Tingnan sa Mga Banal, 1:631–32.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Doktrina at mga Tipan 135; 136:37–39

Tinatakan nina Joseph at Hyrum Smith ng kanilang dugo ang kanilang patotoo.

Isipin kung ano kaya ang madarama mo kung nakatira ka sa Nauvoo noong patayin sina Joseph at Hyrum Smith (tingnan sa Mga Banal, 1:631–32). Ano kaya ang gagawin mo upang maintindihan ang kalunus-lunos na pangyayaring ito? Ang Doktrina at mga Tipan 135, na orihinal na inilathala nang wala pang tatlong buwan matapos ang pagpaslang, ay maaaring makatulong. Maaari mong markahan ang mga salita at parirala na nagpaunawa at nagbigay sa iyo ng katiyakan. Ano ang sasabihin mo sa isang taong nagtatanong na, “Bakit papayagan ng Diyos na mapatay ang Kanyang Propeta?”

Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 5:21–22; 6:29–30; “Remembering the Martyrdom,” Revelations in Context, 299–306; Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith, 610–11, 617–31; M. Russell Ballard, “Hindi Ba Tayo Magpapatuloy sa Isang Napakadakilang Adhikain?Liahona, Mayo 2020, 8–11.

Doktrina at mga Tipan 135:3

Si Joseph Smith ay nakagawa ng higit pa para sa ating kaligtasan kaysa sa sinuman maliban kay Jesucristo.

Isipin ang mga pagpapalang natanggap mo bilang miyembro ng Simbahan ni Jesucristo. Ilan sa mga ito ang resulta ng misyon na isinagawa ni Propetang Joseph Smith? Ang Doktrina at mga Tipan 135:3 ay nagbabanggit ng ilan sa mga dakilang bagay na nagawa ni Joseph Smith sa loob ng 24 na taon matapos ang Unang Pangitain. Paano nakaapekto ang mga bagay na ito sa iyo at sa iyong pakikipag-ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? Isiping itala ang sarili mong patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith. Sino kaya ang kailangang makarinig sa iyong patotoo?

Doktrina at mga Tipan 136

Ang Panginoon ay nagbibigay sa akin ng mga payo para sa aking “mga paglalakbay” sa buhay.

Matapos itaboy mula sa Nauvoo, ang mga Banal ay naharap sa isang mahabang paglalakbay papunta sa Salt Lake Valley, at ang unang ilang daang milya ay mabagal at napakahirap. Si Brigham Young, na siya na ngayong namumuno sa Simbahan bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay nag-alala kung paano makararaos ang mga Banal sa buong paglalakbay. Itinatag niya ang isang pansamantalang pamayanan na tinatawag na Winter Quarters at nagsumamo para mapatnubayan. Bilang tugon, binigyan siya ng Panginoon ng paghahayag na ngayon ay bahagi 136. Bukod pa rito, ipinaalala ng paghahayag na ito sa mga Banal “na ang kanilang pag-uugali sa paglalakbay ay kasinghalaga ng kanilang destinasyon” at “tumulong na gawing isang mahalagang espirituwal na karanasan ang pandarayuhan pakanluran mula sa isang malungkot na kalagayan” (“This Shall Be Our Covenant,” Revelations in Context, 308).

Isaisip ang kontekstong ito habang pinag-aaralan mo ang bahagi 136. Anong payo ang nakikita mo na makatutulong upang ang isang mabigat na pagsubok sa iyong buhay ay maging “isang mahalagang … espirituwal na karanasan”? Maaari mo ring pagnilayan kung paano makatutulong ang payo na maisagawa ang kalooban ng Panginoon sa iyong buhay, gaya ng nagawa nitong tulong sa sinaunang mga Banal sa mahirap na paglalakbay patungong Kanluran.

Tingnan din sa“This Shall Be Our Covenant,” Revelations in Context, 307–14; Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan, “Paghalili sa Pamunuan ng Simbahan,” ChurchofJesusChrist.org/study/history/topics.

Larawan
Winter Quarters

Winter Quarters, ni Greg Olsen

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Doktrina at mga Tipan 135:1, 3.Upang matulungan ang mga miyembro ng pamilya na maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng “tinatakan ni Joseph Smith ang kanyang misyon at kanyang mga gawain ng kanyang sariling dugo,” ( tingnan ang Jeffrey R. Holland, “Kaligtasan para sa Kaluluwa,” Liahona, Nob. 2009, 88–90). Ano ang tila pinakamahalaga sa atin sa mga talatang ito? Paano tayo magiging mas tapat sa ating mga patotoo, kahit hindi tayo inuutusang ibigay ang ating buhay para sa mga ito?

Doktrina at mga Tipan 135:3.Upang matalakay kung ano ang ibig sabihin ng pahayag na si Joseph Smith ay gumawa nang “higit pa, maliban lamang kay Jesus, para sa kaligtasan ng mga tao sa daigdig na ito, kaysa sa sinumang tao,” isiping rebyuhin ang natutuhan ng inyong pamilya tungkol kay Joseph Smith sa taong ito. Maaari ninyong gamitin ang mga larawan mula sa resource na ito para matulungan silang maalala ang natutuhan nila at sabihin sa kanila na magbahagi ng mga paboritong kuwento o turo. Bakit tayo nagpapasalamat para kay Propetang Joseph Smith at sa isinagawa ng Panginoon sa pamamagitan niya? Maaari din ninyong panoorin ang video na “Joseph Smith: The Prophet of the Restoration” (ChurchofJesusChrist.org).

Doktrina at mga Tipan 136.Noong inihayag ng Panginoon ang bahagi 136, ang mga Banal ay may gagawing isang mahaba at mahirap na paglalakbay, sa ilalim ng pamamahala ni Brigham Young (tingnan sa mga kabanata 57,58, at 60 sa Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 206–8, 209–11, 215–17). Habang binabasa ninyo ang bahagi 136 nang magkakasama, isipin ang mahihirap na bagay na maaaring kaharapin ng inyong pamilya. Anong payo ang makikita natin sa paghahayag na ito na makatutulong sa atin na matamo ang tulong at kapangyarihan ng Panginoon?

Doktrina at mga Tipan 136:4.Ano ang ibig sabihin ng “lalakad sa lahat ng ordenansa ng Panginoon”? Paano naaapektuhan ng mga ordenansa na natanggap natin ang ating pang-araw-araw na buhay?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Purihin ang Propeta,” Mga Himno, blg. 21.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Hanapin ang pagmamahal ng Diyos. Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard, “[Ang] ebanghelyo ay isang ebanghelyo ng pagmamahal—pagmamahal sa Diyos at sa isa’t isa” (“God’s Love for His Children,” Ensign, Mayo 1988, 59). Habang binabasa mo ang mga banal na kasulatan, isiping isulat o markahan ang mga salita at pariralang nagpapakita ng katibayan ng pagmamajal ng Diyos.

Larawan
mga mandurumog sa Carthage Jail na lumusob kay Joseph Smith at sa iba pa

Greater Love Hath No Man [Walang May Lalong Dakilang Pag-ibig Kaysa Rito], ni Casey Childs