2018
Elder Terence M. Vinson
May 2018


Elder Terence M. Vinson

Panguluhan ng Pitumpu

Larawan
Elder Terence M. Vinson

Naniniwala si Elder Terence M. Vinson na kahit kailan hindi malayo ang Tagapagligtas. “Lagi Siyang nariyan, lalo na sa mga sagradong lugar at sa oras ng pangangailangan,” ang pinatotohanan niya noong pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2013. “Kung minsan, kung kailan ko hindi inaasahan, halos parang tinatapik Niya ako sa balikat para ipaalam sa akin na mahal Niya ako.”

Minsan, habang naglalakad si Elder Vinson kasama si Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, inakbayan ni Elder Holland si Elder Vinson at sinabi sa kanya na mahal siya nito. Sabi ni Elder Vinson, “Naniniwala ako na kung magkakaroon tayo ng pribilehiyong makasabay sa paglalakad ang Tagapagligtas, mararamdaman nating nakaakbay Siya sa atin tulad niyon.”

Sabi ni Elder Vinson, na sinang-ayunan bilang miyembro ng Panguluhan ng Pitumpu noong Marso 31, 2018, na ang pagmamahal ng Diyos “ang pinakamasayang pakiramdam.”

Si Elder Vinson, na magsisimulang maglingkod sa kanyang bagong tungkulin sa Agosto 1, 2018, ay sinang-ayunan bilang General Authority Seventy ng Simbahan noong Abril 6, 2013. Nang panahong iyon siya ay naglilingkod bilang miyembro ng Eighth Quorum of the Seventy sa Pacific Area. Siya ay kasalukuyang naglilingkod bilang Pangulo ng Africa West Area.

Si Elder Vinson ay nagtamo ng bachelor’s degree sa mathematics and statistics, diploma para sa edukasyon at pagtuturo, at master’s degree sa applied finance. Kasama sa kanyang propesyon ang pagtuturo, pagbibigay ng training, at pagbibigay ng lecture sa mga unibersidad. Ang pangunahin niyang trabaho ay bilang financial adviser at funds manager.

Habang nagsisiyasat sa Simbahan noong binata pa siya, nakadama si Elder Vinson ng malakas na espirituwal na pahiwatig. Malinaw niyang naramdaman na kailangan siyang sumapi sa Simbahan para umunlad at makahanap ng mga sagot sa mga nalalabi pa niyang tanong. Siya ay nabinyagan at nakumpirma nang sumunod na linggo.

Mula noon, “Nalaman ko ang inaasahan ng Panginoon na gawin ko at natuklasan ko na may sagot ang lahat ng aking tanong.”

Mula nang mabinyagan noong 1974, si Elder Vinson ay nakapaglingkod bilang tagapayo sa bishopric, bishop, high councilor, tagapayo sa stake presidency, regional representative, tagapayo sa mission presidency, temple ordinance worker, at Area Seventy.

Siya ay ipinanganak sa Sydney, Australia noong Marso 12, 1951. Pinakasalan niya si Kay Anne Carden noong Mayo 1974. Sila ay may anim na anak.