Doktrina at mga Tipan 2021
Hunyo 21–27. Doktrina at mga Tipan 67–70: “Katumbas ng mga Kayamanan ng Buong Mundo”


“Hunyo 21–27. Doktrina at mga Tipan 67–70: ‘Katumbas ng mga Kayamanan ng Buong Mundo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Hunyo 21–27. Doktrina at mga Tipan 67–70,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021

Larawan
revelation manuscript book in display case

Hunyo 21–27

Doktrina at mga Tipan 67–70

“Katumbas ng mga Kayamanan ng Buong Mundo”

Bagama’t marami sa mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan ay para sa partikular na mga tao sa partikular na sitwasyon, ang mga ito “ay kapaki-pakinabang sa lahat ng tao” (“Patotoo ng Labindalawang Apostol sa Katotohanan ng Aklat ng Doktrina at mga Tipan,” pambungad sa Doktrina at mga Tipan). Sa iyong pag-aaral, alamin ang mga katotohanan at mga alituntunin na kapaki-pakinabang sa iyo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Mula 1828 hanggang 1831, nakatanggap si Propetang Joseph Smith ng maraming paghahayag mula sa Panginoon, kabilang ang mga banal na payo para sa mga indibiduwal, mga tagubilin tungkol sa pamamahala sa Simbahan, at nagbibigay-inspirasyon na mga pangitain sa mga huling araw. Ngunit marami sa mga Banal ang hindi pa nababasa ang mga ito. Hindi pa nailathala ang mga paghahayag, at ang ilang kopya na maaaring gamitin ay isinulat ng kamay sa hiwa-hiwalay na piraso ng papel na ipinakalat sa mga miyembro at dala-dala ng mga missionary.

Pagkatapos, noong Nobyembre 1831, nagpatawag si Joseph ng kapulungan ng mga lider ng Simbahan upang talakayin ang paglalathala ng mga paghahayag. Matapos alamin ang kalooban ng Panginoon, ang mga lider na ito ay nagplano na ilathala ang Aklat ng mga Kautusan—ang pasimula ng Doktrina at mga Tipan ngayon. Hindi nagtagal mababasa na mismo ng bawat isa ang salita ng Diyos na inihayag sa pamamagitan ng isang buhay na propeta, malinaw na katibayan na “ang mga susi ng mga hiwaga ng kaharian ng ating Tagapagligtas ay muling ipinagkatiwala sa tao.” Dahil dito at sa marami pang ibang dahilan, itinuturing ng mga Banal noon at ngayon ang mga paghahayag na ito na “katumbas ng mga kayamanan ng buong Mundo” (Doktrina at mga Tipan 70, section heading).

Tingnan sa Mga Banal, 1:161–64.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Doktrina at mga Tipan 67:1–9; 68:3–6

Sinusuportahan ng Diyos ang Kanyang mga tagapaglingkod at ang mga salitang sinasambit nila sa Kanyang pangalan.

Tila madali ang desisyon na ilathala ang mga paghahayag na natanggap ni Joseph Smith, ngunit hindi tiyak ng ilang unang lider ng Simbahan kung magandang ideya ito. Isa sa inalala nila ay may kinalaman sa mga kakulangan sa wikang ginamit ni Joseph Smith sa pagsusulat ng mga paghahayag. Dumating ang paghahayag sa bahagi 67 bilang tugon sa alalahaning iyon. Ano ang natutuhan mo tungkol sa mga propeta at paghahayag sa mga talata 1–9? Anong karagdagang kaalaman ang natamo mo sa 68:3–6?

Bago ilimbag ang Aklat ng mga Kautusan, nilagdaan ng ilang lider ng Simbahan ang nakasulat na patotoo na ang mga paghahayag sa aklat ay totoo. Para makita ang kopya ng kanilang patotoo, tingnan sa “Testimony, circa 2 November 1831,” Revelation Book 1, 121, josephsmithpapers.org.

Doktrina at mga Tipan 68:1–8

Ipinapakita ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo ang kalooban ng Panginoon.

Sinabi ang mga salita sa mga talatang ito nang tawagin si Orson Hyde at ang iba pa “na ipahayag ang walang hanggang ebanghelyo, sa pamamagitan ng Espiritu ng buhay na Diyos, nang tao sa tao, at nang lupain sa lupain” (talata 1). Paano kaya makatutulong ang pahayag sa talata 4 sa isang taong isinugo upang ipangaral ang ebanghelyo? Paano naaangkop sa iyo ang mga salitang ito? Isipin ang isang pagkakataon nang ikaw ay “pinakikilos ng Espiritu Santo” (talata 3) na sabihin o gawin ang isang bagay. Ano ang nalaman mo sa mga talatang ito na makapagbibigay sa iyo ng kumpiyansa na sundin ang mga espirituwal na pahiwatig?

Doktrina at mga Tipan 68:25–28

Responsibilidad ng mga magulang na turuan ang kanilang mga anak.

Itinuro ni Sister Joy D. Jones, Primary General President, na, “Ang [isang] susi sa pagtulong sa mga bata upang makaya nilang labanan ang kasalanan ay simulang ituro nang buong pagmamahal sa kanilang murang edad ang mga pangunahing doktrina at alituntunin ng ebanghelyo—mula sa mga banal na kasulatan, sa Mga Saligan ng Pananampalataya, sa buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan, mga awit sa Primary, himno, at sarili nating patotoo—na aakay sa mga bata palapit sa Tagapagligtas” (“Isang Henerasyong Kayang Labanan ang mga Kasalanan,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 88).

Ayon sa Doktrina at mga Tipan 68:25–28, ano ang ilan sa “mga pangunahing doktrina ng ebanghelyo” na binanggit ni Sister Jones na dapat ituro ng mga magulang sa kanilang mga anak? Bakit ibinigay sa mga magulang ang mahalagang responsibilidad na ito? Ano ang sasabihin mo sa isang magulang na nakadaramang hindi siya kwalipikadong ituro ang mga bagay na ito sa kanyang mga anak?

Tingnan din sa Tad R. Callister, “Mga Magulang: Ang Pangunahing mga Guro ng Ebanghelyo sa Kanilang mga Anak,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 32–34.

Larawan
pamilyang nag-aaral

Ang tahanan ang pinakamagandang lugar para matutuhan ng mga bata ang ebanghelyo.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Doktrina at mga Tipan 67:10–14.Paano nakahahadlang ang inggit, takot, at kapalaluan sa paglapit natin sa Panginoon? Bakit hindi makapupunta ang “likas na tao” sa presensya ng Panginoon? (talata 12; tingnan din sa Mosias 3:19). Ano ang nakita natin sa mga talatang ito na humihikayat sa atin na “magpatuloy sa pagtitiyaga hanggang sa [tayo] ay maging ganap”? (talata 13).

Bilang isang pamilya, maaari niyo ring rebyuhin ang mensahe ni Elder Jeffrey R. Holland na “Kayo Nga’y Mangagpakasakdal—sa Wakas” (Ensign o Liahona, Nob. 2017, 40–42).

Doktrina at mga Tipan 68:3–4.Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng pamilya ang mga karanasang nagpalakas sa kanilang pananampalataya na ang mga salita ng mga tagapaglingkod ng Panginoon ay ang “kalooban ng Panginoon,” “kaisipan ng Panginoon,” at “ang kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan” (talata 4). O maaari silang maghanap ng mga mensahe sa huling pangkalahatang kumperensya na angkop sa isang problemang maaaring kinakaharap ng inyong pamilya.

Doktrina at mga Tipan 68:25–35.Ang mga talatang ito ay naglalaman ng mahahalagang payo sa “mga naninirahan sa Sion” (talata 26). Ano ang nais nating pagbutihin matapos basahin ang mga talatang ito? Maaaring masayang gumawa ng mga larawang nagpapakita ng ilan sa mga alituntunin sa mga talatang ito at itago ang mga ito sa inyong buong kabahayan. Pagkatapos, sa darating na mga araw kapag may nakahanap sa larawan, maaari mong gamitin ang pagkakataon na iyon upang ituro ang tungkol sa alituntuning iyon. Bakit ang tahanan ang pinakamainam na lugar para matutuhan ng mga bata ang mga bagay na ito?

Doktrina at mga Tipan 69:1–2.Pinapunta si Oliver Cowdery sa Missouri dala ang ililimbag na nakasulat na mga kopya ng mga paghahayag ng Propeta, kasama ang pera para makatulong sa pagtatayo ng Simbahan doon. Anong payo ang ibinigay ng Panginoon sa talata 1 tungkol sa paglalakbay ni Oliver? Bakit mahalagang makasama ang mga tao na “tunay at tapat”? (talata 1). Kailan tayo naimpluwensyahan ng mga kaibigan sa paggawa ng mabubuti o masasamang desisyon? Paano tayo magiging mabuting impluwensya sa iba?

Doktrina at mga Tipan 70:1–4.Binigyan ng Panginoon ang ilang elder ng responsibilidad na pangasiwaan ang paglalathala ng mga paghahayag. Kahit wala tayong gayong partikular na responsibilidad, paano tayo maituturing na “mga katiwala sa mga paghahayag at kautusan”? (talata 3).

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awit: “Tahana’y Isang Langit,” Mga Himno, blg. 186.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Ipamuhay natin ang mga banal na kasulatan. Matapos basahin ang isang talata ng banal na kasulatan, anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na ipamuhay ang mga ito. Halimbawa, maaari mo silang anyayahan na mag-isip ng mga sitwasyon na katulad niyon na maaari nilang makaharap na may kinalaman sa gayon ding mga alituntunin ng ebanghelyo.

Larawan
Palimbagan ni Grandin

Ang Aklat ng mga Kautusan, na nauna sa Doktrina at mga Tipan, ay inilimbag sa palimbagang tulad nito.