Liahona
Pagtutulot sa Liwanag ni Cristo na Magningning sa Pamamagitan Natin—Mga Pagninilay tungkol sa Tatay Ko
Disyembre 2025 Liahona


“Pagtutulot sa Liwanag ni Cristo na Magningning sa Pamamagitan Natin—Mga Pagninilay tungkol sa Tatay Ko,” Liahona, Dis. 2025.

Mga Babaeng Nakipagtipan

Pagtutulot sa Liwanag ni Cristo na Magningning sa Pamamagitan Natin—Mga Pagninilay tungkol sa Tatay Ko

Pinakamaningning ang ating liwanag kapag nagmamahal tayo na tulad ng pagmamahal ni Jesus.

paglalarawan sa talang lumitaw nang isilang si Jesus, kasama ang iba pang mga tagpo

Paglalarawan ni David Green

Marahil ay may isang taong tumawid na sa kabilang panig ng tabing—isang taong mas naiisip mo sa buwan ng Disyembre at sa Kapaskuhan.

Para sa akin, ang tatay ko iyan. Disyembre ang kaarawan niya. Pumanaw siya pagkaraan lamang ng Pasko halos 18 taon na ang nakararaan.

Ang tatay ko ay laging may trabaho na kailangang magbiyahe.

Naglakbay siya sakay ng eroplano sa isang panahon bago nagkaroon ng mga headphone o earbud. Walang screen sa likod ng upuan sa harapan niya. Walang libangan online. Walang mobile phone, tablet, o laptop computer.

Noon, para palipasin ang oras habang naglalakbay ka, may tatlo kang pagpipilian: matulog; magbasa ng aklat, magasin, o pahayagan; o kausapin ang taong katabi mo.

Laging pinipili ng tatay ko ang pangatlo.

Umuuwi siya mula sa bawat paglalakbay na may kuwento tungkol sa katabi niya sa upuan. Ang kuwento ng kanyang buhay!

Hindi ko alam kung gaano kalaki ang inihayag ni tatay tungkol sa kanyang sarili. Pero pambihira ang kakayahan niya, magaling siyang makinig. Komportable ang mga tao sa kanya. Sapat ang pagkakomportable para ibahagi ang personal na mga kuwento nila—mga pighati at tagumpay at lahat ng iba pang bagay.

At dahil ang tatay ko ay may magandang pananaw, isang tunay na disipulo ni Jesucristo, alam ko na nilisan ng mga tao ang kanilang mga biyahe sa eroplano na kilala, pinakinggan, minahal, masaya, at medyo mas maganda ang pananaw kaysa nang sumakay sila.

Naniwala ang tatay ko sa isang bagay na minsa’y isinulat ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang Diyos ding iyon na naglagay ng [talang iyon] sa mismong lugar na [inikutan] nito libu-libong taon bago ito [lumitaw] sa langit sa Bethlehem upang ipagdiwang ang pagsilang ng Sanggol ay nag-ukol ng gayong [pansin] upang mailagay ang bawat isa sa atin sa mismong lugar na ginagalawan natin upang, kung gugustuhin natin, ay magtaglay tayo ng liwanag, upang ang ating liwanag ay hindi lamang aakay sa iba [pasiglahin din sila].”

Sa isa pang pagkakataon, ipinahayag ni Elder Maxwell ang ideya sa ganitong paraan: “Ang pagpaplano at katumpakan ng panahon [ng Diyos] ay hindi lamang patungkol sa mga astrophysical orbit kundi maging sa mga orbit ng tao. … Tulad ng tala ng Pasko, bawat isa sa atin, kung tapat, ay may inorden na orbit.”

Papansinin ba ninyo ang mga tao sa iyong orbit?

Sino ang inilagay ng Diyos mismo ng sansinukob sa iyong landas?

Bilang disipulo ni Jesucristo, paano mo mas sadyang pasisiglahin at liliwanagan ang kanilang daan?

Hinihiling sa atin ng pinagmumulan ng lahat ng liwanag—ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo—na hayaan ang liwanag na nakukuha natin mula sa Kanya na magningning sa pamamagitan natin (tingnan sa Mateo 5:14–16; 3 Nephi 12:14–16). Ang isang paraan para magawa natin ito ay sa pagbibigay-pansin sa mga tao sa ating paligid. Pagkilala sa kanila. Pakikinig sa kanila. Pagmamahal sa kanila. Pinakamaningning ang ating liwanag kapag nagmamahal tayo na tulad ng pagmamahal ni Jesus.

Sa panahong ito na ipinagdiriwang natin ang pagsilang Niya na Siyang pinagmumulan ng lahat ng liwanag, ibinabahagi ko ang aking paniniwala na alam Niya ang nangyayari sa atin, sa bawat isa, at na mahal Niya ang bawat isa sa atin. Hindi lamang Niya nililiwanagan ang landas kundi ibinibigay rin, ng Kanyang walang-hanggan at matapat na Pagbabayad-sala, ang landas pauwi.

Mga Tala

  1. Neal A. Maxwell, That My Family Should Partake (1974), 86.

  2. Neal A. Maxwell, The Christmas Scene (1994), 3.