2019
Isang Puting Cap para kay Florence
Oktubre 2019


Isang Puting Cap para kay Florence

Ang awtor ay naninirahan sa Michigan, USA.

Larawan
A White Cap for Florence

Nakarating ang labing-tatlong taong gulang na si Florence Onyejekwe sa kanyang karaniwang puwesto sa labas ng mataong palengke sa Onitsha, Nigeria. Ang kalsada ay puno ng mga nagtitinda na tumatawag sa mga abalang mamimili. Ibinabalanse ng kababaihan ang mga balutan sa kanilang ulo habang naglalakad sila. Katatapos lang ng pasok sa eskuwela para sa holiday, at alam ni Florence na nagsasaya ang kanyang mga kaibigan sa bakasyon. Pero gugugulin ni Florence ang mga araw na walang pasok sa pagtitinda ng bitterleaf sa palengke. Pagkakataon niya ito para makaipon ng pera para sa mga bayarin sa paaralan.

Hindi naman nagrereklamo si Florence. Ang kanyang ina ay nagtitinda ng mga kamote nang maraming oras sa palengke araw-araw para makabili ng pagkain para sa pamilya. Napakasipag ni Inay. Parehong napakasipag ng kanyang mga magulang. Ngunit kung walang edukasyon, gayon lamang ang magagawa nila. Halos matatapos na sa elementarya si Florence. Marahil kung ipagpapatuloy niya ang kanyang pag-aaral, makakahanap siya ng trabaho na may mataas na sweldo at matutulungan ang kanyang pamilya.

Nang makauwi siya, nakita niya ang kanyang mga magulang at nagtanong, “Palagay po ba ninyo ay makakapag-aral ako sa high school? At siguro sa unibersidad?”

Tumingin si Inay kay Nnam (tatay) at umiling. “Malaki ang gastos sa unibersidad at hindi natin kaya,” sabi ni Nnam. Napatingin si Florence sa kanyang sapatos. Ayaw niyang makita nina Inay at Nnam kung gaano siya nalungkot.

Makalipas ang ilang araw, pumunta si Florence sa ospital para kumuha ng ilang gamot. Halos kasing-abala ng ospital ang palengke, pero hindi gaanong maingay. Minasdan ni Florence ang mga nurse na suot ang kanilang magagandang puting cap. Nakinita niya ang kanyang sarili na naka-uniporme gaya niyon, tinutulungan ang mga maysakit at inaalagaan ang mga sanggol sa malaking hospital. Siguro magiging nurse siya.

Alam ni Florence na tama ang kanyang mga magulang—mahirap at magastos ang pag-aaral. Pero alam ni Florence kung paano magsipag sa trabaho. Nagpasiya siyang subukan ito.

Marami man ang gawain ni Florence sa buong maghapon, nagagawa pa rin niyang mag-aral. Naipasa niya ang test para sa high school at nangutang si Nnam para makapag-aral siya. Kalaunan natuklasan niya na tutulong ang pamahalaan sa pagbabayad para sa nursing school. Maaabot na niya ang kanyang pangarap!

Ngunit nang magsisimula na ang pag-aaral sa nursing school, medyo nag-alangan si Florence. Paano kung mahirap? Paano kung nag-iisa lang siya? Yumuko si Florence at nanalangin, “Mahal na Diyos, bigyan po Ninyo ako ng lakas na magkapag-aral sa nursing school at mag-aral nang mabuti.”

Sa nursing school, natutuhan ni Florence kung paano magbigay ng gamot at mapanatiling malinis ang mga kasangkapan mula sa mikrobyo. Kung minsan gumagaling ang kanyang pasyente, pero kung minsan hindi. Madalas magdasal si Florence para mabigyan ng lakas-ng-loob. Pagkatapos ng tatlong mahahabang taon, nagtapos si Florence nang may parangal bilang pinakamahusay na estudyante sa kanilang klase. Natupad ang kanyang pangarap! Makakapagsuot na siya ng puting cap ng nurse, at kikita na nang malaki para matulungan ang kanyang pamilya.

Makalipas ang maraming taon, binisita ni Florence ang isang maliit na branch sa Ghana Accra Mission. Ang kanyang asawa, si Christopher Chukwurah, ang mission president noon doon. Nakausap ni Florence ang ilang bata sa branch na hindi nag-aaral. Hindi nila tiyak kung ano ang gagawin nila sa hinaharap. Naalala ni Florence ang kanyang sarili sa kanila noong siya ay bata pa. “Ano ang maaari kong sabihin na makatutulong sa kanila?” Tahimik na nagdasal si Florence.

Pagkatapos ay malinaw niyang nadama: Ikuwento mo sa kanila ang iyong buhay.

Naisip ni Florence ang tungkol sa kanyang buhay. Nagtrabaho siya sa mga ospital sa Nigeria at sa Estados Unidos. Pinakasalan niya ang isang mabuting lalaki, at magkasama nilang natagpuan ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Siya ay naging ina. Ngayon ay tinutulungan niya ang mga missionary na manatiling malusog at magsipag. Tinulungan siya ng Ama sa Langit na maging nurse. Tinulungan Niya siya na maisakatuparan ang maraming bagay nang higit sa makakaya niya. Magagawa Niya rin ito sa mga batang ito.

Minasdan ni Florence ang mga bata at ngumiti. “Alam ba ninyo ang mga puting cap na iyon na suot ng mga nurse? Nakakita ako ng cap na iyon at nagpasiya akong maging isang nurse …”