“Nobyembre 15–21. Doktrina at mga Tipan 133–134: ‘Maghanda Kayo para sa Pagparito ng Lalaking Kasintahan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Nobyembre 15–21. Doktrina at mga Tipan 133–134,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021
Nobyembre 15–21
Doktrina at mga Tipan 133–134
“Maghanda Kayo para sa Pagparito ng Lalaking Kasintahan”
Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring: “Ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ay nagsimula sa abang tanong na pinag-isipang mabuti sa abang tahanan, at makapagpapatuloy ito sa ating mga tahanan” (“Isang Tahanan Kung Saan Nananahan ang Espiritu ng Panginoon,” Liahona, Mayo 2019, 25).
Itala ang Iyong mga Impresyon
Noong 19 na buwan pa lamang ang Simbahan, ang Propetang Joseph Smith at iba pang mga lider ng Simbahan ay naglatag ng ambisyosong plano na pagsama-samahin ang mga paghahayag ng Diyos sa iisang aklat at maglimbag ng 10,000 kopya—doble ng unang pagpapaimprenta ng Aklat ni Mormon. Sa kasamaang-palad, nahadlangan ng mataas na halaga ang mga planong ito, at sinalakay ng mga mandurumog ang limbagan ng Simbahan habang ginagawa ang paglilimbag. Ikinalat nila ang hiwa-hiwalay pang mga pahina, at bagama’t naipreserba ng matatapang na Banal ang ilan sa mga ito, walang batid na kumpletong kopya ng Aklat ng mga Kautusan na nakaligtas.
Ang alam natin ngayon na bahagi 133 ng Doktrina at mga Tipan ay nilayong maging apendise sa Aklat ng mga Kautusan, tulad ng tandang pandamdam sa dulo ng mga inilathalang paghahayag ng Panginoon. Nagbababala ito tungkol sa darating na araw ng paghuhukom at muling binabanggit ang panawagan na matatagpuan sa makabagong paghahayag: tumakas sa kamunduhan, gaya ng isinagisag ng Babilonia; itayo ang Sion; maghanda para sa Ikalawang Pagparito; at ipalaganap ang mensaheng ito “sa bawat bansa, at lahi, at wika, at tao” (talata 37). Samantalang ang mga orihinal na plano para sa Aklat ng mga Kautusan ay hindi natupad, ang paghahayag na ito ay paalala at saksi na ang gawain ng Panginoon ay hindi mapipigilan, “Sapagka’t kanyang ipakikita ang kaniyang banal na bisig … , at ang lahat ng nasa dulo ng mundo ay makikita ang kaligtasan ng kanilang Diyos” (talata 3).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Maihahanda ako ng mga katotohanan na nasa Doktrina at mga Tipan na gawin ang gawain ng Diyos.
Kung minsan, ang mga aklat ay nagtatapos sa isang konklusyon na muling nagbabanggit o nagbubuod ng mga pangunahing punto ng aklat. Ang bahagi 133 ay talagang nilayon na maging katapusan ng Aklat ng mga Kautusan, at kapaki-pakinabang na basahin ang bahaging ito na ganito ang nasa iyong isipan. Anong mga punto ang binibigyang-diin ng Panginoon tungkol sa Kanyang gawain? Ano ang itinuturo sa iyo ng mga talata 57–62 tungkol sa papel na nais ng Panginoon na gampanan mo sa Kanyang gawain?
Doktrina at mga Tipan 133:1–19
Nais ng Panginoon na maghanda ako para sa Kanyang Ikalawang Pagparito.
Kapwa ang bahagi 1, na paunang salita ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan, at ang bahagi 133, na orihinal na apendise sa aklat, ay nagsisimula sa magkaparehong pagsamo ng Panginoon: “Makinig, O kayong mga tao ng aking Simbahan” (Doktrina at mga Tipan 1:1; 133:1). Ano ang ibig sabihin ng makinig? (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Makinig,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Anong mga paanyaya o utos ang gusto ng Panginoon na pakinggan mo sa Doktrina at mga Tipan 133:1–19? Ano ang nadarama mo na dapat mong gawin para mas makapaghanda para sa Kanyang pagparito? Paano mo matutulungan ang mga taong nakapaligid sa iyo na maghanda?
Tingnan din sa Mateo 25:1–13; D. Todd Christofferson, “Paghahanda para sa Pagbabalik ng Panginoon,” Liahona, Mayo 2019, 81–84.
Doktrina at mga Tipan 133:19–56
Ang Ikalawang Pagparito ay magiging masaya para sa mabubuti.
Habang binabasa mo sa Doktrina at mga Tipan 133:19–32 ang tungkol sa mga pangyayaring kaakibat ng Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas, maaari mong pagnilayan kung ano ang ipahihiwatig sa iyo ng mga paglalarawan ng mga pangyayaring ito tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang gawain. Anong posibleng espirituwal na aplikasyon ang makikita mo sa mga paglalarawang ito?
Habang binabasa mo ang paglalarawan sa pagbabalik ng Tagapagligtas sa mga talata 32–56, ano ang dahilan para asamin mo ang dakilang araw na iyon? Anong mga salita o mga parirala ang naglalarawan sa pagmamahal ng Panginoon sa Kanyang mga tao? Isiping isulat ang iyong personal na mga karanasan sa “mapagkandiling pagmamahal ng [iyong] Panginoon, at lahat ng kanyang ipinagkaloob sa [iyo] alinsunod sa kanyang kabutihan” (talata 52).
“Ang mga pamahalaan ay itinatag ng Diyos para sa kapakinabangan ng tao.”
Ang pakikipag-ugnayan noon ng mga naunang Banal sa pamahalaan ay kumplikado. Nang itinaboy ang mga Banal sa Jackson County, Missouri, noong 1833, wala silang natanggap na suporta o kabayaran mula sa lokal o pambansang pamahalaan sa kabila ng kanilang paghingi ng tulong. Kasabay nito, ipinalagay ng mga taong hindi miyembro ng Simbahan na ang mga turo tungkol sa Sion ay nangangahulugan ng pagtanggi ng mga Banal sa mga awtoridad ng pamahalaan sa lupa. Ang Doktrina at mga Tipan 134 ay isinulat, na bahagi ng layunin, upang linawin ang posisyon ng Simbahan ukol sa pamahalaan.
Paano ang dapat na damdamin ng mga miyembro ng Simbahan tungkol sa mga pamahalaan? Habang pinag-aaralan mo ang bahagi 134, pag-isipang gumawa ng dalawang listahan: isang listahan ng mga alituntunin na natutuhan mo tungkol sa pamahalaan at isa pang listahan ng mga responsibilidad ng mga mamamayan. Paano kaya maaaring nakatulong ang mga ideyang ito sa mga naunang Banal? Paano naaangkop ang mga ito sa lugar kung saan ka nakatira?
Tingnan din sa Ang mga Saligan ng Pananampalataya 1:11–12.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
-
Doktrina at mga Tipan 133:4–14.Ang espirituwal na kabaligtaran ng Sion ay ang Babilonia—isang sinaunang lungsod na sa buong banal na kasulatan ay simbolo ng kasamaan at espirituwal na pagkaalipin (tingnan sa D. Todd Christofferson, “Sa Sion ay Magsitungo,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 37; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Babilonia,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Mayroon ba kayong kailangang gawin bilang isang pamilya, sa espirituwalidad, upang “lumabas kayo sa Babilonia” (talata 5) at “magtungo … sa … Sion”? (talata 9).
-
Doktrina at mga Tipan 133:20–33.Habang sama-sama ninyong binabasa ang mga talatang ito, maaaring idrowing ng inyong pamilya ang mga larawan ng inaakala nilang magiging hitsura ng Ikalawang Pagparito. Maaari din kayong maglaro o kumanta ng isang awitin tungkol sa Ikalawang Pagparito, tulad ng “Sa Kanyang Pagbabalik” (Aklat ng mga Awit Pambata, 46), at talakayin kung ano ang magagawa ng inyong pamilya para mapaghandaan ang Kanyang Pagparito.
-
Doktrina at mga Tipan 133:37–39.Masisiyahan ba ang inyong pamilya na basahin ang mga talatang ito nang “may malakas na tinig”? (talata 38). Ano ang ibig sabihin ng ibahagi ang ebanghelyo nang may malakas na tinig? Anong mga katotohanan ang maibabahagi natin?
-
Doktrina at mga Tipan 134:1–2.Upang matulungan ang inyong pamilya na maunawaan ang kahalagahan ng pamahalaan, maaari ninyong talakayin ang mga tanong na gaya nito: Paano pinagpapala ang ating pamilya sa pagkakaroon ng mga patakaran? Paano napagpapala ang ating bansa sa pagkakaroon ng mga batas? Maaari ka ring gumawa o magkulay ng isang larawan ng bandila ng inyong bansa o isaulo ang ikalabing-isa at ikalabindalawang saligan ng pananampalataya.
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awitin: “O, mga Anak ng Diyos,” Mga Himno, blg. 30.
Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral
Magturo ng malinaw at simpleng doktrina. Inilalarawan ng Panginoon ang Kanyang ebanghelyo sa mga salitang gaya ng “kalinawan” at “kapayakan” (Doktrina at mga Tipan 133:57). Ano ang ipinahihiwatig ng mga salitang ito sa iyo tungkol sa pagtuturo ng ebanghelyo sa inyong pamilya?
Christ in His Red Robe [Si Cristo Suot ang Pulang Bata], ni Minerva Teichert.