2018
Elder Carl B. Cook
May 2018


Elder Carl B. Cook

Panguluhan ng Pitumpu

Larawan
Elder Carl B. Cook

Naniniwala si Elder Carl B. Cook na ang pribilehiyong makapaglingkod ay isa sa malalaking pagpapala ng pagiging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Subalit, alam din niya, na ang pagtanggap at pagganap sa mga tungkulin ay nangangailangan ng pananampalataya.

Si Elder Cook, na sinang-ayunan bilang miyembro ng Panguluhan ng Pitumpu noong Marso 31, 2018, ay inihalintulad ang mga miyembro ng Simbahan—na magkakasamang naglilingkod sa mga branch at ward, korum, at auxiliary—sa “compound gear” ng isang sasakyan, na lumilikha ng mas maraming metalikang kuwintas.

Sa sabay na paggamit ng compound gear at four-wheel drive, “maaari mong makuha ang kinakailangang puwersa para mapaandar ito,” sabi niya sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2016. “Tulad ng mga gear na nakapagbibigay ng mas malakas na puwersa kapag magkakasama, mas malakas ang ating puwersa kapag nagsama-sama tayo. Kapag nagkaisa tayo sa paglilingkod sa isa’t isa, mas marami tayong magagawa nang magkakasama kaysa kung nag-iisa lang tayo. Masayang makibahagi at magkaisa sa ating paglilingkod at pagtulong sa gawain ng Panginoon.”

Si Elder Cook ay sinang-ayunan bilang General Authority Seventy noong Abril 2, 2011. Bago matawag sa kanyang bagong tungkulin, si Elder Cook ay naglingkod sa Church headquarters, kung saan tumulong siya sa pangangasiwa sa North America West Area, maliban pa sa iba pang mga responsibilidad. Siya ay naglingkod noon bilang Pangulo ng Africa Southeast Area.

Hinikayat ni Elder Cook ang mga Banal sa mga Huling Araw na alalahanin na ang mga tungkulin sa Simbahan ay nanggagaling sa Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga hinirang na tagapaglingkod.

“Dumarating ang mga pagpapala kapag nagpapatuloy tayo sa ating mga tungkulin at responsibilidad at nagtitiis nang may pananampalataya.”

Si Elder Cook ay nagtapos ng bachelor of arts degree mula sa Weber State College sa Utah at ng master degree sa business administration mula sa Utah State University. Bago siya matawag sa Pitumpu, nagtrabaho siya sa commercial real estate development.

Kabilang sa mga naging tungkulin ni Elder Cook ang pagiging full-time missionary sa Hamburg, Germany, at bilang bishop, stake president, Area Seventy, at pangulo ng New Zealand Auckland Mission.

Siya ay ipinanganak sa Ogden, Utah, USA, noong Oktubre 15, 1957. Pinakasalan niya si Lynette Hansen noong Disyembre 1979. Sila ay may limang anak.