2013
Ang mga Summer Ko Malapit sa Templo
Hulyo 2013


Ang mga Summer Ko Malapit sa Templo

Ang awtor ay nakatira sa Utah, USA.

Malalaking pagpapala ang dumating nang gamitin ng aking pamilya ang aming bakasyon sa pagpunta sa templo tuwing summer.

Larawan

Larawan ng Stockholm Sweden Temple na kuha ni Stefan Hallberg, hindi maaaring kopyahin; background at border © Thinkstock/iStockphoto

Lumaki ako sa Norway. Ang pinakamalapit na templo ay nasa Stockholm, Sweden, na 8- hanggang 10-oras ang biyahe. Hindi na kailangang sabihin pa na anumang pagpunta sa templo ay kailangang planuhin at pag-isipang mabuti. Nagplano ang aming stake na dalawang beses bibisita sa templo para sa mga kabataan bawat taon; uupa ng bus ang ilang ward at magpupunta sa templo sa katapusan ng linggo. Masayang makasama ang ibang mga kabataan, pero gusto namin ng pamilya ko na magsama-sama kaming minsan sa pagpunta sa templo.

Kaya’t isang taon ay nagpasiya kaming magpunta sa Stockholm sa summer vacation namin. Napakagandang karanasan niyon, at di-naglaon ay nakaugalian na naming gawin iyon tuwing summer. Nagkakamping kami sa isang campground na malapit sa templo. Tuwing umaga gigising kami nang maaga para sa baptismal session kasama ang iba pang mga pamilya mula sa Norway na nagpunta sa templo. Pagkatapos ay naglalaro kami ng football at nagsu-swimming sa campground.

Ang mga summer na ito ay mga sagradong alaala sa akin ngayon. Bagama’t hindi gaanong malapit sa templo ang tirahan namin para magpunta roon buwan-buwan, laging espesyal na okasyon ang pagpunta namin. At kahit matagal at nakakapagod ang biyahe, pinagpala kami ng Panginoon sa aming sakripisyo. Ang mga espirituwal na karanasan ko sa templo ay nakatulong para mahalin ko ang templo at ang mga ordenansa nito. Mas pinaglapit din kami nito bilang pamilya.

Ang isang natatanging karanasang naaalala ko ay nang makaramdam ako ng kaunting pagrerebelde. Parang nakikita ko ang napakaraming mali ng mga magulang ko, at pakiramdam ko’y wala silang karapatang payuhan ako kung paano mamuhay. Bagama’t namuhay ako nang karapat-dapat para makapunta sa templo, pinagdudahan ko ang tungkulin ng aking ama bilang aming padre-de-pamilya. Ngunit nang sama-sama kaming magpunta sa templo para magsagawa ng mga binyag at kumpirmasyon, nadama ko roon ang presensya ng magiliw na espiritu. Nang ipatong ng aking ama ang kanyang mga kamay sa aking ulo para ikumpirma ako alang-alang sa mga taong pumanaw na, nadama kong pinagtibay sa akin ng Espiritu na kumikilos siya sa pamamagitan ng tunay na awtoridad ng priesthood. Ipinaunawa nito sa akin na kahit hindi perpekto ang aking ama, isa pa rin siyang mabuting ama at mapalad akong maging anak niya. Nadama ko na kailangan kong pagsisihan ang pagrerebelde ko at sikaping makita ang karunungan at pagmamahal sa kanyang mga pangaral.

Maraming taon na ang lumipas malinaw pa sa aking isipan ang alaala ng mga summer na iyon sa templo. Ang templo ay naging isa sa tunay na magagandang lugar sa mundo, tulad ng mga Tubig ng Mormon sa mga tao ni Alma: “Anong ganda nito sa mga mata nila na nakarating sa kaalaman ng kanilang Manunubos” (Mosias 18:30).