Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mayo 11–17. Mosias 18–24: “Tayo ay Nakikipagtipan sa Kanya”


“Mayo 11–17. Mosias 18–24: ‘Tayo ay Nakikipagtipan sa Kanya,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Mayo 11–17. Mosias 18–24,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020

Larawan
tumatakas ang mga tao ni Limhi

Minerva K. Teichert (1888-1976), Escape of King Limhi and His People, 1949-1951, oil on masonite, 35 7/8 x 48 pulgada. Brigham Young University Museum of Art, 1969.

Mayo 11–17

Mosias 18–24

Tayo ay Nakikipagtipan sa Kanya

Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson, “Kapag binasa at pinagnilayan natin ang mga banal na kasulatan, madarama natin ang magiliw na mga bulong ng Espiritu sa ating kaluluwa” (“Hindi Tayo Kailanman Nag-iisa,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 122).

Itala ang Iyong mga Impresyon

Ipinapakita sa salaysay tungkol kay Alma at sa kanyang mga tao sa Mosias 18; 23–24 ang ibig sabihin ng “lumapit sa kawan ng Diyos” (Mosias 18:8). Nang sila ay binyagan, nakipagtipan sila sa Diyos na “paglilingkuran at susundin ang kanyang mga kautusan” (Mosias 18:10). Bagama’t ito’y isang matinding personal na pangako, may kinalaman din ito sa paraan ng pagtrato nila sa isa’t isa. Oo, ang paglalakbay pabalik sa Ama sa Langit ay personal at kanya-kanya, at walang sinumang makakatupad ng ating mga tipan para sa atin, ngunit hindi iyan nangangahulugan na nag-iisa tayo. Kailangan natin ang isa’t isa. Bilang mga miyembro ng Simbahan ni Cristo, nakikipagtipan tayong maglingkod sa Diyos sa pagtulong at paglilingkod sa isa’t isa habang daan, na “[nagpa]pasan ng pasanin ng isa’t isa” (Mosias 18:8–10). Talagang nagkaroon ng mga pasanin ang mga tao ni Alma, tulad nating lahat. At ang isang paraan na tinutulungan tayo ng Panginoon “na pasanin ang [ating] mga pasanin nang may kagaanan” (Mosias 24:15) ay sa pagbibigay sa atin ng isang komunidad ng mga Banal na nangakong makidalamhati sa atin at aliwin tayo, tulad ng ipinangako nating gawin para sa kanila.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Mosias 18:1–17

Kasama sa binyag ang isang tipan na maglingkod sa Diyos at tumayo bilang saksi sa Kanya.

Ang Mosias 18:8–10 ay naglalaman ng mga turo ni Alma tungkol sa tipan sa binyag, o sa pangakong ginagawa natin sa Diyos sa binyag. Habang pinag-aaralan mo ang mga talatang ito, pagnilayan ang sumusunod na mga tanong:

  • Ano ang natututuhan mo mula sa mga talatang ito tungkol sa mga pangakong ginawa mo sa binyag? Ano ang ipinapangako ng Diyos sa iyo?

  • Paano nauugnay ang tipan na maglingkod sa Diyos (tingnan sa talata 10) sa ating mga pagsisikap na maglingkod sa isa’t isa? (tingnan sa mga talata 8–9).

  • Ano ang ginagawa mo para tuparin ang iyong mga pangako?

  • Paano nakakatulong ang pagtupad mo ng iyong tipan sa binyag para ikaw ay “[ma]puspos ng Espiritu”? (Mosias 18:14). Paano ka natutulungan ng Espiritu na tuparin ang iyong tipan?

Larawan
binyag sa dagat

Kapag nakikipagtipan ako sa Diyos, natatanggap ko ang Kanyang mga pagpapala.

Inihahayag din sa salaysay na ito ang tamang paraan ng pagbibinyag. Ano ang natututuhan mo sa mga talata 14–17 kung paano dapat isagawa ang pagbibinyag? Ano pa ang natututuhan mo tungkol sa binyag mula sa Mateo 3:16; Mga Taga Roma 6:3–5; 3 Nephi 11:21–28; at Doktrina at mga Tipan 20:72–74?

Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 20:37, 77, 79.

Mosias 18:17–30

Dapat magkaisa ang mga tao ng Diyos.

Tulad ng natuklasan ni Alma at ng kanyang mga tao, ang pagsunod kay Jesucristo kung minsan ay nangangahulugan ng pagtalikod sa isang pamilyar na pamumuhay kapalit ng bago at kakaibang pamumuhay. Ngunit ang mga tao ni Alma ay humugot ng lakas sa isa’t isa bilang bahagi ng “simbahan ni Cristo” (Mosias 18:17). Paano ka nahihikayat ng mga turo sa Mosias 18:17–30 na maging mas mabuting miyembro ng Simbahan? Ano ang magagawa mo para matulungan ang mga miyembro ng inyong ward o branch na maging “magkakasama sa pagkakaisa at sa pag-ibig”? (Mosias 18:21).

Tingnan din sa Henry B. Eyring, “Nagkakaisa ang Ating mga Puso,Ensign o Liahona, Nob. 2008, 68–71.

Mosias 19–20

Ang mga salita ng mga propeta ay matutupad.

Si Abinadi ay gumawa ng ilang partikular na propesiya tungkol sa mangyayari kay Haring Noe at sa kanyang mga tao kung tumanggi silang magsisi. Gayunman, para sa ilan ay tila hindi kapani-paniwala ang mga propesiyang ito (tingnan sa Mosias 12:1–8, 14–15), lalo na dahil matagumpay na naipagtanggol ng mga Nephita ang kanilang sarili laban sa mga Lamanita sa loob halos ng 50 taon (tingnan sa Mosias 9:16–18; 11:19). Ngunit ang mga salita ng mga propeta ay matutupad na lahat—sa ating panahon tulad noong panahon ni Abinadi.

Ano ang nakikita mo sa Mosias 19–20 na mag-uudyok kay Gedeon na ipahayag na natupad na ang mga propesiya ni Abinadi? (tingnan sa Mosias 20:21). Paano pinalalakas ng salaysay na ito ang pananampalataya mo sa mga babala at payo ng mga propeta ng Diyos at ang pangako mong sundin ang kanilang mga salita? Kailan mo nakitang natupad ang mga salita ng isang propeta sa ating panahon?

Mosias 21–24

Mapapagaan ng Diyos ang aking mga pasanin.

Ang mga tao nina Limhi at Alma ay naging mga alipin, bagama’t magkakaiba ang mga dahilan at sitwasyon. Ano ang matututuhan mo sa pagkukumpara ng mga salaysay tungkol sa mga tao ni Limhi sa Mosias 19–22 sa salaysay tungkol sa mga tao ni Alma sa Mosias 18; 23–24? Maaari mong itala kung paano tumugon sa pagkabihag ang bawat isa sa mga grupong ito o kung paano nailigtas ang bawat isa kalaunan. Habang ginagawa mo ito, hanapin ang mga mensaheng angkop sa buhay mo. Halimbawa, ano ang natututuhan mo mula sa mga salaysay na ito na makakatulong sa iyo na dalhin ang iyong pasanin?

Mosias 23:21–24; 24:8–17

Maaari akong magtiwala sa Panginoon.

Kahit pinagsisihan na nila ang kanilang mga kasalanan, nasa pagkaalipin pa rin si Alma at ang kanyang mga tao. Makikita sa kanilang karanasan na ang pagtitiwala sa Panginoon at pagtupad sa ating mga tipan ay hindi palaging humahadlang sa mga paghihirap, ngunit nakakatulong ito na malampasan natin ang mga ito. Habang binabasa mo ang Mosias 23:21–24 at 24:8–17, pansinin ang mga salita at pariralang makakatulong sa iyo na matutong magtiwala sa Diyos, anuman ang iyong sitwasyon.

Tingnan din sa Thomas S. Monson, “Hindi Kita Iiwan ni Pababayaan,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 85–87.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.

Mosias 18:1–4

May kasabihan na maaari mong bilangin ang mga buto sa isang mansanas, ngunit hindi mo mabibilang ang mga mansanas na nagmumula sa isang buto. Iisang tao lang ang tumanggap sa patotoo ni Abinadi noon, ngunit ang taong iyon—si Alma—ay nakaimpluwensya sa mga henerasyon ng mga Nephita. Marahil ay maaari mong gamitin ang isang bunga na may mga buto para ipamalas ang alituntuning ito. Paano naaangkop ang mensaheng ito sa ating pamilya? Ano ang magagawa natin para maibahagi ang ating patotoo sa iba?

Mosias 18:8–10

Ano ang matututuhan natin tungkol sa ating tipan sa binyag mula sa mga talatang ito? (tingnan din sa D at T 20:73, 77–79). Ano ang ginagawa natin upang paghandaan o tuparin ang ating tipan sa binyag?

Mosias 18:30

Anong mga lugar ang may espesyal na kahulugan sa atin dahil sa mga espirituwal na karanasan natin doon?

Mosias 21:11–16; 24:10–15

Ano ang natututuhan natin sa pagkukumpara ng pagkabihag ng mga tao ni Alma sa pagkabihag ng mga tao ni Limhi?

Mosias 21:15; 24:11–15

Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa ilan sa mga paraan na sinasagot ng Panginoon ang mga panalangin?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Pumili ng oras na angkop sa iyo. Kadalasan ay pinakamadaling matuto kapag mapag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan nang walang umaabala sa iyo. Pumili ng oras na angkop sa iyo, at gawin mo ang lahat para patuloy na makapag-aral sa oras na iyon bawat araw.

Larawan
mga taong binibinyagan

The Waters of Mormon, ni Jorge Cocco