Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Oktubre 20–26: “O Diyos, Nasaan Kayo?”: Doktrina at mga Tipan 121–123


“Oktubre 20–26: ‘O Diyos, Nasaan Kayo?’: Doktrina at mga Tipan 121–123,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)

“Doktrina at mga Tipan 121–123,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025

si Joseph Smith sa Liberty Jail

Liberty Jail, ni Welden Andersen

Oktubre 20–26: “O Diyos, Nasaan Kayo?”

Doktrina at mga Tipan 121–123

Ang ilalim ng kulungan sa Liberty, Missouri, ay kilala bilang “ang bartolina.” Makapal ang mga pader, malamig at marumi ang sahig na bato, kakaunti at bulok ang pagkain, at kakatiting ang liwanag na pumapasok sa dalawang bintanang makitid at me rehas na bakal na malapit sa kisame. Dito gumugol si Joseph Smith at ang ilang iba pa ng apat na buwan na napakaginaw noong taglamig ng 1838–39. Sa panahong ito, si Joseph ay palaging nakatatanggap ng balita tungkol sa pagdurusa ng mga Banal. Ang kapayapaan at magandang pananaw na nadama sa Far West ay tumagal lamang nang ilang buwan, at ngayon ay wala na namang matirhan ang mga Banal, na itinaboy patungong ilang upang maghanap ng iba na namang lugar para makapagsimulang muli—sa panahong ito na ang kanilang Propeta ay nasa bilangguan.

Magkagayunman, kahit sa miserableng piitang iyon, “ang kaalaman mula sa langit” ay “bumuhos” (Doktrina at mga Tipan 121:33). Ang tanong ni Joseph na “O Diyos, nasaan kayo?” ay malinaw at makapangyarihang sinagot ng: “Huwag [kang matakot] … , sapagkat ang Diyos ay kasama mo magpakailanman at walang katapusan” (Doktrina at mga Tipan 121:1; 122:9).

Tingnan sa Mga Banal, 1:369–452, “Within the Walls of Liberty Jail,” sa Revelations in Context, 256–63.

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Doktrina at mga Tipan 121:1–10, 23–33; 122

Sa Diyos, ang paghihirap ay maaaring “para sa [aking] ikabubuti.”

Kapag tayo o ang mga mahal natin sa buhay ay nagdurusa, normal lang na isipin kung batid nga ba ng Diyos ang nangyayari sa atin. Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 121:1–6, isipin ang mga pagkakataon na nagkaroon ka ng mga tanong o damdaming katulad ng kay Joseph Smith. Ano ang nakikita mo sa sagot ng Panginoon na maaaring makatulong sa iyo kapag may ganito kang mga tanong o damdamin? Halimbawa, sa mga talata 7–10, 26–33, pansinin ang mga pagpapalang ipinangako Niya. Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “pagtitiisang mabuti”? Paano ka tinutulungan ng Tagapagligtas na gawin ito?

Habang binabasa mo ang bahagi 122, isipin kung paano nais ng Panginoon na ituring mo ang iyong mga paghihirap. Maaari mong pagnilayan ang mga karanasang nagmula sa iyong mga pagsubok at kung paano maaaring maging “para sa iyong ikabubuti” ang mga ito (talata 7).

Tingnan din sa Quentin L. Cook, “Personal na Kapayapaan sa Mahihirap na Panahon,” Liahona, Nob. 2021, 89–92; “Saan Naroon ang Aking Kapayapaan?,” Mga Himno, blg. 74.

Doktrina at mga Tipan 121:34–46

icon ng seminary
Ang tunay na kapangyarihan at impluwensya ay batay sa “mga alituntunin ng kabutihan.”

Makamundong kapangyarihan ang nagtaboy sa mga Banal mula sa Missouri at nagsadlak kay Joseph Smith sa piitan. Ngunit habang naroon si Joseph, tinuruan siya ng Panginoon tungkol sa ibang uri ng kapangyarihan: ang Kanyang kapangyarihan, “ang mga kapangyarihan ng langit.” Ang pagbabasa tungkol sa kapangyarihang iyan sa Doktrina at mga Tipan 121:34–46 ay makakatulong sa iyo na matuto kung paano matanggap ang kapangyarihang iyon—at kung paano iyon gamitin para pagpalain ang iba. Maaari mo sigurong itala ang matututuhan mo sa isang table na may mga column na may nakasulat na Mga Kapangyarihan ng Langit at Makamundong Kapangyarihan. Paano nagkaiba ang dalawang uring ito ng kapangyarihan? Ano ang itinuturo sa iyo ng mga paglalarawang ito ng kapangyarihan ng Panginoon tungkol sa Kanya?

Maaari mo ring pagnilayan ang salitang impluwensya sa talata 41. Ano ang ilang sitwasyon kung saan gusto mong maging impluwensya para sa kabutihan—marahil sa isang relasyon sa pamilya, sa paaralan, sa trabaho, o sa isang tungkulin sa Simbahan? Ano ang matututuhan mo mula sa mga talata 41-46 tungkol sa pag-impluwensya ng Diyos sa Kanyang mga anak? Maaari mong ibuod ang matutuhan mo sa pagkumpleto ng isang pangungusap na tulad nito: “Para makaimpluwensya para sa kabutihan, ako ay .”

Tingnan din sa Jeffrey R. Holland, “Hindi Gaya ng Ibinibigay ng Sanlibutan,” Liahona, Mayo 2021, 35–38; David A. Bednar, “Ang mga Kapangyarihan ng Langit,” Liahona, Mayo 2012, 48–51; “The Powers of Heaven” (video), Gospel Library.

9:14

"The Powers of Heaven"

Pumili ng isang parirala at pag-aralan ito nang husto. Para malaman ang iba pa tungkol sa napakagandang mga pagpapalang inilarawan sa mga talata 45–46, maaari kang pumili ng isang pariralang namumukod-tangi sa iyo at pag-aralan ito nang husto. Halimbawa, ano ang ibig sabihin ng salitang puspusin, at paano mapupuspos ng kabanalan ang iyong mga iniisip? O maaari ka sigurong makahanap ng isang larawan ng hamog at pag-aralan mo kung paano nabubuo ang hamog sa mga halaman. Paano ito natutulad sa paraan ng pagtuturo ng Panginoon ng Kanyang doktrina? Ibahagi ang matuklasan mo sa iyong pamilya o mga kaibigan, pati na sa iyong mga kaibigan sa simbahan.

Doktrina at mga Tipan 122:8

Si Jesucristo ay nagpakababa-baba sa lahat ng bagay upang maiangat Niya ako.

Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng si Jesucristo ay “nagpakababa-baba sa … lahat [ng bagay]”? Narito ang ilang karagdagang talata na maaaring magpaunawa sa iyo sa pariralang ito: Isaias 53:3–4; Mga Hebreo 2:17–18; 1 Nephi 11:16–33; Alma 7:11–13. Batay sa natutuhan mo, isiping ipahayag na muli ang Doktrina at mga Tipan 122:8 sa sarili mong mga salita. Paano mo maipapakita ang iyong pasasalamat kay Jesucristo sa pagpapakababa-baba sa lahat ng bagay?

Paano naaapektuhan ng kabatirang ito mula kay Pangulong Dallin H. Oaks ang iyong pang-unawa? “Masasabi pa nga natin na dahil Siya ay nagpakababa-baba sa lahat ng ito, nasa tamang-tamang lugar [si Jesucristo] para iangat tayo at bigyan tayo ng lakas na kailangan natin para matiis ang ating mga paghihirap” (“Pinalakas ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Liahona, Nob. 2015, 64).

si Jesucristo habang nagdurusa sa Getsemani

Detalye mula sa Not My Will, but Thine [Huwag ang Kalooban Ko Kundi ang sa Iyo], ni Walter Rane

Doktrina at mga Tipan 123

“Ating malugod na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya.”

Sa Doktrina at mga Tipan 123:7–8, tinukoy ni Joseph Smith ang mga maling paniniwala na humantong sa pagdurusa, pati na ang pag-uusig sa mga Banal. Noong Marso 1839, maaaring parang wala nang gaanong magagawa ang mga Banal tungkol diyan. Ngunit sa mga liham na isinulat niya mula sa Liberty Jail, sinabi sa kanila ni Joseph kung ano ang maaari nilang gawin: “[mangalap] ng kaalaman ng tunay na pangyayari” at “[tumayo nang] hindi natitinag, na may lubos na katiyakan, na makita ang pagliligtas ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 123:1, 17). Habang iniisip mo ang mga problema sa mundo ngayon, mag-isip ng mga paraan para matugunan ang mga ito “sa abot ng ating makakaya” (mga talata 12, 17). At huwag balewalain ang tila “[maliliit] na bagay” (talata 15). Bakit mahalagang “malugod” na gawin ang mga bagay na ito? (talata 17).

Marami sa mga tala na hiniling ni Joseph sa sulat na ito ay isinumite sa pamahalaan at inilathala bilang 11-bahaging serye sa isang pahayagan sa Nauvoo, ang Times and Seasons (tingnan sa “A History, of the Persecution, of the Church of Jesus Christ, of Latter Day Saints in Missouri, December 1839–October 1840,” [josephsmithpapers.org]).

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Mga Tao, Lugar, Pangyayari

Magklik para makita pa ang iba

icon 03 ng bahaging pambata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Doktrina at mga Tipan 121:1–9; 122:7–9

Kasama ang Diyos, ang mga pagsubok sa buhay ko ay maaaring para sa aking ikabubuti.

  • Para matulungan ang iyong mga anak na isipin kung ano kaya ang naging pakiramdam ni Joseph Smith at ng kanyang mga kaibigan sa Liberty Jail, maaari ninyong sama-samang basahin ang “Kabanata 46: Si Joseph Smith sa [Liberty Jail]” (sa Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 172–74) o sa “Mga Tinig ng Pagpapanumbalik: Liberty Jail” o panoorin ang bahagi ng video na “Joseph Smith: Prophet of the Restoration” (Gospel Library, simula sa 41:30). Pagkatapos, habang sama-sama ninyong binabasa ang Doktrina at mga Tipan 121:1–9, maaari ninyong pag-usapan kung paano tinulungan ng Tagapagligtas si Joseph na makadama ng kapayapaan. Paano tayo makasusumpong ng kapayapaan sa Tagapagligtas, kahit sa mahihirap na panahon?

    2:36

    Liberty Jail: Nakilala ang Panginoon sa mga panahon ng kagipitan

    62:4

    Joseph Smith: The Prophet of the Restoration

  • Para matulungan ang iyong mga anak na mapansin na ang ating mga pagsubok ay maaaring “para sa [ating] ikabubuti” (Doktrina at mga Tipan 122:7), maaari mong sabihin sa kanila kung paano lumalaki ang ating mga kalamnan kapag nagbubuhat tayo ng mabigat na bagay. Maaari mo pa nga silang anyayahang magbuhat ng isang mabigat na bagay. At maaari mong banggitin kung paano maaaring makatulong ang pagdaraan sa mahihirap na panahon na palaguin ang ating espiritu—kapag humingi tayo ng tulong sa Panginoon. Magbahagi ng ilang halimbawa mula sa iyong buhay.

Doktrina at mga Tipan 121:34–46

Ang kabutihan ay naghahatid ng “mga kapangyarihan ng langit.”

  • Marahil ay makakatulong ang isang analohiya para maipaunawa sa iyong mga anak “ang mga kapangyarihan ng langit.” Halimbawa, maaari mong ikumpara ang kapangyarihan ng Diyos sa kuryente. Ano ang maaaring makahadlang sa isang electrical device na madaluyan ng kuryente? Ano ang nakakabawas sa ating espirituwal na kapangyarihan? Ano ang nakadaragdag dito? (Maghanap ng mga salita at parirala sa Doktrina at mga Tipan 121:34–46; tingnan din sa Pangkalahatang Hanbuk, 3.5, 3.6, Gospel Library.)

Doktrina at mga Tipan 122:7–9

Alam ni Jesucristo kung ano ang pinagdaraanan ko.

  • Matapos basahin ang Doktrina at mga Tipan 122:7–9 kasama ang iyong mga anak, maaari kang magbahagi ng isang karanasan kung kailan nadama mo na kasama mo ang Tagapagligtas sa isang mahirap na pagsubok. Maaari din kayong sama-samang kumanta ng isang awitin na tulad ng “Minsa’y Naging Musmos si Cristo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 34), at magpatotoo na matutulungan tayo ni Jesucristo dahil alam Niya ang ating nararamdaman.

Doktrina at mga Tipan 123:15–17

Kahit ang maliliit na bagay ay makagagawa ng malaking kaibhan sa paglilingkod sa Diyos.

  • Para maipaunawa sa iyong mga anak ang Doktrina at mga Tipan 123:15–17, maaari mong ipakita sa kanila ang larawan ng isang malaking barko at isang maliit na timon, o ibahagi sa kanila ang paliwanag ni Elder David A. Bednar sa “Ang mga Alituntunin ng Aking Ebanghelyo” (Liahona, Mayo 2021, 125–26). Pagkatapos ay maaari ninyong pag-usapan ang maliliit na paraan na masaya nating mapaglilingkuran ang ating pamilya at mga kaibigan.

15:0

“The Principles of My Gospel”

paglalarawan ng isang barko sa dagat

Tulad ng maliit na timon ng isang malaking barko, malaking kaibhan ang magagawa ng ating maliliit na pagsisikap.

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

si Joseph Smith na itinatala ang isang paghahayag sa Liberty Jail

Si Joseph Smith sa Liberty Jail, ni Greg Olsen

pahina ng aktibidad para sa mga bata