Liahona
Pagtulong, Pagbibigay, at Pagmamahal sa Paraan ng Panginoon
Disyembre 2025 Liahona


“Pagtulong, Pagbibigay, at Pagmamahal sa Paraan ng Panginoon,” Liahona, Dis. 2025.

Pagtulong, Pagbibigay, at Pagmamahal sa Paraan ng Panginoon

Ang mga miyembro sa buong mundo ay bukas-palad na nagbibigay ng kanilang oras at resources, nagpapalaganap ng ebanghelyo sa pamamagitan ng paglilingkod at pag-ibig sa kapwa.

mga missionary na tumutulong sa paglilinis; babaeng kinukunan ng blood pressure

Kaliwa: Mga missionary sa Switzerland na tumutulong sa paglilinis pagkaraan ng matitinding bagyo. Kanan: Ang isang layunin ng Simbahan ay para mapabuti ang kapakanan ng kababaihan at mga bata.

Sa Jordan, isang batang babae ang sinukatan ng pediatric wheelchair, isa sa mahigit 1,000 mga wheelchair na ipinamigay ng Simbahan.

Sa Mexico, nakipagtulungan ang Simbahan sa Mexican Red Cross para i-update ang imaging equipment at sinuportahan ang isang specialized diabetes telemedicine program para tulungan ang mga taong walang access sa mga serbisyong medikal.

Sa Liberia, natuto ang mga magsasaka na paramihin ang bunga ng mga pananim at palakihin ang kanilang kita sa tulong ng isang donasyon ng Simbahan sa World Food Programme.

Sa Nevada, USA, nag-assemble ang mga kabataan sa Simbahan ng 91 bagong kama para sa Las Vegas Rescue Mission.

Napakarami ng ganitong mga kuwento sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at nagpapakita ng halimbawa ng mga pagsisikap ng maraming miyembro na ipamuhay ang kanilang pangako sa tipan na pangangalagaan ang mga nangangailangan sa pamamagitan ng paglilingkod at mga donasyon.

Maaaring dumating ang mga pagsisikap na ito sa pamamagitan ng emergency aid para sa mga populasyon na nawalan ng tirahan, pagbibigay ng suportang mental at emosyonal, o paglilingkod sa mga komunidad at tahanan. Ang ganitong mga kontribusyon mula sa mga miyembro sa buong mundo ay binibigyang-diin sa programa ng Simbahan na Pangangalaga sa mga Nangangailangan: Buod para sa 2024, na inilalathala taun-taon ilang buwan pagkaraan ng katapusan ng taon.

“Ipinapakita ng buod na ito kung paano natin sama-samang pinangalagaan ang mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng mga inisyatibang tulad ng pagtugon sa mga emergency, pagpapakain sa mga nagugutom, at pangangalaga sa kapakanan ng kababaihan at mga bata,” saad ng Unang Panguluhan sa pambungad sa ulat.

Pandaigdigang Pagtulong

“Sa pamamagitan ng masigasig na pagsisikap ng mga miyembro at pakikipagtulungan sa mga organisasyon, natutugunan natin ang lokal na mga pangangailangan at nakalilikha tayo ng pangmatagalang epekto,” sabi ni Blaine Maxfield, managing director ng Welfare and Self-Reliance Services. “Sa lahat ng ating mga pagsisikap, sinisikap nating tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagiging self-reliant habang tinutugunan natin ang temporal na mga pangangailangan at naglilingkod na tulad ng gagawin Niya.”

Napakarami ng lahat ng kontribusyon at gawaing pangkawanggawa para ilista, pero nasa ibaba ang ilan sa mabubuting gawa ng mga miyembro, kaibigan, at ng Simbahan sa pagtulong sa buong mundo.

Pangangalaga sa Kababaihan at mga Bata

Pinalawak ng Relief Society General Presidency noong 2024 ang pandaigdigang inisyatiba para mapabuti ang kalusugan at kapakanan ng kababaihan at mga bata sa pamamagitan ng pagpokus sa nutrisyon ng bata, pangangalaga sa ina at bagong-silang na sanggol, mga bakuna, at pagtuturong magbasa at magsulat.

“Ang pandaigdigang pag-unlad ay nagsisimula sa pangangalaga sa mga bata at pagpapalakas sa kababaihan,” sabi ni Relief Society General President Camille N. Johnson. “Kapag pinagpala mo ang isang babae, pinagpapala mo ang isang pamilya, isang komunidad, at isang bansa. Kapag pinagpala mo ang isang bata, namumuhunan ka sa hinaharap.”

Sa pakikipagtulungan sa walong pandaigdigang organisasyong pangkawanggawa (CARE International, Catholic Relief Services, Helen Keller Intl, iDE, MAP International, Save the Children, The Hunger Project, at Vitamin Angels), tumulong ang Simbahan na mapabuti ang kapakanan ng mahigit 21 milyong kababaihan at mga bata sa buong mundo—doble ng orihinal na inasahan para sa taon na iyon. Ang Simbahan ang namuno sa pagtitipon sa mga organisasyong ito at paggamit ng kanilang kahusayan sa apat na grupong nakatuon sa pagtulong sa kababaihan at mga bata.

“Ang pagtutulungan ay nananatiling nasa sentro ng inisyatibang ito; lumilikha tayo ng pinakamalaking epekto sa pamamagitan ng ating nagkakaisang mga pagsisikap,” sabi ni Pangulong Johnson. “Sama-sama, inaasam natin ang isa pang taon ng paglikha ng mas magandang kinabukasan para sa kababaihan at mga bata at pagpapalakas ng mga komunidad.”

Sa iba pang kaugnay na mga pagsisikap, sinuportahan ng Simbahan ang grupong Caritas Manila sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga karagdagang pagkain, bitamina, at hygiene item para matukoy at magamot ang malnutrisyon.

Sa pakikipagtulungan sa Project HOPE, tumulong ang Simbahan sa pagpopondo ng neonatal at maternal training at equipment sa Colombia at Venezuela. Nagbigay rin ng donasyon ang Simbahan para sa pagtatayo ng isang bagong maternity center at neonatal ward na kumpleto sa gamit para sa isang ospital sa Liberia matapos mawasak ang naunang gusali sa isang digmaang sibil. Natuwa ang mga doktor na maraming buhay ng sanggol ang maililigtas nila.

Sa Mali, nagtulungan ang UNICEF at ang Simbahan para magbigay ng mga bakuna para sa kababaihan, na nag-aalis sa nakamamatay na neonatal tetanus sa bansa. Sinuportahan din ng Simbahan ang Learning for Life programs sa Democratic Republic of Congo, Kenya, Sudan, at Uganda, na nag-aalok ng edukasyon at mga serbisyo sa tinatayang 140,000 mga bata.

Sa Slovakia, tinulungan ng Simbahan ang isang lokal na organisasyon sa pagtuturo sa kababaihan na magtrabaho bilang mga caregiver, na nagbigay sa kanila ng kakayahang itaguyod ang kanilang pamilya at patatagin ang kanilang komunidad.

Pagtutulungan para Magbigay ng Kaginhawahan

Para magkaroon ng mas malaking epekto sa mga nangangailangan, nakikipagtulungan ang Simbahan sa maraming organisasyon, kabilang ang World Food Programme, ang Red Cross at mga Red Crescent agency, Muslim Aid, Water for People, UNICEF, at Catholic Relief Services, at marami pang iba.

“Nagkakaisa tayo sa mithiing ibsan ang paghihirap ng mga anak ng Diyos. Lahat ng ito ay bahagi ng gawain ng Diyos para sa Kanyang mga anak,” sabi ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan.

Nagsasama-sama rin ang mga miyembro ng Simbahan at sumasama rin sila sa kanilang mga komunidad para paglingkuran ang mga nangangailangan. Ito man ay pag-aalaga ng elders quorum sa hardin ng isang napinsalang miyembro ng ward, mga young single adult na naghahanda ng pagkain para sa mga nagugutom sa isang kumperensya, o mga kabataang gumagawa ng mga kama para sa isang bahay-kalinga, ang nagkakaisang mga pagsisikap ay naghahatid ng ginhawa sa marami.

Pagpapakain sa mga Nagugutom

Si Julio ay isinilang nang kulang sa buwan sa Guatemala. Dinala siya ng kanyang ina sa isang nutrition screening event na idinaos ng Simbahan, at tumanggap siya ng mga nutrition supplement para sa kanyang paglaki. Nadaig ni Julio ang labis na kakulangan sa nutrisyon mula noon, tulad ng marami pang iba na napagpala ng mga boluntaryong miyembro sa pagsisikap ng mga miyembro ng Simbahan na nakatuon sa nutrisyon ng mga bata.

Suporta sa Pabahay

Nilisan ni Kaltoumi at ng kanyang maliliit na anak ang kanilang tahanan para hindi sila madawit sa kaguluhang sibil na walang dalang ibang kasuotan maliban sa damit na suot nila. Pagdating nila sa Minawao Refugee Camp sa Cameroon, tumanggap ng isang tolda si Kaltoumi para sa kanyang maliliit na anak na ibinigay ng ShelterBox at ng Simbahan.

Pagsuporta sa Mahihinang Populasyon

babaeng nagluluto ng pagkain sa labas ng isang pansamantalang tirahan

Nagluluto ng pagkain ang babaeng Syrian sa labas ng kanyang pansamantalang tirahan. Sinusuportahan ng Simbahan ang mga relief program para makatulong na mabigyang-kakayahan ang mga taong nawalan ng tirahan.

Larawan sa kagandahang-loob ng ShelterBox

Ang kababaihan at mga bata sa Yemen, Syria, at Lebanon ay napilitang lisanin ang kanilang tahanan noong 2024. Sinuportahan ng Simbahan ang iba’t ibang relief program para makatulong na bigyang-kakayahan ang mga indibiduwal at lokal na organisasyong ito.

Halimbawa, nagbigay ang Simbahan ng 150 mga tupa sa Al Jahuth para magkaroon ng milk-sheep farm sa Jordan. Tinuturuan ng organisasyon ang mga tao sa mga resettlement camp kung paano gumawa ng mga produkto mula sa gatas at kumita para matustusan ang kanilang sarili. Nakipagtulungan din ang Simbahan sa Rahma WorldWide sa Lebanon, sa Coptic Orthodox Church sa Egypt, at sa iba pang mga organisasyon para magbigay ng agarang suporta sa pagkain sa pinakamahihinang komunidad.

Pagtugon sa Emergency

Nang tumama ang ilang kalamidad sa Pilipinas noong 2024, kabilang na ang isang matinding bagyo, pagputok ng bulkan, mga sunog, at tagtuyot, ang Simbahan at ang emergency response services ng bansa ay nagbigay ng ginhawa. Naglaan ng oras at pagsisikap ang mga lokal na miyembro ng Simbahan para magbalot, mag-organisa, at maghatid ng mga produkto.

mga missionary na tumutulong na magbaba ng mga emergency supply mula sa eroplano

Tumutulong ang mga missionary na magbaba ng mga emergency supply mula sa isang eroplano kasunod ng matinding pagbaha sa Rio Grande do Sul, Brazil.

Larawan sa kagandahang-loob ni Divulgação Azul

Nagbigay ng mahalagang tulong ang Simbahan sa mga biktima ng baha sa Rio Grande do Sul, Brazil, kung saan nawalan ng tirahan ang 200,000 tao dahil sa matinding pagbaha at nagresulta sa pagkamatay ng mahigit 90 tao. Nagtayo ang Simbahan ng 21 kanlungan sa lugar, namahagi ng mga pagkain, at naghatid ng anim na toneladang emergency supply. Sumali rin ang mga miyembro at missionary sa paglilinis.

Matapos maminsala ang Hurricane Beryl sa maraming lugar sa Caribbean, naglakbay ang mga miyembro ng Simbahan papuntang Union Island para maghatid ng kailangang-kailangang mga suplay, tulad ng pagkain at mga hygiene kit, at tumulong sila sa paglilinis ng mga lansangan.

Seguridad sa Pagkain

Sa Nicaragua, nag-ambag ang Simbahan sa isang pagsisikap ng World Food Programme na nagbigay sa mga bata ng pagkain sa paaralan. Kasama rin sa proyekto ang mga imprastraktura at upgrade sa kusina sa mga paaralan sa buong bansa.

Suporta sa Edukasyon

Sa Argentina, sinuportahan ng Simbahan ang Plan Emaús ng Caritas na maglaan ng mga scholarship para sa mga estudyante. Ang mga scholarship na ito ay tutulong sa maraming estudyanteng nangangailangan sa buong bansa, na magpaparami sa mga oportunidad nilang makapagtrabaho sa hinaharap at tutulong sa kanila na umasa sa sarili.

mga estudyanteng nakaupo sa mga desk na may mga computer

Tumulong ang Simbahan sa paghahatid ng 1,000 computer sa mga estudyante sa Mongolia.

Sa Mongolia, nakipagtulungan ang Simbahan sa Ministry of Education para maghatid ng 1,000 computer sa mga paaralang sekundarya. Matutulungan nito ang humigit-kumulang 43,000 estudyante sa mas pinahusay na mga oportunidad sa pag-aaral.

Maraming miyembro ang nag-aaral ng mga kurso sa self-reliance na pinangangasiwaan ng mga boluntaryo sa kanilang ward at area para mapabuti ang kanilang buhay. Marami ring tumatanggap ng mga pautang at scholarship para makatulong sa pagbabayad ng matrikula sa paaralan sa pamamagitan ng Perpetual Education Fund ng Simbahan.

Pagmamahal sa Ating Kapwa

Itinuro sa atin ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo na sundin ang dalawang dakilang utos: ibigin ang Diyos at ibigin ang ating kapwa (tingnan sa Mateo 22:37–39). Tulad ng sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Kapag minamahal natin ang Diyos nang buong puso, ibinabaling Niya ang ating mga puso sa kapakanan ng iba sa isang maganda at banal na siklo.”

Ngayon, hangad ng Simbahan at ng mga tao nito na sundan ang mga yapak ng Panginoon sa pangangalaga sa mga taong nangangailangan sa pamamagitan ng mga inisyatiba sa welfare at self-reliance, pandaigdigang gawaing pangkawanggawa, at boluntaryong paglilingkod. Tulad ng sinabi ni Pangulong Oaks, “Ang Simbahan ni Jesucristo ay tapat na nangangakong mag[li]lingkod sa mga nangangailangan, at tapat ding nangangakong ma[ki]kipagtulungan sa iba sa pagsisikap na iyon.”