“Wala na Akong Iba pang Kailangan” Liahona, Dis. 2025.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Wala na Akong Iba pang Kailangan
Walang-wala ang nanay ko noong bata pa siya, pero nasa kanya na ang lahat ng mahalaga noong pumanaw siya.
Paglalarawan ni Caitlin Droubay
Noong Disyembre nang siyam na taong gulang ang aking ina, iniwan ng kanyang amain ang pamilya para maghanap ng trabaho. Iniwan niya ang lola ko, ang nanay ko, at ang nakababatang kapatid ng nanay ko na walang pera, walang pagkain, walang Christmas tree, walang mga regalo. Sabi ni Inay, “Walang-wala kami.”
Naglakad-lakad ang nanay ko noong Bisperas ng Paskong iyon. Naalala niya na natanaw niya sa bintana ng isang kapitbahay at nakita na masaya at nakangiti ang mga batang nakapaligid sa isang Christmas tree, na may mga regalo at katabi ang mga kapamilya. Napaiyak si nanay nang ibahagi niya ang alaalang iyon bago sumapit ang Pasko ilang taon bago siya pumanaw. Isa iyon sa maraming Pasko na walang-wala siya.
Sumapit ang 1969, 14 na taon matapos ikasal ang mga magulang ko. Nakatira kami sa isang munting bayan sa gitnang California, USA. Doon kumatok ang dalawang full-time missionary sa pintuan namin at dinala sa amin ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Makalipas ang isang taon, nabuklod ang mga magulang ko sa isa’t isa sa Oakland California Temple, at nabuklod kami ng dalawang kapatid kong lalaki sa kanila.
Para sa mga magulang ko, sumunod ang maraming taon ng pagkadisipulo, kabilang na ang paglilingkod sa maraming calling sa Simbahan, paglilingkod sa napakaraming iba pa, pagpapalakas ng kanilang patotoo sa isang misyon sa Florida, pagkagalak sa kanilang lumalagong angkan, at kasiyahan sa mga pagpapalang nagmumula sa “kagalakan kay Jesucristo” at pagiging miyembro sa “simbahan ng kagalakan.”
Hindi nagtagal pagkamatay ng tatay ko noong 2018, sumulat ang nanay ko ng Pamaskong liham sa kanyang mga anak, na nakalista ang mga pagpapala na pumuspos at nagpayaman sa kanyang buhay.
“Kapag mayroon akong mga tahimik na sandali, dumarating sa akin ang mga ideya at alaala—ang mga naibigay sa akin,” pagsulat niya. Kabilang sa mga regalong natanggap niya, pinangalanan niya ang “isang asawang walang hanggan” at isang pamilyang maaaring magkasama-sama magpakailanman sa piling ng Ama at ng Anak; ang ipinanumbalik na ebanghelyo; buhay na mga propeta at apostol; mga banal na kasulatan sa mga huling araw; ang kaloob na Espiritu Santo; isang patotoo tungkol sa Tagapagligtas na si Jesucristo; at “ang espesyal na panahong ito upang ipagdiwang ang Kanyang pagsilang.”
Noong bata pa ang nanay ko, walang-wala siya. Noong pumanaw siya, nasa kanya na ang lahat ng bagay na mahalaga.
“Kayo at ang ebanghelyo ang buhay ko,” pagtatapos niya. “Wala na akong iba pang kailangan. Maligayang Pasko! Mahal ko kayo magpakailanman.”