2016
Paglilingkod ng mga Propeta at Apostol
November 2016


Paglilingkod ng mga Propeta at Apostol

Ang mga propeta at apostol ay patuloy na naglilingkod sa buong mundo (tingnan sa D at T 107:23). Narito ang isang maikling buod ng ilan sa kanilang mga aktibidad mula noong huling pangkalahatang kumperensya:

Sa pagbisita ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, noong Mayo 2016, binigyan niya ng pag-asa ang mga miyembro sa mga lungsod na inatake kamakailan ng terorismo sa England, France, at Belgium. Binisita niya ang mga refugee, nagpunta sa pinagtatayuan ng Paris France Temple (na malapit nang matapos), at nakibahagi sa pagtatatag ng unang stake sa Czech Republic. Noong Hulyo, naglakbay siya patungong Italy, at nagbigay ng tsekeng nagkakahalaga ng $3 milyon mula sa pondo ng Simbahan bilang tulong sa mga refugee, at binisita ang mga refugee camp sa Greece. Noong Setyembre binisita niya ang mga miyembro sa Romania, Moldova, Slovakia, Norway, at Germany, kung saan niya muling inilaan ang Freiberg Germany Temple. Sinabi niya na naghahatid ang ebanghelyo ng pag-asa sa mga tao saanman sila naroon at taglay ng mga miyembro ang “tunay na hangarin na maging magkakapatid sa Simbahan.”

Pinamunuan ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol ang Moscow Russia Stake conference noong Hunyo, samantalang nagpulong naman ang ibang stake sa Saratov at St. Petersburg, Russia. Nakipagpulong din siya sa mga miyembro sa Latvia, Estonia, at Ukraine.

Sa England noong Hunyo, sinabi ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol sa mga miyembro ng British Parliament na ang kalayaan sa relihiyon ay nagtutulot sa mga simbahan na gumawa ng mabuti sa buong mundo. “Nais naming mabigyan ang lahat ng naninirahan sa planetang ito ng kalayaan sa relihiyon, at hindi natin gaanong nagagawa iyan sa kasalukuyan,” sabi niya.

Sa isang kumperensya na tumalakay sa pag-uusig sa relihiyon at puwersahang pandarayuhan na ginanap sa Windsor Castle sa England noong Setyembre, sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na maraming aral mula sa karanasan ng mga naunang LDS pioneer ang makatutulong sa mga refugee ngayon para makayanan ang kanilang sitwasyon. “Hangga’t maaari, dapat nating pag-ibayuhin at panatilihin ang kakaibang identidad ng mga refugee at pahalagahan ang mga kuwento mula sa kanilang nakaraan,” sabi niya.

Sa Spain, pati na rin sa Canary Islands, at sa Portugal, inanyayahan ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga miyembro, missionary, at lider na hikayatin ang mga di-gaanong aktibo na bumalik at lubusang makibahagi sa Simbahan.

Matapos na ganap at opisyal na kilalanin ng Vietnam ang Simbahan noong Hunyo, sina Elder Quentin L. Cook at Elder Gary E. Stevenson, kapwa miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay nakipagpulong sa mga opisyal ng pamahalaan at tinalakay ang kasaysayan at pag-unlad ng Simbahan. Tinalakay rin nila kung paano nakikibahagi ang Simbahan sa mga proyektong panlipunan at pagkakawanggawa at tumutulong sa mga maralita at nangangailangan. Sila rin ang namuno sa mga pulong sa Guam, Micronesia, at Japan.

Noong Hunyo rin, ang Brisbane, Australia, at Cook Islands ay napagpala sa pagbisita ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol. Binisita rin ni Elder Andersen ang isla ng Rarotonga at siya ang unang Apostol na nakarating sa pulo ng Mangaia.

Noong Hunyo, sa Colombia, Peru, at Ecuador iniba ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kanyang iskedyul upang bisitahin ang mga taong patuloy pa ring bumabangon mula sa pinsalang dulot ng malakas na lindol. Ibinahagi niya ang mensahe ng pagmamahal mula kay Pangulong Thomas S. Monson at tiniyak sa mga miyembro na apektado ng lindol na hindi sila nalilimutan.

Sa Guatemala noong Agosto, nakita ni Elder Quentin L. Cook ang patuloy na paglaki ng bilang sa family history research at temple work at sinabi na ito ay tanda ng pananampalataya ng mga miyembro.

Nang malugod na tanggapin ang hari at reyna ng Tonga sa Polynesian Cultural Center ng Simbahan sa Hawaii, USA, noong Hunyo, nagbigay si Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol ng pambungad na pananalita tungkol sa kahalagahan ng mga ugnayan ng pamilya.

Sa Louisiana, USA, binisita ni Pangulong Russell M. Nelson, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ni Elder M. Russell Ballard ang mga biktima ng pagbaha samantalang tumulong naman ang mga boluntaryo ng Mormon Helping Hands sa paglilinis ng napinsalang mga bahay noong Agosto at Setyembre. Sinabi ni Elder Ballard na mahigit 11,000 boluntaryo ang nagmula sa 13 estado.

At noong Setyembre, sa isang pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult na nagmula sa Washington, D.C., USA, sinabi ni Elder Cook, “Hindi tayo dapat matakot kahit sa mapanganib at maligalig na mundo.” Pinayuhan niya ang mga young adult na magtakda ng mabubuting mithiin at magplano na kamtin ang mga ito at huwag maliitin ang kanilang mga talento at kakayahan. Hinikayat din niya sila na suriin ang kanilang paggamit ng social media. “Lagi nating naririnig ang tungkol sa pagiging tunay sa social media,” sabi niya, ngunit “ang tapat na pagiging tulad ni Cristo ay mas mahalagang mithiin kaysa pagiging tunay.”

Ang mga bagong impormasyon tungkol sa paglilingkod ng mga nabanggit na lider ng Simbahan ay matatagpuan sa kani-kanilang Facebook pages at sa prophets.lds.org.