“Hulyo 14–20: ‘Akin Kayong Aakayin’: Doktrina at mga Tipan 77–80,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)
“Doktrina at mga Tipan 77–80,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025
Going Home [Pag-uwi], ni Yongsung Kim
Hulyo 14–20: “Akin Kayong Aakayin”
Doktrina at mga Tipan 77–80
Wala pang dalawang taon matapos maipanumbalik ang Simbahan ni Jesucristo, mayroon na itong mahigit 2,000 miyembro at mabilis na lumaganap. Noong Marso 1832, nakipagkita si Joseph Smith sa iba pang mga leader ng Simbahan “upang talakayin ang mga gawain ng Simbahan”: ang pangangailangang ilathala ang mga paghahayag, bumili ng lupain na pagtitipunan, at pangalagaan ang mga maralita (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 78, section heading). Para matugunan ang mga pangangailangang ito, tumawag ang Panginoon ng ilang lider ng Simbahan para buuin ang United Firm, isang grupong sasali sa kanilang mga pagsisikap na “isulong ang adhikain” ng Panginoon (talata 4) sa mga lugar na ito. Pero maging sa gayong mga usapin sa pangangasiwa, nagtuon ang Panginoon sa mga bagay na nauukol sa kawalang-hanggan. Sa huli, ang layunin ng isang palimbagan o isang storehouse—tulad ng lahat ng iba pa sa kaharian ng Diyos—ay para ihanda ang Kanyang mga anak na tumanggap ng “isang lugar sa selestiyal na daigdig” at ng “mga kayamanan ng kawalang-hanggan” (mga talata 7, 18). At kung mahirap maunawaan ngayon ang mga pagpapalang iyon, sa gitna ng pagiging abala sa araw-araw na buhay, tinitiyak Niya sa atin, “Magalak, sapagkat akin kayong aakayin” (talata 18).
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Nagbigay ang Diyos ng kaalaman sa mga taong naghahangad nito.
Habang ginagawa nina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang inspiradong pagsasalin ng Biblia, nagkaroon sila ng mga tanong tungkol sa aklat ng Apocalipsis, tulad ng maraming tao. At tulad ng alam na alam ni Joseph, kapag kulang siya sa karunungan, maaari siyang humingi sa Diyos. Ang mga kabatirang natamo niya ay nasa Doktrina at mga Tipan 77. Habang binabasa mo ang bahaging ito, isiping itala ang iyong mga kabatiran sa kaugnay na mga kabanata sa aklat ng Apocalipsis. Ano ang natutuhan mo mula sa iyong pag-aaral tungkol sa pagtanggap ng paghahayag?
Translation of the Bible [Pagsasalin ng Biblia], ni Liz Lemon Swindle
Ano ang United Firm?
Itinatag ang United Firm para pamahalaan ang paglalathala at mga pagpapatakbo ng Simbahan sa Ohio at Missouri. Kinabilangan ito nina Joseph Smith, Newel K. Whitney, at iba pang mga lider ng Simbahan na pinagsama-sama ang kanilang kabuhayan para matugunan ang mga temporal na pangangailangan ng lumalaking Simbahan. Sa kasamaang-palad, nabaon sa utang ang United Firm at binuwag noong 1834 nang hindi na mabayaran ang mga utang.
Tingnan din sa “Newel K. Whitney and the United Firm,” sa Revelations in Context, 142–47; Church History Topics, “United Firm (‘United Order’),” Gospel Library.
Maaari akong tumulong na “isulong ang adhikain” ni Cristo at ng Kanyang Simbahan.
Sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith at sa iba pang mga leader ng Simbahan na ang pamamahala sa isang storehouse at palimbagan ay makakatulong na “isulong ang adhikain, na inyong niyakap” (Doktrina at mga Tipan 78:4). Ano sa palagay mo ang “adhikain” ng Simbahan ng Tagapagligtas? Pagnilayan ito habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 78:1–7. Ano ang ilan sa iba’t ibang paraan na maaari kang tumulong na isulong ang adhikaing iyon—kabilang na sa inyong pamilya?
Tingnan din sa Pangkalahatang Hanbuk, 1.2.
Doktrina at mga Tipan 78:17–18
Aakayin ako ng Panginoon.
Sa palagay mo, bakit kung minsa’y tinatawag ng Panginoon ang Kanyang mga alagad na “maliliit na bata”? (Doktrina at mga Tipan 78:17). Kailan mo naramdaman na para kang isang maliit na bata, marahil dahil sa isang bagay na “hindi [mo pa] nauunawaan” o “hindi [mo] mababata”? (mga talata 17–18). Ano ang nakita mo sa mga talatang ito na maaaring makatulong sa iyo na “magalak” (talata 18) sa gayong mga pagkakataon? Isiping maghanap ng larawan mo noong bata ka pa, at pagnilayan kung paano ka espirituwal na lumago simula noon. O mag-isip ng isang bagay na naging mahirap para sa iyo noong bata ka pa pero mas madali na ngayon. Sa anong mga paraan pa rin nais ng Ama sa Langit na maging katulad ka ng isang bata? (tingnan sa Mosias 3:19). Paano ka Niya “[inaakay]”?
Akin Kayong Aakayin
Maaari kong tanggapin ang lahat ng bagay nang may pasasalamat.
Para makapaghandang pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 78:19, maaari kang gumawa ng listahan ng mabubuting bagay na nangyari sa iyo ngayon. Pagkatapos ay gumawa ng listahan ng mga bagay na tila hindi talaga mga pagpapala sa iyo. Pagnilayan ang mga listahang ito habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 78:19. Ano ang kaibhang magagawa sa iyong buhay kung tatanggapin mo ang “lahat ng bagay” nang may pasasalamat—maging ang mga bagay na parang hindi naman mga pagpapala?
Para malaman ang iba pa kung paano maaaring maimpluwensyahan ng pasasalamat ang buhay mo, siyasatin ang mga talatang ito at gumawa ng listahan ng mga katotohanang matatagpuan mo: Mga Awit 107:8–9; Lucas 17:11–19; Filipos 4:6–7; Mosias 2:19–24; Alma 34:38; 37:37; Doktrina at mga Tipan 46:32; 59:7, 15–21.
Isiping saliksikin ang mensahe ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf na “Nagpapasalamat Anuman ang Kalagayan” (Liahona, Mayo 2014, 70–77) para sa payo kung paano magpasalamat. Maaari kang maghanap ng katulad na payo sa video na “President Russell M. Nelson on the Healing Power of Gratitude” (Gospel Library). Paano nakakaapekto ang pasasalamat sa iyong kaugnayan kay Jesucristo?
President Russell M. Nelson on the Healing Power of Gratitude
Magsaliksik at magbahagi. Kung naatasan kang magturo, maghanap ng mga paraan para matulungan ang mga tao na saliksikin ang mga banal na kasulatan o mga salita ng mga propeta—nang mag-isa o sa maliliit na grupo—at ibahagi ang natutuhan nila. Halimbawa, sa aktibidad na ito maaari mong bigyan ng isang bahagi ng mensahe ni Pangulong Uchtdorf ang bawat indibiduwal o grupo at hilingin sa kanila na magbahagi ng isang parirala o pangungusap na sa palagay nila ay nagbubuod ng kanyang itinuro.
Tingnan din sa “Mga Pagpapala ay Bilangin,” Mga Himno, blg. 147; Mga Paksa at Tanong, “Pasasalamat,” Gospel Library.
Ang tawag na maglingkod sa Diyos ay mas mahalaga kaysa sa kung saan ako naglilingkod.
Tungkol sa Doktrina at mga Tipan 80, itinuro ni Elder David A. Bednar, “Marahil ang isa sa mga itinuturo sa atin ng Tagapagligtas sa paghahayag na ito ay ang aral na ang pagkakatalaga na maglingkod sa isang partikular na lugar ay kinakailangan at mahalaga subalit pangalawa lamang sa tawag sa gawain” (“Tinawag sa Gawain,” Liahona, Mayo 2017, 68). Anong mga karanasan ang nakatulong sa iyo na malaman na totoo ang mga salita ni Elder Bednar? Anong karagdagang mga aral ang matatagpuan mo sa Doktrina at mga Tipan 79–80 na maaaring makatulong sa isang tao na katatanggap lang ng isang tungkulin?
Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.
Mga Tao, Lugar, Pangyayari
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Nilikha ng Diyos ang bawat nilalang sa mundo.
-
Habang sama-sama ninyong binabasa ng iyong mga anak ang Doktrina at mga Tipan 77:2, maaari ninyong tingnan ang mga larawan ng mga hayop, pati na ng mga insekto at ibon. Maaaring ituro ng iyong mga anak ang mga larawan kapag binasa mo ang mga salitang “mga hayop,” “mga gumagapang na hayop,” at “mga ibon [sa] himpapawid.” Ibahagi sa isa’t isa kung paano ka natutulungan ng mga nilikha ng Diyos na madama ang Kanyang pagmamahal.
Nilikha ng Diyos ang lahat ng nilalang sa mundo.
Makatutulong akong “isulong ang adhikain” ni Jesucristo.
-
Para matulungan ang iyong mga anak na pag-isipan ang kanilang mga papel sa gawain ng Panginoon, isiping basahin sa kanila ang Doktrina at mga Tipan 78:4 para matukoy ang “adhikain” na ating “niyakap” (tinanggap o piniling suportahan) nang mabinyagan tayo. Tulungan silang tumingin sa mga talata sa banal na kasulatan na tulad ng mga ito para sa posibleng mga sagot: Mosias 18:8–10; Doktrina at mga Tipan 20:37; Moises 1:39. Maaaring masiyahan ang iyong mga anak na isadula kung paano sila makakatulong sa gawain ng Panginoon. Halimbawa, ano ang hitsura ng “magpasan ng pasanin ng isa’t isa” o “taglayin sa [ating sarili] ang pangalan ni Jesucristo”? Paano nito “[isinusulong] ang adhikain” ni Cristo?
Maibabahagi ko sa iba kung ano ang mayroon ako.
-
Para maituro kung ano ang ibig sabihin ng maging “pantay sa mga bagay sa lupa” (talata 6), maaari mong bigyan ang iyong mga anak ng mga larawan ng mga taong nangangailangan (gutom, nasaktan, o nagiginaw) at ng mga bagay na makakatulong (tulad ng pagkain, benda, o kumot). Pagkatapos ay maaaring itugma ng iyong mga anak ang mga larawan sa mga bagay. Ano ang maibabahagi natin para matulungan ang mga taong nangangailangan?
-
Para makakuha ng kaunting konteksto para sa bahagi 78, basahin ninyo ng iyong mga anak ang mga pangungusap sa ilalim ng unang dalawang larawan ng “Kabanata 28: Ang Propetang Joseph ay Nagpuntang muli sa Missouri” (sa Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 108, o sa katumbas na video nito sa Gospel Library). Pagkatapos ay maaaring magkunwari ang iyong mga anak na may tinutulungan silang magtayo ng bahay, namimigay sila ng pagkain, o naglilingkod sila sa ibang paraan.
2:39Chapter 28: The Prophet Joseph Goes to Missouri Again: March–May 1832
Aakayin ako ni Jesucristo.
-
Maaaring masaya para sa iyong mga anak na pag-usapan kung ano ang ibig sabihin ng maging lider at pagkatapos ay mamuno sa isang aktibidad. Matapos basahin nang sama-sama ang Doktrina at mga Tipan 78:18, maaari mong talakayin ang mga pagkakataon na kailangan nating akayin tayo ni Jesus. Isiping kantahin ang isang awiting tulad ng “Sa Aking Paglakad, Jesus ang Kasama” (Gospel Library).
Maaari kong tanggapin ang “lahat ng bagay nang may pasasalamat.”
-
Basahin ninyo ng iyong mga anak ang Doktrina at mga Tipan 78:19 para tuklasin kung ano ang pangako ng Panginoon sa mga taong nagpapasalamat. Ipaunawa sa iyong mga anak kung ano ang ibig sabihin ng “isandaang ulit,” marahil ay sa pamamagitan ng pagpapakita ng isang maliit na bagay at pagkatapos ay magpakita ng 100 ng bagay ring iyon. Marahil ay maaari silang magdrowing ng mga bagay na natanggap nila mula sa Diyos “nang may pasasalamat.”
Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.